Pinawalang-sala si Abraham Bago Siya Tinuli

Pinatutunayan ni Pablo na hindi pinawalang-sala si Abraham dahil sa mga gawa ng Kautusan. Wala siyang maipagmamalaki. Pinawalang-sala siya sa pamamagitan ng pananampalataya, dahil sa biyaya at kagandahang-loob, hindi bilang isang utang, isang gantimpalang nararapat sa kaniyang mga gawa. Nagpapatotoo si David sa gayunding paraan ng pagpapawalang-sala, gaya ng ipinakikita ng katotohanang pinawalang-sala si Abraham habang hindi pa tuli, at pagkatapos ay tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli bilang tatak ng pagpapawalang-sala sa kaniya sa pamamagitan ng pananampalataya, upang maging espirituwal na ama siya kapuwa ng Judio at ng Gentil, na magkakaroon ng pantay na karapatan sa pagpapawalang-sala sa iisang kondisyon ng pananampalataya lamang.

A.D. 58

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Taga-Roma 4:1–12

1 Ano ngayon ang sasabihin natin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman? 2 Sapagkat kung pinawalang-sala si Abraham sa pamamagitan ng mga gawa, magkakaroon sana siya ng dahilan upang magmalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. 3 Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya bilang katuwiran.”

4 Ngayon sa kaniya na gumagawa, ang bayad ay hindi maibibilang na biyaya, ngunit isang kabayaran. 5 Ngunit sa kaniya na hindi gumagawa na sa halip ay sumasampalataya sa kaniya na nagpapawalang-sala sa mga masasama, maibibilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya. 6 Nagpahayag din si David ng pagpapala sa taong ibinilang ng Diyos na matuwid na walang gawa. 7 Sinabi niya, “Pinagpala ang mga pinatawad sa kanilang mga katampalasanan, at ang mga taong natakpan ang mga kasalanan. 8 Pinagpala ang tao na hindi bibilangin ng Panginoon ang kaniyang kasalanan.”

9 Kung gayon, ang pagpapalang ito ba ay inihayag sa mga taong tuli lamang, o pati na rin sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay naibilang kay Abraham na katuwiran.” 10 Kaya nga, paano ito naibilang? Nang si Abraham ba ay tinuli na o hindi pa? Hindi sa pagtutuli, kundi sa hindi pagtutuli.

11 Tinanggap ni Abraham ang tanda ng pagtutuli. Ito ay tatak ng pagkamatuwid ng pananampalataya na mayroon na siya nang siya hindi pa natutuli. Ang bunga ng tandang ito ay siya ang naging ama ng lahat ng nananampalataya, kahit na hindi sila ay nasa hindi pagtutuli. Ito ay nangangahulugan na ang katuwiran ay maibibilang sa kanila. 12 Ito ay nangangahulugan ding si Abraham ay naging ama ng pagtutuli, hindi lamang sa mga tuli, kundi pati na rin sa mga sumusunod sa mga yapak ng ating amang si Abraham. At ito ang pananampalataya na mayroon siya noong hindi pa siya natutuli.

Kasama ang mga Gentil sa Pangako kay Abraham

Ipinagpapatuloy ni Pablo ang kaniyang pangangatwiran sa pagpapahayag sa mga Judio na ang mismong pangakong ibinigay kay Abraham ay nagpakitang magiging mga tagapagmana niya ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya. Ngunit kung ang mga Judio lamang ang magiging mga tagapagmana ng pangako sa kaniya, nawawalan ng kabuluhan ang pananampalataya, at napapawalang-bisa ang pangakong ibinigay sa kondisyon ng pananampalataya. Sapagkat ipinaiilalim ng Kautusan ang makasalanan sa kaparusahan nang walang awa, at kung walang Kautusan, walang tuntunin ng tungkulin, kaya wala ring kasalanan. Dahil dito, ibinibigay ang pangako batay sa pananampalataya, at saklaw ng walang bayad na biyaya ng Diyos kapuwa ang mga likas at ang mga espirituwal na anak ni Abraham. Ang pagpapawalang-sala kay Abraham habang hindi pa siya tuli ay nagpapatunay na tinatanggap ang mga Gentil. Ang pangako mismo, na pinagtibay kay Abraham bilang ama ng maraming bansa, ang nagpapatibay sa karapatan ng mga Gentil sa lahat ng pagpapala ng pagtubos.

