Nagtanong kay Jesus ang Isang Pariseong Dalubhasa sa Kautusan
Nagalak ang mga Pariseo sa pagkatalo ng mga Saduseo, at isang dalubhasa sa kautusan na isang Pariseo ang nagtanong kay Jesus tungkol sa Kautusan.
Sa patyo ng templo. (Martes)
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 22:34–40
22:34 Subalit nang mapakinggan ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, nagtipuntipon sila. 35 Isa sa kanila na isang abogado ay nagtanong sa kaniya ng isang katanungan, upang subukin siya—
36 “Guro, alin ba ang pinakadakilang utos sa kautusan?”
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.'
38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.' 40 Dito sa dalawang mga kautusang ito nakasalalay ang buong kautusan at ang mga propeta.”
Marcos 12:28–34
12:28 Isa sa mga eskriba ang nagpunta at nakarinig sa kanilang pag-uusap, nakita niyang mahusay silang sinagot ni Jesus. Tinanong niya ito, “Ano ang pinakamahalagang kautusan sa lahat?”
29 Sumagot si Jesus, “Ang pinakamahalagang kautusan ay, 'Makinig kayo, Israel, ang Panginoong ating Diyos, ang Panginoon ay iisa.
30 Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.'
31 Ito ang ikalawang kautusan, 'Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.' Wala nang iba pang kautusang higit na dakila kaysa mga ito.”
32 Sinabi ng eskriba, “Mahusay, Guro! Tunay na nasabi ninyong iisa ang Diyos, at wala ng iba pa maliban sa kaniya. 33 Ang ibigin siya nang buong puso, nang buong pang-unawa, nang buong kalakasan, at ang ibigin ang kapwa gaya ng sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng mga susunuging mga alay at mga hain.”
34 Nang makita ni Jesus na siya ay nagbigay ng matalinong kasagutan, sinabi niya sa kaniya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Matapos iyon walang sinumang nangahas magtanong kay Jesus ng anumang mga katanungan.
Pinatahimik ni Jesus ang Kaniyang mga Kaaway Tungkol sa Anak ni David
Sa kagalakan ng mga tao, pinatahimik ni Jesus ang kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng matalas na tanong kung paanong ang Mesias ay nagmula kay David ngunit Panginoon din ni David.
Sa patyo ng templo. (Martes)
Mateo 22:41–46
22:41 Ngayon habang ang mga Pariseo ay nagkakatipon pa rin, si Jesus ay nagtanong sa kanila ng katanungan.
42 Sinabi niya, “Ano ang iniisip ninyo tungkol kay Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kaniya, “Ang anak ni David.”
43 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Papaanong si David sa Espiritu ay tumawag sa kaniyang Panginoon, na nagsabi, 44 'Ang Panginoon ay nagsabi sa aking Panginoon, “Umupo ka sa dako ng aking kanang kamay, hanggang ang iyong mga kaaway ay maging tungtungan ng iyong mga paa.”'?”
45 Kung si David nga ay tinawag niya ang Cristo na 'Panginoon', paano siya naging anak ni David?”
46 Walang kahit isa na makasagot sa kaniya ng isang salita, at mula sa araw na iyon walang sinumang sumubok pang magtanong sa kaniya.
Marcos 12:35–37
12:35 At tumugon si Jesus, habang nangangaral siya sa templo, sinabi niya, “Paano ito nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?
36 Si David mismo, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagsabi, 'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, umupo ka sa aking kanang kamay, hanggang magawa kong tapakan ng paa mo ang iyong mga kaaway.'
37 Mismong si David ay tinawag na Cristo ang 'Panginoon', kaya paano siya naging anak ni David?” Masayang nakinig sa kaniya ang napakaraming tao.
Lucas 20:41–44
20:41 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Paano nila nasabi na ang Cristo ay anak ni David?
42 Sapagkat sinabi mismo ni David sa Aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, 'Umupo ka sa aking kanang kamay, 43 hanggang gawin ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.'
44 Kaya tinawag ni David ang Cristo na 'Panginoon', kaya paano siya naging anak ni David?”