Kinuwestiyon ng Konseho ang Awtoridad ni Jesus

Pormal na kinuwestiyon ng mga pinuno (ang Konseho) ang awtoridad ni Jesus bilang isang kinikilalang guro (rabbi).

Sa patyo ng templo. (Martes) Isang araw ng pagtatalo

Ibinatay ni Jesus ang kaniyang awtoridad bilang tao kay Juan na Tagapagbautismo, ang kaniyang tagapagpauna na nagbautismo sa kaniya, at hiningi ang opinyon ng Konseho tungkol sa bautismo ni Juan. Hindi makasagot ang mga pinunong Judio sa matalas na ganting tanong na ito, at idiniin ni Jesus ang kaniyang pangangatwiran sa pamamagitan ng tatlong talinghaga: (a) ang talinghaga ng dalawang anak; (b) ang talinghaga ng masasamang kasama sa bukid; (c) ang talinghaga ng piging sa kasal ng anak ng hari.

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 21:23–22:14

21:23 Nang dumating si Jesus sa templo, pumunta sa kaniya ang mga punong pari at mga nakatatanda sa mga tao habang siya ay nagtuturo at sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan ginawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan na ito?”

24 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Ako rin ay magtatanong sa inyo ng isang tanong. Kung sasagutin ninyo ako, sasagutin ko rin kayo kung sa anong kapangyarihan ginawa ko ang mga bagay na ito.

25 Ang bautismo ni Juan—saan ba ito galing, galing ba sa langit o sa mga tao?” Pinag-usapan nila ito sa kanilang mga sarili, na nagsasabi, “Kung sasabihin natin na, 'Nagmula sa langit,' sasabihin niya sa atin, 'Bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?'

26 Kung sasabihin natin na, 'Galing sa tao,' natatakot tayo sa mga tao, sapagkat kinikilala nila si Juan bilang isang propeta.”

27 Sumagot sila kay Jesus at nagsabi, “Hindi namin alam.” Sinabi rin niya sa kanila, 'Kung gayon hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ginawa ko ang mga bagay na ito.

28 Subalit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Pumunta siya sa una at sinabi, 'Anak pumunta ka at magtrabaho sa araw na ito sa ubasan,' 29 Sumagot ang anak at nagsabi, 'Ayaw ko,' subalit, pagkatapos nito nagbago ang kaniyang isip at pumunta siya.

30 At ang taong ito ay pumunta sa kaniyang pangalawang anak at nagsabi ng ganoon din. Sumagot ang anak na ito at nagsabi, 'Ginoo, pupunta ako.' Ngunit hindi siya pumunta.

31 Alin sa dalawang anak na lalaki ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sabi nila, “Ang nauna.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaing nagbebenta ng aliw ay mauunang makapasok sa kaharian ng Diyos bago kayo. 32 Sapagkat si Juan ay pumunta sa inyo sa daan ng katuwiran, subalit hindi ninyo siya pinaniwalaan, samantalang ang mga maniningil ng buwis at mga nagbebenta ng aliw ay naniwala sa kaniya. At kayo, noong nakita ninyo na nangyari, hindi man lang kayo nagsisi pagkatapos nito upang maniwala sa kaniya.

33 Pakinggan ang isa pang talinghaga. May isang tao na nagmamay-ari ng napakalawak na lupain. Nagtanim ng mga ubas at binakuran niya ito, at naghukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng tore ng bantay, at pinaupahan ito sa mga tagapag-alaga ng ubasan. At siya ay nagtungo sa ibang bayan.

34 Nang ang panahon ng pag-aani ng ubasan ay papalapit na, nagpadala siya ng ilan sa kaniyang mga utusan sa mga tagapag-alaga ng ubasan upang kunin ang kaniyang mga ubas.

35 Subalit sinunggaban ng mga tagapag-alaga ng ubasan ang kaniyang mga utusan, pinalo ang isa, pinatay ang iba, at binato rin ang iba.

36 Minsan pa, ang may ari ay nagpadala ng iba pang mga utusan, mas marami pa sa nauna, subalit ganoon din ang ginawa sa kanila ng mga tagapag-alaga ng ubasan.

37 Pagkatapos noon, pinadala ng may-ari ang kaniyang sariling anak sa kanila, na nagsabi, ''Igagalang nila ang aking anak.'

38 At nang makita ng mga tagapag-alaga ng ubas ang anak, sinabi nila sa kanilang mga sarili, “Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at angkinin natin ang mana.'

