Ang Tatlong Oras ng Kadiliman
Ang tatlong oras ng kadiliman, mula tanghali hanggang alas tres ng hapon.
(Apat pang pananalita sa pagtatapos ng kadiliman, at ang pagkamatay ni Cristo.)
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 27:45–50
27:45 Ngayon, mula sa tanghaling tapat dumilim ang buong paligid hanggang sa alas tres ng hapon.
46 At dakong alas tres ng hapon, sumigaw si Cristo na may malakas na tinig at sinabi, “Eli, Eli, lama sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 Nang ang ilan sa mga nakatayo doon ay nakarinig nito, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.”
48 Agad-agad ang isa sa kanila ay tumakbo at kumuha ng spongha, pinuno ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng tungkod at ibinigay ito sa kaniya upang inumin.
49 At ang iba sa kanila ay nagsabi, “Hayaan ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”
50 Pagkatapos nito muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig at isinuko ang kaniyang espiritu.
Marcos 15:33–37
15:33 Sa ika-anim na oras, nagdilim ang buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras.
34 Sa ika-siyam na oras, sumigaw si Jesus ng may malakas na boses, “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” na ang ibig sabihin, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
35 Narinig iyon ng ilan sa mga nakatayo na malapit sa kaniya at sinabing, “Tignan ninyo, tinatawag niya si Elias.”
36 May isang tumakbo, naglagay ng maasim na alak sa espongha, inilagay ito sa isang tambong tungkod at ibinigay ito sa kaniya upang inumin. Sinabi ng lalaki, “Tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya.”
37 Pagkatapos ay sumigaw si Jesus ng may malakas na boses at namatay.
Lucas 23:44–46
23:44 Nang pasapit na ang Ika-anim na oras, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras
45 habang nagdidilim ang araw. Pagkatapos, nahati sa gitna ang kurtina ng templo.
46 At si Jesus, na may malakas na tinig ay nagsabi, “Ama, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu sa iyong mga kamay.” Pagkasabi niya nito, siya ay namatay.
Juan 19:28–30
19:28 Pagkatapos nito si Jesus, dahil alam niya na ang lahat ng mga bagay ay tapos na, upang ang kasulatan ay magkatotoo sinabi niya, “Ako ay nauuhaw.”
29 Isang lalagyan na puno ng maasim na alak ang nailagay doon, kaya naglagay sila ng isang espongha puno ng maasim na alak sa isang tukod ng isopo at iniangat ito sa kaniyang bibig. 30 Nang matanggap ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya, “Naganap na.” Iniyuko niya ang kaniyang ulo at isinuko ang kaniyang espiritu.
Ang mga Pangyayaring Kasabay ng Pagkamatay ni Cristo
Mateo 27:51–56
27:51 Masdan ito, ang kurtina sa templo ay nahati sa dalawa mula itaas hanggang sa baba. At ang mundo ay nayanig, at ang mga bato ay nahati. 52 At ang mga libingan ay nabuksan, at ang katawan ng mga banal na tao na nakatulog ay bumangon. 53 At lumabas sila mula sa mga libingan pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay, pumasok sa banal na lungsod, at nagpakita sa marami.
54 Ngayon nang masaksihan ng kapitan ng kawal at ng mga nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, lubha silang natakot at nagsabi, “Tunay na Anak siya ng Diyos.”
55 At maraming mga kababaihan na sumunod kay Jesus mula sa Galilea upang mag-aruga sa kaniya ay naroon at nakatinggin sa di kalayuan.
56 Kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo.
Marcos 15:38–41
15:38 Napunit sa dalawa ang kurtina ng templo mula itaas hanggang ibaba.
39 At nang makita ng senturion na nakatayo at nakaharap kay Jesus na namatay siya sa ganitong paraan, sinabi niya, “Tunay ngang siya ang Anak ng Diyos.”
40 Mayroon ding mga babaing nakatingin sa malayo. Kabilang sa kanila ay sina Maria Magdalena, Maria (ang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose), at si Salome.
41 Nang siya ay nasa Galilea sumunod sila sa kaniya at pinaglingkuran siya. Marami ring mga kababaihan ang sumama sa kaniya sa Jerusalem.
Lucas 23:47–49
23:47 Nang makita ng senturion ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos, sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito.”
48 Nang ang mga bagay na naganap ay nakita ng napakaraming taong sama-samang dumating upang saksihan ang pangyayaring ito, nagsi-uwian sila na dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, at ang mga babaing sumunod sa kaniya mula sa Galilea, ay nakatayo sa di-kalayuan, pinapanood ang mga bagay na ito.