Ang mga Epekto ng Muling Pagbuhay kay Lazaro
Ang epekto ng muling pagbuhay kay Lazaro sa mga tao, sa konseho, at sa mga paggalaw ni Jesus.
Jerusalem at Efraim sa Judea
A.D. 29 hanggang 30
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Juan 11:45–54
11:45 At ang maraming Judio na pumunta kay Maria at nakita kung ano ang ginawa ni Jesus, ay sumampalataya sa kaniya; 46 ngunit may ilan sa kanila ang umalis papunta sa mga Pariseo at sinabi ang mga ginawa ni Jesus.
47 At tinipon ng mga pinunong pari at ng mga Pariseo ang konseho at sinabi, “Ano ang ating gagawin? Ang taong ito ay maraming ginagawang mga tanda. 48 Kung hahayaan natin siyang mag-isa katulad ng ganito, lahat ay maniniwala sa kaniya; ang mga Romano ay paparito at kukunin ang ating lugar at gayon din ang ating bansa.
49 Gayon pa man, may isang lalaki sa kanila, si Caifas na ang pinakapunong pari nang taong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala kayong nalalaman. 50 Hindi ba ninyo iniisip na ito ay naaangkop na may isang taong dapat mamatay para sa mga tao kaysa ang buong bansa ang mamatay.”
51 Ngayon, sinabi niya ito hindi sa kaniyang sariling pagkukusa; sa halip, dahil siya ang pinakapunong pari ng taong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay dapat mamatay para sa bansa, 52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin din ni Jesus ang mga anak ng Diyos na nakakalat sa iba't ibang lugar.
53 Kaya mula ng araw na iyon ay pinagplanuhan na nila kung paano papatayin si Jesus. 54 Hindi na naglalakad ng hayag si Jesus sa gitna ng mga Judio, ngunit umalis siya doon at pumunta sa isang bansa na malapit sa ilang sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Doon ay nanatili siya kasama ang mga alagad.
Nagsimula si Jesus sa Kaniyang Huling Paglalakbay Patungong Jerusalem
Nagsimula si Jesus sa huling paglalakbay patungong Jerusalem, na dumaraan sa Samaria at Galilea.
Sa Samaria o Galilea
Pinagaling niya ang sampung ketongin at ipinaliwanag sa mga Pariseo at sa mga alagad ang kalikasan ng kaharian ng Diyos.
Lucas 17:11–37
17:11 Nangyari na habang sila ay nasa daan patungong Jerusalem, siya ay naglalakbay sa lupaing pagitan ng Samaria at Galilea. 12 At sa kaniyang pagpasok sa isang nayon, doon ay sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin. Tumayo sila nang malayo sa kaniya 13 at nilakasan nila ang kanilang tinig, sinasabi, “Jesus, Amo, maawa ka sa amin.”
14 Nang makita niya sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo at ipakita ninyo ang inyong mga sarili sa mga pari.” At nangyari nga na habang sila ay papunta, sila ay nalinisan.
15 Nang makita ng isa sa kanila na gumaling siya, bumalik siya nang may malakas na tinig na niluluwalhati ang Diyos. 16 Yumuko siya sa paanan ni Jesus, nagpapasalamat sa kaniya. Isa siyang Samaritano.
17 Sumagot si Jesus, sinabi, “Hindi ba sampu ang nilinis? 18 Nasaan ang siyam? Wala bang ibang bumalik upang luwalhatiin ang Diyos, maliban sa dayuhang ito?”
19 Sinabi niya sa kaniya, “Tumayo ka, at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
20 Nang naitanong sa kaniya ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi isang bagay na mapagmamasdan. Ni hindi nila sasabihin, 21 'Tumingin kayo rito!' o, 'Tumingin kayo roon!' dahil ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Darating ang mga araw na nanaisin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 Sasabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, naroon!' o, 'Tingnan ninyo, narito!' Ngunit huwag kayong pumunta, ni sumunod sa kanila, 24 sapagkat gaya ng paglitaw ng kidlat kapag ito ay kumislap buhat sa isang panig ng kalangitan tungo sa ibang panig ng kalangitan, gayon din naman ang Anak ng Tao sa kaniyang araw. 25 Ngunit kailangan muna niyang magdusa ng labis at itakwil ng salinlahing ito.
26 Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayon din ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao. 27 Nagsisikain sila, nagsisiinom, nagsisipag-asawa at ibinibigay sila upang mag-asawa, hanggang sa araw na pumasok sa arko si Noe—at dumating ang baha at pinatay silang lahat.
28 Gayon din naman, katulad ng nangyari sa panahon ni Lot, sila ay nagsisikain, nagsisiinom, nagsisibili, nagsisitinda, nagsisipagtanim at sila ay nagsisipatayo ng gusali. 29 Ngunit nang araw na lumabas mula sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit, at pinuksa silang lahat.
30 Ganoon din naman ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa taas ng bahay ay huwag nang bumaba upang ilabas ang kaniyang mga kagamitan sa bahay. At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinumang naghahangad na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay ay makapagliligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay mayroong dalawang tao sa isang higaan. Ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. 35 Mayroong dalawang babae ang magkasamang gigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.” 36 (Mayroong dalawang tao sa bukid, ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.)
37 Tinanong nila sa kaniya, “Saan, Panginoon?” At sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre.”