39 Kaya kinuha nila siya at itinapon palabas ng ubasan, at pinatay siya.

40 Ngayon, kung darating ang may ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga tagapag-alaga ng ubasan?”

41 Sinabi nila sa kaniya, “Pupuksain niya sila na tampalasan na mga tao sa mabagsik na pamamaraan at ang ubasan ay pauupahan sa ibang tagapagpangalaga ng ubasan, sa mga taong magbabayad kapag ang ubas ay mahinog na.”

42 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa sa mga kasulatan, 'Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ay naging batong panulukan. Ito ay galing sa Panginoon, at ito ay kamanghamangha sa ating mga mata.'

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin niya sa inyo at ibibigay sa ibang bansa na mag-aalaga sa mga bunga nito.

44 Ang sinumang babagsak sa batong ito ay mababasag ng pirapiraso. At kung kanino man ito babagsak, madudurog siya.”

45 Nang napakinggan ng mga punong pari at mga Pariseo ang kaniyang mga talinghaga, nakita nila na ang kaniyang sinasabi ay patungkol sa kanila.

46 Subalit sa tuwing naisin nilang dakpin siya, natatakot sila sa mga tao sapagkat tinuturing siya ng mga tao na isang propeta.

22:1 At muling nagsalita si Jesus sa kanila ng isang talinghaga, at nagsabi, 2 “Ang kaharian ng langit ay katulad sa isang hari na naghanda ng salu-salo sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. 3 Sinugo niya ang kaniyang mga utusan na tawagin ang mga naanyayahan sa salu-salo sa kasal, subalit ayaw nilang pumunta.

4 At muling nagsugo ang hari ng iba pang mga utusan, na nagsabing, 'Sabihin sa mga naanyayahan, “Tingnan ninyo, naihanda ko na ang aking hapunan. Ang aking mga baka at pinatabang mga batang baka ay nakatay na, at ang lahat ay nakahanda na. Pumunta kayo sa salu-salo sa kasal.'

5 Subalit binabalewala ng mga taong ito ang kaniyang paanyaya. Ang iba ay bumalik sa kanilang sariling mga bukirin, ang iba naman ay nagtungo sa mga lugar ng kanilang negosyo. 6 Ang iba naman ay sinunggaban ang mga utusan ng hari, pinahiya at pinatay sila.

7 Subalit nagalit ang hari. Inutusan niya ang kaniyang mga sundalo na patayin ang mga mamamatay na iyon, at sunugin ang kanilang lungsod. 8 At sinabi niya sa kaniyang mga utusan, 'Ang kasal ay handa na, ngunit ang mga naanyayahan ay hindi karapat-dapat. 9 Kaya pumunta kayo sa mga sangandaan at anyayahan ninyo kung gaano karaming tao ang inyong matatagpuan sa salu-salo sa kasal.'

10 At ang mga utusan ay nagtungo sa mga malalaking daan at inipon ang lahat ng mga taong matagpuan nila kapwa mabuti at masama. Kaya't ang bulwagan pangkasalan ay napuno ng mga panauhin.

11 Subalit nang dumating ang hari upang tingnan ang mga panauhin, nakakita siya ng tao na hindi nakasuot ng pangkasal na kasuotan. 12 Sinabi ng hari sa kaniya, 'Kaibigan, paano ka nakapasok dito nang walang pangkasal na kasuotan?' At walang maisagot ang tao.

13 At sinabi ng hari sa kaniyang mga utusan, 'Gapusin ang kamay at paa ng taong ito, at ihagis siya sa kadiliman sa labas, kung saan doon ay may pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.'

14 Sapagkat maraming tao ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Marcos 11:27–12:12

11:27 Nakarating silang muli ng Jerusalem, habang si Jesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong pari, mga eskriba, at ng mga nakatatanda.

28 Sinabi nila sa kaniya, “Sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ang mga ito?”

29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo ng isang katanungan. Sabihin ninyo sa akin at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

30 Ang pagbabautismo ni Juan, nanggaling ba iyon sa langit o sa tao? Sagutin ninyo ako.”

31 At sila ay nag-usap-usap at nagtalu-talo at sinabi, “Kung sasabihin nating, 'Sa langit,' sasabihin niyang, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?'

32 Ngunit kung sasabihin nating, 'Mula sa tao,'...” Natakot sila sa mga tao, dahil pinanghahawakan nilang lahat na si Juan ay isang propeta.

33 Pagkatapos ay sinagot nila si Jesus at sinabi, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito.”

12:1 Pagkatapos nagsimulang magturo sa kanila si Jesus ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang tao na gumawa ng ubasan, binakuran ang paligid nito, at gumawa ng hukay para sa pisaan ng ubas. Nagtayo siya ng toreng bantayan at pagkatapos ay pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala ng ubas. Pagkatapos ay naglakbay siya.

