Ang Awit ni Solomon

1001 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit ni Solomon 1–2

1 Ang Awit ng mga Awit ni Solomon. Nagsasalita sa kaniyang kasintahan ang dalaga 2 O, halikan mo ako ng mga halik ng iyong bibig, dahil mas mainam kaysa sa alak ang iyong pag-ibig. 3 May kaaya-ayang halimuyak ang iyong mga langis na pamahid; parang pabangong dumadaloy ang iyong pangalan, kaya iniibig ka ng mga dalaga. 4 Isama mo ako, at tayo ay tatakbo. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang dalaga. Dinala ako ng hari sa kaniyang mga silid. Nagsasalita sa kaniyang kasintahan ang dalaga Masaya ako, nagagalak sa iyo; hayaan mong ipagdiwang ko ang iyong pag-ibig, mas mainam ito kaysa sa alak. Tama lang na hangaan ka ng ibang mga kababaihan. Nagsasalita ang babae sa ibang kababaihan. 5 Nagsasalita ang babae sa ibang mga kababaihan. Ako ay kayumanggi pero maganda, kayong mga dalaga ng mga kalalakihan ng Jerusalem- kayumanggi tulad ng mga tolda ng Kedar, maganda tulad ng mga kurtina ni Solomon. 6 Huwag akong titigan dahil sa ako ay kayumanggi, dahil ako ay bahagyang sinunog ng araw. Ang mga lalaking kapatid ko sa ina ay galit sa akin; ginawa nila akong taga-pangalaga ng ubasan, pero ang sarili kong ubasan hindi ko napanatili. Nagsasalita sa kaniyang kasintahan ang babae 7 Sabihin mo sa akin, ikaw na aking mahal, saan mo pinapakain ang iyong kawan? Saan mo pinagpapahinga ang iyong kawan sa katanghalian? Bakit ako dapat maging katulad ng isang tao na nagpapalakad-lakad sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan? Sumasagot sa kaniya ang kaniyang mangingibig. 8 Kung hindi mo alam, pinakamaganda sa mga kababaihan, sundan mo ang dinaraanan ng aking kawan, at ipastol mo ang iyong mga batang kambing malapit sa mga tolda ng mga pastol. 9 Inihahambing kita, aking mahal, sa isang inahing kabayo na nabibilang sa mga kabayo ng mga karwahe ni Paraon. 10 Ang iyong mga pisngi ay magandang may palamuti, ang iyong leeg may kwintas ng mga hiyas. 11 Gagawan kita ng gintong mga palamuti na may mga batik-batik na pilak. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 12 Habang nakahiga ang hari sa kaniyang papag, naglabas ng halimuyak ang aking nardo. 13 Para sa akin, tulad ng isang sisidlan ng mira ang aking minamahal na nagpapalipas ng gabi nakahiga sa pagitan ng aking mga dibdib. 14 Para sa akin, ang aking minamahal ay tulad ng isang kumpol ng mga bulaklak ng hena sa ubasan ng En-gedi. Nagsasalita sa kaniya ang kaniyang kasintahan 15 Tingnan mo, maganda ka aking mahal, tingnan mo, maganda ka; parang mga kalapati ang iyong mga mata. Nagsasalita ang babae sa kaniyang mangingibig. 16 Tingnan mo, makisig ka, aking minamahal, o anong kisig mo. Ang mga malalagong halaman ay nagsisilbing ating higaan. 17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sanga ng puno ng sedar, at ang pamakuan ng ating bubong ay mga sanga ng pir.

2:1 Ako ay isa lamang bulaklak na nasa isang kapatagan, isa lamang liryo na nasa isang lambak. Nagsasalita sa kaniya ang lalaki. 2 Gaya ng isang liryo sa mga tinik, gayon ka rin, aking mahal, sa mga dalaga ng aking mga kababayan. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae. 3 Gaya ng puno ng aprikot sa mga puno ng kagubatan, gayon din ang aking minamahal sa gitna ng mga kabinataan. Umuupo ako sa ilalim ng kaniyang anino na may labis na kasiyahan, at ang kaniyang bunga ay matamis sa aking panlasa. 4 Dinala niya ako sa bulwagan ng salu-salo, ang kaniyang bandila sa akin ay pag-ibig. Nagsasalita sa kaniyang mangingibig ang babae. 5 Muli akong palakasin sa pamamagitan ng keyk na pasas at pasiglahin muli sa pamamagitan ng mga aprikot, dahil ako ay mahina sa pag-ibig. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae. 6 Ang kaniyang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kaniyang kanang kamay ay niyayakap ako. Nagsasalita sa ibang mga kababaihan ang babae. 7 Nais kong ipangako ninyo, mga anak na dalaga ng Jerusalem, kasama ng mga gasel at ng mga babaeng usa ng kabukiran, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 8 Nanjan na ang tinig ng aking minamahal! O, parating na siya rito, lumulukso sa ibabaw ng mga bundok, tumatalon sa ibabaw ng mga burol. 9 Ang aking minamahal ay tulad ng isang gasel o isang batang lalaking usa, masdan mo, siya ay nakatayo sa likod ng aming pader, sumisilip sa bintana, sumusungaw sa sala-sala. 10 Ang aking minamahal ay nagsalita sa akin at nagsabi, “Bumangon ka, aking mahal; aking magandang sinta, sumama ka sa aking pag-alis. 11 Tingnan mo, lumipas na ang tag-lamig; tapos na ang tag-ulan at ito ay wala na. 12 Lumitaw na ang mga bulaklak sa lupain; ang oras ng pagpuputol ng puno at ang pag-aawitan ng mga ibon ay dumating na, at ang tinig ng mga kalapati ay naririnig sa ating lupain. 13 Hinihinog ng puno ng igos ang kaniyang mga berdeng igos, at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak; naglalabas ang mga ito ng halimuyak. Bumangon ka, aking mahal, aking magandang sinta, at sumama ka. 14 Aking kalapati, sa mga siwang ng mga batuhan, sa lihim na siwang ng mga bundok, hayaan mong makita ko ang iyong mukha. Hayaan mong marinig ko ang iyong tinig, dahil matamis ang iyong tinig, at ang iyong mukha ay kaibig-ibig”. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 15 Hulihin ang mga soro para sa atin, ang mga maliliit na soro na sumisira ng mga ubasan, dahil ang ating ubasan ay namumulaklak. 16 Ang aking minamahal ay akin, at ako ay sa kanya; siya ay nanginginain sa mga liryo na may kasiyahan. Nagsasalita sa kanyang kasintahan ang babae 17  Lumayo ka, aking minamahal, bago umihip ang mahinang hangin ng bukang-liwayway at ang mga anino ay maglaho. Lumayo ka; maging tulad ng isang gasel o ng isang batang lalaking usa sa baku-bakong bundok.