Inihayag ni Jesus ang Kaniyang Darating na Kamatayan at Sinaway sina Santiago at Juan

Muling inihayag ni Jesus sa mga alagad ang kaniyang darating na kamatayan at muling pagkabuhay, at sinaway ang makasariling ambisyon nina Santiago at Juan.

Malamang sa Perea

A.D. 29 hanggang 30

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 20:17–28

20:17 Habang si Jesus ay patungo sa Jerusalem, ang labindalawa ay isinama niya at habang nasa daan sinabi niya sa kanila,

18 “Tingnan ninyo, aakyat tayo patungo sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga punong mga pari at mga eskriba. At siya ay hahatulan nila ng kamatayan

19 at ibibigay sa mga Gentil upang siya ay kutyain, paluin, at ipako siya sa krus. Ngunit sa ikatlong araw siya ay babangunin.

20 At ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo ay pumunta kay Jesus kasama ang kaniyang mga anak. Yumukod siya sa kaniyang harapan at humiling ng isang bagay sa kaniya.

21 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nais mong hilingin?” Sinabi niya sa kaniya, “Ipag-utos mo na ang aking dalawang anak ay makakaupo sa iyong kaharian, ang isa sa iyong dakong kanang kamay at ang isa naman ay sa iyong dakong kaliwang kamay,.”

22 Subalit sinagot siya ni Jesus at nagsabi, “Hindi ninyo alam kung ano ang iyong hinihiling. Kaya ba ninyong inumin ang tasa na aking iinumin?” Sinabi nila sa kaniya, “Kaya namin.”

23 Sinabi niya sa kanila, “Ang aking tasa ay tunay ninyong inumin. Subalit ang pag-upo sa aking dakong kanang kamay at sa aking dakong kaliwang kamay ay hindi sa aking pagpapasya, ngunit ito ay para sa kanila na pinaghandaan ng aking Ama.”

24 At nang mapakinggan ito ng sampung mga alagad, labis silang hindi nasiyahan sa dalawang magkapatid.

25 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi, “Alam ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay nanglulupig sa kanila, at ang mga mahahalagang mga tao sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan upang sundin sila.

26 Subalit hindi dapat mangyari ito sa inyo. Sa halip, ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo.

27 At ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo.

28 Katulad ng Anak ng Tao hindi siya naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pangtubos sa marami.

Marcos 10:32–45

10:32 Nasa daan sila, paakyat sa Jerusalem at nauuna si Jesus sa kanila. Namangha ang mga alagad at ang mga sumusunod ay natatakot. At muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at nagsimulang sabihin sa kanila ang nalalapit na mangyayari sa kaniya,

33 “Tingnan ninyo, pupunta tayo sa Jerusalem, at ihaharap ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay siya sa mga Gentil.

34 Kukutyain nila siya, duduraan, hahagupitin at kanilang papatayin. Ngunit mabubuhay siya pagkatapos ng tatlong araw.”

35 Pumunta sa kaniya sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo at sinabi, “Guro, gusto naming gawin mo para sa amin ang kahit anong hingin namin sa iyo.”

36 Sinabi niya sa kanila, “Anong gusto ninyong gawin ko para sa inyo?”

37 Sinabi nila, “Payagan mo kaming umupo na kasama mo sa iyong kaluwalhatian, isa sa iyong kanang kamay at ang isa sa iyong kaliwa.”

38 Ngunit sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong uminom sa tasang iinuman ko o tiisin ang bautismo na ibabautismo sa akin?”

39 Sinabi nila sa kaniya, “Makakaya namin.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang tasang iinuman ko, iinuman ninyo at ang bautismo na ibabautismo sa akin, titiisin ninyo.

40 Ngunit kung sino ang uupo sa aking kanang kamay o sa aking kaliwang kamay, hindi ako ang magkakaloob kundi para ito sa kaninumang naihanda na.”

41 Nang marinig ng iba pang sampung alagad ang tungkol dito, nagsimula silang magalit ng labis kina Santiago at Juan.

42 Tinawag sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang itinuturing na mga pinuno ng mga Gentil ang nangingibabaw sa kanila, at ang kanilang mga mahahalagang tao ang nagpapatupad ng kapangyarihan sa kanila.

43 Ngunit hindi sa paraang ito ang nararapat sa inyo. Sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay nararapat ninyong maging lingkod,

44 at sinumang nagnanais na manguna sa inyo ay nararapat na maging alipin ng lahat.

45 Sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang paglingkuran, ngunit upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang katubusan ng lahat.”

Lucas 18:31–34

18:31 Pagkatapos niyang tipunin ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila, “Masdan ninyo, paakyat tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.

32 Sapagkat ibibigay siya sa mga Gentil, at kukutyain, at ipapahiya, at duduraan.

33 Pagkatapos siyang hagupitin, siya ay papatayin nila at sa ikatlong araw muli siyang mabubuhay.”

34 Wala silang naunawaan sa mga bagay na ito, at ang salitang ito ay lingid sa kanila, at hindi nila naunawaan ang mga bagay na nasabi.