Ang mga taga-Corinto ang Liham ni Pablo

Patuyang nagtatanong si Pablo kung kailangan din ba niyang pumunta sa kanila na may mga liham ng rekomendasyon, gaya ng huwad na guro. Ipinahahayag niyang sila mismo ang kanyang mga liham ng rekomendasyon, na isinulat hindi ng tinta kundi ng Espiritu ng buhay na Diyos, kaya sila ang katibayan ng awtoridad na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos sa ministeryo ng bagong tipan.

A.D. 58

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Taga-Corinto 3:1–6

1 Sinisimulan ba naming papurihang muli ang aming mga sarili? Hindi namin kailangan ng mga liham ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo, tulad ng ibang tao, hindi ba? 2 Kayo mismo, ang aming liham ng rekomendasyon, nasusulat sa aming mga puso, alam at nababasa sa pamamagitan ng lahat ng tao. 3 At pinakita ninyo na kayo ay liham mula kay Cristo, na ipinadala sa pamamagitan namin. Ito ay naisulat hindi sa tinta kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na buhay. Hindi ito nasusulat sa tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng puso ng mga tao.

4 At ito ang tiwala na mayroon kami sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. 5 Wala kaming kakayahan sa aming mga sarili upang angkinin ang anumang bagay na galing mula sa amin. Sa halip, ang aming kakayahan ay mula sa Diyos. 6 ito ang Diyos na siyang gumawa na makaya naming kami ay maging mga lingkod ng isang bagong tipan. Ito ang tipan na hindi isang sulat ngunit ng Espiritu. Dahil ang sulat ay nakamamatay, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay ng buhay.

Ang Higit na Dakilang Kaluwalhatian ng Ebanghelyo

Laban sa huwad na guro, ipinahahayag ni Pablo ang maluwalhating kahigitan ng ebanghelyo. Ang tabing na tumakip sa lumilipas at panlabas na kaluwalhatian ni Moises ay isang sagisag ng kalabuan at matalinghagang katangian ng tipan ng kamatayan. Ang mga ministro ng tipan ng Espiritu, sa pamamagitan ng nagtatagal at higit na dakilang kaluwalhatian sa namamalaging mga kaloob at pagkasi ng Espiritu Santo, ay nagawang alisin ang tabing, ipaliwanag, at ipangaral sa lahat ng dako ang higit na maluwalhating tipan ng katuwiran.

2 Mga Taga-Corinto 3:7–18

7 Ngayon ang gawa ng kamatayan na nakaukit sa mga salita sa ibabaw ng bato ay dumating ng may kaluwalhatian na ang mga tao sa Israel ay hindi makatingin ng diretso sa mukha ni Moises. Dahil ito sa kaluwalhatiang mayroon sa kaniyang mukha, isang kaluwalhatian na naglalaho. 8 Hindi ba't ang mga gawa ng Espiritu ay siyang higit na maluwalhati? 9 Dahil kung ang paglilingkod ng kahatulan ay may kaluwalhatian, gaano pa kaya nananagana ang paglilingkod ng katuwiran sa kaluwalhatian! 10 Dahil sa katunayan, ang minsang naging maluwalhati ay hindi na naging maluwalhati sa paraang ito, dahil sa kaluwalhatian na humigit dito. 11 Dahil kung ang lumilipas ay may kaluwalhatian, gaano pa ang nananatili sa kaluwalhatian!

12 Dahil mayroon tayong pag-asa, napakatapang natin. 13 Hindi tayo tulad ni Moises, na naglagay ng takip sa kaniyang mukha, upang ang mga tao sa Israel ay hindi makatingin ng tuwid sa katapusan ng isang kaluwalhatian na naglalaho.

14 Ngunit ang kanilang mga isipan ay sarado. Kahit hanggang ngayon sa araw na ito, ang parehong takip sa mukha ay nanatili parin sa pagbasa ng lumang tipan. Hindi ito nabuksan, dahil tanging si Cristo lamang ang nakagawa nito. 15 Ngunit hanggang ngayon, sa tuwing si Moises ay mababasa isang takip ang tinataglay nila sa kanilang mga puso. 16 Ngunit kapag ang isang tao ay bumalik sa Panginoon, ang takip sa mukha ay matatanggal.

