Bahagi 2: Mula sa Pagtatalaga ng Templo hanggang sa Kamatayan ni Haman

Mula sa pagtatalaga ng ikalawang templo hanggang sa kamatayan ni Haman.

Pagsalungat sa mga Judio sa Ilalim ng Pamumuno ni Assuero

486 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezra 4:6

6 At sa simula ng paghahari ni Assuero sumulat sila ng paratang laban sa mga nakatira sa Juda at Jerusalem.

Pagsalungat sa mga Judio sa Ilalim ng Pamumuno ni Artaxerxes 464 B.C.

Pagsalungat sa mga Judio sa panahon ng paghahari ni Artaxerxes Longimanus.

Ezra 4:7–23

7 Ito ay nangyari sa panahon ni Assuero na sumulat sina Bislam, Mitredat, Tabeel, at ang kanilang mga kasamahan kay Assuero. Ang liham ay nakasulat sa Aramaico at isinalin.

8 Si Rehum na kumander at si Simsai na eskriba ang sumulat sa ganitong paraan kay Artaxerxes tungkol sa Jerusalem.

9 Pagkatapos, sumulat ng isang liham sina Rehum, Simsai at ang kanilang mga kasamahan, na mga hukom at ibang mga opisyal sa pamahalaan, mula sa Erec, Babilonia, at Susa sa Elam, 10 at sinamahan sila ng mga taong pinilit pinatira sa Sarmaria ng dakila at marangal na si Asurbanipal, kasama ang iba pang nasa Lalawigan lampas ng Ilog.

11 Ito ang kopya ng liham na kanilang ipinadala kay Artaxerxes: “Ito ang sinusulat ng iyong mga lingkod, ang mga tao sa ibayo ng ilog:

12 Malaman nawa ng hari na ang mga Judiong nanggaling sa iyo ay pumunta sila laban sa atin sa Jerusalem para magtayo ng isang mapaghimagsik na lungsod. Natapos na nila ang mga pader at inayos na ang mga pundasyon.

13 Ngayon malaman nawa ng hari na kung ang lungsod na ito ay naitayo at ang pader ay natapos, hindi sila magbibigay ng kahit na anong pagkilala at buwis, subalit pipinsalain nila ang mga hari.

14 Siguradong dahil nakain namin ang asin ng palasyo, hindi ito naaangkop para sa amin na makita ang kahit na anong kahihiyan na mangyayari sa hari. Dahil dito kaya ipinababatid namin sa hari 15 upang hanapin ang talaan ng iyong ama at para mapatunayan na ito ay isang mapaghimagsik na lungsod na pipinsala sa mga hari at sa mga lalawigan. Ito ay nagdulot ng maraming suliranin sa mga hari at sa mga lalawigan. Ito ay naging isang sentro para sa paghihimagsik noon pa man. Dahil sa kadahilanang ito, nawasak ang lungsod.

16 Pinababatid namin sa hari na kung ang lungsod na ito at ang pader ay maitayo, wala nang matitira para sa iyo sa ibayo ng malaking ilog, ang Eufrates.”

17 Kaya ang hari ay nagpadala ng tugon kay Rehum at Simsai at sa kanilang mga kasamahan sa Samaria at ang iba pa sa ibayo ng Ilog: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.

18 Ang liham na ipinadala ninyo sa akin ay naisalin at binasa sa akin. 19 Kaya nag-utos ako ng isang pagsisiyasat at natuklasan na sila ay naghimagsik at nag-alsa sa mga hari. 20 Ang mga makapangyarihang hari ay namuno sa Jerusalem at may kapangyarihan sa lahat ng bagay hanggang sa ibayo ng Ilog. Kinilala at nagbayad sila ng mga buwis sa kanila.

21 Ngayon, gumawa kayo ng isang utos para sa mga taong ito na ihinto at huwag itayo ang lungsod na ito hanggang ako ay makagawa ng isang utos. 22 Maging maingat na hindi ito makaligtaan. Bakit kailangang palakihin ang pinsala para saktan ang mga hari?”

23 Nang binasa ang utos ni Haring Artaxerxes sa harap nina Rehum, Simsai, at kanilang mga kasamahan, sila ay mabilis na lumabas sa Jerusalem at sapilitang pinahinto ang mga Judio sa pagtatayo.

Diniborsiyo ni Artaxerxes ang Kanyang Reyna 462 B.C.

Ester 1:1–2:15

1 Sa mga araw ni Assuero (ito ang Assuero na naghari mula India hanggang sa Ethiopia, mahigit 127 lalawigan), 2 sa mga araw na iyon naupo si Haring Assuero sa kanyang maharlikang trono sa kuta ng Susa.

