Ang Mayamang Batang Pinuno at ang mga Panganib ng Kayamanan
Ang mayamang batang pinuno, ang mga panganib ng kayamanan, at ang pagkamangha ng mga alagad. Malalaki ang magiging mga gantimpala sa pag-iwan ng lahat upang sumunod sa Mesias, ngunit ibibigay ang mga ito ayon sa pagpapasya ng Diyos bilang pinakamataas na pinuno (ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan).
Sa Perea
A.D. 29 hanggang 30
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 19:16–20:16
19:16 Masdan ito, isang lalaki ang lumapit kay Jesus at sinabi, “Guro, ano ang mabuting bagay na kinakailangan kong gawin upang ako ay magkaroon ng buhay na walang hanggan?”
17 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, ngunit kung nais mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga kautusan.”
18 At sinabi ng lalaki sa kaniya, “Alin sa mga kautusan? Sinabi ni Jesus, “Huwag kang pumatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magsinungaling sa iyong pagsaksi,
19 igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, at ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamamhal mo sa iyong sarili.
20 At sinabi ng binatang lalaki sa kaniya, ang lahat nang ito ay sinunod ko. Ano pa ba ang kailangan ko?
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka at ipagbili mo ang iyong ari-arian at ibigay sa mahihirap, at magkakaroon ka ng yaman sa langit. At halika, sumunod ka sa akin.”
22 Subalit ng marinig ng binatang lalaki ang sinabi ni Jesus, umalis siya na malungkot, sapagkat siya ay may napakaraming mga ari-arian.
23 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mahirap makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng langit.
24 Muling sinasabi ko sa inyo, madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”
25 Nang mapakinggan ito ng mga alagad, sila ay namangha at sinabi, “Sino kung gayon ang maaaring maligtas?”
26 Tumingin sa kanila si Jesus at sinabi, “Sa mga tao ito ay imposible ngunit sa Diyos, lahat ay posible.”
27 Sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod saiyo. Ano ang makakamtan namin?”
28 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, kayo na sumunod sa akin, sa bagong kapanganakan kapagka ang Anak ng Tao ay uupo na sa trono sa kaniyang kaluwalhatian, kayo rin naman ay uupo sa labindalawang mga trono, maghuhukom sa labingdalawang mga tribu ng Israel.”
29 Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ama at ina, o lupain alang alang sa akin, ay makakatanggap ng isang daang beses at magmamana ng buhay na walang hanggan.
30 Subalit marami ang nauna ngayon na mahuhuli at marami sa mga nahuhuli ay mauuna.
20:1 Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang nagmamay-ari ng lupain, na lumabas ng maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kaniyang ubasan. 2 Pagkatapos niyang makipagsundo sa mga manggagawa sa isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya sila sa kaniyang ubasan.
3 Lumabas siya muli sa dakong alas nuwebe noong umagang iyon at nakita niya ang ibang mga manggagawa na nakatayong walang ginagawa sa pamilihan. 4 Sinabi niya sa kanila, 'Pumunta rin kayo sa ubasan, at kung ano ang nararapat sa inyo ay ibibigay ko.' At sila ay pumunta upang magtrabaho. 5 Lumabas siyang muli nang mag-aalas dose ng tanghali at muli nang mag-aalas tres ng hapaon, at ganoon din ang ginawa niya.
6 At sa isa pang pagkakataon nang mag-aalas singko ng hapon, siya ay lumabas at nakatagpo ng iba pang nakatayong walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila, 'Bakit kayo nakatayo rito na walang ginagawa sa maghapon?'
7 Sinabi nila sa kaniya, 'Sapagka't wala ni isang umupa sa amin,' Sinabi niya sa kanila, 'Kayo rin ay pumunta sa ubasan.'
8 At nang sumapit ang gabi, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kaniyang tagapangasiwa, 'Tawagin ang mga manggagawa at ibigay ang kanilang sahod, mula sa nahuli hanggang sa nauna.'
9 At nang ang mga manggagawa na inupahan nang mag-aalas singko ay dumating, bawat isa sa kanila ay tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang ang mga naunang manggagawa ay dumating, inisip nila na higit na marami ang kanilang tatanggapin, subalit bawat isa sa kanila ay tumanggap rin ng tig-iisang denaryo.
