Ang Awit ni Solomon (continued)

1001 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit ni Solomon 3–5

1 Sa gabi sa aking higaan ako ay nananabik sa aking mahal, hinanap ko siya, pero hindi ko siya matagpuan. 2 Sabi ko sa aking sarili, “Babangon ako at pupunta sa iba't ibang dako ng lungsod, sa mga lansangan at mga plasa; hahanapin ko ang aking minamahal”. Hinanap ko siya pero, hindi ko siya matagpuan. 3 Natagpuan ako ng mga bantay habang sila ay nag-iikot sa lungsod. Tinanong ko sila, “Nakita ba ninyo ang aking minamahal?” 4 Ilang sandali palang ang nakalipas pagkatapos ko silang malampasan nang natagpuan ko siya na minamahal ng aking kaluluwa. Hinawakan ko siya at hindi siya binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, sa silid ng nagbuntis sa akin. Nagsasalita sa ibang kababaihan ang babae 5 Nais kong mangako kayo, mga anak na dalaga ng bayang Jerusalem, kasama ng mga gasel at mga babaing usa sa parang, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 6 Ano iyon na dumarating mula sa ilang tulad ng isang hanay ng usok, pinabanguhan ng mira at kamanyang, kasama ng lahat ng mga pulbos na ipinagbili ng mga mangangalakal? 7 Tingnan mo, ang arag-arag ni Solomon na binubuhat; animnapung mga mandirigma ang nakapaligid dito, animnapung mga sundalo ng Israel. 8 Sila ay mga dalubhasa sa espada at bihasa sa digmaan. Bawa't lalaki ay may espada sa kaniyang tagiliran, armado laban sa mga kilabot ng gabi. 9 Ginawan ni Haring Solomon ang kaniyang sarili ng isang upuan na yari sa kahoy na Sedan na mula sa Lebanon. 10 Ang mga poste nito ay gawa sa pilak, ang likuran ay gawa sa ginto, at ang upuan sa lilang tela. Ang panloob nito ay pinalamutian ng may pag-ibig ng mga anak na dalaga ng bayang Jerusalem. Nagsasalita sa ibang kababaihan ng Jerusalem ang dalaga. 11 Lumabas kayo, mga dalaga ng bayang Sion, at masdang mabuti si Haring Solomon, suot-suot ang korona na siyang ikinorona sa kaniya ng kaniyang ina sa araw ng kaniyang kasal, doon sa masayang araw ng kaniyang buhay.

4:1 O, kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo. Ang iyong mga mata ay katulad ng mga kalapati sa likuran ng iyong belo. Ang iyong buhok ay tulad ng isang kawan ng mga kambing na bumababa mula sa Bundok ng Gilead. 2 Ang iyong mga ngipin ay katulad ng isang kawan ng mga tupang babae na bagong gupit, na umaahon mula sa lugar ng pinagpaliguan. Bawa't isa ay may isang kakambal at walang isa sa kanila ang namatayan. 3 Ang labi mo ay katulad ng isang hibla ng eskarlata; ang bibig mo ay kaibig-ibig. Ang mga pisngi mo ay katulad ng kabiyak na granada sa likuran ng iyong belo. 4 Ang leeg mo ay katulad ng tore ni David na itinayo sa mga hanay ng bato, na may isang libong mga kalasag na nakasabit dito, lahat ng mga kalasag ng mga sundalo. 5 Ang dalawang dibdib mo ay katulad ng dalawang munting usa, magkakambal na gasel, na nanginginain sa kalagitnaan ng mga liryo. 6 Hanggang dumating ang bukang-liwayway at ang mga anino ay naglaho, ako ay magpupunta sa bundok ng mira at sa burol ng kamanyang. 7 Kay ganda mo sa lahat ng paraan, aking mahal at walang kapintasan sa iyo. 8 Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, babaeng aking pakakasalan. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon; sumama ka mula sa tuktok ng Bundok ng Amana, mula sa tuktok ng Bundok ng Senir at Hermon, mula sa mga lungga ng leon, mula sa lunggang bundok ng mga leopardo. 9 Ninakaw mo ang puso ko, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan; nabihag mo ang puso ko, sa isang sulyap lamang sa akin, sa isang hiyas lamang ng iyong kuwintas. 10 Kay ganda ng iyong pag-ibig, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan! Mas mainam ang pag-ibig mo kaysa sa alak, at ang halimuyak ng pabango mo kaysa sa anumang sangkap ng pabango. 11 Ang iyong labi, babaeng aking pakakasalan, tumutulong pulot; ang pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; ang halimuyak ng iyong mga kasuotan ay katulad ng halimuyak ng Lebanon. 12 Aking kapatid, babaeng aking pakakasalan ay isang harding nakakandado, isang harding nakakandado, isang bukal na nakasarado. 13 Ang mga sanga mo ay isang kahuyan ng mga puno ng granada na may piling bunga, at ng hena at mga halamang nardo, 14 Pakong nardo at safron, kalamo at kanela kasama ang lahat ng mga uri ng sangkap ng pabango, mira at mga aloe kasama lahat ng pinakamainam na mga sangkap ng pabango. 15 Ikaw ay bukal sa hardin, isang balon na may sariwang tubig, mga batis na umaagos pababa mula sa Lebanon. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig. 16 Gumising ka, hanging hilaga; lumapit ka hanging timog; umihip ka sa aking hardin para itong mga sangkap ng pabango ay maaaring maglabas ng kanilang halimuyak. Nawa ang aking minamahal ay pumarito sa kaniyang hardin at kumain ng ilang piling bunga nito.