3 Sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, nagbigay siya ng isang pista sa lahat ng kanyang mga opisyal at kanyang mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media, ang magigiting na mga lalaki, ang mga gobernador ng mga lalawigan ay nasa kanyang harapan. 4 Ipinakita niya ang yaman ng karangyaan ng kanyang kaharian at ang dangal ng kaluwalhatian ng kanyang kadakilaan nang maraming araw, sa loob ng 180 araw.

5 Nang natapos ang mga araw na ito, nagbigay ang hari ng pista na tumagal ng pitong araw. Ito ay para sa lahat ng tao sa palasyo ng Susa, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakahamak. Idinaos ito sa bulwagan ng hardin ng palasyo ng hari. 6 Ang bulwagan ng hardin ay pinalamutian ng mga kurtina na kulay puti ang tela at kulay-ube, na may mga tali ng pinong lino at kulay-ube, ibinitin sa sabitang pilak mula sa mga haliging marmol. May mga sopang ginto at pilak na nasa bangketang may dibuhong palamuti na yari sa batong kristal, marmol, ina ng perlas, at mga batong panlatag na may kulay.

7 Ang mga inumin ay inihain sa mga gintong tasa. Di-pangkaraniwan ang bawat tasa, at maraming maharlikang alak na dumating dahil sa pagiging mapagbigay ng hari. 8 Ang inuman ay isinagawa alinsunod sa kautusang, “Dapat walang pilitan.” Nagbigay ng mga utos ang hari sa lahat ng mga tauhan ng kanyang palasyo na gawin para sa kanila ang anumang naisin ng bawat panauhin.

9 Pati si Reyna Vashti ay nagbigay ng pista para sa mga kababihan sa maharlikang palasyo ni Haring Assuero.

10 Sa ika-pitong araw, nang ang puso ng hari ay nasisiyahan dahil sa alak, sinabihan niya sina Memuhan, Biztha, Harbona, Bigtha, Abagtha, Zethar at Carcas (ang pitong opisyal na naglilingkod sa harap niya), 11 na dalahin si Reyna Vashti sa harap niya dala ang kanyang maharlikang korona. Gusto niyang ipakita sa mga tao at mga opisyal ang kanyang kagandahan, sapagkat ang mga katangian niya ay napakaganda.

12 Ngunit tumangging sumunod si Reyna Vashti sa salita ng hari na ipinadala sa kanya ng mga opisyal. Pagkatapos labis na nagalit ang hari; nag-alab ang matinding galit sa kalooban niya.

13 Kaya sumangguni ang hari sa mga lalaking kilalang matalino, na nakakaintindi sa mga panahon (dahil ito ang pamamaraan ng hari sa lahat ng mga bihasa sa batas at paghahatol). 14 Ngayon ang mga taong malapit sa kanya ay sina Carshena, Shethar, Admatha, Tarshish, Meres, Marsena at Memucan, pitong prinsipe ng Persia at Media. May paraan sila ng paglapit sa hari, at may pinakamataas na mga katungkulan sa loob ng kaharian.

15 “Alinsunod sa batas, ano ang gagawin kay Reyna Vashti dahil hindi niya sinunod ang utos ni Haring Assuero, na dinala sa kanya ng mga opisyal?”

16 Sinabi ni Memucan sa harap ng hari at ng mga opisyal, “Hindi lamang laban sa Hari nakagawa ng mali si Reyna Vashti, kundi pati na rin sa lahat ng mga opisyal at lahat ng taong nasa loob ng lahat ng lalawigan ni Haring Assuero. 17 Dahil ang paksa ng reyna ay malalaman ng lahat ng kababaihan. Magdudulot ito sa kanila na ituring nang may paghamak ang kanilang mga asawa. Sasabihin nilang, 'Inutusan ni Haring Assuero si Vashti ang reyna na pumunta sa kanyang harapan, ngunit tumanggi siya.'

18 Bago pa matapos ang mismong araw na ito ang mararangal na mga babae ng Persia at Media na nakarinig sa paksa ng reyna ay magsasabi ng parehong bagay sa lahat ng mga opisyal ng hari. Magkakaroon ng matinding paghamak at galit.

19 Kung ito ay makalulugod sa hari, hayaang isang maharlikang kautusan ang palabasin mula sa kanya, at hayaan itong maisulat sa mga batas ng mga Persiano at ng mga Medeo, na hindi na maaaring pawalang-bisa, upang si Vashti ay hindi na muling makapunta sa harap niya. Hayaan ang hari na ibigay ang kanyang kalagayan bilang reyna sa ibang higit na mabuti kaysa kanya. 20 Nang maihayag na ang utos ng hari sa lahat ng kabuuang lawak ng kaharian, lahat ng asawa ay pararangalan ang kanilang mga asawa, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakamaliit ang kahalagahan.”

