Ang Pagsisisi at Pagpapakamatay ni Judas na Taksil

Sa templo at sa isang lugar sa labas ng mga pader ng Jerusalem. Biyernes ng umaga

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 27:3–10

27:3 Pagkatapos nang si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakitang nahatulan si Jesus, siya ay nagsisisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at mga nakatatanda, 4 at sinabi, “Ako ay nagkasala sa pamamagitan ng pagkakanulo sa dugong walang kasalanan.” Ngunit sinabi nila, “Ano ba sa amin iyon? Tingnan mo yan sa iyong sarili.”

5 At kaniyang itinapon pababa ang tatlumpung piraso ng pilak sa templo, at umalis, at pumunta sa labas at siya ay nagbigti.

6 At kinuha ng mga punong pari ang tatlumpung piraso ng pilak at sinabi, “Labag sa kautusan na ilagay ito sa kaban ng yaman, sapagkat ito ay kabayaran ng dugo.” 7 Sama-sama nilang pinag-usapan ang bagay na ito at ang salapi ay ipinambili ng Bukid ng Magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan. 8 At dahil dito ang bukid na iyon ay tinawag na, “Ang bukid ng dugo” magpa-hanggang ngayon. 9 At ang sinabi ni Jeremias na propeta ay natupad, na nagsasabi, “Kinuha nila ang tatlumpung piraso ng pilak, ang halaga na inilaan sa kaniya ng mga tao ng Israel, 10 at ibinigay nila ito para sa Bukid ng Magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harap ni Pilato sa Unang Pagkakataon

Jerusalem. Biyernes, maagang umaga

Mateo 27:2, 11–14

27:2 Siya ay ginapos nila at dinala palabas at ibinigay kay Pilato na gobernador.

11 Ngayon, nakatayo si Jesus sa harap ng gobernador, at tinanong siya ng gobernador, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus sa kaniya, “Ikaw na ang nagsabi.”

12 Ngunit nang siya ay paratangan ng mga punong pari at mga nakatatanda, hindi siya sumagot ng kahit ano.

13 At sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi mo ba naririnig ang mga paratang laban sa iyo?”

14 Ngunit hindi siya sumagot ng kahit isang salita, kaya ang gobernador ay labis na namangha.

Marcos 15:2–5

15:2 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sinagot niya siya, “Kung iyan ang sinasabi mo.”

3 Nagpalabas ang mga punong pari ng maraming mga bintang laban kay Jesus.

4 Tinanong siya muli ni Pilato, “Wala ka bang maibibigay na kasagutan? Nakikita mo ba kung ilan ang mga inilalabas nilang mga bintang laban sa iyo?”

5 Ngunit hindi na muling sinagot ni Jesus si Pilato, at dahil doon, namangha siya.

Lucas 23:1–5

23:1 Ang buong kapulungan ay tumayo, at dinala si Jesus sa harapan ni Pilato. 2 Nagsimula silang paratangan siya, sinasabi, “Nalaman na inaakay ng taong ito ang aming bansa sa kasamaan, ipinagbabawal niyang magbigay ng buwis kay Ceasar, at sinasabing siya mismo ang Cristo, na isang hari.”

3 Tinanong siya ni Pilato, sinasabi, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinagot siya ni Jesus at sinabi, “Ikaw na ang may sabi.”

4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa maraming tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

5 Ngunit sila ay nagpupumilit, sinasabi, “Ginugulo niya ang mga tao, nagtuturo sa buong Judea, mula sa Galilea maging sa lugar na ito.”

Juan 18:28–38

18:28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio. Umagang-umaga pa noon at sila mismo ay hindi pumasok sa Pretorio upang hindi sila marumihan at upang sila ay makakain sa Paskwa.

29 Kaya lumabas si Pilato sa kanila at sinabing, “Anong paratang ang dala-dala ninyo laban sa lalaking ito?”

30 Sumagot sila at sinabi sa kaniya, “Kung ang lalaking ito ay hindi manggagawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa iyo.”

31 Kaya sinagot sila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at hatulan siya ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kaniya, “Hindi naaayon sa batas para sa amin ang pumatay ng sinumang tao.” 32 Sinabi nila ito upang matupad ang mga salita ni Jesus, ang salita na kaniyang sinabi na ipinahiwatig kung anong uri ng kamatayan siya mamamatay.

33 Pagkatapos, muling pumasok si Pilato sa Pretorio at tinawag si Jesus, sinabi niya sa kaniya, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?”

34 Sumagot si Jesus, “Tinatanong mo ba ito ayon sa iyong sariling palagay, o sinabi ng iba sa iyo na itanong ito sa akin?

35 Sumagot si Pilato, “Hindi ako Judio, di ba? Ang iyong sariling bayan at ang mga pinunong pari ay dinala ka dito sa akin; ano ba ang iyong ginawa?”

36 Sumagot si Jesus, “Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito. Kung ang aking kaharian ay kabahagi ng mundong ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Sa katunayan, ang aking kaharian ay hindi nagmumula dito.”

37 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ikaw nga ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Sinabi mo na ako ay hari. Ako ay ipinanganak para sa layuning ito, at para sa layuning ito ako naparito sa mundo upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Lahat ng kabilang sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.”

38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Nang masabi niya ito, lumabas siya muli sa mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakitang krimen sa taong ito.

Si Jesus sa Harap ng Tetrarkang si Herodes Antipas

Jerusalem. Biyernes, maagang umaga

Lucas 23:6–12

23:6 Kaya nang marinig ito ni Pilato, tinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niyang nasa ilalim siya ng pamumuno ni Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem din sa mga araw na iyon.

8 Nang makita ni Herodes si Jesus, labis siyang natuwa, dahil matagal na niya itong nais makita. Nakarinig siya ng tungkol sa kaniya at ninais niyang makakita ng ilang himala na ginawa niya. 9 Maraming itinanong si Herodes kay Jesus, ngunit walang isinagot si Jesus sa kaniya.

10 Tumayo ang mga punong pari at mga eskriba, marahas siyang pinaparatangan. 11 Inalipusta siya ni Herodes kasama ng kaniyang mga kawal, at kinutya siya, at dinamitan siya ng magandang kasuotan, at ipinadala si Jesus pabalik kay Pilato.

12 Naging magkaibigan sina Herodes at Pilato sa araw ding iyon (dati silang magkaaway.)