Tinangka ng mga Pariseo at ng mga Taga-sunod ni Herodes na Bitagin si Jesus Tungkol sa Buwis

Tinangka ng mga Pariseo at ng mga taga-sunod ni Herodes na bitagin si Jesus tungkol sa pagbabayad ng buwis kay Cesar.

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 22:15–22

22:15 At umalis ang mga Pariseo at nagbalak kung papaanong mabitag nila si Jesus sa kaniyang sariling salita.

16 At pinadala nila ang kanilang mga alagad sa kaniya, kasama ang mga tagasunod ni Herodes. Sinabi nila kay Jesus, “Guro, alam namin na ikaw ay makatotohanan, at nagtuturo sa pamamaraan ng Diyos ng may katotohanan. At wala kayong pakialam sa sinasabi nang sinuman, at hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga tao. 17 Kaya sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo? Nararapat bang magbayad ng mga buwis kay Cesar o hindi?”

18 Subalit nakakaintindi ng kanilang kasamaan si Jesus at nagsabi, “Bakit ninyo ako sinusubok, kayong mga mapagkunwari?

19 Ipakita ninyo sa akin ang pangbuwis na salapi.” Dinala nila ang isang denaryo sa kaniya.

20 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaninong mukha at pangalan ang narito?”

21 Sinabi nila sa kaniya, “Kay Cesar.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”

22 Nang mapakinggan nila ito, namangha sila. At iniwan nila siya at umalis sila.

Marcos 12:13–17

12:13 Pagkatapos, nagpadala sila sa kaniya ng ilan sa mga Pariseo at mga tauhan ni Herodes upang bitagin siya sa pamamagitan ng mga salita.

14 Nang makarating sila, sinabi nila sa kaniya, “Guro, alam namin na wala kayong pakialam sa saloobin ninuman at hindi kayo nagpapakita ng pagpanig sa pagitan ng mga tao. Tunay na iyong itinuturo ang daan ng Diyos. Naaayon ba sa kautusan na magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? Kailangan ba kaming magbayad o hindi?”

15 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang pagkukunwari at sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng denario upang matingnan ko ito.”

16 Nagdala sila ng isa kay Jesus. Sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan at tatak ito?” Sumagot sila, “Kay Cesar.”

17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Namangha sila sa kaniya.

Lucas 20:20–26

20:20 Maingat siyang inaabangan, nagpadala sila ng mga espiya na nagkukunwaring matuwid upang makahanap sila ng pagkakamali sa kaniyang salita, upang ibigay siya sa batas at sa kapangyarihan ng gobernador.

21 Sila ay nagtanong sa kaniya, at sinabi, “Guro, alam naming nagsasabi at nagtuturo ka nang tama, at hindi ka nahihikayat ng sinuman, ngunit itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa daan ng Diyos.

22 Naayon ba sa batas na magbayad kami ng buwis kay Cesar, o hindi?”

23 Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang katusuhan, at sinabi niya sa kanila,

24 “Ipakita niyo sa akin ang isang dinario. Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito? At sinabi nila, “Kay Cesar.”

25 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”

26 Hindi mabatikus ng mga eskriba at mga pinunong pari ang kaniyang sinabi sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kaniyang sagot at wala silang nasabi.

Ang Palaisipan ng mga Saduseo Tungkol sa Muling Pagkabuhay

Nagtanong ang mga Saduseo kay Jesus ng isang nakalilitong tanong tungkol sa muling pagkabuhay.

Sa patyo ng templo. (Martes)

Mateo 22:23–33

22:23 Sa araw na iyon ilan sa mga Saduseo na mga nagsasabi na walang muling pagkabuhay ay pumunta sa kaniya. Tinanong nila siya,

24 na nagsasabi, “Guro, sinabi ni Moises na, 'Kung ang tao ay mamatay, na walang anak, kailangang pakasalan ng kapatid niya ang kaniyang asawa at magkaroon ng anak alang-alang sa kaniyang kapatid.'

25 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang panganay ay nag-asawa at namatay, at hindi nagkaanak. Iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalaki.

