Ang Kamatayan ni Jeroboam II

784 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 14:28

28 Tungkol sa iba pang mga bagay kay Jeroboam, lahat ng kaniyang ginawa, kaniyang kapangyarihan, paano siya nakipagdigma at nabawi ang Damasco at Hamat, na pag-aari noon ng Juda, para sa Israel, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?

Amos 7:10–9:15

10 Pagkatapos si Amazias na pari ng Bethel, nagpadala ng isang mensahe kay Jeroboam na hari ng Israel: “Nakipagsabwatan si Amos laban sa iyo sa pagitan ng sambahayan ni Israel. Hindi kayang pasanin ng lupain ang lahat ng kaniyang mga salita. 11 Sapagkat ito ang sinabi ni Amos: 'Mamamatay si Jeroboam sa pamamagitan ng espada, at tiyak na dadalhing bihag ang Israel palayo sa kaniyang lupain.”'

12 Sinabi ni Amazias kay Amos. “Propeta, humayo ka, tumakbo ka pabalik sa lupain ng Juda, at doon ka kumain ng tinapay at magpropesiya. 13 Ngunit huwag ka ng magpropesiya pa kailanman dito sa Bethel, sapagkat ito ay santuwaryo ng hari at isang maharlikang tahanan.”

14 Pagkatapos sinabi ni Amos kay Amazias, “Hindi ako isang propeta o anak ng isang propeta. Isa akong pastol, at ako ang nangangalaga sa mga puno ng sikamoro. 15 Ngunit kinuha ako ni Yahweh mula sa pagbabantay ng mga tupa at sinabi sa akin, 'Humayo ka, magpropesiya ka sa aking mga taong Israelita.'

16 Pakinggan mo ngayon ang salita ni Yahweh. Sinasabi mo, 'Huwag akong magpropesiya laban sa Israel, at huwag akong magsalita laban sa sambahayan ni Isaac.'

17 Samakatwid ito ang sinasabi ni Yahweh: 'Ang iyong asawa ay magiging babaing nagbebenta ng aliw sa lungsod; mamamatay sa pamamagitan ng espada ang iyong mga anak na lalaki at mga anak na babae; susukatin ang iyong mga lupain at paghahati-hatian; mamamatay ka sa maruming lupain, at tiyak na dadalhin sa pagkabihag ang Israel mula sa kaniyang lupain.”

8:1 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh. Tingnan, isang basket ng mga bungang pantag-araw!

2 Sinabi niya, “Ano ang nakikita mo, Amos?” Sinabi ko, “Isang basket ng mga bungang pantag-araw.” At sinabi ni Yahweh sa akin, parating na ang katapusan ng aking bansang Israel; hindi ko na sila kaaawaan pa.

3 Ang mga awit sa templo ay magiging pagtangis. Sa araw na iyon” —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—”Magiging marami ang mga bangkay, sa bawat lugar itatapon nila ang mga ito sa katahimikan!” 4 Pakinggan ninyo ito, kayong mga umaapak sa mga nangangailangan at nagpapaalis sa mga mahihirap sa lupain. 5 Sinabi nila, “Kailan matatapos ang bagong buwan, upang muli kaming makapagbenta ng butil? At ang Araw ng Pamamahinga, kailan matatapos, upang makapagbenta kaming muli ng trigo? Gagawin naming mababa ang sukat at tataasan ang halaga, upang makapandaya kami ng maling timbang. 6 Upang makapagbenta kami ng hindi magandang trigo at bilhin ng pilak ang mga mahihirap, isang pares ng sandalyas para sa nangangailangan.”

7 Sumumpa si Yahweh sa kapalaluan ni Jacob, “Tiyak na hindi ko malilimutan kailanman ang anumang ginawa nila.” 8 Hindi ba mayayanig ang lupain dahil sa mga ito at tatangis ang bawat isang nakatira rito? Ang lahat ng ito ay babangon tulad ng Ilog ng Nilo at tataas ang mga ito at muling lulubog tulad sa ilog ng Egipto. 9 “Darating ang mga ito sa araw na iyon”—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— “na palulubugin ko ang araw sa tanghaling tapat at padidilimin ko ang buong daigdig sa liwanag ng araw. 10 Gagawin kong pagdadalamhati ang inyong mga pista at ang lahat ng inyong mga awit ay sa panaghoy. Pagsusuutin ko kayong lahat ng telang magaspang at ang bawat ulo ay kakalbuhin. Gagawin kong pagdadalamhati tulad sa nag-iisang anak, at isang araw ng kapaitan sa bawat pagtatapos. 11 Tingnan, parating na ang mga araw”—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— “Kapag magpapadala ako ng taggutom sa lupain, hindi sa kagutuman sa tinapay, ni pagkauhaw sa tubig, kundi sa pakikinig ng mga salita ni Yahweh. 12 Susuray-suray sila sa magkabilaang dagat; tatakbo sila mula sa hilaga patungo sa silangan upang hanapin ang salita ni Yahweh, ngunit hindi nila ito masusumpungan. 13 Sa araw na iyon ang mga magagandang dalaga at ang mga binata ay manghihina mula sa pagkauhaw. 14 Sinumang sumusumpa sa kasalanan ng Samaria at sabihing, 'Buhay ang diyos mo, Dan' at, 'Buhay ang diyos ng Beerseba, —sila ay babagsak at kailanman ay hindi na muling babangon.”

