Nagpatuloy si Pablo Patungong Grecia
Nagpatuloy si Pablo mula sa Macedonia patungong Grecia, o Acaya, at nanatili roon nang tatlong buwan.
A.D. 57
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
2 Nang mapuntah niya ang mga rehiyong iyon at labis na mapalakas ang loob ng mga mananampalataya, pumunta siya sa Grecia. 3 Pagkatapos niyang namalagi ng tatlong buwan doon, may nabuong masamang balak ang mga Judio laban sa kaniya nang siya ay maglalayag sa Siria, kaya nagpasiya siya na bumalik sa Macedonia.
Muling Sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto A.D. 58
Nang mabalitaan ni Pablo kung paano tinanggap ng mga taga-Corinto ang kanyang unang liham, isinulat niya ang kanyang ikalawang liham mula sa Filipos, upang bigyang-katwiran ang kanyang pag-uugali bilang apostol at ipagtanggol ang kanyang awtoridad, na kapwa kinuwestiyon ng isang huwad na guro.
Muling Binabati ni Pablo ang mga taga-Corinto
Ang pambungad at basbas ni Pablo.
1 Ako si Pablo na apostol ni Jesu-Cristo dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, para sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto at sa lahat ng mga mananampalataya sa buong rehiyon ng Acaya.
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Pinupuri ni Pablo ang Diyos Dahil sa Kanyang Pag-aliw
Pinupuri ni Pablo ang Diyos dahil sa pag-alalay at pagliligtas sa kanya sa lahat ng kanyang mga paghihirap at panganib, sapagkat sa pamamagitan ng kanyang halimbawa ay maaaliw ang iba sa katulad na mga pagdurusa sa pamamagitan ng gayunding kaaliwan.
3 Nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay mapapurihan. Siya ang Ama ng mga awa at ang Diyos ng lahat ng kaalliwan. 4 Ang Diyos ang nagbibigay ng kaginhawaan sa atin sa lahat ng ating mga pagdurusa, upang mabigyan natin ng kaaliwan ang lahat ng nagdurusa. Makakapagbigay tayo ng aliw sa iba kung paano tayo binigyang aliw ng Diyos. 5 Sapagkat kung paano nananagana ang paghihirap ni Cristo para sa atin, ganoon din nananagana ang kaaliwan na aming nararanasan mula kay Cristo.
6 Ngunit kung kami ay nagdurusa, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. At kung kami ay naaaliw, ito ay parasa inyong kaaliwan. Ang inyong kaaliwan ay mabisa kung ibabahagi ninyo nang may tiyaga ang mga paghihirap na atin ding naranasan. 7 At ang aming pagtitiwala para sa inyo ay tiyak. Alam namin na habang nakikihati kayo sa paghihirap, nakikihati din kayo sa kaaliwan.
Iniligtas ng Diyos si Pablo sa Efeso
Isinasalaysay ni Pablo kung paano siya iniligtas ng kapangyarihan ng Diyos mula sa napipintong panganib na hinarap niya sa Efeso. Kinikilala niya ang kanilang mga panalangin para sa kanya.
8 Dahil ayaw namin na hindi ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa kaguluhang naranasan namin sa Asya. Kami ay labis na nabigatan nang higit sa aming makakaya, na halos hindi na kami umasang mabuhay pa. 9 Sa katunayan, hinatulan na kami ng kamatayan. Ngunit iyon ay upang hindi kami magtiwala sa aming mga sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
10 Siya ang nagligtas sa amin sa malagim na kamatayan, at ililigtas niya kaming muli. Inilagay na namin ang aming pagtitiwala sa kaniya na ililigtas niya kaming muli. 11 Gagawin niya ito habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin. At marami ang magpapasalamat para sa amin para sa pagpapala na ibinigay sa amin sa pamamagitan ng panalangin ng marami.
Ang Katapatan ni Pablo sa mga taga-Corinto
Habang pahapyaw na tinutukoy ang mga paninirang-puri ng huwad na guro, ikinagagalak ni Pablo ang kanyang katapatan at kalinisan ng pag-uugali sa mga taga-Corinto, na ipinahahayag niyang walang anumang makasarili o pansariling hangarin. Nagtitiwala siyang kikilalanin siya ng lahat at ipagmamalaki, gaya ng ginawa na ng ilan, sapagkat sila ang magiging kagalakan niya sa araw ng Panginoon.
