Isinumpa ang Puno ng Igos at Muling Nilinis ang Templo
Isinumpa ang puno ng igos na walang bunga, at nilinis ang templo sa ikalawang pagkakataon.
Bethania at Jerusalem (Lunes). Isang araw ng kapangyarihan ng Mesias
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 21:18–19, 12–13
21:18 Kinaumagahan nang pabalik na si Jesus sa lungsod, nagutom siya.
19 Nakakita siya ng puno ng igos sa tabi ng daan. Pinuntahan niya ito, subalit wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. At sinabihan niya ito, “Hindi ka na magbubunga mula ngayon at magpakailan man.” Kaagad-agad ang puno ng igos ay natuyo.
12 Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos. At pinaalis palabas ang lahat ng mga namili at nagbebenta sa templo. At pinagbubuwal din niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagbebenta ng mga kalapati.
13 Sinabi niya sa kanila, “Ito ay nasusulat, 'Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-panalanginan,' ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
Marcos 11:12–18
11:12 Kinabukasan, sa kanilang pagbabalik mula sa Bethania, nagutom siya.
13 At nang nakakita siya sa malayo ng puno ng igos na may mga dahon, pumunta siya upang tingnan kung mayroon ba siyang makukuha rito. At pagkarating niya doon, wala siyang nakita kung hindi puro dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos. 14 Kinausap niya ito, “Wala ng makakakain muli ng bunga mula sa iyo.” At narinig ito ng kaniyang mga alagad.
15 Nakarating sila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at namimili sa templo. Tinaob niya ang mga lamesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbebenta ng kalapati. 16 Hindi niya pinayagang makapasok ang kahit na sino na may dalang kahit na anong bagay na maaaring ibenta sa templo.
17 Tinuruan niya sila at sinabi, “Hindi ba nasusulat na, 'Ang aking tahanan ay tatawaging Bahay ng Panalangin para sa lahat ng mga bansa'? Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
18 Narinig ng mga punong pari at ng mga eskriba ang sinabi niya, at naghanap sila ng paraan upang ipapatay siya. Kinatatakutan nila siya dahil ang lahat ng mga tao ay namangha sa kaniyang mga tinuturo.
Lucas 19:45–48
19:45 Pumasok si Jesus sa templo at sinimulang palayasin ang mga nagtitinda,
46 sinasabi sa kanila, “Nasusulat, 'Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan,' ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
47 Kaya araw-araw nagtuturo si Jesus sa templo. Ang mga punong pari at ang mga eskriba at ang mga pinuno ng mga tao ay nais siyang patayin, 48 ngunit wala silang mahanap na paraan upang gawin ito, dahil ang lahat ng mga tao ay nakikinig nang mabuti sa kaniya.
Nais ng Ilang mga Griyego na Makita si Jesus
Nalilito ang mga alagad sa pagnanais ng ilang mga Griyego na makita si Jesus. Dahil dito, ipinaliliwanag ni Jesus, na nababagabag ang kaluluwa, ang buhay at kamatayan bilang sakripisyo, at ipinakikita kung paano niya ilalapit ang lahat sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang “pagkakataas.”
Jerusalem (Lunes)
Juan 12:20–50
12:20 Ngayon, may ilang mga Griyego na kasama nilang umakyat upang sumamba sa kapistahan. 21 Lumapit sila kay Felipe na mula sa Bethsaida ng Galilea, at tinanong siya na nagsasabi, “Ginoo, nais naming makita si Jesus.” 22 Pumunta si Felipe at sinabi kay Andres; si Andres ay pumunta kasama si Felipe, at sinabi nila kay Jesus.
23 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang oras ay dumating na upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin. 24 Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay nanatili sa kaniyang sarili na mag-isa, ngunit kung ito ay mamatay, magbubunga ito ng napakarami. 25 Ang nagmamahal sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, subali't ang namumuhi sa kaniyang buhay sa mundong ito ay mapapanatili ito para sa walang hanggang buhay. 26 Kung sinuman ang maglingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon, ang aking lingkod ay naroon din. Kung sinuman ang maglingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.
27 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ngayon, “Ano ang aking sasabihin? 'Ama, iligtas mo ako sa oras na ito'? Subalit dahil dito, naparito ako sa oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Pagkatapos isang tinig ang nagmula sa langit, at nagsabi, “Niluwalhati ko na at muli ko rin itong luluwalhatiin” 29 Pagkatapos ang maraming mga tao na nakatayo sa malapit at nakarinig nito ay nagsabi na kumulog. Sinabi ng iba, “Isang anghel ang nagsalita sa kaniya.”
30 Sumagot si Jesus at nagsabi, “Ang tinig na ito ay hindi dumating alang-alang sa akin, kundi para sa inyong kapakanan. 31 Ngayon na ang paghuhukom nitong mundo. Ngayon itataboy ang prinsipe ng mundong ito. 32 At ako, kung ako ay maitaas mula sa lupa, aking ilalapit ang mga tao sa aking sarili. 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung sa paanong paraan na kamatayan siya mamamatay.
