Bahagi 9: Ang Paghahari ni Amasias

Ang Kaharian ng Juda

Pinarusahan ni Amasias ang mga Pumatay sa Kaniyang Ama

838 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 14:1–6

1 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas, hari ng Israel, si Amasias anak ni Joas, hari ng Juda ay nagsimulang maghari. 2 Dalawampu't limang taong gulang siya nang magsimula siyang maghari; naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jehoadan, taga-Jerusalem. 3 Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mga mata ni Yahweh, pero hindi katulad ng kaniyang ninunong si David. Ginawa niya ang lahat ng ginawa ni Joas na kaniyang ama.

4 Pero ang mga dambana ay hindi winasak. Ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng insenso sa mga dambana.

5 Dumating ang pagkakataon nang tumatag na ang kaniyang paghahari, pinatay niya ang mga lingkod na pumatay sa kaniyang ama, ang hari. 6 Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao; sa halip, kumilos siya ayon sa sinasabi ng Kasulatan, sa Aklat ni Moises, gaya ng iniutos ni Yahweh, na nagsasabing, “Ang mga ama ay hindi dapat patayin dahil sa kaniyang mga anak, ni ang mga anak dahil sa kanilang mga magulang. Sa halip, bawat tao ay dapat patayin dahil sa sarili niyang kasalanan.”

Ang Digmaan ni Amazias Laban sa Edom 827 B.C.

2 Mga Cronica 25:5–11

5 Bukod dito, tinipon ni Amazias ang mga taga-Juda at itinala sila ayon sa mga bahay ng kanilang mga ninuno, sa ilalim ng mga pinuno ng hukbong libu-libo at mga pinuno ng hukbong daan-daan, ang lahat ng taga-Juda at taga-Benjamin. Sila ay binilang niya mula dalawampung taong gulang at pataas at may 300, 000 na piling lalaki na may kakayahang sumabak sa digmaan, at may kakayahang humawak ng sibat at panangga.

6 Umupa din siya ng 100, 000 na mga lalaking mandirigmang mula sa Israel ng nagkakahalaga ng sandaang talento ng pilak. 7 Ngunit pumunta sa kaniya ang isang lingkod ng Diyos at sinabi, “Hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel, sapagkat hindi kasama ng Israel si Yahweh, wala sa mga tao ng Efraim. 8 Ngunit kahit na pumunta ka nang may katapangan at kalakasan sa labanan, pababagsakin ka ng Diyos sa harap ng kaaway sapagkat may kapangyarihan ang Diyos na tumulong at may kapangyarihang magpabagsak.”

9 Sinabi ni Amazias sa lingkod ng Diyos, “Ngunit ano ang aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” Sumagot ang lingkod ng Diyos, “Kaya ni Yahweh na bigyan ka ng higit pa roon.”

10 Kaya inihiwalay ni Amazias ang hukbong sasama sa kaniya mula sa Efraim, sila ay muli niyang pinauwi. Kaya lubhang sumiklab ang kanilang galit laban sa Juda at sila ay umuwi nang may matinding galit.

11 Tumapang si Amazias at pinangunahan ang kaniyang mga tao na pumunta sa lambak ng Asin. Doon niya tinalo ang sampung-libong mga lalaki ng Seir.

2 Mga Hari 14:7

7 Pinatay niya ang sampung libong sundalo sa Edom sa lambak ng Asin; sinakop niya rin ang Sela sa digmaan at tinawag itong Jokteel, kung saan ito pa rin ang tawag hanggang sa araw na ito.

2 Mga Cronica 25:12–16

12 Dinala ng hukbo ng Juda ang sampung-libong buhay na lalaki. Sila ay dinala nila sa tuktok ng bangin at inihulog sila mula doon, at silang lahat ay nagkabali-bali.

13 Ngunit ang mga lalaki ng hukbong pinauwi ni Amazias upang hindi sila sumamama sa kaniya sa labanan, ay nilusob ang mga lungsod ng Juda mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon. Pinatay nila ang tatlong-libong tao at maraming ninakaw.

14 Ngayon nangyari na pagkatapos bumalik si Amazias mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang mga diyos ng mga tao ng Sier at itinayo niya ang mga ito upang maging kaniyang mga diyos. Yumuko siya sa harap ng mga ito at nagsunog ng insenso para sa mga ito. 15 Kaya sumiklab ang galit ni Yahweh laban kay Amazias. Nagpadala siya ng isang propeta sa kaniya, na nagsabi, “Bakit mo sinamba ang mga diyos ng mga tao na hindi man lamang nakapagligtas ng sarili nitong mga tao laban sa iyong mga kamay?”

16 At nangyari na habang kinakausap siya ng propeta, sinabi sa kaniya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka. Bakit ka kailangan patayin?” At tumigil ang propeta at sinabi, “Alam kong nagpasya ang Diyos na wasakin ka dahil ginawa mo ito at hindi ka nakinig sa aking payo.”

Ang Digmaan ni Amasias Laban sa Israel 826 B.C.

2 Mga Hari 14:8–14

8 Pagkatapos nagpadala si Amasias ng mga tagapagbalita para kay Jehoas anak ni Jehoahas anak ni Jehu hari ng Israel, na nagsasabing, “Halikayo, magkita-kita tayo ng harapan sa digmaan.”

9 Pero nagpadala ng tagapagbalita si Jehoas hari ng Israel pabalik kay Amasias hari ng Juda, na sinasabing, “Ang matinik na halaman na nasa Lebanon ay nagpadala ng mensahe sa sedar sa Lebanon, nagsasabing, “Ibigay mo ang iyong anak na babae sa anak kong lalaki para maging asawa,' pero isang mabangis na hayop sa Lebanon ang dumaan at inapakan ang matinik na halaman. 10 Tunay nga na nilusob mo ang Edom, at itinaas ka ng iyong puso. Ipagmalaki mo ang iyong katagumpayan, pero manatili ka sa iyong tahanan, dahil bakit mo pa ilalagay sa kaguluhan at ibabagsak ang iyong sarili, ikaw pati na ang Juda?

11 Pero si Amasias ay hindi nakinig. Kaya lumusob si Jehoas, hari ng Israel; siya at si Amasias hari ng Juda ay nagkita ng harap-harapan sa Beth-semes, na pag-aari ng Juda. 12 Natalo ang Juda ng Israel, at ang bawat isa ay tumakas pauwi.

13 Nabihag ni Jehoas hari ng Israel, si Amasias hari ng Juda na anak ni Jehoas na anak ni Ahasias, sa Beth-semes. Pumunta siya sa Jerusalem at ibinagsak niya ang pader ng Jerusalem mula sa Tarangkahan ng Efraim hanggang Tarangkahan ng Sulok, apat na raang kubit ang layo. 14 Kinuha niya lahat ng ginto at pilak, lahat ng mga kagamitan na nakita sa tahanan ni Yahweh, at ang mga mahahalagang bagay sa palasyo ng hari, na may kasama ring bihag, at bumalik na sa Samaria.