12 Ipinagmamalaki namin ito: ang patotoo ng aming budhi. Dahil sa malinis na hangarin at katapatan sa Diyos kaya kami namuhay sa mundo. Ginawa namin ito lalong lalo na sa inyo, at hindi sa karunungan ng mundo, ngunit sa halip sa biyaya ng Diyos. 13 Hindi kami sumulat sa inyo ng ano mang bagay na hindi niyo mababasa o maiintindihan. Ako ay nagtitiwala 14 na naintindihan na ninyo kami ng bahagya. At nagtitiwala ako na sa araw ng ating Panginoong Jesus, kami ay inyong ipagmamalaki, katulad ng pagmamalaki namin sa inyo.
Bakit Ipinagpaliban ni Pablo ang Kanyang Pagdalaw
Inakusahan ng huwad na guro si Pablo ng pag-aatubili at pagiging makamundo dahil hindi niya natupad ang pagdalaw na ipinangako niya sa mga taga-Corinto. Ipinakikita ni Pablo ang kanyang pagiging matatag sa di-nagbabagong doktrinang itinuro niya, at itinuturo ang pagpapahid ng Espiritu Santo, na sa pamamagitan nito ay matibay na itinatag ng Diyos ang kanyang awtoridad sa gitna nila. Taimtim niyang ipinahahayag na ang tunay niyang dahilan sa pagpapaliban ng kanyang pagdalaw ay ang hangaring hindi sila maparusahan. Tinitiyak niya sa kanila na, sa halip na dumating upang parusahan sila, sumulat siya nang may matinding dalamhati, upang magalak siya sa kanilang pagsisisi at mahikayat silang maniwala kung gaano kadakila ang kanyang pag-ibig.
15 Dahil nagtitiwala ako tungkol dito, nais kong una kayong puntahan, upang matanggap ninyo ang pakinabang ng dalawang pagbisita. 16 Balak kong bumisita sa inyo sa pagpunta ko sa Macedonia. Pagkatapos nais kong bumisita muli sa inyo sa aking paglalakbay galing Macedonia at upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea.
17 Nang nag-iisip ako ng ganito, nag-aalinlangan ba ako? Binalak ko ba ang mga bagay ayon sa pamantayan ng mga tao, upang masabi ko ang “Oo, oo” at “Hindi, hindi” ng sabay? 18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, hindi natin sasabihin ng sabay ang “Oo” at “Hindi.” 19 Dahil si Jesu-Cristo na Anak ng Diyos na ipinahayag namin nina Silvanus at Timoteo sa inyo, ay hindi “Oo” at “Hindi.” Kundi laging “Oo”. 20 Dahil ang lahat ng mga pangako ng Diyos ay “Oo” sa kaniya. Kaya sa pamamagitan din niya, magsasabi tayo ng “Amen” sa kaluwalhatian ng Diyos.
21 Ngayon ang Diyos na nagpatibay sa amin at sa inyo kay Cristo, at kaniya tayong sinugo. 22 Nilagay niya ang kaniyang tatak sa atin at ibinigay ang Espiritu sa ating mga puso bilang katiyakan sa kung ano ang ibibigay niya sa atin pagkatapos. 23 Sa halip, tumawag ako sa Diyos upang maging saksi para sa akin na ang dahilan ng hindi ko pagpunta sa Corinto ay upang matulungan ko kayo. 24 Ito ay hindi dahil sa sinusubukan namin kayong pangunahan kung ano ang dapat sa inyong paniniwala. Sa halip, kami ay gumagawa kasama ninyo para sa inyong kagalakan, habang kayo ay naninindigan sa inyong pananampalataya.
2:1 Kaya pinasya ko sa aking sarili na huwag na muling pumunta sa inyo nang nakakasakit. 2 Kung nagdulot ako sa inyo ng sakit, sino pa ba ang makapagpapasaya sa akin kundi ang mga nasaktan ko? 3 Sumulat ako gaya ng aking ginawa upang sa aking pagpunta sa inyo ay maaaring hindi na ako masaktan ng mga dapat ay nagbigay ng kagalakan sa akin. Naniniwala ako sa inyo na ang kagalakan na aking nararanasan ay tulad din ng kagalakang mayroon kayo. 4 Dahil sumulat ako sa inyo ng may matinding kapighatian, at may pusong nagdadalamhati, at maraming pagluha. Ayaw kong magdulot sa inyo ng sakit. Sa halip, nais kong malaman ninyo kung gaano kalalim ang pag-ibig na mayroon ako para sa inyo.
