Bahagi 3: Ang Pagtatalaga ng Templo

Ang Pagdadala ng Kaban sa Loob at ang Panalangin ni Solomon

1004 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 5

1 Kaya natapos ang lahat ng gawain na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh. Dinala ni Solomon ang mga bagay na inialay ni David na kaniyang ama, kabilang ang pilak, ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay ang mga ito sa mga silid-imbakan ng tahanan ng Diyos.

2 Pagkatapos, tinipon ni Solomon sa Jerusalem ang mga nakatatanda ng Israel, ang lahat ng mga pinuno ng mga lipi, at ang mga pinuno ng mga angkan ng mga tao sa Israel, upang kunin ang kaban ng tipan ni Yahweh mula sa lungsod ni David, ang Zion. 3 Lahat ng kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa pagdiriwang, na ginaganap sa ikapitong buwan.

4 Dumating ang lahat ng mga nakatatanda ng Israel, at binuhat ng mga Levita ang kaban. 5 Dinala nila ang kaban, ang toldang tipanan at ang lahat ng banal na kasangkapan na nasa loob ng tolda. Dinala ng mga pari na kabilang sa tribu ni Levi ang mga bagay na ito.

6 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel ay nagtipon sa harapan ng kaban, na nag-aalay ng mga tupa at mga baka na hindi mabilang.

7 Dinala ng mga pari ang kaban ng tipan ni Yahweh sa lagayan nito, sa loobang silid ng tahanan, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. 8 Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa kinaroroonan ng kaban, at tinakpan ng mga ito ang kaban at ang mga pasanan nito.

9 Ang mga pasanan ay napakahaba at ang mga dulo nito ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng silid na nasa loob, ngunit hindi nila ito nakikita mula sa labas. Naroon pa rin ang mga ito hanggang sa araw na ito.

10 Walang laman ang kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay roon ni Moises sa Horeb noong si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa mga tao ng Israel nang makalabas sila sa Ehipto.

11 Nangyari na ang mga pari ay lumabas mula sa dakong banal. Inilaan ng lahat ng mga paring naroon ang kanilang mga sarili kay Yahweh; pinangkat sila ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi. 12 Maging ang mga Levitang mga mang-aawit, lahat sila, kabilang sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang lalaking anak at ang kanilang mga kapatid na lalaki ay nakadamit ng pinong lino at tumutugtog ng mga pompiyang, mga alpa, at mga lira, na nakatayo sa silangang dulo ng altar. Kasama nila ang 120 pari na umiihip ng mga trumpeta. 13 Nangyari na ang mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang gumawa ng musika, tumutugtog nang iisang tunog na maririnig para sa pagpupuri at pagpapasalamat kay Yahweh. Nilakasan nila ang kanilang mga tinig kasama ng mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang mga instrumento, at pinuri nila si Yahweh. Umawit sila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang katapatan sa kaniyang kasunduan ay nananatili magpakailanman.” At ang tahanan, na tahanan ni Yahweh ay napuno ng ulap. 14 Ang mga pari ay hindi makatayo sa loob upang maglingkod dahil sa ulap, sapagkat pinuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan.

2 Mga Cronica 7:4–7

4 Kaya naghandog ang hari at ang lahat ng tao ng mga alay kay Yahweh. 5 Naghandog ng alay si Haring Solomon ng dalawampung libong mga baka at 120, 000 na mga tupa at mga kambing. Kaya inihandog ng hari at ng lahat ng mga tao ang tahanan ng Diyos.

6 Tumayo ang mga pari, nakatayo ang bawat isa kung saan sila naglilingkod; ganoon din ang mga Levita dala ang mga kagamitan ng musika ni Yahweh na ginawa ni David sa pagbibigay ng mga pasasalamat kay Yahweh sa awitin, “Mananatili ang kaniyang tipan ng kasunduan magpakailanman.” Nagpatunog ng mga trumpeta ang lahat ng pari sa harap nila; at tumayo ang lahat ng Israelita.

7 Inihandog ni Solomon ang gitna ng patyo na nasa harap ng tahanan ni Yahweh. Hinandog niya roon ang mga handog na susunugin at ang taba ng handog pangkapayapaan, dahil hindi magkasya sa ginawa niyang altar na tanso ang mga handog na susunudin, ang mga butil na handog, at ang taba.

2 Mga Cronica 6:1–39

1 At sinabi ni Solomon, “Sinabi ni Yahweh na siya ay titira sa makapal na kadiliman, 2 ngunit ipinagtayo kita ng isang matayog na tirahan, isang lugar na titirahan mo magpakailanman.”

