Bahagi 11: Ang Paghahari ni Jotam

Ang Kaharian ng Juda

758 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 15:32

32 Sa ikalawang taon ni Peka anak ni Remalias, hari ng israel, nagsimulang maghari si Jotam anak ni Uzzias, hari ng Juda.

2 Mga Cronica 27:1–2

1 Si Jotam ay dalawampu't limang taong gulang nang magsimula siyang maghari at naghari siya sa Jerusalem ng labing-anim na taon. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jerusa; siya ang anak na babae ni Zadok. 2 Ginawa niya ang tama sa mga mata ni Yahweh, sinusunod ang lahat ng halimbawa ng kaniyang amang si Uzias. Pinigilan din niyang pumunta sa loob ng templo ni Yahweh. Ngunit patuloy pa rin ang mga tao sa kanilang mga masasamang gawain.

2 Mga Hari 15:35

35 Subalit, ang mga dambana ay hindi inalis. Nag-aalay pa rin at nagsusunog ng insenso ang mga tao sa mga dambana. Ipinagawa ni Jotam ang tarangkahan sa gawing itaas ng tahanan ni Yahweh.

Mikas 1–2

1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Mikas na Morastita sa mga araw nina Jotam, Ahaz at Hezekias na mga hari ng Juda, ang salita na kaniyang nakita tungkol sa Samaria at Jerusalem. 2 Makinig, lahat kayong mga tao. Makinig ka lupa at ang lahat ng nasa iyo. Hayaan na ang Panginoong si Yahweh ang maging saksi laban sa iyo, ang Panginoon na mula sa kaniyang banal na templo.

3 Tingnan ninyo, lalabas si Yahweh sa kaniyang lugar; bababa siya at tatapakan ang mga dambana ng pagano sa lupa. 4 Matutunaw ang mga bundok sa ilalalim niya; mahahati ang mga lambak gaya ng pagkit sa harap ng apoy, gaya ng mga tubig na bumuhos sa isang matarik na lugar. 5 Ang lahat ng ito ay dahil sa paghihimagsik ni Jacob at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ng Israel. Ano ang dahilan ng paghihimagsik ni Jacob? Hindi ba ang Samaria? Ano ang dahilan ng mga dambana ni Juda? Hindi ba ang Jerusalem? 6 “Gagawin ko ang Samaria na isang bunton ng pagkawasak sa parang, gaya ng isang lugar para sa taniman ng mga ubas. Hihilahin ko ang mga bato ng kaniyang gusali sa lambak; Bubuksan ko ang kaniyang mga pundasyon. 7 Ang lahat ng kaniyang mga larawang inukit ay magkakadurog-durog at lahat ng kaloob sa kaniya ay masusunog. Ang lahat ng kaniyang mga diyus-diyosan ay aking wawasakin. Sapagkat sa mga kaloob sa kaniyang prostitusyon ay tinipon niya ang mga ito at babalik ang mga ito bilang kabayaran sa babaeng nagbebenta ng aliw.”

8 Sa kadahilanang ito, mananaghoy ako at tatangis; Pupunta akong nakapaa at nakahubad; Tatangis ako na gaya ng asong gubat at magdadalamhati na gaya ng mga kuwago. 9 Sapagkat walang lunas ang kaniyang mga sugat, sapagkat dumating sila sa Juda. Narating nila ang tarangkahan ng aking mga tao sa Jerusalem. 10 Huwag mong sabihin sa Gat ang tungkol dito; huwag na huwag kang iiyak. Sa Bet Leafra, pagugulungin ko ang aking sarili sa alikabok. 11 Dumaan kayo sa kahubaran at kahihiyan, mga taga-Safir. Huwag kayong lumabas mga taga-Zaanan. Nagdadalamhati ang Bethezel, sapagkat kinuha sa kanila ang proteksiyon. 12 Sapagkat balisang naghihintay sa magandang balita ang mga taga-Marot, dahil dumating ang sakuna mula kay Yahweh hanggang sa mga tarangkahan ng Jerusalem. 13 Isingkaw ang karwahe sa pangkat ng mga kabayo, mga taga-Laquis. Ikaw Laquis, ang pinagsimulan ng kasalanan para sa anak na babae ng Zion, sapagkat nasumpungan sa iyo ang mga pagsuway ng Israel. 14 Kaya magbibigay ka ng isang kaloob ng pamamaalam sa Moreset-Gat, bibiguin ng bayan ng Aczib ang mga hari ng Israel. 15 Mga taga-Maresa, dadalhin ko sa iyo ang kukuha ng mga pag-aari mo. Pupunta sa kuweba ng Adullam ang mga pinuno ng Israel. 16 Ahitan mo ang iyong ulo at gupitan ang iyong buhok para sa kinalulugdan mong mga anak. Kalbuhin mo ang iyong sarili gaya ng mga agila, sapagkat patuloy na dadalhin ng sapilitan ang iyong mga anak mula sa iyo.

2:1 Aba sa mga nagbabalak ng kasamaan, sa mga nagbabalak sa kanilang higaan na gumawa ng masama. Isinasagawa nila ito sa pagliwanag ng umaga dahil mayroon silang kapangyarihan. 2 Naghahangad sila ng mga bukid at inaangkin ang mga ito; naghahangad sila ng mga bahay at kinukuha ang mga ito. Inaapi nila ang isang tao at ang kaniyang sambahayan, ang tao at ang kaniyang mana.