5:1 Dumating ako sa aking hardin, aking kapatid na babae, babaeng aking pakakasalan; Tinipon ko ang aking mira na may sangkap ng aking pabango. kinain ko ang aking pulot-pukyutan kasama ng aking pulot; Ininom ko ang aking alak kasama ang aking gatas. Kumain, ka kaibigan. kumain, kaibigan; uminom ka nang malaya, aking mahal. Kinakausap ng dalaga ang kaniyang sarili 2 Ako ay natutulog, pero ang puso ko ay gising sa isang panaginip. Naroroon ang tunog ng aking minamahal na kumakatok at sinasabi, “Pagbuksan mo ako, aking kapatid na babae, aking mahal, aking kalapati, aking dalisay, dahil ang ulo ko ay basa sa hamog, ang buhok ko sa gabing mamasa-masa.” 3 Hinubad ko ang aking balabal; dapat ko ba itong isuot muli? Hinugasan ko ang aking mga paa; dapat ko ba silang dumihan muli? 4 Inilagay ng aking minamahal ang kaniyang kamay sa bungad ng trangkahan ng pintuan, at sumigla ang puso ko para sa kaniya. 5 Bumangon ako para pagbuksan ng pintuan ang aking minamahal; ang aking mga kamay ay may tumutulong mira, ang aking mga daliri ay mamasa-masang may mira, sa hawakan ng pintuan. 6 Pinagbuksan ko ng pintuan ang aking minamahal, pero ang aking minamahal ay umalis at wala na. Ang puso ko ay nalugmok; Nawalan ako ng pag-asa. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya natagpuan; Tinawag ko siya, pero hindi niya ako sinagot. 7 Natagpuan ako ng mga bantay na nagpunta malapit sa lungsod; hinagupit at sinugatan nila ako; kinuha mula sa akin ng mga nagbabatay ng pader ang aking balabal. Ang dalaga ay nakikipag-usap sa mga kababaihan ng lungsod 8 Nais ko kayong mangako, mga anak na babae ng Jerusalem, na kung makikita ninyo ang aking minamahal, sabihin ninyo sa kaniya ako ay may sakit dahil sa aking pag-ibig sa kaniya. Ang mga kababaihan ng lungsod ay nagsasalita sa dalaga. 9 Paanong mas mabuti ang iyong minamahal kaysa sa ibang lalaking minamahal, ikaw na maganda sa lahat ng mga babae? Bakit mas higit ang iyong minamahal kaysa sa ibang minamahal, na hiniling mo sa amin para manumpa tulad nito? Ang dalaga ay nagsasalita sa mga kababaihan ng lungsod 10 Ang aking minamahal ay nagniningning at mamula-mula, namumukod tangi sa kalagitnaan ng sampung libo. 11 Ang kaniyang ulo ay ang pinakadalisay na ginto; kulot ang kaniyang buhok at kasing itim ng isang uwak. 12 Ang kaniyang mga mata ay katulad ng mga kalapati sa tabi ng mga dumadaloy na tubig, hinugasan sa gatas, ikinabit katulad ng mga hiyas. 13 Ang kaniyang mga pisngi ay katulad ng mga nakatainim na mga sangkap ng pabango, nagbibigay ng mabangong mga amoy. Ang kaniyang labi ay mga liryo, tumutulong mira. 14 Ang kaniyang mga bisig ay mabilog na ginto na may nakalagay na mga hiyas; ang kaniyang tiyan ay nabalutan ng garing na may mga sapiro. 15 Ang kaniyang mga binti ay mga poste na marmol, nakalagay sa mga patungan ng dalisay na ginto; ang kaniyang mukha ay katulad ng Lebanon, pinili gaya ng mga cedar 16 Ang kaniyang bibig ay napakatamis; siya ay ganap na kaibig-ibig. Ito ang aking minamahal, at ito ang aking kaibigan, mga anak na babae ng mga lalaki sa Jerusalem.