3 At humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang nakatayo ang buong kapulungan ng Israel. 4 Sinabi niya, “Purihin nawa si Yahweh, ang Diyos ng Israel na nakipag-usap kay David na aking ama, at tinupad ito sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay, sinasabi, 5 'Mula noong araw na inilabas ko ang aking mga tao mula sa lupain ng Ehipto, wala akong piniling lungsod mula sa lahat ng lipi ng Israel kung saan magtatayo ng tahanan, upang naroon ang aking pangalan. Ni hindi ako pumili ng sinumang tao upang maging prinsipe sa aking bayang Israel. 6 Gayunpaman, pinili ko ang Jerusalem, upang naroon ang aking pangalan, at pinili ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.'

7 Ngayon nasa puso ni David, na aking ama, na magtayo ng tahanan para sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 8 Ngunit sinabi ni Yahweh kay David, na aking ama, 'Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng tahanan para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso. 9 Gayunpaman, hindi mo dapat itayo ang tahanan; sa halip, ang iyong anak, na manggagaling sa iyong puson, ang siyang magtatayo ng tahanan para sa aking pangalan.'

10 Tinupad ni Yahweh ang salitang kaniyang sinabi, sapagkat bumangon ako kapalit ni David na aking ama, at umupo ako sa trono ng Israel, ayon sa ipinangako ni Yahweh. Ipinatayo ko ang tahanan para sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Inilagay ko ang kaban doon, kung saan naroon ang kasunduan ni Yahweh, na ginawa niya kasama ang mga tao ng Israel.”

12 Tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay. 13 Sapagkat gumawa siya ng tansong entablado, limang siko ang haba, limang siko ang lapad, tatlong siko ang taas. At inilagay niya ito sa gitna ng patyo. Tumayo siya rito at lumuhod sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas niya ang kaniyang mga kamay patungo sa kalangitan. 14 Sinabi niya, “Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad mo sa langit man o sa lupa, na tumutupad sa tipan at sa tipan ng kasunduan sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo nang kanilang buong puso; 15 tinupad mo ang iyong pangako sa iyong lingkod na si David na aking ama. Oo, nagsalita ka sa iyong bibig at tinupad mo ito ng iyong kamay, maging sa araw na ito.

16 Kaya ngayon, Yahweh, Diyos ng Israel, tuparin mo ang pangako mo sa iyong lingkod na si David na aking ama, noong sinabi niya, 'Hindi ka magkukulang na magkaroon ng lalaki sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung magiging maingat lang ang iyong mga kaapu-apuhan na sumunod sa aking kautusan, tulad ng pagsunod mo sa akin.' 17 Kaya ngayon, Diyos ng Israel, dalangin ko na ang pangako na ginawa mo sa iyong lingkod na si David ay matupad.

18 Ngunit talaga bang titira ang Diyos kasama ng mga tao sa lupa? Tingnan, sa buong kalawakan at maging sa kalangitan mismo ay hindi ka magkasiya—gaano pa kaya sa templong ito na aking itinayo! 19 Gayunpaman isaalang-alang mo ang panalanging ito ng iyong lingkod at ang kaniyang kahilingan, Yahweh na aking Diyos; pakinggan mo ang iyak at panalangin na ipinapanalangin ng iyong lingkod sa iyong harapan.

20 Nawa ay maging bukas ang iyong mga mata sa templong ito araw at gabi, sa lugar kung saan sinabi mong paglalagyan mo ng iyong pangalan—upang dinggin ang mga panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito. 21 Kaya pakinggan mo ang mga kahilingan ng iyong lingkod at ng iyong mga taong Israel kapag kami ay mananalangin paharap sa lugar na ito. Oo, pakinggan mo mula sa lugar kung saan ka nakatira, mula sa kalangitan; at kapag iyong napakinggan, patawarin mo.

22 Kung magkasala ang isang tao laban sa kaniyang kapwa at kailangan na manumpa ng isang panunumpa, at kung siya ay dumating at manumpa ng isang panunumpa sa harapan ng iyong altar sa tahanang ito, 23 dinggin mo mula sa langit at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang parusahan siya ng nararapat sa kaniyang ginawa. At ipahayag mong matuwid ang walang kasalanan, upang ibigay sa kaniya ang gantimpala dahil sa kaniyang pagkamatuwid.

24 Kapag matalo ng kaaway ang iyong mga taong Israel dahil nagkasala sila sa iyo, kung magbabalik-loob sila sa iyo, at kilalanin ang iyong pangalan, mananalangin, at hihiling ng kapatawaran sa harapan mo sa templong ito— 25 pakiusap pakinggan mo mula sa kalangitan at patawarin mo ang kasalanan ng iyong mga taong Israel; ibalik mo sila sa lupaing ibinigay mo sa kanila at sa kanilang mga ninuno.

