Si Jesus sa Harap ni Pilato sa Ikalawang Pagkakataon

Biyernes, malapit nang sumikat ang araw (Juan 19:14)

Unti-unting sumuko si Pilato, nang labag sa loob at may takot, sa kahilingan ng Konseho na ipako sa krus si Cristo.

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 27:15–26

27:15 Ngayon, sa kapistahan nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na napili ng mga tao.

16 At sa panahon na iyon mayroon silang pusakal na bilanggo na ang pangalan ay si Barabas.

17 At nang sila ay nagkatipun-tipon, sinabi sa kanila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”

18 Dahil alam niya na ipinasakamay siya ng mga ito dahil sa inggit.

19 Habang siya ay nakaupo sa upuan ng hukuman, ang kaniyang asawa ay nagpadala ng pasabi sa kaniya na nagsabi, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan. Sapagkat labis akong pinahirapan ngayon sa panaginip tungkol sa kaniya.”

20 Ngayon, ang mga punong pari at ang mga nakatatanda ay hinikayat ang mga tao upang hilingin si Barabas, at si Jesus ay patayin.

21 At tinanong sila ng gobernador, “Sino sa dalawang ito ang nais ninyong pakawalan ko?” Sinabi nila, si Barabas.”

22 At sinabi ni Pilato sa kanila, “Ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot silang lahat, “Ipako siya sa krus.”

23 At sinabi niya, “Bakit, ano ang krimen na kaniyang nagawa?” Ngunit sila ay sumigaw pa ng mas malakas, “Ipako siya sa krus.”

24 At nang nakita ni Pilato na wala siyang magagawa, dahil nagsimula na ang kaguluhan, kumuha siya ng tubig, naghugas siya ng kamay sa harapan ng maraming tao, at sinabi, “Wala na akong pananagutan sa dugo sa matuwid na taong ito. Kayo na ang bahala niyan.”

25 Ang lahat ng mga tao ay nagsabi, “Nawa'y mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.”

26 Pagkatapos ay pinakawalan niya si Barabas sa kanila, ngunit hinampas niya si Jesus at ipinasakamay niya upang mapako sa krus.

Marcos 15:6–15

15:6 Ngayon sa panahon ng pista, kadalasang nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, isang bilanggong hiniling nila.

7 Doon, sa kulungan kasama sa mga manghihimagsik, kabilang sa mga mamamatay tao na kasapi sa rebelyon, ay isang lalaking nagngangalang Barabas. 8 Pumunta ang maraming tao kay Pilato at nagsimula silang humiling sa kaniya na gawin niya ang ginagawa niya noong mga nakaraang panahon.

9 Sinagot sila ni Pilato at sinabi, “Gusto ba niyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

10 Dahil alam niyang dahil sa inggit ng mga punong pari kay Jesus kung kaya siya ay ipinasa sa kaniya.

11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang maraming tao para isigaw na si Barabas ang dapat palayain.

12 Sinagot silang muli ni Pilato at sinabing, “Ano ngayon ang gagawin ko sa Hari ng mga Judio?”

13 Sumigaw silang muli, “Ipako siya sa krus!”

14 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Anong kasalanan ang ginawa niya?” Ngunit mas lalo nilang isinigaw, “Ipako siya sa krus.”

15 Gusto ni Pilato na malugod ang mga tao kaya pinalaya niya si Barabas sa kanila. Hinampas niya si Jesus at ibinigay siya upang maipako sa krus.

Lucas 23:13–25

23:13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari at ang mga pinuno at ang napakaraming tao, 14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo ang taong ito sa akin na tila isang taong pinangungunahan ang mga tao upang gumawa ng masama, at tingnan ninyo, tinanong ko siya sa harapan ninyo, wala akong nakitang kasalanan sa taong ito tungkol sa mga bagay na inyong ipinaparatang sa kaniya. 15 Wala, kahit si Herodes, sapagkat siya ay ipinabalik niya sa atin, at tingnan ninyo, wala siyang ginawang karapat-dapat ng kamatayan.

16 Kaya parurusahan ko siya, at pakakawalan siya. 17 (Ngayon, sa pista, kailangang magpalaya ni Pilato ng isang bilanggo para sa mga Judio.)

