Itinalaga ang Ikalawang Templo

515 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezra 6:14–22

14 Kaya ang mga nakatatandang Judio ay nagtayo sa paraang ipinagbilin nina Hagai at Zacarias sa pamamagitan ng pagpropesiya. Itinayo nila ito ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ni Ciro, ni Dario, at ni Artaxerxes, mga hari ng Persia. 15 Ang tahanan ay natapos sa ikatlong araw ng buwan ng Adar, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.

16 Itinalaga ng mga Israelita, mga pari, mga Levita, at ng iba pang nalalabing mga bihag ang tahanan ng Diyos nang may kagalakan.

17 Naghandog sila ng isandaang toro, isandaang lalaking tupa, at apatnaraang batang tupa para sa pagtatalaga sa tahanan ng Diyos. Ladindalawang lalaking kambing ay inialay din bilang isang handog para sa kasalanan ng lahat ng Israelita, isa para sa bawat tribu ng Israel.

18 Itinalaga rin nila ang mga pari at mga Levita na gumawa ng kaniya-kaniyang gawain para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nasusulat sa Aklat ni Moises.

19 Kaya ang mga galing sa pagkakatapon ay nagdiwang ng Paskua sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang mga sarili at kinatay ang mga Pampaskua na mga alay para sa lahat ng mga nanggaling sa pagkakatapon, kasama ang mga pari at Levita. 21 Ang mga Israelitang kumain nang ilan sa karne ng Paskua ay ang mga bumalik galing sa pagkakatapon at ihiniwalay ang kanilang mga sarili mula sa karumihan ng mga tao sa lupain at hinanap si Yahweh, ang Diyos ng Israel.

22 Buong kagalakan nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang pitong araw, dahil binigyan sila ni Yahweh ng kagalakan at binago ang puso ng hari ng Asiria upang palakasin ang kanilang mga kamay sa gawain ng kaniyang tahanan, ang tahanan ng Diyos ng Israel.

Mga Awit 48

1 Dakila si Yahweh at lubos na dakila para purihin, sa lungsod ng ating Diyos sa kaniyang bundok na banal. 2 Ang pagiging matayog nito ay kay gandang pagmasdan, ang kagalakan ng buong mundo, ay ang Bundok ng Sion, sa mga dako ng hilaga, ang lungsod ng Haring dakila. 3 Nagpakilala ang Diyos sa kaniyang mga palasyo bilang isang kublihan. 4 Pero, tingnan niyo, ang mga hari ay pinulong ang kanilang mga sarili; sila ay dumaan nang magkakasama. 5 Nakita nila ito, pagkatapos sila ay namangha, sila ay nasiraan ng loob at nagmamadaling lumayo. 6 Pangangatog ang bumalot sa kanila doon, sakit gaya ng isang babaeng nanganganak. 7 Sa pamamagitan ng hangin ng silangan sinira mo ang mga barko ng Tarsis. 8 Gaya ng aming narinig, ay ganoon din ang aming nakita sa lungsod ni Yahweh ng mga hukbo, sa lungsod ng ating Diyos; itatatag ito ng Diyos magpakailanman. Selah 9 Naalala namin ang tungkol sa iyong katapatan sa tipan, O Diyos, sa gitna ng iyong templo. 10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayundin ang papuri sa iyo hanggang sa mga dulo ng mundo; ang iyong kanang kamay ay puno ng katuwiran. 11 Hayaan mong ang Bundok ng Sion ay matuwa, hayaan mong ang mga anak na babae ng Juda ay magsaya dahil sa iyong makatuwirang mga kautusan. 12 Maglakad sa palibot ng Bundok Sion, umikot ka sa kaniya; bilangin mo ang kaniyang mga tore, 13 masdan mong mabuti ang kaniyang mga pader, at tingnan ang kaniyang mga palasyo nang sa gayon masabi mo ito sa susunod na salinlahi. 14 Dahil ang Diyos na ito ang ating Diyos magpakailanpaman; siya ang ating magiging gabay hanggang sa kamatayan.