Mga Taga-Roma 4:13–22

13 Sapagkat ang pangako na naibigay kay Abraham at pati na rin sa kaniyang mga kaapu-apuhan ay hindi sa pamamagitan ng kautusan, ang pangakong ito na sila ang magiging mga tagapagmana ng mundo. Sa halip ay sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Sapagkat kung ang mga kabilang sa kautusan ay tagapagmana, ang pananampalataya ay walang kabuluhan, at mawawalan ng bisa ang pangako. 15 Sapagkat matinding galit ang naibibigay ng kautusan, ngunit kung saan walang kautusan, wala ring pagsuway.

16 Sa kadahilanang ito, nangyayari ito sa pamamagitan ng pananampalataya, upang ito ay sa pamamagitan ng biyaya. Ang kalalabasan, ang pangako ay tiyak para sa lahat ng mga kaapu-apuhan. At hindi lamang ang mga nakakaalam sa kautusan ang makakabilang sa mga kaapu-apuhan na ito, kundi pati na rin ang mga nagmula sa pananampalataya ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat, 17 tulad ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Naroon si Abraham sa presensiya ng kaniyang pinagkakatiwalaan, iyon ay ang Diyos, na nagbibigay buhay sa mga patay at lumilikha sa mga bagay na wala pa.

18 Sa kabila ng lahat ng mga pangyayari, nagtiwala ng lubusan si Abraham sa Diyos para sa hinaharap. Kaya naging ama siya ng maraming bansa, tulad ng sinabi, “... Magiging ganoon ang iyong mga kaapu-apuhan.” 19 Hindi siya mahina sa pananampalataya. Kinilala ni Abraham na patay na ang kaniyang katawan sapagkat mag-iisandaang taon na siya. Kinilala rin niya ang pagiging patay ng bahay-bata ni Sara. 20 Ngunit dahil sa pangako ng Diyos, hindi nag-alinlangan si Abraham sa pananampalataya. Sa halip, napalakas siya sa pananampalataya at nagbigay papuri sa Diyos. 21 Lubos siyang naniwala na kung ano ang ipinangako ng Diyos, kaya din niyang tuparin. 22 Kung kaya ito ay itinuring sa kaniya bilang katuwiran.

Itinala ang Pananampalataya ni Abraham para sa Ating Kapakanan

Itinala para sa ating kapakanan na tinanggap ng Diyos si Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinakikita nito sa atin na ang tanging paraan ng kaligtasan sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang Anak, na nagdusa para sa ating mga kasalanan at muling nabuhay bilang katiyakan ng ating pakikipagkasundo, o pagpapawalang-sala.

Mga Taga-Roma 4:23–25

23 Ngayon, hindi ito isinulat para lamang sa kaniyang kapakinabangan, na ibinilang sa kaniya. 24 Ito rin ay isinulat para rin sa atin, na ibibilang, tayong nanampalataya sa kaniya na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa kamatayan. 25 Ito ang siyang ibinigay para sa ating mga kasalanan at muling binuhay para sa ating pagpapawalang-sala.

Ang mga Pagpapalang Kasunod ng Pagpapawalang-sala

Patuloy na inililista ni Pablo ang mga dakilang pagpapala at pribilehiyong kasunod ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagkakaloob ng Banal na Espiritu sa mga Gentil ay nagpapakita ng pag-ibig ng Diyos sa kanila, na pinagtitibay ng pagkamatay ni Cristo para sa kanila habang mga pagano pa sila. Kaya ang mga Gentil ay may gayunding pag-asa ng kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo, at gayunding dahilan upang magalak sa Diyos, gaya ng mga likas na inapo ni Abraham, yamang naipagkasundo sila sa Diyos sa pamamagitan ng gayunding handog na pantubos sa kasalanan.

Mga Taga-Roma 5:1–11

1 Yamang napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan niya nagkaroon din tayo ng daan sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na kung saan tayo ay tumatayo. Nagagalak tayo sa pananalig na ibinibigay sa atin ng Diyos para sa hinaharap, ang pananalig na makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.

3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.

