Inilibing si Jesus sa Libingan ni Jose na Taga-Arimatea

Matapos mapatunayang patay na siya, inilibing ang katawan ni Jesus sa libingan ni Jose na taga-Arimatea.

Biyernes ng hapon bago mag-alas-6 ng gabi

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 27:57–60

27:57 Nang sumapit ang gabi, may dumating na mayamang tao na taga-Arimatea na nagngangalang Jose, na isa ding alagad ni Jesus.

58 Kinausap niya si Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. Pagkatapos nito nag-utos si Pilato na ibigay ito sa kaniya.

59 Kinuha ni Jose ang katawan, binalot ito ng malinis na lino,

60 at hinimlay niya ito sa kaniyang bagong libingan na kaniyang inuka sa bato. Pagkatapos, pinagulong ang malaking bato at ipinangtakip sa pinto ng libingan at umalis.

Marcos 15:42–46

15:42 Nang gumabi na, dahil ito ay araw ng Paghahanda, na ang araw bago ang Araw ng Pamamahinga,

43 pumunta si Jose na taga-Arimatea doon. Isa siya sa mga iginagalang na kasapi ng Konseho na naghihintay sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus.

44 Namangha si Pilato nang malaman niyang patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturion upang tanungin kung patay na nga si Jesus. 45 Nang malaman niya mula sa senturion na patay na nga siya, ibinigay na niya ang katawan ni Jesus kay Jose.

46 Bumili si Jose ng linong tela. Ibinaba niya siya mula sa krus, ibinalot siya sa linong tela, at ihinimlay siya sa isang libingan na tinapyas mula sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan.

Lucas 23:50–54

23:50 Masdan ninyo, may isang lalaking nagngangalang Jose, na kabilang sa Konseho, isang mabuti at matuwid na tao 51 (hindi siya sumang-ayon sa kanilang pasya at sa kanilang ginawa), mula sa Arimatea, isang Judiong lungsod, na siyang naghihintay sa kaharian ng Diyos.

52 Ang taong ito ay lumapit kay Pilato, hiningi ang katawan ni Jesus.

53 Ibinababa niya ito, at binalot ito ng pinong lino, at inilagay siya sa isang libingang inukit sa bato, na hindi pa napaglilibingan.

54 Noon ay ang Araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang Araw ng Pamamahinga.

Juan 19:31–42

19:31 Noon ay Paghahanda, at upang hindi manatili ang katawan sa krus habang Araw ng Pamamahinga, (sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay isang mahalagang araw), hiniling ng mga Judio kay Pilato na ang mga binti ng mga lalaking ipinako ay baliin, at ibaba na ang kanilang mga katawan. 32 At pumunta ang mga sundalo at binali ang mga binti ng unang lalaki at ng ikalawang lalaki na napako kasama ni Jesus.

33 Nang pumunta sila kay Jesus, nakita nila na siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34 Gayunpaman, tinusok ng isa sa mga sundalo ang kaniyang tagiliran gamit ang sibat, at agad-agad lumabas ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ay naging saksi at at ang kaniyang patotoo ay totoo. Alam niya na anuman ang kaniyang sinabi ay totoo upang kayo din ay maniwala.

36 Ang mga bagay na ito ay nangyari upang ang kasulatan ay matupad, “Walang mababali ni isa sa kaniyang mga buto.” 37 Isa pang kasulatan ay nagsabi, “Pagmamasdan nila siya na kanilang ipinako.”

38 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga Arimatea, dahil siya ay isa sa mga alagad ni Jesus, ngunit sa takot sa mga Judio ay palihim na hiniling kay Pilato kung maaari niyang kunin ang katawan ni Jesus. Binigyan siya ni Pilato ng pahintulot. Kaya pumunta si Jose at kinuha ang kaniyang katawan.

39 Pumunta rin si Nicodemo, na siyang unang pumunta kay Jesus ng gabi. Nagdala siya ng pinaghalong mira at sabila, mga isang daang litras ang bigat.

40 Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng telang lino na may kasamang mga pabango, ayun sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing ng mga katawan.

41 Ngayon, sa lugar kung saan siya napako ay may isang hardin; at sa hardin na iyon ay may isang bagong libingan na kung saan ay wala pang tao na naililibing.

42 Dahil ito ay araw ng paghahanda para sa mga Judio at dahil sa malapit lang ang libingan, inilagay nila si Jesus doon.

Nagbabantay ang mga Babae sa Tabi ng Libingan ni Jesus

Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng hapon

Patuloy na nagbabantay ang mga babae at nagpapahinga sa Araw ng Pamamahinga (na nagsisimula sa alas-6 ng gabi), samantalang ipinapabantay ng mga Pariseo sa mga kawal na Romano ang tatak na Romano sa libingan.

Mateo 27:61–66

27:61 Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon, nakaupo sa tapat ng libingan.

62 Sa sumunod na araw, na ang araw matapos ang Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Pariseo ay nagkatipun-tipon kasama ni Pilato. 63 At sinabi nila, “Ginoo, naalala namin noong nabubuhay pa ang mapanlinlang, sinabi niya, 'Pagkatapos ng tatlong araw ako ay muling mabubuhay.' 64 Kaya iutos mo na ang libingan ay mabantayang mabuti hanggang sa ikatlong araw. Kung hindi maaring pumunta ang kaniyang mga alagad at nakawin siya at sasabihin sa mga tao, 'Nabuhay siya mula sa mga patay.' At ang huling panlilinlang ay malala pa sa nauna.”

65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Magdala kayo ng tagapagbantay. Pumunta kayo at tiyakin ninyong ligtas hanggang sa kaya ninyo.” 66 Kaya pumunta sila at siniguradong ligtas ang libingan, sinelyohan ang bato at naglagay ng tagapagbantay.

Marcos 15:47

15:47 Nakita nila Maria Magdalena at ni Maria na ina ni Jose ang lugar kung saan inilibing si Jesus.

Lucas 23:55–56

23:55 Ang mga babaing kasama niyang lumabas sa Galilea ay sumunod, at nakita ang libingan at kung paano inilagay ang kaniyang katawan. 56 Sila ay umuwi, at naghanda ng mga pabango at mga pamahid. At sa araw ng Pamamahinga, sila ay nagpahinga ayon sa kautusan.