2 Sa tamang panahon, ipinadala niya ang kaniyang lingkod sa mga tagapag-alaga ng ubas upang tanggapin mula sa kanila ang ilan sa mga bunga ng ubasan.

3 Ngunit kinuha nila siya, binugbog at pinalayas na walang dalang anuman.

4 Muli siyang nagpadala sa kanila ng iba pang lingkod, sinugatan nila ito sa ulo at ipinahiya.

5 Nagpadala siya ng isa pa, at pinatay rin nila ito. Ganito din ang pakikitungo nila sa mga iba pa, binugbog ang ilan at pinapatay ang iba.

6 Mayroon pa siyang isang taong maipapadala, ang pinakamamahal niyang anak. Siya ang pinakahuling taong ipinadala niya sa kanila. Sinabi niya, “Igagalang nila ang aking anak.”

7 Ngunit sinabi ng mga katiwala sa isa't isa, “Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at mapapasaatin ang kaniyang mana.”

8 Dinakip nila siya, pinatay at ipinatapon sa labas ng ubasan.

9 Kaya, ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at papatayin ang mga katiwala ng ubas at ibibigay ang ubasan sa iba.

10 Hindi ba ninyo nababasa ang kasulatang ito? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo, ang naging batong-panulukan. 11 Mula ito sa Panginoon at kamangha-mangha ito sa ating mga mata.”'

12 Nais nilang hulihin si Jesus ngunit natakot sila sa maraming tao, sapagkat alam nilang sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Kaya iniwan nila siya at umalis.

Lucas 20:1–19

20:1 At nangyari sa isang araw, habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao sa templo at ipinapangaral ang ebanghelyo, nilapitan siya ng mga punong pari at mga eskriba kasama ang mga nakatatanda.

2 Nagsalita sila, at sinasabi sa kaniya, “Sabihin mo sa amin kung sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang ito?”

3 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “May itatanong din ako sa inyo. Sabihin niyo sa akin ang tungkol 4 sa pagbautismo ni Juan. Mula ba ito sa langit o mula sa tao?”

5 Nagusap-usap sila at sinabi, “Kapag sasabihin natin, 'Mula sa langit,' sasabihin niya, 'Kung ganoon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?'

6 Pero kung sasabihin natin, 'Mula sa tao,' babatuhin tayo ng lahat ng mga tao, dahil nahikayat sila na si Juan ay isang propeta.”

7 Kaya sumagot sila na hindi nila alam kung saan ito nagmula.

8 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ko din sasabihin sa inyo kung saan galing ang aking kapangyarihan na gumawa ng mga bagay na ito.”

9 Sinabi niya sa mga tao ang talinghagang ito, “May isang taong nagtanim ng ubasan, pinaupa niya ito sa mga magtatanim ng ubas, at pumunta sa ibang bansa sa mahabang panahon.

10 Nang dumating ang takdang panahon, pinapunta niya ang kaniyang utusan sa mga magtatanim ng ubas, upang siya ay bigyan nila ng bunga ng ubasan. Ngunit binugbog siya ng mga magtatanim ng ubas, at pinaalis siyang nang walang dala.

11 Pagkatapos, pinapunta niya ang isa pang utusan, at siya ay binugbog din nila, at kahiya-hiya ang ginawa sa kaniya, at pinaalis siya nang walang dala.

12 At pinapunta pa rin niya ang ikatlo at sinugatan din nila, at itinapon siya palabas.

13 Kaya sinabi ng may-ari ng ubasan, 'Ano ang gagawin ko? Papupuntahin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Baka sakaling igalang nila siya.'

14 Ngunit nang makita siya ng mga magtatanim ng ubas, nag-usap-usap sila, sinasabing, 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapunta sa atin ang kaniyang mana.'

15 Pinalayas nila siya sa ubasan, at pinatay. Ano nga kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan sa kanila?

16 Siya ay darating at pupuksain ang mga magtatanim ng ubas at ipamimigay sa iba ang ubasan.” Nang marinig nila ito, sabi nila, “Huwag sanang pahintulutan ng Diyos ito!”

17 Ngunit tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Ano ang kahulugan ng kasulatang ito? 'Ang bato na tinanggihan ng mga gumagawa ng gusali, ay ginawang batong panuluk'?

18 Ang bawat isa na babagsak sa batong iyon ay magkakadurog-durog. Ngunit kung sinuman ang mabagsakan ng batong ito ay madudurog.”

19 Kaya pinagsikapan na hulihin ng mga eskriba at mga punong pari si Jesus sa oras ding iyon, dahil alam nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Ngunit natakot sila sa mga tao.