Itinalaga ang Ikalawang Templo (continued)

515 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 147–150

1 Purihin si Yahweh! Mabuting umawit sa ating Diyos. Kasiya-siya at nararapat lang na gawin ito. 2 Nawasak ang Jerusalem, pero tinutulungan tayo ni Yahweh na itayo ulit ito. 3 Ibinabalik niya ang mga taong dinala sa ibang bayan. Pinalalakas niya ulit ang mga pinanghihinaan ng loob at pinagagaling ang kanilang mga sugat. 4 Siya ang lumikha ng mga bituin. 5 Dakila at makapangyarihan si Yahweh, at walang kapantay ang kaniyang karunungan. 6 Itinataas ni Yahweh ang mga inaapi, at ibinababa niya ang mga masasama. 7 Umawit kay Yahweh ng may pasasalamat; gamit ang alpa, umawit ng papuri para sa ating Diyos. 8 Tinatakpan niya ang kalangitan ng mga ulap at hinahanda ang ulan para sa lupa, na nagpapalago ng mga damo sa mga kabunkukan. 9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at mga inakay na uwak kapag sila ay umiiyak. 10 Hindi siya humahanga sa bilis ng kabayo o nasisiyahan sa lakas ng binti ng isang tao. 11 Nasisiyahan si Yahweh sa mga nagpaparangal sa kaniya, sa mga umaasa sa katapatan niya sa tipan. 12 Purihin niyo si Yahweh, kayong mga mamamayan ng Jerusalem! Purihin niyo ang inyong Diyos, Sion. 13 Dahil pinalalakas niya ang rehas ng inyong mga tarangkahan, pinagpapala niya ang mga batang kasama ninyo. 14 Pinagyayaman niya ang mga nasa loob ng inyong hangganan, pinasasaya niya kayo sa pamamagitan ng pinakamaiinam na trigo. 15 Pinadadala niya ang kaniyang kautusan sa mundo, dumadaloy ito nang maayos. 16 Ginagawa niyang parang nyebe ang lana, pinakakalat niya ang mga yelo na parang abo. 17 Nagpapaulan siya ng yelo na parang mumo, sinong makatitiis ng ginaw na pinadala niya? 18 Ipinahahayag niya ang kaniyang utos at tinutunaw ito, pina-iihip niya ang hangin at pinadadaloy niya ang tubig. 19 Ipinahayag niya ang kaniyang salita kay Jacob, ang mga alituntunin niya at makatuwirang mga utos sa Israel. 20 Hindi niya ginawa ito sa ibang bayan, wala silang alam sa kaniyang mga utos. Purihin si Yahweh.

148:1 Purihin si Yahweh. Purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kalangitan; purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kaitaas-taasan. 2 Purihin niyo siya, lahat kayong mga anghel; purihin niyo siya, lahat kayong mga hukbo ng anghel. 3 Purihin niyo siya, araw at buwan; purihin niyo siya, kayong mga nagniningning na bituin. 4 Purihin niyo siya, kayong pinakamataas na kalangitan at kayong mga katubigan sa kaulapan. 5 Hayaan silang purihin ang pangalan ni Yahweh, dahil binigay niya ang utos at sila ay nalikha. 6 Itinatag niya rin sila magpakailanman; nagbigay siya ng utos na hindi magbabago. 7 Purihin si Yahweh mula sa mundo, kayong mga hayop sa lahat ng karagatan, 8 apoy at yelo, nyebe at mga ulap, malakas na hangin, sa pagtupad ng kaniyang salita, 9 mga bundok at mga burol, mga bungang-kahoy at lahat ng sedar, 10 mga mabangis at maamong hayop, mga hayop na gumagapang at mga ibon, 11 mga hari sa mundo at lahat ng bansa, mga prinsipe at lahat ng namamahala sa lupa, 12 mga binata at dalaga, mga nakatatanda at mga bata. 13 Hayaang silang purihin ang pangalan ni Yahweh dahil ang pangalan niya lamang ang itinatanghal at ang kaniyang kadakilaan ay bumabalot sa buong mundo at kalangitan. 14 Itinaas niya ang tambuli ng kaniyang bayan para sa pagpupuri mula sa kaniyang mga tapat na lingkod, mga Israelita, mga taong malapit sa kaniya. Purihin si Yahweh.

149:1 Purihin si Yahweh! Umawit ng bagong awit para kay Yahweh; purihin siya sa pagtitipon ng mga tapat! 2 Hayaang magdiwang ang Israel sa kaniya na ginawa silang isang bayan; magdiwang ang mga mamamayan ng Sion sa kanilang hari. 3 Purihin nila ang kaniyang pangalan na may sayawan; umawit sila ng papuri sa kaniya nang may tamburin at alpa. 4 Dahil nasisiyahan si Yahweh sa kaniyang bayan; dinadakila niya ang mapagkumbaba ng kaligtasan. 5 Magdiwang ang mga maka-diyos sa tagumpay; umawit sila sa galak sa kanilang mga higaan. 6 Nawa mamutawi sa kanilang mga bibig ang mga papuri para sa Diyos at sa kanilang kamay, isang espadang may magkabilang-talim, 7 para maghiganti sa mga bayan at parusahan ang mga tao. 8 Igagapos nila ang mga hari sa kadena at ang mararangya sa mga bakal na posas. 9 Isasagawa nila ang hatol na nasusulat. Ito ay magiging karangalan para sa mga tapat. Purihin si Yahweh.

150:1 Purihin si Yahweh. Purihin ang Diyos sa kaniyang banal na lugar; purihin siya sa matataas na kalangitan. 2 Purihin siya dahil sa kaniyang dakilang mga gawain; purihin siya sa kaniyang kadakilaang walang katumbas. 3 Purihin siya sa ihip ng tambuli; purihin siya gamit ang plawta at alpa. 4 Purihin siya gamit ang tamburin at sayawan; purihin siya gamit ang mga instrumentong may kuwerdas at mga instrumentong hinihipan. 5 Purihin siya gamit ang maiingay na pompyang; purihin siya gamit ang matitinis na pompyang. 6 Purihin si Yahweh ng lahat ng may hininga. Purihin si Yahweh.