Ang Kaharian ng Israel

Ang Kamatayan ni Jehu

838 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 10:30–36

30 Kaya sinabi ni Yahweh kay Jehu, “Dahil nagawa mong mabuti ang pagsasagawa kung ano ang matuwid sa aking paningin, at nagawa sa bahay ni Ahab ayon sa buong kalooban ng aking puso, ang inyong mga kaapu-apuhan ay uupo sa trono ng Israel hanggang sa apat na salinlahi.”

31 Pero hindi nag-ingat si Jehu na lumakad sa batas ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, nang kaniyang buong puso. Hindi siya tumalikod mula sa mga kasalanan ni Jeroboam, sa pamamagitan nito ay ginawa niyang magkasala ang Israel.

32 Sa mga araw na iyon sinimulang tanggalin ni Yahweh ang mga rehiyon mula Israel, at tinalo ni Hazael ang mga Israelita sa mga hangganan ng Israel, 33 mula pasilangan ng Jordan, lahat ng lupain ng Galaad, ang mga Gadita, at ang mga Rubenita, at ang mga Manasita, mula Aroer, na nasa lambak ng Arnon, mula Galaad hanggang Bashan.

34 Para sa ibang mga bagay na ginawa ni Jehu, at lahat ng kaniyang ginawa, at lahat ng kaniyang kapangyarihan, hindi ba ito nakasulat sa Ang Aklat ng Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Israel?

35 Nahimlay si Jehu kasama ang kaniyang mga ninuno, at inilibing siya sa Samaria. Pagkatapos si Jehoahas na kaniyang anak ay naging hari na kapalit niya. 36 Dalawampu't walong taong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria.

Ang Paghahari ni Jehoahas ng Israel 849 B.C.

2 Mga Hari 13:1–9

1 Sa ikadalawampu't tatlong taon na paghahari ni Joas, anak ni Ahasias hari ng Juda, si Jehoahas ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; naghari siya sa loob ng labimpitong taon. 2 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at sinundan niya ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagdulot sa Israel na magkasala; at hindi tumalikod si Jehoahas mula rito. 3 Dahil dito, nagsiklab ang galit ni Yahweh laban sa Israel at paulit-ulit niya silang pinasakop kay Hazael hari ng Aram at Ben Hadad anak ni Hazael.

4 Kaya nagsumamo si Jehoahas kay Yahweh, at pinakinggan siya ni Yahweh dahil nakita niya ang pang-aapi sa Israel, kung paano sila inaaapi ng hari ng Aram. 5 Kaya binigyan ni Yahweh ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila ay nakatakas sa ilalim ng kapangyarihan ng mga Aramean, at ang bayan ng Israel ay nagsimulang mamuhay sa kani-kanilang tahanan gaya ng dati.

6 Gayunpaman, hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ni Jeroboam, na nagdulot sa Israel na magkasala, at nagpatuloy sila sa paggawa nito. At nanatili ang diyus-diyosang Asera sa Samaria.

7 Nagtira ang mga Amarean kay Jehoahas ng limampung mangangabayo lamang, sampung karwahe, at sampung libong kawal, dahil winasak sila ng hari ng Aram at ginawang tulad ng ipa sa panahon ng anihan.

8 Ang iba pang bagay tungkol kay Jehoahas, at ang lahat ng kaniyang ginawa at kaniyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?

9 Kaya nahimlay si Jehoahas kasama ng kaniyang mga ninuno, at siya ay inilibing nila sa Samaria. Si Joas na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya.

Naghari si Joas, at Namatay si Eliseo

2 Mga Hari 13:10

10 Sa ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas hari ng Juda, nagsimula ang paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas sa Samaria; naghari siya sa loob ng labing-anim na taon.

2 Mga Hari 13:14–21

14 Ngayon, si Eliseo ay nagkasakit na kaniyang ikinamatay kalaunan, kaya si Joas ay bumaba at nanangis sa kaniya. Sinabi niya, “Ama ko, ama ko, ang mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo ay kinukuha ka palayo!”

15 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at ilang palaso,” kaya si Joas ay kumuha ng isang pana at ilang mga palaso.

16 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Hawakan mo ang pana,” kaya hinawakan niya ito. Pagkatapos, ipinatong ni Eliseo ang kaniyang kamay sa mga kamay ng hari.

17 Sinabi ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa silangan,” kaya binuksan niya ito. Pagkatapos sinabi ni Eliseo, “Pumana ka!”, at pumana siya. Sinabi ni Eliseo, “Ito ang palaso ng katagumpayan ni Yahweh, palaso ng katagumpayan laban sa Aram, dahil lulusubin mo ang mga Aramean sa Afec hanggang matalo ninyo sila.”

18 Pagkatapos sinabi ni Eliseo, “Kunin mo ang mga palaso,” kaya kinuha ito ni Joas. Sinabi niya sa hari ng Israel, “Ipana mo ito sa lupa,” at pinana niya ito sa lupa nang tatlong beses, pagkatapos tumigil siya.

19 Pero ang lingkod ng Diyos ay nagalit sa kaniya at sinabing, “Dapat pinana mo ang lupa ng lima o anim na beses. Pagkatapos lulusubin mo ang Aram hanggang maubos mo sila, pero ngayon, lulusubin mo lang sila ng tatlong beses.”

20 Pagkatapos namatay si Eliseo, at siya ay inilibing. Ngayon sumalakay ang pangkat ng mga Moabita sa pagsisimula ng taon. 21 Habang inililibing nila ang isang lalaki, nakita nila ang isang pangkat ng Moabita, kaya inihagis nila ang katawan sa libingan ni Eliseo. Pagkadikit na pagkadikit ng lalaki sa mga buto ni Eliseo, nabuhay siya at tumayo.