17 Ngayon ang Panginoon ay ang Espiritu. Kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, naroon ang kalayaan. 18 Ngayon tayong lahat na walang takip sa mga mukha ay makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binago tayo sa parehong larawan ng kaluwalhatian mula sa isang uri ng antas ng kaluwalhatian tungo sa isa pa, tulad ng mula sa Panginoon, na Espiritu.

Ipinangangaral ni Pablo si Cristo, Hindi ang Kanyang Sarili

Ipinakikita ni Pablo na ang maluwalhating ministeryong ipinagkatiwala sa kanya ay pumupuno sa kanya ng pag-asa at kasipagan. Nais niyang patunayan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng lubos na paglalahad ng mga katotohanan ng ebanghelyo, na maitatago lamang sa mga may makamundong pag-iisip, na binubulag ng kanilang mga pagnanasa at silakbo ng damdamin. Ipinahahayag ni Pablo na hindi niya hinahangad ang sarili niyang kaluwalhatian, sapagkat niliwanagan ng Diyos ang kanyang puso upang maipasa niya ang kaalaman at kaluwalhatian ng Diyos, na nahayag kay Jesu Cristo.

2 Mga Taga-Corinto 4:1–6

1 Samakatuwid, dahil kami ay mayroong ganitong ministeryo, at dahil nakatanggap kami ng awa, hindi kami pinanghinaan ng loob. 2 Sa halip, itinakwil pa namin ang mga kaparaanan na kahiya-hiya at nakatago. Hindi kami namumuhay sa pandaraya, at hindi namin ginagamit sa maling paraan ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan, iminumungkahi namin ang aming sarili para sa budhi ng lahat sa paningin ng Diyos. 3 Ngunit kung ang ating ebanghelyo ay nakatalukbong, nakatalukbong lamang ito sa mga nawawala.

4 Sa kanilang kalagayan, ang kanilang mga isip na walang pananampalataya ay binulag ng diyos ng mundong ito. Bilang resulta nito, wala silang kakayanang makita ang liwanag ng kaluwalhatian ni Cristo, na kalarawan ng Diyos. 5 Sapagkat hindi namin ipinapangaral ang aming mga sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami bilang inyong mga lingkod alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat ang Diyos ang siyang nagsabi, “Ang liwanag ay magniningning mula sa kadiliman.” Siya ay nagliwanag sa aming mga puso, upang ibigay ang liwanag ng kaalaman sa kaluwalhatian ng Diyos sa presensiya ni Jesu-Cristo.

Ang mga Apostol Bilang mga Banga ng Luwad

Inihahambing ni Pablo ang mga ministro ng ebanghelyo sa mga sisidlang luwad at ipinahahayag na pumili ang Diyos ng mga lalaking walang pinag-aralan at hindi mahalaga bilang kaniyang mga apostol, upang ipakitang ang pambihirang kapangyarihang nagpalaganap sa kaniyang relihiyon ay nagmula sa Diyos at hindi sa mga tao. Inililista niya ang mga paghihirap na kanilang hinarap bilang patunay na ang kanilang pagkaligtas mula sa mga ito ay hindi nagmula sa kanilang sarili kundi sa Diyos.

2 Mga Taga-Corinto 4:7–12

7 Ngunit mayroon kaming kayamanan sa loob ng isang sisidlang gawa sa putik, upang maging malinaw na ang lubhang dakilang kapangyarihan ay nararapat para sa Diyos at hindi sa amin. 8 Nagdurusa kami sa lahat ng bagay, ngunit hindi nagapi. Naguguluhan, ngunit hindi kami nawalan ng pag-asa. 9 Inuusig kami ngunit hindi pinabayaan. Hinahampas kami ngunit hindi nasira.

10 Palagi naming dinadala sa aming mga katawan ang kamatayan ni Jesus, nang sa gayon ang buhay ni Jesus ay maihayag din sa aming mga katawan. 11 Kaming mga nabubuhay ay laging nahaharap sa kamatayan alang-alang kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay maihayag sa aming mga katawang tao. 12 Sa kadahilanang ito, ang kamatayan ay kumikilos sa amin, ngunit ang buhay ay kumikilos sa inyo.

