Ang Israel na Walang Hari Pagkamatay ni Jeroboam II
776 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tao ng Israel. May hindi pagkakasunduan si Yahweh laban sa mga naninirahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan o katapatan sa kasunduan at walang kaalaman ng Diyos sa lupain. 2 May pagsusumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Nilabag ng mga tao ang lahat ng hangganan at sunod-sunod ang pagdanak ng dugo. 3 Kaya natutuyo ang lupain at mawawala ang bawat isa na nakatira roon. Ang mga hayop sa mga bukirin at ang mga ibon sa himpapawid; maging ang mga isda sa dagat ay kukunin. 4 Ngunit huwag payagang magsakdal ang sinuman; huwag hayaang paratangan ng sinuman ang iba. Sapagkat kayo, ang mga pari, na aking pinaparatangan. 5 Matitisod kayong mga pari sa araw; matitisod din kasama ninyo ang mga propeta sa gabi at aking wawasakin ang inyong ina. 6 Malilipol ang aking mga tao dahil sa kakulangan ng kaalaman. Sapagkat tinanggihan ninyong mga pari ang kaalaman, tatanggihan ko rin kayo bilang mga pari sa akin. Sapagkat kinalimutan ninyo ang aking kautusan, bagaman ako ang inyong Diyos, kakalimutan ko din ang inyong mga anak. 7 Kung gaano dumarami ang mga pari, mas lalo silang nagkasala laban sa akin. Papalitan ko nang kahihiyan ang kanilang karangalan. 8 Pinakain sila sa kasalanan ng aking mga tao; sakim sila sa labis pa nilang kasamaan. 9 Magiging pareho ang para sa mga tao gaya ng sa mga pari: paparusahan ko silang lahat para sa kanilang mga ginagawa; pagbabayarin ko sila sa kanilang mga ginagawa. 10 Makakakain sila ngunit hindi sapat; magbebenta sila ng aliw ngunit hindi sila darami, sapagkat lumayo sila sa akin, na si Yahweh at iniwan ako. 11 Ang mahalay na gawain, ang alak at bagong alak ang nag-alis sa kanilang pang-unawa. 12 Sumasangguni ang aking mga tao sa kanilang mga diyus-diyosan na kahoy, ang kanilang mga tungkod ang nagbibigay sa kanila ng mga hula. Sapagkat ang espiritu ng kahalayan ang nagligaw sa kanila at iniwan nila ako, na kanilang Diyos. 13 Nag-aalay sila sa mga tuktok ng mga bundok at nagsusunog ng insenso sa mga burol, sa ilalim ng mga ensina, mga alamo at mga roble, sapagkat mabuti ang lilim ng mga iyon. Kaya naman nakagawa ng sekswal na imoralidad ang inyong mga anak na babae at nangangalunya ang inyong mga manugang na babae. 14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae nang pinili nilang gumawa ng sekswal na imoralidad ni ang inyong mga manugang na babae nang nangalunya sila. Sapagkat ibinigay din ng mga kalalakihan ang kanilang mga sarili sa mga babaing nagbebenta ng aliw, at nag-alay sila ng mga handog upang makagawa sila ng mga imoral na mga gawain kasama ang mga babaing nagbebenta ng aliw. Kaya ang mga taong ito na hindi nakakaunawa ay malilipol. 15 Bagaman, ikaw Israel ay nakagawa ng pangangalunya, nawa ay hindi magkasala ang Juda. Huwag kayong pumunta sa Gilgal, kayong mga tao; huwag umakyat sa Beth-aven. At huwag sumumpa, “Sapagkat buhay si Yahweh.” 16 Sapagkat matigas ang ulo ng Israel, tulad ng isang babaing guya na matigas ang ulo. Paano sila dadalhin ni Yahweh sa pastulan tulad ng mga tupa sa isang malawak na pastulan? 17 Nakiisa ang Efraim sa mga diyus-diyosan, pabayaan siyang mag-isa. 18 Kahit maubos na ang kanilang matatapang na inumin, patuloy silang gumagawa ng pangangalunya; iniibig ng kaniyang mga pinuno ang kanilang kahihiyan. 19 Babalutin ng hangin sa kaniyang mga pakpak; at mapapahiya sila dahil sa kanilang mga handog.
Ang Paghahari ni Zacarias 773 B.C.
8 Sa ika tatlumpu't walong taon ni Uzzias hari ng Juda, si Zacarias anak ni Jeroboam ang naghari ng Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan. 9 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang ama. Hindi niya nilisan ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang naging dahilan para magkasala ang Israel.
10 Naghimagsik si Sallum anak ni Jabes laban kay Zacarias, nilusob siya sa harap ng mga tao at pinaslang siya. Pagkatapos siya ang pumalit na hari kapalit niya.
11 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Zacarias, ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel. 12 Ito ang mga salita ni Yahweh na sinabi niya kay Jehu, sinasabing, ''Ang iyong kaapu-apuhan ay mauupo sa trono ng Israel hanggang sa ika-apat na salin lahi.'' At kaya ito ang naganap.
Ang Paghahari ni Sallum 772 B.C.
13 Nagsimulang maghari si Sallum anak ni Jabes sa ika-tatlumpu't siyam na taon ni Uzzias hari ng Juda, at siya naghari sa loob lamang ng isang buwan sa Samaria.
14 Mula sa Tirza si Menahem anak ni Gadi ay nagtungo sa Samaria. Doon nilusob niya si Sallum anak ni Jabes, sa Samaria. Pinatay niya siya at naging hari kapalit niya.
15 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Sallum at ang paghihimagsik na kaniyang ginawa, nakasulat ang mga ito sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Menahem
16 Pagkatapos nilusob ni Menahem si Tipsa at lahat ng naroon, at ang mga hangganang palibot ng Tirza, dahil hindi nila ibinukas ang lungsod sa kaniya. Kaya nilusob niya ito, at nilaslas niya ang tiyan ng mga babaeng buntis sa nayon na iyon.
17 Sa ika-tatlumpu't siyam na taon ni Uzzias hari ng Juda nagsimulang maghari si Menahem anak ni Gadi sa Israel; siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria. 18 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh. Kaya sa buong buhay niya, hindi niya nilisan ang mga kasalan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang nagdulot sa Israel na magkasala.
19 Pagkatapos si Pul ang hari ng Asiria ay dumating laban sa lupain at nagbigay si Menahem kay Pul ng isang libong talentong pilak, para siya ay tulungan ni Pul na palakasin ang kaharian ng Israel sa kaniyang pangunguna. 20 Siningil ni Menahem ang halagang ito mula sa Israel sa pag-uutos sa bawat mayayaman na magbayad ng limampung sekel ng pilak sa kaniya para ibigay sa hari ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwi at hindi namalagi roon sa lupain.
21 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Menahem, at ang lahat ng ginawa niya, hindi ba sila ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel?
22 Kaya nahimlay si Menahen kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Pekakias kaniyang anak ay naging hari kapalit niya.
Ang Paghahari ni Pekakias 768 B.C.
23 Sa ika-limampung taon ni Uzzias hari ng Juda, si Pekakias anak ni Menahem ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; dalawang taon siyang naghari. 24 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang nagdulot sa Israel na magkasala.
25 Si Peka anak ni Remalias, isang kapitan na naglilingkod kay Pekakias, ay nakipagsabwatan kina Argob at Aries laban sa kaniya at pinaslang siya sa tanggulan ng palasyo ng hari sa Samaria. Kasama niya ang limampung kalalakihang taga-Galaad. Pinatay niya siya at naging hari kapalit niya.
26 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Pekakias, lahat ng ginawa niya, ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel.