Dalawang Talinghaga Tungkol sa Panalangin

Dalawang talinghaga tungkol sa panalangin: ang matiyagang biyuda, at ang Pariseo at ang maniningil ng buwis.

A.D. 29 hanggang 30

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Lucas 18:1–14

18:1 Pagkatapos, sinabi niya ang isang talinghaga sa kanila tungkol sa kung paano sila dapat laging manalangin, at huwag panghinaan ng loob, 2 sinasabi, “Sa isang lungsod, may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos at hindi niya iginagalang ang mga tao. 3 Ngayon may isang babaeng balo sa lungsod na iyon, at madalas itong pumupunta sa kaniya, sinasabi, 'Tulungan mo akong makamit ang katarungan laban sa aking kaaway.'

4 Sa loob ng mahabang panahon hindi niya ito nais na tulungan, ngunit pagkatapos ng maikling panahon, sinabi niya sa kaniyang sarili, 'Bagaman hindi ako natatakot sa Diyos o hindi ko iginagalang ang tao, 5 ngunit dahil ginagambala ako ng balong ito, tutulungan ko siyang makamit ang katarungan, upang hindi niya ako pagurin sa kaniyang palagiang pagpunta rito.”'

6 Pagkatapos sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng hindi makatarungang hukom. 7 Ngayon, hindi ba ibibigay din ng Diyos ang katarungan sa kaniyang mga hinirang na dumaraing sa kaniya araw at gabi? Hindi ba siya magiging matiyaga sa kanila? 8 Sinasabi ko sa inyo na agad niyang dadalhin ang katarungan sa kanila. Ngunit kapag dumating ang Anak ng Tao, may matatagpuan ba siyang pananampalataya sa lupa?”

9 At sinabi din niya ang talinghagang ito sa mga taong nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at humahamak sa ibang tao, 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at ipinanalangin ang mga bagay na ito tungkol sa kaniyang sarili, 'Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo dahil hindi ako katulad ng ibang taong magnanakaw, mga hindi matuwid, mga mangangalunya, o tulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Nag-aayuno ako ng dalawang beses bawat linggo. Ibinibigay ko ang ikapu ng lahat ng aking nakukuha.'

13 Ngunit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa di-kalayuan, ayaw man lang tumingin sa langit, ngunit dinadagukan niya ang kaniyang dibdib, sinasabi, 'Diyos, kaawaan mo ako, na isang makasalanan.' 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito sa kaniyang bahay na napawalang-sala kaysa sa isa, dahil maibababa ang bawat taong nagmamataas ng kaniyang sarili at maitataas ang bawat taong nagpapakababa ng kaniyang sarili.”

Nagtuturo si Jesus Tungkol sa Diborsiyo

Habang naglalakbay mula sa Galilea na dumaraan sa Perea, nagtuturo si Jesus tungkol sa diborsiyo.

Pereya

Mateo 19:1–12

19:1 Nangyari, nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, umalis siya mula sa Galilea at nakarating sa hangganan ng Judea lampas pa ng Ilog Jordan. 2 Napakaraming tao ang sumunod sa kaniya at sila ay pinagaling niya roon.

3 Pumunta sa kaniya ang mga Pariseo upang subukin siya na nagsasabi, “Pinahihintulutan ba sa batas na hihiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa sa anumang kadahilanan?”

4 Si Jesus ay sumagot at nagsabi, “Hindi ba ninyo nabasa, na ang gumawa sa kanila sa simula pa lamang ay ginawa silang lalaki at babae?

5 At sinabi rin niyang, 'Sa ganitong dahilan iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makiisa sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging iisang laman?'

6 Kaya nga sila ay hindi na dalawa, kundi iisang laman. Samakatwid ang ano mang pinagsama ng Diyos ay walang sinumang makapaghihiwalay.”

7 Sinabi nila sa kaniya, “Bakit noon ay inutusan tayo ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at paalisin na siya?”

8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong mga asawa, subalit mula sa simula hindi gayon.