Pinatitibay si Pablo ng Pananampalataya at Pag-asa

Ipinakikita ni Pablo na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at ng pag-asa sa maluwalhating buhay na walang kamatayan, nakakayanan niya ang lahat ng paghihirap at panganib sa kaniyang ministeryong Kristiyano. Sinasabi niya sa kanila na tiniis niya ang mga pagdurusang ito para sa kanilang kapakanan, upang sila, na kumbinsido sa kaniyang katapatan, ay magpasalamat sa Diyos. Ipinahahayag niya ang kaniyang paniniwalang ang kaniyang mga pagdurusa alang-alang sa ebanghelyo ay magtatamo para sa kaniya ng katumbas na gantimpala sa langit. Dahil dito, hindi niya hinahangad ang mga panandaliang pakinabang ng mundong ito kundi ang walang hanggang kaluwalhatian ng daigdig na hindi nakikita.

2 Mga Taga-Corinto 4:13–18

13 Ngunit mayroon tayong parehong espiritu ng pananampalataya na ayon sa nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya ako ay nagpahayag.” Tayo rin ay nananampalataya, kaya't tayo rin ay nagpapahayag. 14 Alam namin na ang muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay bubuhayin din kaming muli kasama niya. Alam namin na dadalhin niya kami kasama ninyo sa kaniyang presensya. 15 Ang lahat ay para sa kapakanan ninyo nang sa gayon, habang lumalaganap ang habag sa maraming tao, ang pasasalamat ay lalong madaragdagan para sa kaluwalhatian ng Diyos.

16 Kaya hindi kami nasiraan ng loob. Kahit na pinanghihinaan kami sa aming panlabas na katawan, patuloy na pinalalakas ang amig kalooban sa araw-araw. 17 Sapagkat, ang panandalian at bahagyang pagdadalamhati na ito ay naghanda sa amin para sa walang hanggang bigat ng kaluwalhatian na hindi masukat. 18 Sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita. Ang mga bagay na nakikita ay panandalian, ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Ang Darating na Tahanan sa Langit

Ipinagpapatuloy ni Pablo ang kaniyang pangangatwiran sa pagpapakita kung gaano kahigit ang ating tahanan sa langit kaysa sa tinitirhan natin ngayon. Iginigiit niyang inihahanda tayo ng Diyos para sa kalagayang ito na walang kamatayan at ibinibigay sa atin ang kaniyang Espiritu bilang garantiya nito. Nagbibigay ito sa kaniya ng katapangan sa pangangaral at ginagawa siyang handang lisanin ang katawang ito upang makapiling ang Panginoon. Ngunit mabuhay man o mamatay, layunin niyang tanggapin siya ng Diyos, na siyang pagsusulitan ng lahat.

2 Mga Taga-Corinto 5:1–10

1 Alam natin na kung nasira ang ating lupang tahanan na tinitirahan, mayroon tayong tahanan sa langit na ginawa ng Diyos. Ito ay tirahan na hindi ginawa ng kamay ng tao, kundi walang hanggang tahanan, sa langit. 2 Sapagkat dumaraing tayo sa katawang lupa na ito, na naghahangad na madamitan ng ating makalangit na tahanan. 3 Hinahangad natin ito sapagkat sa pamamagitan ng ating pagsuot dito hindi tayo madaratnang hubad. 4 Sapagkat habang nakatira pa tayo sa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil nabibigatan. Ayaw nating matanggalan ng damit. Sa halip, nais nating madamitan, upang ang katawang namamatay ay mapalitan ng buhay. 5 Ang naghanda sa atin para sa ganitong pagbabago ay ang Diyos mismo, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan sa kung ano ang darating.

6 Kaya maging laging malakas ang loob. Dapat nating malaman na habang tayo ay nasa katawang-lupa, malayo tayo sa Panginoon. 7 Sapagkat lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Kaya mayroon tayong lakas ng loob. Mas pipiliin pa nating iwanan ang katawang ito at manirahan kasama ng Panginoon. 9 Kaya gawin natin itong layunin, kung tayo man ay nasa ating katawang lupa dito sa mundo o sa langit man, upang malugod siya. 10 Sapagkat tayo ay haharap sa hukuman ni Cristo, upang ang bawat isa ay makatanggap ng nararapat sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa katawan, maging sa mabuti man o masama.