Mga Awit sa Paglilipat ng Kaban sa Templo ni Solomon

1004 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 47

1 Kayong lahat na mga tao, ipalakpak ninyo ang inyong mga kamay; sumigaw kayo sa Diyos sa tunog ng tagumpay. 2 Dahil kasindak-sindak ang Kataas-taasang si Yahweh; sa buong mundo siya ang dakilang Hari. 3 Nilulupig niya ang mga tao sa ilalim natin at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa. 4 Pinipili niya ang ating mamanahin para sa atin, ang kaluwalhatian ni Jacob na minahal niya. Selah 5 Sa pamamagitan ng isang sigaw ang Diyos ay naitaas, si Yahweh sa pamamagitan ng tunog ng isang trumpeta. 6 Umawit ng mga papuri sa Diyos, umawit ng mga papuri; umawit ng mga papuri sa ating Hari, umawit ng mga papuri. 7 Dahil ang Diyos ang Hari ng buong mundo; umawit ng papuri na may pang-unawa. 8 Ang Diyos ay naghahari sa lahat ng mga bansa; ang Diyos ay nakaupo sa kaniyang banal na trono. 9 Ang mga prinsipe ng mga tao ay nagtipon-tipon kasama ang bayan ng Diyos ni Abraham; dahil ang mga pananggalang ng mundo ay pag-aari ng Diyos; siya ay pinarangalan ng lubos.

Mga Awit 97–100

1 Naghahari si Yahweh; hayaang magalak ang daigdig; hayaang matuwa ang maraming kapuluan. 2 Pumapalibot sa kanya ang mga ulap at kadiliman. Katuwiran at katarungan ang saligan ng kanyang trono. 3 Ang apoy ang nasa kanyang unahan at tumutupok sa kanyang mga kaaway sa lahat ng dako. 4 Ang kanyang kidlat ang lumiliwanag sa mundo; nakikita ng daigdig at nayayanig. 5 Ang mga bundok ay natutunaw gaya ng kandila sa harapan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong daigdig. 6 Ipinapahayag ng kalangitan ang kanyang katarungan, at nakikita ng lahat ng mga bansa ang kanyang kaluwalhatian. 7 Ang lahat ng sumasamba sa mga inukit na bagay ay mapapahiya, ang mga nagyayabang sa mga walang katuturang mga diyos-diyosan— yumukod kayo sa kanya, kayong lahat na mga diyos! 8 Narinig ng Sion at natuwa, at ang mga bayan ng Juda ay nagalak dahil sa iyong matuwid na mga kautusan, Yahweh. 9 Dahil ikaw, Yahweh, ay kataas-taasan sa buong daigdig. Ikaw ay dinadakila higit sa lahat ng mga diyos. 10 Kayong mga nagmamahal kay Yahweh, kamuhian ninyo ang masama! Ipinagtatanggol niya ang buhay ng kanyang mga banal at inililigtas niya sila sa kamay ng mga masasama. 11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid at katuwaan para sa mga may matapat na puso. 12 Magalak kay Yahweh, kayong matutuwid; at magbigay ng pasasalamat sa kanyang banal na pangalan.

98:1 O, umawit kay Yahweh ng bagong awitin, dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang mga bagay; ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig, ay nagbibigay sa atin ng tagumpay. 2 Inihayag ni Yahweh ang kanyang kaligtasan; hayagan niyang ipinakita ang kanyang katarungan sa lahat ng mga bansa. 3 Inaalala niya ang kaniyang tipan ng kagandahang loob at katapatan para sa sambahayan ng Israel; lahat ng mga hangganan ng daigdig ay makikita ang katagumpayan ng ating Diyos. 4 Sumigaw kay Yahweh ng may kagalakan, buong daigdig; isambulat sa awit at umawit ng may kagalakan, umawit ng mga papuri. 5 Umawit kay Yahweh ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa, sa pamamagitan ng alpa at malambing na awit. 6 Sa pamamagitan ng mga trumpeta at mga tunog ng tambuli, mag-ingay kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, si Yahweh. 7 Hayaang sumigaw ang dagat at ang lahat ng bagay sa loob nito, ang buong mundo at ang mga naninirahan dito. 8 Hayaan ang mga ilog na ipalakpak ang kanilang mga kamay at hayaan ang mga bundok na sumigaw sa kagalakan. 9 Darating si Yahweh para hatulan ang daigdig. Hahatulan niya ang mundo nang may katuwiran at ang mga bansa nang patas.

99:1 Naghahari si Yahweh; hayaang manginig ang mga bansa. Siya ay nakaluklok sa itaas ng mga kerubin; ang daigdig ay yumayanig. 2 Si Yahweh ay dakila sa Sion; itinataas siya sa lahat ng mga bansa. 3 Hayaan mong purihin nila ang iyong dakila at kahanga-hangang pangalan; siya ay banal. 4 Ang hari ay malakas, at minamahal niya ang katarungan. Itinatag mo ang pagkakapantay-pantay; nilikha mo ang makatarungang pamamahala kay Jacob. 5 Purihin si Yahweh ang ating Diyos at sambahin siya sa kanyang tuntungan. Siya ay banal. 6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari, at si Samuel ay kabilang sa mga nanalangin sa kanya. Nanalangin sila kay Yahweh, at sinagot niya sila. 7 Kinausap niya sila mula sa haliging ulap. Iningatan nila ang kanyang tapat na mga kautusan at mga batas na ibinigay sa kanila. 8 Sinagot mo sila, Yahweh na aming Diyos. Ikaw ang Diyos na nagpatawad sa kanila, kahit na pinarusahan mo ang kanilang mga kasalanan. 9 Purihin si Yahweh ang ating Diyos, at sambahin siya sa kanyang banal na burol, dahil si Yahweh ang ating Diyos na banal.

100:1 Sumigaw na may kagalakan kay Yahweh, buong daigdig. 2 Maglingkod kay Yahweh ng may kasiyahan; magsilapit sa kanyang presensiya na umaawit nang may kagalakan. 3 Kilalalanin ninyo na si Yahweh ay Diyos; siya ang gumawa sa atin, at tayo ay sa kanya. Tayo ang kanyang bayan at mga tupa sa kanyang pastulan. 4 Magsipasok kayo sa loob ng kanyang mga tarangkahan na may pagpapasalamat at sa loob ng kanyang mga silid na may pagpupuri. Pasalamatan at purihin ang kanyang pangalan. 5 Dahil si Yahweh ay mabuti; ang kanyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman at ang kanyang pagiging totoo ay magpapatuloy sa lahat ng mga salinlahi.