26 At ang pangalawang kapatid na lalaki gayon din ang ginawa niya, at ang pangatlo, hanggang sa pampitong kapatid na lalaki.

27 Pagkatapos nilang lahat, namatay din ang babae.

28 Ngayon sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya sa pitong magkakapatid? Sapagkat siya ay naging asawa nilang lahat.”

29 Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang mga kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos.

30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin. Sa halip, sila ay katulad ng mga anghel sa langit.

31 Ngunit tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nababasa kung ano ang sinabi sa inyo ng Diyos, na nagsasabi, 32 'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob'? “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kung hindi ng mga buhay.”

33 Nang mapakinggan ito ng mga tao, sila ay namangha sa kaniyang katuruan.

Marcos 12:18–27

12:18 Pagkatapos pumunta sa kaniya ang mga Saduceo na nagsasabing walang pagkabuhay muli. Tinanong nila siya na nagsasabi,

19 “Guro, sumulat si Moises para sa atin, 'Kung namatay ang kapatid na lalaki ng isang lalaki at maiwan niya ang asawa, ngunit walang anak, kailangang kunin ng lalaki ang asawa ng kaniyang kapatid, at magkaroon ng mga anak para sa kaniyang kapatid.'

20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki; ang una ay nakapangasawa at pagkatapos ay namatay na walang naiwang anak.

21 Pagkatapos kinuha siya upang mapangasawa ng ikalawa at namatay na walang naiwang anak. At gayundin ang ikatlo. 22 At walang naiwang anak ang pito. Sa huli namatay din ang babae.

23 Sa muling pagkabuhay, kapag sila ay bumangon muli, sino ang kaniyang magiging asawa? Gayong napangasawa niya ang lahat ng pitong magkakapatid.”

24 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, dahil hindi ninyo nalalaman ang kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos?

25 Sapagkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa o makapag-aasawa, ngunit katulad sila ng mga anghel sa langit.

26 Ngunit tungkol sa mga patay na ibinangon, hindi ba ninyo nabasa sa Aklat ni Moises, sa salaysay tungkol sa mababang punong kahoy, kung paano nangusap sa kaniya ang Diyos at sinabi, 'Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob?'

27 Hindi siya ang Diyos ng mga patay, ngunit ng mga buhay. Nagkakamali kayo.

Lucas 20:27–40

20:27 Nang magpunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay,

28 tinanong nila siya, sinabi, “Guro, sumulat si Moises sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay namatay, na may asawa, at walang anak, dapat kunin ng lalaki ang asawa ng kaniyang kapatid, at magkaroon ng anak para sa kaniyang kapatid.

29 May pitong magkakapatid na lalaki at nag-asawa ang panganay, ngunit namatay nang walang anak,

30 at ganoon din ang pangalawa. 31 Napangasawa ng ikatlong kapatid ang babae, at ganoon din ang pito ay hindi nag-iwan ng mga anak, at namatay.

32 Pagkatapos ang babae ay namatay din.

33 Sa muling pagkabuhay, kaninong asawa ang babae? Sapagkat siya ay naging asawa ng pito?

34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga anak na lalaki ng mundong ito ay mag-aasawa at ibinibigay upang makapangasawa. 35 Ngunit ang mga nahatulan na karapat-dapat na tumanggap ng muling pagkabuhay mula sa mga patay at pumasok sa walang hanggang ay hindi mag-aasawa at hindi ibinibigay upang makapangasawa.

36 At hindi na rin sila mamamatay, sapagkat kapantay nila ang mga anghel at sila ay mga anak ng Diyos, bilang mga anak ng muling pagkabuhay.

37 Ngunit ang mga patay ay binuhay na muli, maging si Moises ay ipinakita niya, sa lugar ng mababang punong kahoy, na tinawag niya ang Panginoon na ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.

38 Ngayon, hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sapagkat ang lahat ay nabubuhay sa kaniya.”

39 Sumagot ang ilan sa mga eskriba, “Guro, mahusay ang iyong sagot,” 40 At hindi na sila nangahas pang magtanong sa kaniya ng anumang tanong.