26 Kapag nakasara ang langit at walang ulan dahil nagkasala laban sa iyo ang mga tao—kung mananalangin sila na nakaharap sa lugar na ito, kikilalanin ang iyong pangalan, at tatalikod sa kanilang kasalanan kapag pinahirapan mo sila— 27 dinggin mo sa langit at patawarin mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod at ng iyong mga taong Israel, kapag pangungunahan mo sila sa mabuting daang dapat nilang lakaran. Magpadala ka ng ulan sa iyong lupain na ibinigay mo sa iyong mga tao bilang mana nila.

28 Ipagpalagay na may taggutom sa lupain, o ipagpalagay na may sakit, tagtuyot o amag, mga balang o mga uod; o ipagpalagay na sasalakayin ng mga kaaway ang mga tarangkahan ng lungsod sa kanilang lupain, o na may anumang salot o karamdaman— 29 at ipagpalagay natin na nanalangin at humiling ang isang tao o ang lahat ng iyong tao sa Israel—na nalalaman ng bawat isa ang salot at kalungkutan sa kaniyang sariling puso habang itinataas ang kaniyang mga kamay tungo sa templong ito. 30 Kung gayon, pakinggan mo mula sa langit, ang lugar kung saan ka nakatira; patawarin mo, at gantimpalaan mo ang bawat tao sa lahat ng kaniyang kaparaanan; alam mo ang kaniyang puso, sapagkat tanging ikaw lamang ang nakakaalam sa puso ng mga tao. 31 Gawin mo ito upang sila ay matakot sa iyo, upang sila ay lumakad sa iyong mga kaparaanan sa lahat ng araw na sila ay nabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno.

32 Dagdag pa rito, tungkol sa dayuhang hindi kabilang sa iyong mga taong Israel: kapag siya ay dumating mula sa malayong bansa dahil sa iyong dakilang pangalan, sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong nakataas na bisig; kapag sila ay dumating at mananalangin patungo sa tahanang ito— 33 sa panahong iyon pakiusap pakinggan mo mula sa kalangitan, sa lugar kung saan ka nakatira, at gawin mo ang anumang hihilingin ng dayuhan sa iyo, upang malaman ng lahat ng lahi sa mundo ang iyong pangalan, upang matakot sila sa iyo, katulad ng iyong mga taong Israel, at upang malaman nila na ang tahanang ito na itinayo ko ay tinatawag sa iyong pangalan.

34 Ipagpalagay nating lumabas ang iyong mga tao upang makipagdigma laban sa kanilang mga kaaway, sa anumang kaparaanang ipadadala mo sila, at ipagpalagay nating nananalangin sila patungo sa lungsod na ito na iyong pinili, at patungo sa tahanang itinayo ko sa iyong pangalan. 35 Sa panahong iyon pakinggan mo mula sa kalangitan ang kanilang panalangin, ang kanilang kahilingan, at tulungan sa kanilang layunin.

36 Ipagpalagay na nagkasala sila laban sa iyo—yamang walang sinuman ang hindi nagkakasala—at ipagpalagay na galit ka sa kanila at ibibigay mo sila sa kanilang kaaway, upang dalhin sila ng kaaway at gawin silang mga bihag sa kanilang lupain, maging malayo man o malapit. 37 At ipagpalagay na napagtanto nila na sila ay nasa lupain kung saan sila ay sapilitang dinala, at ipagpalagay na nagsisi sila at humingi ng pabor mula sa iyo sa lupain ng kanilang pagkakabihag. Ipagpalagay na sasabihin nila, 'Naging matigas ang aming ulo at nagkasala kami. Gumawa kami ng kasamaan.' 38 Ipagpalagay na sila ay magbabalik-loob sa iyo nang buong puso nila at buong kaluluwa nila sa lupain kung saan sila binihag, kung saan sila dinala bilang mga bihag, at ipagpalagay na mananalangin sila tungo sa kanilang lupain, na ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, at tungo sa lungsod na iyong pinili, at tungo sa tahanan na aking itinayo para sa iyong pangalan. 39 Sa panahong iyon makinig ka mula sa kalangitan, sa lugar kung saan ka nakatira, sa kanilang panalangin at kanilang mga kahilingan, at tulungan sila sa kanilang adhikain. Patawarin mo ang iyong mga tao, na nagkasala sa iyo.

1 Mga Hari 8:50–61

50 Patawarin ang iyong bayan, na nagkasala laban sa iyo, at lahat ng kanilang mga kasalanan kung saan ay sumuway laban sa iyong mga utos. Kahabagan sila sa harap ng kanilang mga kaaway na bumihag sa kanila, para ang kanilang mga kaaway ay magkaroon din ng habag sa iyong bayan.

