Kinutya ng mga Sundalong Romano si Jesus

Biyernes, sa pagitan ng alas-6 at alas-9 ng umaga

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 27:27–30

27:27 Pagkatapos, dinala ng mga kawal ng gobernador si Jesus sa pretorio at tinipon ang buong pulutong ng mga kawal.

28 At hinubaran nila siya at nilagyan ng pulang pula na balabal.

29 At gumawa sila ng koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo, at naglagay ng tungkod sa kaniyang kanang kamay. Sila ay nagpatirapa sa kaniyang harapan at kinutya siya, at nagsabi, “Sambahin, ang Hari ng mga Judio!” 30 At siya ay dinuraan nila, at kinuha nila ang tungkod at hinampas siya sa ulo.

Marcos 15:16–19

15:16 Dinala siya ng mga kawal sa loob ng patyo (ng kwartel), at tinawag nila ang buong hukbo ng mga kawal.

17 Nilagyan nila si Jesus ng balabal na kulay lila, at gumawa sila ng isang koronang gawa sa tinik at ipinatong ito sa kaniyang ulo.

18 Nagsimula silang saluduhan siya at sinabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”

19 Hinampas nila ang kaniyang ulo ng tambo at dinuraan siya. Nagluhod-luhuran silang nagpakita ng paggalang sa kaniya.

Si Jesus Patungo sa Krus

Si Jesus patungo sa krus (ang Via Dolorosa) sa Golgota.

Bago mag-alas-9 ng umaga ng Biyernes

Mateo 27:31–34

27:31 Pagkatapos nilang kutyain siya, tinanggal nila ang kaniyang balabal at isinuot sa kaniya ang sarili niyang damit, at inilabas nila siya upang ipako siya sa krus.

32 Habang sila ay lumalabas, nakakita sila ng taong taga Cirene na nagngangalang Simon, na kanilang pinilit na sumama sa kanila upang pasanin niya ang kaniyang krus.

33 At sila ay nakarating sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay, “Lugar ng mga Bungo.”

34 At siya ay binigyan ng alak na may halong apdo. Ngunit nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin.

Marcos 15:20–23

15:20 Nang matapos nila siyang kutyain, tinanggal nila mula sa kaniya ang balabal na kulay lila at inilagay sa kaniya ang kaniyang mga damit, at pagkatapos inilabas siya upang ipako sa krus.

21 Pinilit nilang tumulong ang isang taong dumaan na galing sa bukid na nagngangalang Simon na taga-Cirene (ang ama ni Alejandro at Rufo); pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus.

22 Dinala si Jesus ng mga kawal sa lugar na kung tawagin ay Golgotha (na ang ibig sabihin ay, Lugar ng Bungo).

23 Inalok nila siya ng alak na may halong mira, ngunit hindi niya ito ininom.

Lucas 23:26–33

23:26 Nang siya inilalayo nila, sinunggaban nila ang isang Simon na taga-Cirene, na nanggaling sa kabukiran, at pinapasan nila ang krus sa kaniya upang buhatin niya, na sumusunod kay Jesus.

27 Siya ay sinusundan ng napakaraming tao, at mga kababaihang nagdadalamhati at tumatangis dahil sa kaniya. 28 Ngunit lumingon si Jesus sa kanila, at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, ngunit tangisan ninyo ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Dahil tingnan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, 'Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nanganak, at ang mga suso na hindi nagpasuso.' 30 Sa panahong iyon sasabihin nila sa mga bundok, 'Bumagsak kayo sa amin,' at sa mga burol, 'Tabunan ninyo kami.'

31 Sapagkat kung gagawin nila ang mga bagay na ito habang ang puno ay berde, anong magyayari kapag tuyo na ito?”

32 May iba pang dalawang lalaking na mga kriminal ang dinala kasama niya upang patayin.

33 Nang makarating sila sa lugar na kung tawagin ay Bungo, doon ay kanilang ipinako siya sa krus kasama ang mga kriminal, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa.

Juan 19:17

19:17 Kaya dinala nila si Hesus, at siya ay lumabas, pasan-pasan niya ang krus, tungo sa lugar na kung tawagin ay Ang Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgota.