Ang Awit ni Solomon (continued)
1001 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Saang direksyon nagpunta ang iyong minamahal, pinakamaganda sa lahat ng babae? Sa anong direksiyon nagpunta ang iyong minamahal, sa gayon hahanapin namin siya para sa iyo? Nagsasalita ang dalaga sa kaniyang sarili. 2 Ang aking minamahal ay bumaba sa kaniyang hardin, sa mga nakatanim na mga sangkap ng pabango, para manginain sa hardin at magtipon ng mga liryo. 3 Pag-aari ako ng aking mangingibig, at pag-aari ko ang aking mangingibig; nanginginain siya sa mga liryo na may kasiyahan. Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniya sarili. 4 Kasing ganda mo ang Tirsa, aking mahal, kasing kaibig-ibig tulad ng Jerusalem, kahanga-hanga katulad ng isang hukbo na may mga bandera. 5 Ilayo mo ang iyong paningin mula sa akin, dahil ako ay nadadaig ng mga ito. Ang iyong buhok ay tulad ng isang kawan ng mga kambing na bumababa mula sa mga libis ng Bundok ng Galaad. 6 Ang mga ngipin mo ay katulad ng kawan ng mga babaeng tupa na umaahon mula sa lugar na pinagliguan ng mga ito. Bawa't isa ay may kakambal, at wala isa man sa kanila ang namatayan. 7 Ang mga pisngi mo ay tulad ng kabiyak na granada sa likuran ng iyong belo. Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 8 Mayroong animnapung reyna, walumpung babaeng kinakasama ng hari, at mga dalaga na hindi mabilang. 9 Ang aking kalapati, aking dalisay, ay nag-iisa lamang; siya ang natatanging anak na babae ng kaniyang ina; siya ang nag-iisang paborito ng babae na nag-silang sa kaniya. Ang mga anak na babae ng mga kababayan ko ay nakita siya at tinawag siyang pinagpala; nakita rin siya ng mga reyna at ng mga babaeng kinakasama ng hari, at siya ay pinuri nila: Ano ang sinabi ng mga reyna at ng mga babaeng kinakasama ng hari 10 “Sino ito na lumilitaw katulad ng bukang-liwayway, kasing ganda ng buwan, kasing liwanag ng araw, na kahanga-hanga tulad ng isang hukbo na may mga bandera nito?” Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 11 Bumaba ako sa mga kahuyan ng mga puno ng pili para tingnan ang murang usbong sa lambak, para tingnan kung sumibol ang mga puno ng ubas, at kung namulaklak ang mga bunga ng granada. 12 Napakasaya ko na maramdamang nakasakay ako sa karwahe ng isang prinsipe. Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 13 Magbalik ka, bumalik ka, ikaw na babaeng walang kapintasan; magbalik ka, magbalik para ikaw ay aking mapagmasdan. Nagsasalita ang dalaga sa kaniyang mangingibig. Bakit ka nakatitig sa akin, babaeng walang kapintasan, na parang sumasayaw ako sa pagitan ng dalawang hanay ng mga mananayaw?
7:1 Kay ganda ng iyong mga paa sa iyong sandalyas, anak na babae ng prinsipe! Ang hugis ng iyong mga hita ay katulad ng hiyas, gawa ng mga kamay ng isang dalubhasa. 2 Ang pusod mo ay katulad ng isang bilugang mangkok; nawa ito ay hindi kailanman magkukulang ng pinaghalong alak. Ang puson mo ay tulad ng isang tambak ng trigo na napaligiran ng mga liryo. 3 Ang dalawang dibdib mo ay tulad ng dalawang munting mga usa, magkakambal na gasel. 4 Ang iyong leeg ay tulad ng isang tore ng garing; ang iyong mga mata ay tulad ng mga lawa sa Hesbon sa tarangkahan ng Bat Rabim. Ang iyong ilong ay tulad ng tore sa Lebanon na nakamasid patungo sa Damasco. 5 Parang bundok ng Carmelo ang iyong ulo; ang buhok sa iyong ulo ay itim na lila. Ang hari ay nabihag sa pamamagitan ng mga tirintas nito. 6 Kay ganda at kaibig-ibig mo, nag-iisang minamahal, kasama ang iyong kagalakan! 7 Ang iyong taas ay katulad ng isang puno ng palmang datiles, at ang mga dibdib mo ay tulad ng mga kumpol na bunga. 8 Iniisip ko, “Nais kong akyatin ang punong palmang iyon; Ako ay hahawak sa mga sanga nito.” Nawa maging katulad ng kumpol na mga ubas ang iyong mga dibdib, at nawa ang halimuyak ng iyong ilong ay maging katulad ng mga aprikot. 9 Nawa ang iyong bibig ay maging katulad ng pinakamasarap na alak, banayad na dumadaloy sa aking minamahal, dumudulas sa ating mga labi at mga ngipin. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig. 10 Ako ay sa aking minamahal, at ninanais niya ako. 11 Lumapit ka, aking minamahal, lumabas tayo sa kabukiran; hayaan nating magpalipas ng gabi sa mga nayon. 12 Halina tayo ay bumangon ng maaga para magtungo sa mga ubasan; tingnan natin kung umusbong ang mga puno ng ubas, kung ang kanilang mga bulaklak ay namukadkad, at kung ang bunga ng granada ay namulaklak. Doon ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig. 13 Nagbibigay ng kanilang halimuyak ang mga mandragora; sa pintuan kung saan tayo nananatili ay may mga uri lahat ng piling mga bunga, bago at luma, na aking inimbak para sa iyo, aking minamahal.