18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, sinasabi, “Alisin ninyo ang taong ito, at palayain si Barabbas para sa amin!” 19 Si Barabbas ay isang taong ibinilanggo dahil sa pagrerebelde sa lungsod at dahil sa pagpatay.

20 Kinausap ulit sila ni Pilato, ninanais na palayain si Jesus. 21 Ngunit sumigaw sila, sinasabi, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.”

22 Sinabi niya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit, anong masamang ginawa ng taong ito? Wala akong natagpuan upang siya ay marapat na parusahan ng kamatayan. Kaya, pagkatapos niyang maparusahan, pakakawalan ko siya.”

23 Ngunit sila ay mapilit na may malalakas na tinig, hinihiling na ipapako siya krus. At nahikayat si Pilato ng kanilang mga tinig.

24 Kaya nagpasya si Pilato na ibigay ang kanilang kahilingan.

25 Pinalaya niya ang taong hiniling nila, na ibinilanggo dahil sa panggugulo at pagpatay. Ngunit ibinigay niya si Jesus ayon sa kalooban nila.

Juan 18:39–19:16

18:39 Mayroon kayong kaugalian na dapat akong magpalaya ng isang tao sa Paskwa. Kaya gusto ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

40 Sumigaw silang muli at sinabi, “Hindi ang lalaking ito, kundi si Barabas. Ngayon si Barabas ay isang tulisan.

19:1 Pagkatapos kinuha ni Pilato si Jesus at nilatigo siya. 2 Ang mga sundalo ay pumilipit ng mga tinik upang gumawa ng korona. Inilagay nila ito sa ulo ni Jesus at dinamitan siya ng kulay lilang na kasuotan. 3 Lumapit sila sa kaniya at sinabi, “Bigyang parangal, ang Hari ng mga Judio!” At hinampas nila siya ng kanilang mga kamay.

4 Pagkatapos ay lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao. “Tingnan ninyo, inilalabas ko ang lalaki sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang kasalanan sa kaniya.” 5 Kaya lumabas si Jesus; suot- suot niya ang koronang mga tinik at kulay lilang na kasuotan. Pagkatapos sinabi ni Pilato sa kanila, “Tingnan ninyo, narito ang lalaki.”

6 Kaya nga nang makita ng mga pinunong pari at ng mga opisiyal si Jesus, sumigaw sila at sinabin, “Ipako siya! Ipako siya!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kayo na mismo ang kumuha sa kaniya at ipako siya sapagkat wala akong nakitang krimen sa kaniya.”

7 Sumagot ang mga Judio kay Pilato, “Mayroon kaming isang batas, at sa pamamagitan ng batas na iyon dapat siyang mamatay dahil ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.”

8 Nang marinig ni Pilato ang pahayag na ito, mas lalo pa siyang natakot, 9 at pumasok siyang muli sa Pretorio at sinabi kay Jesus, “Saan ka nanggaling?” Subalit hindi siya binigyan ng sagot ni Jesus.

10 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi ka ba magsasalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at kapangyarihan na ipapako ka?”

11 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Wala kang kapangyarihan laban sa akin maliban kung ito ay ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”

12 Sa sagot na ito, sinubukan ni Pilato na palayain siya, ngunit ang mga Judio ay sumigaw at sinabi, “Kung papalayain mo ang lalaking ito, ikaw ay hindi kaibigan ni Cesar: Lahat ng tao na ginagawa ang kaniyang sarili na isang hari ay nagsasalita laban kay Cesar.”

13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at umupo sa upuan ng paghuhukom sa lugar na tinatawag na Ang Entablado, ngunit sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Ngayon, ito ay ang araw ng paghahanda para sa Paskwa, nang mag-iika-anim na oras. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Tingnan ninyo, narito ang inyong hari!”

15 Sumigaw sila, “ilayo ninyo siya sa amin, ilayo ninyo siya amin, ipako siya.” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dapat ko bang ipako ang inyong Hari?” Sumagot ang mga pinunong pari, “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.”

16 Pagkatapos, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang maipako.