34 At sumagot ang maraming tao sa kaniya, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Paano mo masasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangan itaas?” “Sino itong Anak ng Tao?”
35 Saka sinabi ni Jesus sa kanila, “Gayunman sa kaunting panahon na lamang ay kasama ninyo ang ilaw. Lumakad habang nasa inyo ang liwanag upang hindi kayo abutan ng kadililman. Ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nakakaalam kung saan siya patutungo. 36 Habang mayroon sa inyo ang liwanag, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga anak ng liwanag. Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito, at pagkatapos umalis siya at hindi na muling nagpakita sa kanila.
37 Kahit na maraming nagawang mga tanda si Jesus sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya 38 upang ang salita ni Isaias na propeta ay maaring matupad, na kaniyang sinabi: “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ulat? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Sa kadahilanang ito hindi sila sumasampalataya, sapagkat sinabi rin ni Isaias, 40 “Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso, kung hindi man, makikita nila sa kanilang mga mata at makauunawa sa kanilang mga puso, at manumbalik, at pagagalingin ko sila.
41 Sinabi ang mga bagay na ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagsalita siya ng tungkol sa kaniya. 42 Gayunpaman, maraming mga pinuno ang naniwala kay Jesus, pero dahil sa mga Pariseo, hindi nila inaamin ito upang hindi sila ipagbawal sa sinagoga. 43 Minahal nila ang papuri na nagmumula sa mga tao kaysa sa papuring nagmumula sa Diyos.
44 Sumigaw si Jesus at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi maging sa kaniya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakakita sa akin ay nakakakita sa kaniya na nagsugo sa akin. 46 Ako ay naparito bilang isang liwanag sa mundo upang ang sinumang maniwala sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman.
47 Kung sinuman ang nakakarinig ng aking mga salita, subalit hindi sinusunod ang mga ito, hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ang mundo. 48 Ang sinumang tumanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita ay mayroong isang hahatol sa kaniya, ito ay ang salita na aking sinabi na siyang hahatol sa kaniya sa huling araw.
49 Sapagkat hindi ako nagsalita mula sa aking sarili. Sa halip ang Ama na siyang nagsugo sa akin, na siyang nagbigay sa akin ng utos tungkol sa kung ano ang aking dapat sabihin at dapat ipahayag. 50 Alam ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; kaya iyong mga sinasabi ko—na ayon sa sinasabi ng Ama sa akin, ay sinasabi ko sa kanila.”
Natagpuang Lanta ang Puno ng Igos na Walang Bunga
Sa daan mula Bethania patungong Jerusalem. (Martes)
Mateo 21:20–22
21:20 At nang makita ito ng kaniyang mga alagad, namangha sila at sinabi, “Paanong ang puno ng igos ay kaagad-agad na natuyo?”
21 Sumagot at sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-alinlangan, hindi lang ninyo magagawa kung ano ang nangyari sa puno ng igos, maaari ninyo ring sabihin sa burol na ito, 'Maiangat ka at maihagis sa dagat,' at ito ay magaganap. 22 Lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin na may paniniwala, matatanggap ninyo.”
Marcos 11:19–26
11:19 At tuwing sumasapit ang gabi ay umaalis sila sa lungsod.
20 Nang dumaan sila kinaumagahan, nakita nilang nalanta na ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito.
21 Naalala ito ni Pedro at sinabi, “Rabi, tignan mo! Nalanta ang puno ng igos na sinumpa mo.”
22 Sinagot sila ni Jesus, “Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na kung sinuman ang magsasabi sa bundok na ito na, ''Mapataas ka at ihagais mo ang iyong sarili sa dagat,' at kung hindi siya magdududa sa kaniyang puso ngunit naniniwala siyang mangyayari ang sinabi niya, iyon ang gagawin ng Diyos. 24 Kaya sinasabi ko ito sa inyo: Ang lahat ng inyong ipapanalangin at hinihiling, maniwala kayong natanggap na ninyo, at ito ay mapapasa-inyo.
25 Kapag tumayo ka at mananalangin, kailangan mong patawarin ang kahit na anong mayroon ka laban sa kahit na sino, nang sa gayon ay mapatawad din ng inyong Amang nasa langit ang iyong mga pagsuway.” 26 (Ngunit kung hindi ka magpapatawad, hindi rin patatawarin ng Amang nasa langit ang inyong mga kasalanan.)
Lucas 21:37–38
21:37 Kaya't tuwing umaga siya ay nagtuturo sa templo at sa gabi siya ay lumalabas, at nagpapalipas ng gabi sa bundok na tinatawag na Olivet.
38 Ang lahat ng mga tao ay dumarating nang napakaaga upang makinig sa kaniya sa templo.