11 At nang matanggap nila ang kanilang mga sahod, sila ay nagreklamo tungkol sa may-ari ng ubasan. 12 Sabi nila, 'Ang mga huling manggagawang ito ay isang oras lang na nagtrabaho, ngunit ipinantay mo sila sa amin, sa amin na nagdala ng pasan sa buong araw at sa nakakasunog na init.'
13 Subalit sumagot ang may-ari ng ubasan at nagsabi sa isa sa kanila, 'Kaibigan, wala akong nagawang mali sa iyo, Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang denaryo? 14 Tanggapin mo ang para sa iyo at humayo ka. Kagalakan ko ang magbigay sa mga nahuling mga manggagawa na inupahan katulad ng sa inyo. 15 Hindi ba marapat sa akin na gawin kung ano ang nais kong gawin sa aking mga pag-aari?' O ang iyong mata ay masama dahil ako ay mabuti?
16 Kaya nga ang nauuna ay nahuhuli at ang nahuhuli ay nauuna.”
Marcos 10:17–31
10:17 At nang simulan niya ang kaniyang paglalakbay, patakbong lumapit sa kaniya ang isang lalaki at lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang manahin ang buhay na walang hanggan?”
18 At sinabi ni Jesus, “Bakit mo ako tinawag na mabuti? “Walang sinuman ang mabuti, maliban lamang sa Diyos.
19 Alam mo ang mga kautusan: 'Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magpapatotoo ng kasinungalingan, huwag kang mandaraya, igalang mo ang iyong ama at ina'.”
20 Sinabi ng lalaki, “Guro, sinunod ko ang lahat ng mga bagay na ito magmula pa sa aking pagkabata.”
21 Tiningnan siya ni Jesus at minahal siya. Sinabi niya sa kaniya, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Dapat mong ipagbili ang lahat ng mayroon ka at ibigay sa mga mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay sumunod ka sa akin.”
22 Ngunit pinanghinaan siya ng loob sa mga pahayag na ito, umalis siya na lubusang nalungkot sapagkat marami siyang ari-arian.
23 Tumingin si Jesus sa kaniyang paligid at sinabi sa kaniyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!”
24 Namangha ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Ngunit muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga bata, napakahirap ang makapasok sa kaharian ng Diyos!
25 Mas madali pang makapasok sa butas ng karayom ang kamelyo, kaysa sa isang mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”
26 Labis silang namangha at sinabi sa isa't isa, “Kung gayon sino ang maliligtas?”
27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “ Hindi magagawa ito sa mga tao, ngunit hindi sa Diyos. Sapagkat magagawa ng Diyos ang lahat.”
28 Nagsimulang magsalita sa kaniya si Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.”
29 Sinabi ni Jesus, “Totoo ang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman ang nang-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita,
30 ang hindi makatatanggap ng isandaang ulit pa ng mga ito sa mundo ngayon: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak at mga lupain na may mga pag-uusig, at sa mundong paparating, ang buhay na walang hanggan.
31 Ngunit marami ang nauuna na mahuhuli at ang nahuhuli ay mauuna.”
Lucas 18:18–30
18:18 Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya, sinasabi, “Mabuting guro, ano ang kailangan kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti, kundi ang Diyos lamang.
20 Alam mo ang mga kautusan—huwag kang mangalunya, huwag kang pumatay, huwag kang magnakaw, huwag kang magpatotoo ng kasinungalingan, igalang mo ang iyong ama at ina.”
21 Sinabi ng pinuno, “Sinunod ko ang lahat ng bagay na ito mula pa sa aking pagkabata.”
22 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya sa kaniya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Dapat mong ipagbili ang lahat ng mayroon ka at ipamahagi mo ito sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit—at halika, sumunod ka sa akin.”
23 Ngunit nang marinig ng mayamang lalaki ang mga bagay na ito, labis siyang nalungkot, sapagkat napakayaman niya.
24 Habang tinitingnan siya ni Jesus, lubha siyang nalungkot at sinabi, “Gaano na lamang kahirap para sa mga mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos!
25 Sapagkat mas madali para sa isang kamelyo na pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 Sinabi ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon sino ang maliligtas?”
27 Sumagot si Jesus, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat ng aming pag-aari at sumunod sa iyo.”
29 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo, sinasabi ko sa inyo na walang sinumang nag-iwan ng kaniyang bahay, o asawang babae, o mga kapatid na lalaki, o mga magulang, o mga anak, para sa kapakanan ng kaharian ng Diyos,
30 ang hindi makatatanggap ng mas marami sa mundong ito at sa mundong darating, ng buhay na walang hanggan.”