6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos. 7 Sapagkat mahirap para sa isang tao na mamatay para sa isang matuwid na tao. Iyan ay, marahil kung may isang maglalakas-loob na mamatay para sa mabuting tao. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin.

9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay natanggap natin ang pagkakasundong ito.

Kasalanang Orihinal sa Pamamagitan ni Adan, Buhay sa Pamamagitan ni Cristo

Inilalahad ngayon ni Pablo ang doktrina ng kasalanang orihinal. Ipinakikita niya na sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa mundo, at ang hatol na kamatayan ay sumapit sa lahat ng tao, sapagkat ang lahat ng isinilang pagkatapos nito ay may makasalanang kalikasan. Naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng katiwalian ng ating kalikasan bago pa nakilala ang Kautusan ni Moises. Si Adan, ang paunang larawan at makalupang pinuno ng sangkatauhan, ay nagpasa ng kasalanan. Si Cristo, ang katuparan ng larawang iyon at espirituwal na pinuno, ay nagpasa ng buhay at pagpapawalang-sala sa lahat. Ang mga bunga ng pagsunod ni Cristo ay higit kaysa sa mga bunga ng pagsuway ni Adan. Sa pamamagitan ng isang pagkakasala ay dinala ni Adan ang pagsuway at kamatayan sa mundo. Sa pamamagitan ng kaniyang pagsunod ay pinawalang-bisa ni Cristo ang kasamaan ng kasalanan, at sa pamamagitan ng katuwirang mula sa pananampalataya ay ibinalik sa buong sangkatauhan ang walang bayad na kaloob ng buhay at kapatawaran sa pagkakasala ng tao, kapwa sa kasalanang orihinal at sa mga kasalanang aktuwal na nagawa. Dumating ang Kautusan upang ipaalam ang pagkakasalang dulot ng kasalanan. Umaapaw ang biyaya at kaloob ng Diyos upang iligtas tayo mula sa paghatol ng Kautusan. Kung paanong naghari ang kasalanan sa lahat, na isinailalim ang buong sangkatauhan sa espirituwal at makalupang kamatayan, gayundin maghahari ang biyaya ng Diyos, na magbubunga ng kabanalang humahantong sa buhay na walang hanggan.

Mga Taga-Roma 5:12–21

12 Kung gayon, sa pamamagitan ng isang tao pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, sa ganitong kapamaraanan pumasok ang kamatayan dahil sa kasalanan. At lumaganap ang kamatayan sa sangkatauhan, dahil nagkasala ang lahat. 13 Sapagkat bago ang kautusan, ang kasalanan ay nasa sanlibutan na, ngunit walang pananagutan para sa kasalanan kung walang kautusan. 14 Gayunpaman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, at kahit pa sa mga hindi nagkasala na katulad ng pagsuway ni Adan na siyang huwaran ng paparating.

15 Ngunit gayunpaman, ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagkakasala. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagkakasala ng isa ay namatay ang marami, mas higit pa na sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos at ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ng isang tao na si Jesu-Cristo. 16 Sapagkat ang kaloob ay hindi tulad ng kinahantungan ng nagkasala. Sa isang banda, dumating ang paghatol ng kaparusahan dahil sa pagkakasala ng isang tao. Ngunit sa kabilang banda, ang kaloob na nagbubunga ng pagpapawalang-sala ay dumating pagkatapos ng maraming pagkakasala. 17 Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagkakasala ng isa, ang kamatayan ay naghari sa pamamagitan ng isa, mas lalo nang maghahari ang mga tatanggap ng kasaganahan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng buhay ng isa na si Jesu-Cristo.

18 Kung gayon, dahil sa pagkakasala ng isa, ang lahat ng tao ay dumating sa kaparusahan, gayon din sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran ay dumating ang pagpapawalang-sala ng buhay para sa lahat ng tao. 19 Dahil sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, ang lahat ay naging makasalanan, gayon din naman sa pamamagitan ng pagsunod ng isa, marami ang naging matuwid.

20 Ngunit dumating ang kautusan, upang sa gayon ang pagkakasala ay managana. Ngunit sa pananagana ng kasalanan, higit na nanagana ang biyaya. 21 Nangyari ito upang, gaya ng kamatayan na naghahari sa kamatayan, gayon din naman ang biyaya ay maghari sa pamamagitan ng katuwiran para sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon.