Bahagi 12: Ang Paghahari ni Ahaz

Ang Kaharian ng Juda

Ang Pagkatao ni Ahaz

742 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 16:1–4

1 Sa ika-labing pitong taon ni Peka anak ni Remalias, si Ahaz anak ni Jotam hari ng Juda ay nagsimulang maghari. 2 Dalampung taong gulang si Ahaz nang magsimulang maghari, at siya ay labing anim na taong naghari sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ni Yahweh kaniyang Diyos, tulad sa ginawa ni David kaniyang ninuno. 3 Sa halip, nilakaran niya ang landas ng mga hari ng Israel; sa katunayan, sinunog niya ang kaniyang anak bilang isang handog na sinusunog, ayon sa nakasusuklam na mga kaugalian ng mga bansa, na itinaboy ni Yahweh sa harapan ng mamamayan ng Israel. 4 Naghandog siya ng mga alay at nagsunog ng insenso sa matataas na lugar, sa tuktok ng burol, at sa lilim ng bawat luntiang puno.

Nilusob nina Rezin at Peka ang Juda

2 Mga Hari 16:5

5 Pagkatapos si Rezin, hari ng Aram at Peka anak ni Remalias, hari ng Israel, ay dumating at sinalakay ang Jerusalem. Napalibutan nila si Ahaz, pero hindi siya magapi.

Isaias 7–8

1 Sa panahon ni Ahaz na anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang hari ng Juda, si Rezin ang hari ng Aram, at si Peka anak ni Remalias, ang hari ng Israel, ay umakyat sa Jerusalem para makipagdigma, pero hindi sila nagtagumpay.

2 Naibalita sa bahay ni David na nakipagkasundo ang Aram sa Efraim. Kumabog ang dibdib niya pati ng kaniyang bayan, gaya ng mga puno sa gubat na hinahampas ng hangin.

3 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Isaias, “Lumabas ka kasama ng iyong anak na si Sear-Yasub para makipagkita kay Ahaz sa dulo ng daluyan ng paliguan sa taas, sa daan kung saan naroon ang lugar na pinaglalabhan ng mga kababaihan. 4 Sabihin mo sa kaniya, 'Mag-ingat ka, at mapanatag, huwag kang matakot at masindak sa dalawang nagbabagang piraso ng mga kahoy na ito at sa nag-aapoy na galit ni Rezin ng Aram, at ni Peka na anak ni Remalias. 5 Ang Aram, Efraim at ang anak ni Remalias ay nagplano ng masama laban sa iyo. Sinabi nila, 6 “Lusubin natin ang Juda at takutin siya, lusubin natin siya at magluklok tayo ng hari doon, ang anak ni Tabeel.” 7 Sinasabi ng Panginoong si Yahweh, “Hindi ito magaganap, hindi ito mangyayari, 8 dahil ang kabisera ng Aram ay Damascus, at ang pinuno ng Damascus ay si Rezin. Sa loob naman ng animnapu't limang taon, ang Efraim ay magkakawatak-watak at hindi na muling magiging bayan. 9 Ang kabisera ng Efraim ay Samaria, at ang pinuno ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung hindi kayo magpapakatatag, tiyak na hindi kayo mananatiling ligtas.”

10 Nagsalita muli si Yahweh kay Ahaz, 11 “Humingi ka ng tanda ni Yahweh, ang iyong Diyos; hingin mo ito sa kailaliman o sa kataas-taasan.”

12 Pero sinabi ni Ahaz, “Hindi ako hihingi, ni hindi susubukin si Yahweh.”

13 Kaya tumugon si Isaias, “Makinig ka, sambahayan ni David. Hindi pa ba sapat para inyo na subukin ang pagtitimpi ng mga tao? Kailangan mo bang subukin din ang pagtitimpi ng aking Diyos? 14 Dahil diyan, ang Panginoon mismo ang magbibigay sa iyo ng tanda: masdan mo, nagbubuntis ang isang babae, magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Immanuel. 15 Kakain siya ng namuong gatas at pulot kapag natutunan na niyang tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan. 16 Dahil bago matutunan ng bata na tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan, wawasakin muna ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo.

17 Si Yahweh ay magbibigay sa inyo, sa bayan ninyo at sambahayan ng iyong ama ng mga mga araw na walang katulad simula nang humiwalay ang Efraim sa Juda—ipasasakop niya kayo sa hari ng Asiria.”

18 Sa panahong iyon, sisipol si Yahweh para sa isang langaw mula sa malalayong batis sa Ehipto, at isang bubuyog mula sa lupain ng Asiria. 19 Pupunta silang lahat at mananatili sa lahat ng mga bangin, sa bitak ng mga malalaking bato, at lahat ng matitinik na halaman, at sa lahat ng mga pastulan.

20 Sa panahong iyon, mag-aahit ang Panginoon gamit ang labaha na inupahan niya mula sa kabilang ibayo ng Ilog ng Eufrates—sa hari ng Asiria—aahitin niya ang inyong buhok, buhok sa inyong hita; at aahitin niya rin ang inyong balbas. 21 Sa araw na iyon, pananatilihing buhay ng isang lalaki ang isang batang baka at dalawang tupa, 22 at dahil sa kasaganahan ng gatas na kanilang binibigay, kakain siya ng namuong gatas, dahil lahat ng naiwan sa lupain ay kakain ng namuong gatas at pulot.

23 Sa panahong iyon, sa lugar kung saan ang isang libong puno ng ubas ay nagkakahalaga sana ng isang libong salaping pilak, magiging dawagan at puro tinik lang ito. 24 Pupunta roon ang mga kalalakihan para mangaso gamit ang palaso, dahil ang buong lupain ay puro dawag at tinik. 25 Lalayo sila mula sa lahat ng mga burol na kanilang binungkal gamit ang asarol, dahil sa takot sa mga dawag at tinik; pero magiging lugar ito kung saan manginginain ang mga baka at tupa.

8:1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng malapad na bato at iukit mo dito ang, 'Maher Shalal Has Baz.' 2 Tatawag ako ng mga tapat na mga saksi para magpatotoo para sa akin, ang paring si Urias, at Zacarias na anak ni Jeberequias.”

3 Pumunta ako sa babaeng propeta, at siya ay nagbuntis at nagsilang ng anak na lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pangalanan mo siyang Maher Shalal Has Baz.” 4 Sapagkat bago pa lang matutong sumigaw ang bata ng 'Aking tatay' at 'Aking nanay,' ang kayamanan ng Damasco at ang nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.

5 Nangusap muli si Yahweh sa akin, 6 “Dahil tinanggihan ng mga tao ang banayad na tubig ng Shiloah, at masaya pa sila kay Rezin at sa anak ni Remalias, 7 kaya ipapadala sa kanila ng Panginoon ang mga tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat ng kaniyang kaluwalhatian. Dadaloy sa lahat ng mga kanal nito at aapaw sa mga pampang, 8 at palulubugin nito ang Juda, babaha at aagos, hanggang sa umabot ito sa inyong mga leeg. Ang kaniyang nakabukang mga pakpak ang tatabon sa buong lupain, Immanuel.” 9 Madudurog kayong mga tao ng pira-piraso. Makinig, kayong malalayong bansa: maghanda kayo para sa digmaan at kayo ay dudurugin ng pira-piraso. Ihanda ang inyong sarili at kayo ay dudurugin. 10 Gumawa kayo ng plano, pero hindi ito maisasakatuparan; magbigay kayo ng utos pero hindi ito susundin, dahil ang Diyos ay kasama namin.

11 Nangusap sa akin si Yahweh, ang kaniyang makapangyarihang kamay ay nasa akin, at binalaan akong huwag sumunod sa pamumuhay ng mga taong ito. 12 Huwag ninyong tawaging pagsasabwatan ang alinmang tinuturing na pagsasabwatan ng mga taong ito; huwag kang matakot sa kinakatakutan nila, at huwag kang magpasindak. 13 Si Yahweh ng mga hukbo, pararangalan ninyo siya bilang banal, katatakutan ninyo siya, at siya ang dapat ninyong pangambahan. 14 Siya ay magiging santuaryo; pero siya ay tulad ng isang bato na tatama sa kanila, at isang malaking bato na makakapagpatumba sa dalawang bahay ng Israel. At siya ay magiging patibong at silo sa mamamayan ng Jersusalem. 15 Marami ang matitisod dito, madadapa at masisira, masisilo at mabibihag. 16 Ibalumbon mo ang aking patotoo, selyuhan ang opisyal na tala, at ibigay ito sa aking mga alagad. 17 Maghihintay ako kay Yahweh, siya na itinatago ang kaniyang mukha mula sa bahay ni Jacob; maghihintay ako sa kaniya.

18 Tingnan, ako at ang mga anak na lalaki na binigay sa akin ni Yahweh ang magsisilbing tanda at himala sa Israel mula kay Yahweh ng mga Hukbo, na nananahan sa Bundok ng Sion.

19 Sasabihan ka nila, “Kumunsulta ka sa mga manghuhula at mga salamangkero,” silang mga nagsasambit at bumubulong ng mga dasal. Pero hindi ba dapat sa Diyos kumukunsulta ang mga tao? Mas nararapat bang konsultahin nila ang patay para sa mga nabubuhay? 20 Kaya inyong ituon ang inyong atensyon sa batas at patotoo! Kapag hindi nila sinabi ang bagay na ito, ito ay dahil wala silang liwanag ng umaga.

21 Sila ay maglalakbay sa lupain na naghihirap at nagugutom. Kapag sila ay nagutom, magagalit sila at susumpain nila ang kanilang hari at ang Diyos, habang sila ay nakatingala. 22 Pagmamasdan nila ang lupa at makikita ang paghihirap, kadiliman at mapang-aping kalungkutan. Sila ay itataboy tungo sa lupain ng kadiliman.