9 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang makikipaghiwalay sa kaniyang asawa, maliban sa sekwal na imoralidad, at mag-aasawa ng iba, ay nangangalunya. At ang lalaki na magpapakasal sa hiniwalayan na babae ay nakagawa ng pangangalunya.”

10 Sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Kung ganyan ang kalagayan ng lalaki sa kaniyang asawa, mabuti pang hindi na mag-aasawa.”

11 Subalit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi lahat ay tatanggap sa aral na ito, kundi sila lamang na pinahihintulutan na tanggapin ito. 12 Sapagkat mayroong mga eunuko na ipinanganak sa sinapupunan ng kanilang ina. At may mga eunoko na ginawang eunuko ng mga tao. At may mga eunuko na ginawa nilang mga eunuko ang kanilang sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Siya na kayang tumanggap sa aral na ito, tanggapin niya ito.

Marcos 10:1–12

10:1 Iniwan ni Jesus ang lugar na iyon at pumunta sa rehiyon ng Judea at sa lugar lampas sa Ilog ng Jordan at muling pumunta ang mga tao sa kaniya. Tinuruan niyang muli ang mga ito, gaya ng kaniyang nakagawian.

2 At pumunta sa kaniya ang mga Pariseo upang subukin siya at nagtanong, “Naaayon ba sa batas ang hiwalayan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa?”

3 Sumagot siya, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”

4 Sinabi nila, “Pinahintulutan ni Moises ang lalaki na sumulat ng katibayan ng paghihiwalay at pagkatapos ay paaalisin siya.”

5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ay dahil sa matitigas ninyong mga puso, kaya isinulat niya ang batas na ito.

6 Ngunit sa simula pa lamang ng paglikha, 'Ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.'

7 'Sa kadahilanang ito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makipisan sa kaniyang asawa,

8 at ang dalawa ay magiging isang laman.' Kaya hindi na sila dalawa, kundi iisang laman. 9 Kaya ang pinagbuklod ng Diyos, huwag paghiwalayin ng tao.”

10 Nang nasa bahay na sila, muli siyang tinanong ng kaniyang mga alagad tungkol dito.

11 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng ibang babae ay nangangalunya laban sa kaniya. 12 At kung makikipaghiwalay ang babae sa kaniyang asawa at mag-asawa ng ibang lalaki, siya ay nangangalunya.”

Si Cristo at ang mga Bata

Si Cristo at ang mga bata, at ang kabiguan ng mga alagad na maunawaan ang saloobin ni Jesus.

Pereya

Mateo 19:13–15

19:13 May maliliit na mga bata na dinala sa kaniya upang patungan ng kaniyang mga kamay at ipanalangin sila, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad.

14 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ang maliliit na mga bata, at huwag silang pagbawalan na pumunta sa akin, sapagkat ang kaharian ng langit ay para sa mga ganito.”

15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at pagkatapos umalis mula roon.

Marcos 10:13–16

10:13 At dinala nila ang kanilang mga anak sa kaniya upang sila ay maaari niyang hawakan, ngunit sinaway sila ng mga alagad.

14 Ngunit nang mabatid ito ni Jesus, labis na sumama ang kaniyang loob at sinabi sa kanila, “Pahintulutan ninyong pumunta sa akin ang mga maliliit na bata at huwag ninyo silang pagbawalan, dahil nabibilang ang mga katulad nila sa kaharian ng Diyos.

15 Totoo, sinasabi ko ito sa inyo, sinumang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang maliit na bata ay tiyak na hindi makakapasok dito.”

16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata at binasbasan niya sila sa pagpatong ng kaniyang kamay sa kanila.

Lucas 18:15–17

18:15 Dinadala rin ng mga tao kay Jesus ang kanilang mga sanggol, upang sila ay kaniyang mahawakan, ngunit nang makita ito ng mga alagad, sinaway nila ang mga ito,

16 Ngunit pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, sinasabi, “Payagan ninyo ang mga maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang pagbawalan. Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga gaya nila.

17 Totoo, sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang bata ay tiyak na hindi makapapasok doon.”