9:1 Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng altar, at sinabi niya, “Hampasin mo ang mga ibabaw ng mga haligi upang mayanig ang mga pundasyon. Durugin ng pira-piraso ang mga ito sa kanilang mga ulo, at papatayin ko sa espada ang mga nalabi sa kanila. Walang isa man sa kanila ang makakalayo at makakatakas. 2 Kahit na maghukay sila hanggang sa Sheol, naroon ang aking kamay upang kunin sila. Kahit na umakyat sila patungo sa langit, mula roon hihilain ko sila pababa. 3 Kahit na magtago sila sa tuktok ng Carmelo, doon ay hahanapin ko sila at kukunin. Kahit na magtago sila mula sa aking paningin sa kailaliman ng dagat, mula roon uutusan ko ang ahas at tutuklawin sila. 4 Kahit pumunta sila sa pagkabihag, pamunuan man sila ng kaaway, doon ay mag-uutos ako ng espada, at ito ang papatay sa kanila. Pananatilihin ko ang aking paningin sa kanila para saktan at hindi para sa mabuti.” 5 Ang Panginoon, Yahweh ng mga hukbo na hihipo sa lupa at ito ay matutunaw; magdadalamhati ang lahat ng mga naninirahan dito; ang lahat ng ito ay aahon tulad ng Ilog, at muling lulubog tulad sa Ilog ng Egipto. 6 Ito ang siyang magtatayo ng kaniyang mga silid sa langit at ipinatayo niya ang mga malalaking pundasyon sa mundo. Tatawagin niya ang mga tubig sa dagat, at ibubuhos ang mga ito sa ibabaw ng lupa, Yahweh ang kaniyang pangalan. 7 “Hindi ba tulad kayo ng mga tao ng Etiopia sa akin, mga tao ng Israel? —ito ang pahayag ni Yahweh. Hindi ba ako ang nagpalabas sa Israel mula sa lupain ng Egipto, ang mga Filisteo mula sa Caftor, at ang mga Aramean mula sa Kir? 8 Tingnan, ang mga mata ng Panginoong Yahweh ay nakatingin sa makasalanang kaharian, at wawasakin ko ito mula sa ibabaw ng lupa, maliban sa sambahayan ni Jacob hindi ko ito lubusang wawasakin — “Ito ang pahayag ni Yahweh.” 9 Tingnan, magbibigay ako ng utos, liligligin ko ang sambahayan ng Israel sa lahat ng mga bansa, tulad ng isang pagkakaliglig ng butil sa salaan, kaya kahit na ang pinakamaliliit na bato ay hindi malalaglag sa lupa. 10 Ang lahat ng mga makasalanan sa aking mga tao ay mamamatay sa pamamagitan ng espada, 'sinumang magsabi, 'Hindi tayo mauunahan ng sakuna ni masasalubong natin.”'

11 Sa araw na iyon muli kong ibabangon ang tolda ni David na bumagsak, at pagdudugtungin ko ang mga tukod nito. Ibabangon ko ang mga nawasak, Itatayo ko ang mga ito tulad ng dati. 12 Upang kanilang ariin ang mga natira sa Edom at ang lahat ng bansang tumawag sa aking pangalan —ito ang pahayag ni Yahweh, na siyang gumawa nito.” 13 “Tingnan, darating ang mga araw”—Ito ang pahayag ni Yahweh— “Kapag mauunahan ng mang-aararo ang mag-aani, at ang taga-pisa ng ubas ay mauunahan ang mga taga-pagtanim ng binhi. Papatak sa mga bundok ang matatamis na alak, at aagos ito sa mga burol. 14 Ibabalik ko mula sa pagkakabihag ang aking mga taong Israel. Itatayo nila ang nasirang lungsod at maninirahan doon, magtatanim sila sa ubasan at iinumin ang mga alak nito, gagawa sila ng hardin at kanilang kakainin ang mga bunga nito 15 Itatanim ko ang mga ito sa kanilang mga lupain, at kailan man ay hindi na sila muling mabubunot mula sa lupain na ibinigay ko sa kanila,” sinabi ni Yahweh na inyong Diyos.

2 Mga Hari 14:29

29 Nahimlay si Jeroboam kasama ng kaniyang mga ninuno, kasama ang mga hari ng Israel, at si Zecarias ang kaniyang anak ang naging hari kapalit niya.