Ang Kamatayan ni Amazias

810 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 25:27–28

27 Ngayon, mula sa panahon na tumalikod si Amazias sa pagsunod kay Yahweh, sinimulan nilang gumawa ng sabuwatan laban sa kaniya sa Jerusalem. Tumakas siya patungong Laquis, ngunit nagpadala sila ng mga tao na susunod sa kaniya sa Laquis at pinatay siya doon. 28 Siya ay ibinalik nilang nakasakay sa mga kabayo at inilibing siya kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lungsod ng Juda.

2 Mga Cronica 25:25–26

25 Nabuhay si Amazias na hari Juda na anak ni Joas, ng labing-limang taon pagkatapos ng kamatayan ni Joas na hari ng Israel na anak ni Joahas. 26 Ang ibang mga bagay tungkol kay Amazias sa simula hanggang sa kahuli-hulihan, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Ang Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?

2 Mga Cronica 25:1–4

1 Dalawamput-limang taong gulang si Amazias nang magsimula siyang maghari. Naghari siya ng dalawamput-siyam na taon sa Jerusalem. Joadan ang pangalan ng kaniyang ina na taga-Jerusalem. 2 Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mata ni Yahweh, ngunit hindi niya ginawa ito nang may ganap na pusong tapat.

3 At nangyari, nang ganap na matatag ang kaniyang pamumuno, pinatay niya ang mga lingkod na pumatay sa kaniyang ama na hari. 4 Ngunit hindi niya pinatay ang mga anak ng mga pumatay sa kaniyang ama, sa halip ginawa niya kung ano ang nakasulat sa kautusan, sa aklat ni Moises, gaya ng iniutos ni Yahweh, “Ang mga ama ay hindi dapat mamatay para sa kanilang mga anak, at hindi rin dapat mamatay ang mga anak para sa mga ama. Sa halip, ang bawat tao ay dapat mamatay para sa kaniyang sariling kasalanan.”

2 Mga Cronica 25:17–24

17 Pagkatapos, sumangguni si Amazias na hari ng Juda sa mga tagapayo at nagpadala ng mga mensahero kay Joas na hari ng Israel na anak ni Joahaz na anak ni Jehu, nagsasabi, “Halika, magharapan tayo sa isang labanan.”

18 Ngunit nagpadala din ng mga mensahero si Joas na hari ng Israel kay Amazias na hari ng Juda, nagsasabi, “Nagpadala ang isang dawag na nasa Lebanon ng isang mensahe sa isang sedar na nasa Lebanon, nagsasabi, 'Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak,' ngunit dumaan ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang dawag. 19 Sinabi mo, 'Tingnan mo, napabagsak ko ang Edom' at itinaas ka ng iyong puso. Magmalaki ka sa iyong tagumpay ngunit manatili ka sa tahanan, sapagkat bakit mo ipapahamak at ibabagsak ang iyong sarili, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

20 Ngunit hindi nakinig si Amazias dahil ang kaganapang ito ay mula sa Diyos, upang maipasakamay niya ang mga tao ng Juda sa kanilang mga kaaway dahil humingi sila ng payo sa mga diyos ng Edom. 21 Kaya lumusob si Joas na hari ng Israel, siya at si Amazias na hari ng Juda ay nagsagupaan sa Beth-semes na sakop ng Juda. 22 Bumagsak ang Juda sa harap ng Israel at tumakas papunta sa mga tahanan ang bawat lalaki.

23 Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amazias na hari ng Juda na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Beth-Semes. Siya ay dinala niya sa Jerusalem at giniba ang pader ng Jerusalem mula sa Tarangkahan ng Efraim hanggang sa Tarangkahan sa Sulok, apatnaraang kubit ang layo. 24 Kinuha niya lahat ng ginto at pilak, lahat ng kagamitan na matatagpuan sa tahanan ng Diyos na kay Obed-Edom, at ang mahahalagang mga kagamitan sa tahanan ng hari, kasama ang mga bihag at bumalik sa Samaria.

2 Mga Hari 14:19–20

19 Nagsabwatan sila laban kay Amasias sa Jerusalem, at tumakas siya papuntang Laquis. Tumakas siya sa Laquis, pero nagpadala sila ng mga tauhan sa Laquis at pinatay siya roon. 20 Dinala nila siya pabalik sakay ng kabayo, at siya ay ibinurol kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David.

2 Mga Hari 14:17–18

17 Si Amasias na anak ni Joas, hari ng Juda, ay nabuhay ng labinlimang taon pagkatapos ng kamatayan ni Jehoas anak ni Jeoahas, hari ng Israel. 18 Tungkol sa iba pang mga bagay kay Amasias, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?

Ang Kaharian ng Israel

Nagpatuloy ang Paghahari ni Joas

2 Mga Hari 13:22–25

22 Inapi ni Hazael hari ng Aram ang Israel sa panahon ng paghahari ni Jehoahas. 23 Pero mahabagin si Yahweh sa Israel at mayroon siyang awa at malasakit sa kanila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hindi sila winasak ni Yahweh, at hindi niya pa rin sila inilayo sa kaniyang presensiya.

24 Namatay si Hazael hari ng Aram, at si Ben Hadad na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 25 Binawi ni Jehoas anak ni Joacaz mula kay Ben Hadad anak ni Hazael ang mga lungsod na kinuha mula kay Joacaz na kaniyang ama noong digmaan. Nilusob siya ni Joas tatlong beses, at nabawi niya ang mga lungsod ng Israel.

2 Mga Hari 13:11–13

11 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. Hindi niya tinalikuran ang kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, kung saan nagdulot sa Israel na magkasala, at namuhay siya sa mga ito.

12 Ang iba pang bagay tungkol kay Joas, at lahat ng kaniyang ginawa, at kaniyang katapangan kung saan nakipaglaban siya kay Amasias hari ng Juda, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?

13 Nakahimlay si Joas kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Jeroboam ang umupo sa kaniyang trono. Inilibing si Joas sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel.

2 Mga Hari 14:15–16

15 Tungkol sa iba pang bagay kay Jehoas, lahat ng kaniyang ginawa, ang kaniyang kapangyarihan, at kung paano niya nilabanan si Amasias hari ng Juda, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?

16 Pagkatapos nahimlay si Jehoas kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel, at si Jeroboam, ang kaniyang anak, ang naging hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Jeroboam II

2 Mga Hari 14:23–24

23 Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Amasias anak ni Joas hari ng Juda, si Jeroboam anak ni Jehoas hari ng Israel, ay nagsimulang maghari sa Samaria; naghari siya ng apatnapu't isang taon. 24 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. Hindi siya tumalikod sa anumang kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagdulot para magkasala ang Israel.