8:1 Hinahangad kong maging tulad ka ng aking kapatid na lalaki, na sumuso sa dibdib ng aking ina. At, sa tuwing nakikita kita sa labas, mahahalikan kita, at walang maaaring humamak sa akin. 2 Pangungunahan kita at dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at ako ay tuturuan mo. Bibigyan kita ng alak na hinaluan ng pampalasa para inumin at kaunting katas ng aking mga bunga na granada. Ang dalagang babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 3 Hinahawakan ng kaniyang kaliwang kamay ang aking ulo; niyayapos niya ako ng kaniyang kanang kamay. Ang babae ay nagsasalita sa ibang kababaihan. 4 Nais kong manumpa kayo, mga anak na babae ng kalalakihan ng Jerusalem, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Ang mga kababaihan ng Jerusalem ay nagsasalita 5 Sino ito na dumarating mula sa ilang, na sumasandal sa kaniyang minamahal? Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig ginising kita sa ilalim ng puno ng aprikot kung saan ipinagbuntis ka ng iyong ina, kung saan ka niya isinilang. 6 Ilagay mo ako bilang isang tatak sa iyong puso, katulad ng isang selyo sa iyong bisig, dahil ang pag-ibig ay kasing lakas tulad ng kamatayan. Ang madamdaming debosyon ay tulad ng pagpupumilit ng sheol; ang mga apoy nito ay lumalagablab; ito ay isang nagliliyab na apoy, isang apoy na mas mainit kaysa sa anumang apoy. 7 Hindi kayang pawiin ng mga tubig na dumadaluyong ang pag-ibig, kahit mga baha ay hindi kayang tangayin nito. Kung ibinigay ng isang lalaki ang lahat ng mga pag-aari sa kaniyang tahanan para sa pag-ibig, ang inaalok niya ay maaaring lubos na hamakin. Ang mga kapatid na lalaki ng dalagang babae ay nagsasalita sa kanilang mga sarili. 8 Kami ay mayroong isang batang kapatid na babae, at hindi pa lumalaki ang kaniyang mga dibdib. Ano ang magagawa namin para sa aming kapatid na babae sa araw na siya ay ipapangakong ikakasal? 9 Kung siya ay isang pader, magtatayo kami sa kaniya ng isang tore na pilak. Kung siya ay isang pintuan, siya ay aming pagagandahin na may mga tabla ng cedar. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 10 Ako ay isang pader, pero ang dibdib ko ay katulad ng kuta ng mga tore; kaya ako ay ganap ng hinog sa kaniyang paningin. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 11 May isang ubasan si Solomon sa Baal Hamon; pinaupahan niya ang ubasan sa mga nais mag-alaga nito. Bawa't isa ay magdadala ng isang libong halaga ng pilak para sa bunga nito. 12 Ang aking ubasan ay talagang akin; ang libong pera ay iyong pag-aari, minamahal kong Solomon, at ang dalawang daang pera ay para sa mga nag-aalaga para sa bunga nito. Ang kasintahan ng babae ay nagsasalita sa kaniya 13 Ikaw na naninirahan sa mga hardin, ang aking mga kasama ay nakikinig sa iyong tinig; hayaan mong ako ay makarinig din nito. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang kasintahan 14 Magmadali ka, aking minamahal, at maging katulad ng isang gasel o isang batang usang barako sa mga bundok ng mga sangkap ng pabango.