3 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: “Tingnan ninyo, magdadala ako ng sakuna laban sa angkan na ito, kung saan hindi ninyo maiaalis ang inyong mga leeg. Hindi kayo makakalakad nang may kayabangan, sapagkat magiging isang panahon ito ng kasamaan. 4 Sa araw na iyon, ang inyong mga kaaway ay aawit ng isang awitin tungkol sa inyo at mananaghoy na may kasamang pagtangis. Aawit sila ng, 'Kaming mga Israelita ay ganap na nawasak, binabago ni Yahweh ang teritoryo ng aking mga (kababayan) tao. Paano niya ito aalisin mula sa akin? Ibinabahagi niya sa mga taksil ang aming mga bukid!'” 5 Kaya, kayong mga mayayamang tao ay hindi magkakaroon ng mga kaapu-apuhan na maghahati-hati ng lupain sa teritoryo sa kapulungan ni Yahweh.

6 “Huwag kayong magpahayag ng propesiya,” sinasabi nila. “Hindi nila dapat ipahayag ang mga bagay na ito, hindi dapat dumating ang kahihiyan.” 7 Dapat ba talaga itong sabihin, sambahayan ni Jacob, “Galit ba ang Espiritu ni Yahweh? Talaga bang gawa niya ang mga ito?” Hindi ba gumagawa ng kabutihan ang aking mga salita sa sinumang lumalakad nang matuwid? 8 Kamakailan lang, naghimagsik ang aking mga tao tulad ng isang kaaway. Inyong hinahablot ang balabal, ang kasuotan, mula sa mga dumadaan nang biglaan, gaya ng pagbalik ng mga kawal mula sa digmaan na kung saan iniisip nilang ligtas na. 9 Itinataboy ninyo ang mga babaeng nabibilang sa aking mga tao mula sa kanilang masasayang mga tahanan; kinukuha ninyo mula sa kanilang mga batang anak ang aking pagpapala magpakailanman. 10 Tumayo kayo at umalis, sapagkat hindi ito ang lugar kung saan maaari kayong manatili, dahil sa karumihan nito, nawasak ito nang lubusang pagkawasak. 11 Kung may sinumang pupunta sa inyo sa espiritu ng kabulaanan at kasinungalingan at sasabihin, “magpapahayag ako sa inyo ng propesiya tungkol sa alak at matapang na inumin,” ituturing siyang isang propeta para sa mga taong ito.

12 Tiyak na titipunin ko kayong lahat, Jacob. Tiyak na titipunin ko ang mga natitirang Israelita. Dadalhin ko silang magkakasama tulad ng tupa sa isang kulungan, tulad ng isang kawan sa gitna ng kanilang pastulan. Magkakaroon ng malakas na ingay dahil sa napakaraming tao. 13 Mauuna sa kanila ang isang taong magbubukas ng kanilang daraanan. Bubuksan nila ang tarangkahan at lalabas, mauuna sa kanilang lalabas ang kanilang hari. Mauuna si Yahweh sa kanila.

2 Mga Cronica 27:3–9

3 Itinayo niya ang mataas na tarangkahan sa tahanan ni Yahweh, at sa burol ng Ofel ay nagtayo pa siya ng marami. 4 Bukod pa roon, nagtayo siya ng mga lungsod sa maburol na bahagi ng Juda, at nagtayo siya ng mga kastilyo at mga tore sa kagubatan.

5 Lumaban din siya sa hari ng Ammon at tinalo sila. Sa taon ding iyon, nagbigay sa kaniya ng isandaang talento ng pilak ang mga Ammonita, sampung libong sukat ng trigo, sampung libong sukat ng sebada. Patuloy na nagbigay sa kaniya ang mga Ammonita sa ikalawa at ikatlong taon. 6 Kaya naging makapangyarihan si Jotam dahil lumakad siya ng may katatagan kay Yahweh na kaniyang Diyos.

7 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Jotam, lahat ng kaniyang pakikipagdigma at pamumuhay, tingnan ninyo, nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. 8 Siya ay dalawampu't limang taong gulang nang magsimulang maghari at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. 9 Si Jotam ay namatay at siya ay kanilang inilibing sa lungsod ni David. Si Ahaz, na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.

2 Mga Hari 15:37

37 Sa panahong iyon sinimulang isugo ni Yahweh sina Rezin hari ng Aram, at Peka anak ni Remalias laban sa Juda.

2 Mga Hari 15:33–34

33 Dalawampu't limang taon gulang siya nang magsimula siyang maghari; labing anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Jerusa ang pangalan ng kaniyang ina; siya ay anak ni Zadok. 34 Matuwid ang ginawa ni Jotam sa paningin ni Yahweh. Sinunod niya ang halimbawang ginawa ng kaniyang amang si Uzzias.

2 Mga Hari 15:36

36 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Jotam, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Juda?

2 Mga Hari 15:38

38 Nahimlay si Jotam kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing kasama ng kaniyang ninuno sa lungsod ni David. Pagkatapos si Ahaz, kaniyang anak, ay naging hari kapalit niya.

Ang Kaharian ng Israel

Ang Paghahari ni Peka

2 Mga Hari 15:27–29

27 Sa ika-limapu't dalawang taon ni Uzzias hari ng Juda, si Peka anak ni Remalias ay nagsimulang maghari sa Isarel sa Samaria; dalawampung taon siya naghari. 28 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh. Hindi niya nilisan ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang nagdulot na magkasala ang Israel.

29 Sa mga panahon na si Peka ay hari ng Israel, si Tiglat Pileser hari ng Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abelbetmaaca, Janoas, Kades, Hazor, Galaad, Galilee, at lahat ng lupain ng Naftali. Tinangay niya ang mga mamamayan sa Asiria.