Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeo at ang Kaniyang Kasama
Sa Jerico
A.D. 29 hanggang 30
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 20:29–34
20:29 Habang sila ay paalis mula sa Jerico, napaka-raming tao ang sumunod sa kaniya.
30 At nakita nila ang dalawang bulag na lalaki na nakaupo sa daan. Nang marinig nila na si Jesus ay dumaraan, sila ay sumigaw at nagsabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin.”
31 Subalit sinaway sila ng mga tao, sinabihan sila na tumahimik. Ngunit, lalo silang nagsisisigaw ng malakas at nagsabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin.”
32 At huminto si Jesus at tinawag sila at nagsabi, “Ano ang nais ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sinabi nila sa kaniya, “Panginoon, na ang aming mga mata ay mabuksan.”
34 At si Jesus, na nakadama ng pagkahabag, hinipo ang kanilang mga mata. Agad agad ay natanggap nila ang kanilang paningin at sumunod sa kaniya.
Marcos 10:46–52
10:46 Nakarating sila sa Jerico. Nang paalis na si Jesus sa Jerico kasama ang kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao, ang anak ni Timeo, na si Bartimeo, isang bulag na pulubi ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 Nang marinig niyang si Jesus na taga-Nazaret iyon, nagsimula siyang sumigaw at nagsabi, “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!”
48 Maraming sumusuway sa bulag, na nagsasabi na manahimik siya. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin!”
49 Huminto si Jesus at iniutos na siya ay tawagin. Tinawag nila ang bulag na sinasabi, “Maging matapang ka! Tumayo ka! Tinatawag ka niya.”
50 Inihagis niya ang kaniyang balabal, lumukso at pumunta kay Jesus.
51 At sinagot siya ni Jesus at sinabi, “Anong gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng bulag, “Rabi, gusto kong matanggap ang aking paningin.”
52 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka. Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.” Kaagad niyang natanggap ang kaniyang paningin at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Lucas 18:35–43
18:35 At nangyari, nang palapit si Jesus sa Jerico, may isang bulag na lalaking nakaupo sa tabi ng kalsada na namamalimos,
36 at nang narinig niya ang maraming tao na dumaraan, tinanong niya kung ano ang nangyayari.
37 Sinabi nila sa kaniya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.
38 Kaya sumigaw ang bulag na lalaki, sinasabi, “Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin.”
39 Sinaway ng mga naunang naglalakad ang bulag na lalaki, sinasabi sa kaniya na manahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
40 Huminto si Jesus at iniutos na dalhin sa kaniya ang lalaki. At nang malapit na ang bulag na lalaki, tinanong siya ni Jesus,
41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi niya, “Panginoon, gusto kong makakita.”
42 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tanggapin mo ang iyong paningin. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43 Kaagad niyang natanggap ang kaniyang paningin, at sumunod sa kainya na niluluwalhati ang Diyos. Pagkakita nito, nagbigay ng papuri ang lahat ng tao sa Diyos.
Dumalaw si Jesus kay Zaqueo
Dumalaw si Jesus kay Zaqueo, isinalaysay ang talinghaga ng mga mina, at umalis patungong Jerusalem.
Jerico
Lucas 19:1–28
19:1 Pumasok si Jesus at dumaraan sa Jerico. 2 Masdan ninyo, mayroong lalaki doon na nagngangalang Zaqueo. Siya ay isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya ay mayaman. 3 Sinusubukan niyang makita kung sino si Jesus, ngunit hindi niya makita sa dami ng tao, dahil siya ay maliit. 4 Kaya tumakbo siya sa unahan ng mga tao at umakyat sa isang puno ng sikamoro upang makita siya, dahil daraan si Jesus sa daang iyon.
5 Nang makarating si Jesus sa dakong iyon, tumingala siya at sinabi sa kaniya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat sa araw na ito, kinakailangan kong manatili sa iyong tahanan.”
6 Kaya nagmadali siya, bumaba at tinanggap siya nang may galak. 7 Nang makita ito ng lahat, dumaing silang lahat, sinasabi, “Pumunta siya upang bisitahin ang isang taong makasalanan.”
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya sa Panginoon, “Tingnan mo, Panginoon, ibabahagi ko sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga ari-arian, at kung ako ay may nadayang sinuman sa anuman, ibabalik ang halaga ng maka-apat na beses.”
9 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sa araw na ito, dumating ang kaligtasan sa bahay na ito, dahil anak din siya ni Abraham. 10 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang mga taong nawawala.”
11 Habang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siyang magsalita at nagsabi ng isang talinghaga, dahil malapit siya sa Jerusalem, at inakala nila na ang kaharian ng Diyos ay magsisimula na kaagad. 12 Kaya sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong bansa upang tanggapin ang isang kaharian para sa kaniya at pagkatapos ay babalik. 13 Tinawag niya ang sampu sa kaniyang mga lingkod, at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, 'Mag-negosyo kayo hanggang ako ay bumalik.'
14 Ngunit kinamuhian siya ng kaniyang mga mamamayan at pinasunod sa kaniya ang isang lupon ng kinatawan, sinasabi, 'Ayaw namin na ang taong ito ang mamuno sa amin.'
15 Nangyari nang siya ay bumalik, natanggap na niya ang kaharian, pinatawag niya ang mga lingkod na binigyan niya ng pera, upang malaman niya kung magkano ang kanilang tinubo sa pagnenegosyo.
16 Ang una ay lumapit sa kaniyang harapan, sinasabi, 'Panginoon, ang iyong mina ay nadagdagan pa ng sampung mina.'
17 Sinabi ng maharlika sa kaniya, 'Magaling, mabuting lingkod. Dahil ikaw ay naging tapat sa kakaunti, ikaw ay magkakaroon ng kapangyarihan sa sampung lungsod.'
18 Ang pangalawa dumating, sinasabi, 'Ang iyong mina, panginoon, ay nadagdagan pa ng limang mina.'
19 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Mamamahala ka sa limang lungsod.'
20 At dumating ang isa pa, sinasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina, na maingat kong itinago sa isang tela, 21 sapagkat natatakot ako sa iyo, dahil ikaw ay mabagsik na tao. Kinukuha mo ang hindi mo iniipon, at inaani ang hindi mo inihasik.'
22 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Huhusgahan kita ayon sa iyong mga salita, ikaw na masamang lingkod. Alam mo na ako ay mabagsik na tao, kinukuha ang hindi ko inilagay, at inaani ang hindi ko inihasik. 23 Kung gayon bakit hindi mo inilagay ang aking pera sa bangko, upang sa pagbalik ko, makuha ko ito nang may kasamang tubo?'
24 Sinabi ng maharlika sa mga nakatayo doon, 'Kunin ninyo ang mina sa kaniya, at ibigay ninyo sa may sampung mina.'
25 Sinabi nila sa kaniya, 'Panginoon, mayroon siyang sampung mina.'
26 'Sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mayroon ay mabibigyan pa ng mas marami, ngunit sa kaniya na wala, kahit ang mayroon siya ay kukunin sa kaniya. 27 Ngunit ang aking mga kaaway, ang mga may ayaw na maghari ako sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa harapan ko.'”
28 Nang nasabi na niya ang mga bagay na ito, nauna na siyang pumunta, paakyat sa Jerusalem.