21 Ang hari at kanyang mga marangal na kalalakihan ay nasiyahan sa kanyang payo, at ginawa ng hari ang panukala ni Memucan. 22 Nagpadala siya ng mga liham sa lahat ng maharlikang lalawigan, sa bawat lalawigan sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat tao sa kanilang sariling wika. Iniutos niya na ang bawat lalaki ay dapat maging amo ng kanyang sariling sambahayan. Ang utos na ito ay ibinigay sa wika ng bawat tao sa imperyo.

2:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang humupa ang galit ni Haring Assuero, naisip niya si Vashti at kung ano ang ginawa niya. Inisip din niya ang tungkol sa kautusang ginawa niya laban kay Vashti.

2 Pagkatapos ay sinabi ng mga binatang tauhan ng Hari na naglilingkod sa kanya, “Hayaang magsagawa ng paghahanap sa ngalan ng hari para sa mga magagandang dalagang birhen 3 Hayaang humirang ang hari ng mga opisyal sa lahat ng mga lalawigan ng kanyang kaharian, upang pagsama-samahin ang lahat ng magagandang mga dalagang birhen sa harem sa palasyo ng Susa. Hayaan silang mailagay sa ilalim ng pangangalaga ni Hegai, ang opisyal ng hari, na siyang namamahala sa mga babae, at hayaang ibigay niya ang kanilang mga pampaganda. 4 Hayaan ang sinumang dalagang babaeng makalugod sa hari na maging reyna kapalit ni Vashti.” Naibigan ng hari ang payong ito at ginawa niya ito.

5 Mayroong isang Judio na nakatira sa siyudad ng Susa na nagngangalang Mordecai, anak na lalaki ni Jair na apo ni Simei na anak na lalaki ni Kis na lipi ni Benjamin. 6 Kinuha siya palayo mula sa Jerusalem kasama ng mga tinapon pati na mga dinakip na kasama ni Jehoiakin, hari ng Juda, na tinangay ni Nebuchadezzar na hari ng Babilonia.

7 Siya ang nag-aalaga kay Hadasa, iyon ay, si Esther, ang anak na babae ng kanyang tiyo, sapagkat wala na siyang ama o ina. Ang dalaga ay may magandang hugis at kaibig-ibig ang panlabas na anyo. Inaruga siya ni Mordecai na parang sariling anak.

8 Nang pinahayag ang utos at batas ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng Susa. Sila ay inilagay sa ilalim ng pangangalaga ni Hegai. Dinala rin si Esther papuntang palasyo ng hari at inilagay sa ilalim ng pangangalaga ni Hegai, ang siyang tagapangasiwa sa mga dalaga. 9 Ang dalaga ay nakapag-bigay lugod sa kanya, at nakuha niya ang pabor nito. Agad niya itong binigyan ng mga pampaganda at bahagi ng pagkain niya. Itinalaga niya sa kanya ang pitong aliping babae mula sa palasyo ng hari, at siya at mga aliping babae ay inilipat niya sa pinakamagandang lugar sa bahay ng mga kababaihan.

10 Walang sinumang sinabihan si Esther kung sino ang kanyang lahi o mga kamag-anak, sapagkat sinabihan siya ni Mordecai na huwag sabihin. 11 Araw-araw naglalakad si Mordecai papunta at pabalik sa harapan ng patyo sa labas ng bahay ng mga kababaihan, upang malaman ang tungkol sa kapakanan ni Esther, at tungkol sa kung ano ang gagawin sa kanya.

12 Nang dumating ang pagkakataon para sa bawat dalaga upang pumunta kay Haring Assuero—sa pagsunod ng mga alintuntunin para sa mga babae, ang bawat babae ay kinakailangang tapusin ang labindalawang buwan ng pagpapaganda, anim na buwan na may langis ng mira, at anim na may pabango at pampaganda — 13 Kapag ang dalaga ay pumunta sa hari, anuman ang kagustuhan nito ay ibinibigay sa kanya mula sa bahay ng mga kababaihan, para madala niya sa palasyo. 14 Sa gabi siya ay papasok, at sa umaga siya ay babalik sa ikalawang tahanan ng mga babae, at sa pangangalaga ni Saasgaz, ang opisyal ng hari, na siyang namamahala sa ibang mga asawa. Hindi na siya muling makakabalik sa hari maliban na lamang kung siya ay malugod sa kanya at ipatawag siyang muli.

15 Ngayon nang dumating ang panahon para kay Esther (anak na babae ni Abihail, ang tiyo ni Mordecai, na siyang kumuha sa kanya bilang sariling anak) na pumunta sa hari, hindi siya humingi ng anumang bagay subalit kung ano ang iminungkahi ni Hegai na namamahala sa mga babae. Ngayon naibigan si Esther ng sinumang makakita sa kanya.