Ang Unang Tatlong Oras sa Krus

Mula alas nuwebe ng umaga hanggang tanghali ng Biyernes (tatlong pananalita ni Jesus; pinagsusugalan ng mga kawal ang kasuotan ni Jesus; ang nakasulat sa krus; kinukutya si Jesus ng mga tao, ng Konseho, ng mga kawal, at maging ng dalawang magnanakaw na nasa magkabilang panig ni Cristo)

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 27:35–44

27:35 Nang siya ay ipinako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kaniyang mga kasuotan sa pamamagitan ng pagsasapalaran.

36 At sila ay nagsiupo at binantayan siya.

37 Sa itaas ng kaniyang ulo ay nilagyan nila ng sakdal laban sa kaniya na nagsasabi, “Ito ay si Jesus, ang Hari ng mga Judio.”

38 May dalawang magnanakaw na naipako sa krus na kasama niya, ang isa ay sa kaniyang kanan at ang isa ay sa kaniyang kaliwa.

39 At hinamak siya ng mga dumaan, at iniling ang kanilang mga ulo 40 at nagsasabi, “Ikaw na sisira ng templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka riyan sa krus!”

41 Sa ganoon ding paraan kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at mga nakatatanda, at sinabi, 42 Siya'y nagligtas ng iba, ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Siya ay Hari ng Israel. Hayaan mo siyang bumaba mula sa krus at tayo ay maniniwala na sa kaniya.

43 Nagtiwala siya sa Diyos. Iligtas siya ng Diyos ngayon kung nais niya, dahil sinabi niya, 'Ako ay Anak ng Diyos. ’

44 At ang mga magnanakaw na kasama niyang naipako sa krus ay nagsalita din ng katulad na panlalait sa kaniya.

Marcos 15:24–32

15:24 Ipinako nila siya at pinaghati-hatian ang kaniyang kasuotan sa pamamagitan ng pagsasapalaran upang malaman kung anong parte ng kasuotan ang makukuha ng bawat kawal.

25 Ikatlong oras na nang siya ay ipinako nila. 26 Sinulat nila sa isang karatula ang bintang laban sa kaniya, “Ang Hari ng mga Judio.”

27 Kasama niyang ipinako sa krus ang dalawang magnanakaw, isa sa kanan niya, at isa sa kaliwa. 28 (At naisakatuparan ang Kasulatan na nagsasabing: At siya ay ibinilang sa mga suwail.)

29 Ininsulto siya ng mga taong dumaraan, umiiling ang kanilang mga ulo at sinasabi, “Oy! Ikaw na wawasak sa templo at magtatayo muli nito sa loob ng tatlong araw, 30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka mula sa krus!”

31 Sa ganoong paraan din ay kinukutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba, at sinabi, “Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kaniyang sarili.

32 Hayaan nating bumaba mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, nang makita natin at mapaniwala tayo.” Pati ang mga kasama niyang nakapako sa krus ay nilalait rin siya.

Lucas 23:34, 38, 35–37, 39–43

23:34 Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” At sila ay nagsapalaran, hinati-hati ang kaniyang kasuotan.

38 Mayroon ding isang karatula sa itaas niya, “ITO ANG HARI NG MGA JUDIO.”

35 Ang mga tao ay nakatayong nanonood habang kinukutya rin siya ng mga pinuno, sinasabi, “Niligtas niya ang iba. Hayaan ninyong iligtas niya ang kaniyang sarili, kung siya nga ang Cristo ng Diyos, ang hinirang.”

36 Pinagtawanan din siya ng mga kawal, lumalapit sa kaniya, inaalukan siya ng suka,

37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”

39 Nilait siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus, sinasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.”

40 Ngunit sumagot ang isa, sinaway siya at sinabi, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos, sapagkat ikaw ay nasa ilalim ng parehong parusa? 41 Nararapat lang na narito tayo, sapagkat tinatanggap natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit ang taong ito ay walang ginawang mali.” 42 At dagdag pa niya, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”

43 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tunay ngang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa paraiso.”

Juan 19:18, 23–24, 19–22, 25–27

19:18 Doon nila ipinako si Jesus, kasama niya ang dalawa pang lalaki, isa sa magkabilang tabi, at nasa gitna si Jesus.

23 Pagkatapos ipako ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kaniyang kasuotan at pinaghatihati ng apat, isang bahagi sa bawat sundalo, at gayon din ang tunika. Ngayon ang tunika ay walang tahi, ito ay hinabi mula sa itaas at sa lahat ng bahagi. 24 Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, “Huwag nating punitin ito, sa halip tayo ay magsapalaran para dito upang malaman natin kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang maganap ang kasulatan na nagsasabi, “Pinaghati-hatian nila ang mga kasuotan ko sa kanilang mga sarili, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.”

19 Sumulat rin si Pilato ng karatula at inilagay ito sa krus. Ito ang nakasulat doon: SI JESUS Na TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.

20 Maraming mga Judio ang nakabasa ng karatulang ito dahil ang lugar kung saan ipinako si Jesus ay malapit sa lungsod. Ang karatula ay naisulat sa Hebreo, sa Latin at sa Griyego.

21 At sinabi ng mga pinunong pari ng mga Judio kay Pilato, “Huwag mong isulat, 'Ang hari ng mga Judio', sa halip ay ang sinabi niyang, 'Ako ang Hari ng mga Judio.'”

22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.”

25 Ginawa ng mga sundalo ang mga bagay na ito. Ang ina ni Jesus, ang kapatid ng ina ni Jesus, si Maria na asawa ni Cleopas, at Maria Magdalena— ang mga babaeng ito ay nakatayo malapit sa krus ni Jesus. 26 Nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na nakatayo sa malapit, sinabi ni Jesus sa kaniyang ina, “Babae, tingnan mo, narito ang iyong anak.” 27 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa alagad, “Tingnan mo, narito ang iyong ina!” Mula sa mga oras na iyon tinanggap na siya ng alagad na kabahagi ng sariling niyang tahanan.