Mga Awit 81

1 Umawit nang malakas sa Diyos ng aming kalakasan; sumigaw nang may kagalakan para sa Diyos ni Jacob. 2 Umawit at tumugtog ng tamburin, ng kaaya-ayang lira kasama ng alpa. 3 Hipan ang sungay ng lalaking tupa sa araw ng bagong buwan, sa araw ng kabilugan ng buwan, kapag nagsimula ang araw ng aming kapistahan. 4 Dahil ito ay isang batas para sa Israel, isang kautusan na ibinigay ng Diyos ni Jacob. 5 Nagpalabas siya nito bilang isang patakaran kay Jose noong siya ay nagtungo sa lupain ng Ehipto, kung saan nakarinig ako ng wika na hindi ko naintindihan. 6 “Inalis ko ang pasanin mula sa kaniyang balikat; ang kaniyang mga kamay ay nakalaya mula sa pagkakahawak ng basket. 7 Sa iyong pagdadalamhati ikaw ay tumawag, at tinulungan kita; Tinugon kita mula sa isang madilim na ulap na may kasamang kulog. Sinubok kita sa mga tubig ng Meriba. Selah 8 Makinig kayo, aking bayan, dahil babalaan ko kayo, Israel, kung makikinig lamang kayo sa akin! 9 Walang dapat na maging dayuhang diyos sa inyo; hindi ninyo dapat sambahin ang anumang dayuhang diyos. 10 Ako si Yahweh na inyong Diyos, na naglabas sa inyo mula sa lupa ng Ehipto. Ibuka ninyo nang malaki ang inyong bibig, at pupunuin ko ito. 11 Pero hindi nakinig ang aking bayan sa aking mga salita; hindi ako sinunod ng Israel. 12 Kaya hinayaan ko sila na sundin ang katigasan ng sarili nilang pamamaraan para maaari nilang gawin kung ano sa tingin nila ang tama. 13 O, nawa makinig ang aking bayan sa akin; O, nawa lumakad sa aking mga landas ang aking bayan. 14 Pagkatapos agad kong pasusukuin ang kanilang mga kaaway at ibabaling ko ang aking kamay laban sa mga nang-aapi sa kanila. 15 Nawa ang mga napopoot kay Yahweh ay yumuko nang may takot sa harap niya! Nawa sila ay mapahiya magpakailanman. 16 Pakakainin ko ang Israel ng pinakamainam na trigo; pasisiyahin ko kayo ng pulot na lumalabas mula sa bato.”

Mga Awit 146

1 Purihin si Yahweh. Aking kaluluwa, purihin si Yahweh. 2 Ako ay magpupuri kay Yahweh habang ako ay nabubuhay; ako ay aawit ng mga papuri sa aking Diyos habang ako ay nabubuhay. 3 Huwag mong ilagay ang iyong pagtitiwala sa mga prinsipe o sa sangkatauhan, kung saan walang kaligtasan. 4 Kapag ang hininga ng isang tao ay huminto, siya ay bumabalik sa lupa; sa araw na iyon matatapos ang kaniyang mga plano. 5 Mapalad siya na may Diyos ni Jacob para tulungan siya, na ang pag-asa ay na kay Yahweh na kaniyang Diyos. 6 Nilikha ni Yahweh ang langit at lupa, ang dagat, at ang lahat ng mayroon sila; kaniyang pinagmamasdan ang pagiging mapagkakatiwalaan magpakailanman. 7 Siya ang nagpapatupad ng katarungan sa mga inaapi at nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinapalaya ni Yahweh ang mga bilanggo; 8 minumulat ni Yahweh ang mga mata ng bulag; ibinabangon ni Yahweh ang mga nalulugmok; iniibig ni Yahweh ang mga matutuwid. 9 Inaalagaan ni Yahweh ang mga dayuhan sa lupain; kaniyang pinapasan ang mga walang ama at mga balo, pero siya ang sumasalungat sa masasama. 10 Si Yahweh na iyong Diyos, ang maghahari magpakailanman, Sion, para sa lahat ng henerasyon. Purihin si Yahweh.