Patawarin at Tanggaping Muli ang Nagkasala
Iniuutos ni Pablo sa kanila na tanggaping muli ang lalaking itiniwalag na kanilang ipinagdalamhati, ngayong taimtim na itong nagsisisi, at ipakita ang kanilang pag-ibig sa kanya sa pamamagitan ng mabait at magiliw na pakikitungo, upang hindi siya maitulak ni Satanas sa kawalan ng pag-asa. Inaasahan ni Pablo na susundin nila siya sa pag-aalis ng parusa, gaya ng pagsunod nila sa kanya sa pagpapataw nito. Ipinahahayag niya na sa dalawang ito ay kumilos siya sa pangalan at awtoridad ni Cristo.
5 Kung sino man ang nagdulot ng sakit, hindi niya lamang ito ginawa sa akin, ngunit sa halip—hindi sa nagiging mahigpit ako—ay sa inyong lahat. 6 Ang parusang ito ng nakararami sa taong iyon ay sapat na. 7 Kaya ngayon, sa halip na parusahan, dapat ninyo siyang patawarin at bigyan ng kaaliwan. Gawin ninyo ito upang hindi siya manghina dahil sa labis na kalungkutan. 8 Kaya hinihikayat ko kayo na pagtibayin ninyo ang pag-ibig ninyo para sa kaniya sa harapan ng marami.
9 Ito ang dahilan kaya ako sumulat, upang masubok ko at malaman kung masunurin kayo sa lahat ng bagay. 10 Kung pinatawad ninyo ang sino man, patatawarin ko rin ang taong iyon. Ano man ang aking pinatawad—kung pinatawad ko ang anumang bagay— pinatawad ko ito para sa inyong kapakanan sa harap ni Cristo. Ito ay upang hindi tayo malinlang ni Satanas. 11 Dahil hindi tayo mga mangmang sa kaniyang mga balak.
Ang Pag-aalala ni Pablo Tungkol kay Tito
Bilang isa pang dahilan kung bakit hindi siya pumunta sa Corinto sa itinakdang panahon, binabanggit ni Pablo ang kanyang pag-aalala tungkol kay Tito. Isinasalaysay niya ang kanyang tagumpay sa Macedonia, at ipinahahayag ang malalaking bunga ng kanyang pangangaral, kapwa para sa mga tumatanggap sa ebanghelyo at sa mga tumatanggi rito. Nagtatapos siya sa isang matalas na puna tungkol sa huwad na guro at sa pagpapahayag ng sarili niyang katapatan at kawalan ng pagkamakasarili.
12 Isang pinto ang binuksan para sa akin ng Panginoon nang ako ay pumunta sa lungsod ng Troas upang maipangaral ang ebanghelyo ni Cristo doon. 13 Kahit pa walang kapayapaan sa aking isipan, dahil hindi ko nahanap doon si Tito na aking kapatid. Kaya iniwan ko sila doon at bumalik sa Macedonia.
14 Ngunit, salamat sa Diyos na laging nagdadala sa atin sa tagumpay kay Cristo. Sa pamamagitan natin, ipinalaganap niya ang mabangong samyo ng kaalaman sa kaniya sa lahat ng dako. 15 Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong samyo kay Cristo, maging sa mga nailigtas at sa mga napapahamak. 16 Sa mga taong napapahamak, ito ay isang samyo mula sa kamatayan para sa kamatayan. Sa mga nailigtas, ito ay isang samyo mula sa buhay para sa buhay. Sino ang karapat-dapat sa mga bagay na ito?
17 Dahil hindi kami tulad ng maraming tao na ipinagbibili ang salita ng Diyos para sa kita. Kundi, sa malinis na layunin, nagsasalita kami kay Cristo, dahil kami ay mga sinugo mula sa Diyos, sa paningin ng Diyos.