51 Sila ang iyong bayan na iyong pinili, na sinagip mo palabas ng Ehipto na parang nasa gitna ng pugon kung saan ang bakal ay pinanday. 52 Panalangin ko na ang iyong mga mata ay mabuksan sa mga hiling ng iyong bayan ng Israel, na makinig ka sa kanila sa tuwing sila'y tumatawag sa iyo. 53 Sapagkat hiniwalay mo sila sa lahat ng mga tao sa mundo upang mapabilang sa iyo at makatanggap ng iyong mga pangako, tulad ng paliwanag ni Moises na iyong lingkod, nang iyong inilabas ang aming mga ama mula sa Ehipto, Panginoong Yahweh.”

54 Kaya nang matapos ipanalangin ni Solomon ang lahat ng panalanging ito at kahilingan kay Yahweh, siya ay tumayo mula sa harap ng altar ni Yahweh, mula sa pagkakaluhod habang ang kaniyang kamay ay nakaunat sa kalangitan. 55 Siya ay tumayo at pinagpala ang lahat ng kapulungan ng Israel na may malakas na boses na sinasabi, 56 “Nawa si Yahweh ay mapapurihan, na nagbigay ng kapahingahan sa kaniyang bayang Israel, na tumutupad ng lahat ng kaniyang mga pangako. Wala ni isang salita ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako ni Yahweh na ginawa niya kay Moises na kaniyang lingkod.

57 Nawa si Yahweh na ating Diyos ay makasama natin, gaya kung paano siya ay nasa ating mga ninuno. 58 Nawa hindi niya tayo iwan o pabayaan, na maaari niyang ibaling ang ating puso sa kaniya, para mamuhay sa lahat ng kaniyang paraan at ingatan ang kaniyang mga kautusan at ang kaniyang mga tuntunin at kaniyang mga batas, na kaniyang inutos sa ating mga ama.

59 At hayaan ang mga salitang aking sinabi, na aking hiniling sa harap ni Yahweh, ay mapalapit kay Yahweh ating Diyos umaga at gabi, para maaari siyang makatulong sa pinaglalaban ng kaniyang lingkod at kaniyang bayan ng Israel, na kailangan araw-araw; 60 na ang lahat ng tao dito sa mundo ay malaman na si Yahweh, siya ay Diyos at wala ng iba pang Diyos!

61 Kung gayon, hayaang ang iyong puso na maging totoo kay Yahweh ating Diyos, para lumakad sa kaniyang alituntunin at pagkaingatan ang kaniyang mga kautusan, mula sa araw na ito.

2 Mga Cronica 6:40–7:3

40 Ngayon, aking Diyos, nagmamakaawa ako sa iyo, buksan mo ang iyong mga mata, at ang iyong mga tainga na dinggin ang panalangin na ginawa sa lugar na ito. 41 Kaya ngayon tumindig, Yahweh na Diyos, pumunta ka sa iyong lugar ng pahingahan, ikaw at ang kaban ng iyong lakas, suotan mo ng kaligtasan, Yahweh na Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan. 42 Yahweh na Diyos, huwag mong italikod ang mukha ng iyong pinili mula sa iyo. Alalahanin mo ang iyong tipan ng katapatan kay David, na iyong lingkod.”

7:1 Ngayon pagkatapos manalangin ni Solomon, bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon ang mga handog na susunugin at ang mga Alay, at pinuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang tahanan. 2 Hindi makapasok ang mga pari sa tahanan ni Yahweh, dahil pinuno ng kaniyang kaluwalhatian ang kaniyang tahanan.

3 Tumingin ang lahat ng mga tao ng Israel nang bumaba ang apoy at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay nasa tahanan. Yumuko sila na nakasayad ang kanilang mga mukha sa sahig na bato, sumamba, at nagpasalamat kay Yahweh. Sinabi nila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang tipan ng katapatan ay magpakailanman.”

2 Mga Cronica 7:8–10

8 Kaya idinaos ni Solomon ang pagdiriwang sa panahong iyon sa loob ng pitong araw, kasama ang buong Israel, isang napakalaking kapulungan, mula sa Lebo Hamat hanggang sa batis ng Ehipto. 9 At sa ika-walong araw nagdaos sila ng taimtim na pagtitipon, sapagkat ginawa nila ang paghahandog ng altar sa loob ng pitong araw, at ang pagdiriwang sa loob ng pitong araw.

10 Sa ika- dalawampu't tatlong araw ng ika-pitong buwan, pina-uwi ni Solomon ang mga tao sa kanilang mga tahanan na may mga pusong masaya at nagagalak dahil sa kabutihan na ipinakita ni Yahweh kay David, kay Solomon, at sa Israel, ang kaniyang mga tao.