Bahagi 10: Ang Paghahari ni Uzias
Ang Kaharian ng Juda
Ang Unang Bahagi ng Paghahari at Kasaganaan ni Uzias
810 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Kinuha ng lahat ng tao ng Juda si Uzias na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang hari na kapalit ng kaniyang ama na si Amazias. 2 Siya ang muling nagtayo ng Elat at pinanumbalik ito sa Juda. Pagkatapos mamatay ang hari.
3 Si Uzias ay labing-anim na taong gulang nang magsimula siyang maghari. Naghari siya ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Jecolias ang pangalan ng kaniyang ina, na mula sa Jerusalem. 4 Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mata ni Yahweh, sinusunod niya ang lahat ng halimbawa ng kaniyang ama na si Amazias.
1 Sa ika-dalawampu't pitong taon ni Jeroboam hari ng Israel, nagsimula ang paghahari ni Uzzias anak ni Amazias hari ng Juda.
5 Inilaan niya ang kaniyang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagbigay sa kaniya ng mga tagubilin para sa pagsunod sa Diyos. Habang hinahanap niya si Yahweh, pinagpala siya ng Diyos.
6 Lumabas si Uzias at nakipaglaban sa mga Filisteo. Giniba niya ang mga pader sa lungsod ng Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lungsod sa bansa ng Asdod at sa mga Filisteo. 7 Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo, laban sa mga Arabo na nakatira sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. 8 Nagbigay ang mga Ammonita ng kayamanang parangal kay Uzias at lumaganap ang kaniyang katanyagan sa ibang mga lupain, maging sa hangganan ng Ehipto, sapagkat siya ay naging lubos na makapangyarihan.
9 Dagdag pa rito, nagtayo si Uzias ng mga tore sa Jerusalem sa may Tarangkahan sa Sulok, sa Tarangkahan sa Lambak at sa paikot ng pader at pinatibay ang mga ito. 10 Nagtayo siya ng mga toreng bantayan sa ilang at naghukay ng maraming balon, sapagkat marami siyang mga baka sa mababang lugar gayon din sa mga kapatagan. Mayroon siyang mga magsasaka at mga nagtatanim ng ubas sa mga burol sa bansa at sa mabungang mga bukirin, sapagkat mahal niya ang pagsasaka.
11 Bukod dito, si Uzias ay mayroong isang hukbo ng mga lalaking mandirigma na nagpunta sa digmaan na nakapangkat na binuo sa pamamagitan ng kanilang bilang na binilang ni Jeiel, ang eskriba at Maaseias, ang pinuno, sa ilalim ng pamumuno ni Hananias, ang isa sa mga tagapag-utos ng hari. 12 Ang buong bilang ng mga pangulo ng mga sinaunang sambahayan ay 2, 600 na mandirigmang mga lalaki. 13 Sa ilalim ng kanilang kamay ay isang hukbong 307, 500 na mga lalaki, na nakidigma na may malakas na kapangyarihan upang tulungan ang hari laban sa kaaway.
14 Naghanda si Uzias para sa kanila, para sa lahat ng hukbo, ng mga panangga, mga sibat, mga helmet, mga baluti, mga pana at mga bato para sa tirador. 15 Nagtayo siya sa Jerusalem ng mga makina na inimbento ng mga bihasang lalaki upang ilagay sa mga tore at sa mga kuta, kung saan papana ng mga pana at ng mga malalaking bato. Lumaganap sa malayong mga lupain ang kaniyang katanyagan, sapagkat siya ay lubos na tinulungan hanggang sa siya ay naging lubos na makapangyarihan.
Inihula ni Joel ang Pagbagsak ng Juda humigit-kumulang 787 B.C.
Nang palakihin ni Uzzias ang kaniyang hukbo, inihula ni Joel na balang araw ay ibabagsak ng isang dayuhang hukbo ang kaharian ng Juda.
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Joel na anak ni Petuel.
2 Pakinggan ito, kayong mga nakatatanda, at makinig kayo, lahat kayong naninirahan sa lupain. Nangyari na ba ito noon sa inyong panahon o sa panahon ng inyong mga ninuno? 3 Sabihin ninyo sa inyong mga anak ang tungkol dito at sabihin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak at ng kanilang mga anak sa susunod na henerasyon. 4 Ang iniwan ng napakaraming nagliliparang balang ay kinain ng mga malalaking balang, ang iniwan ng mga malalaking balang ay kinain ng mga tipaklong, at ang iniwan ng mga tipaklong ay kinain ng mga uod. 5 Gumising kayo, kayong mga lasenggo at tumangis! Humagulhol kayo, lahat kayong mga manginginom ng alak dahil ang matamis na alak ay pinahinto na sa inyo. 6 Sapagkat dumating ang isang bansang malakas at hindi mabilang sa aking lupain. Ang kaniyang ngipin ay ngipin ng leon at mayroon siyang ngipin ng babaeng leon. 7 Ginawa niyang katakot-takot na lugar ang aking ubasan at tinalupan ang aking puno ng igos. Binaklas niya ang upak at itinapon ito, ang mga sanga nito ay namuti.
8 Magluksa kayo gaya ng isang birheng nakadamit ng telang magaspang dahil sa pagkamatay ng kaniyang batang asawa. 9 Ang butil na handog at inuming handog ay pinahinto sa tahanan ni Yahweh. Nagdadalamhati ang mga paring lingkod ni Yahweh. 10 Winasak ang mga bukirin at ang lupa ay nagdadalamhati. Sapagkat sinira ang butil, natuyo ang bagong alak at nabulok ang langis. 11 Mahiya kayo, kayong mga magsasaka at humagulhol kayo, kayong mga nagpapalaki ng puno ng ubas, para sa trigo at sebada. Sapagkat namatay ang ani ng mga bukirin. 12 Nalanta ang mga puno ng ubas at natuyo ang mga puno ng igos, ang mga puno ng granada, gayon din ang mga puno ng palma at mga puno ng mansanas— ang lahat ng puno ng bukirin ay nalanta. Sapagkat nalanta ang kagalakan mula sa mga kaapu-apuhan ng tao.
13 Magsuot kayo ng telang magaspang at magdalamhati kayo, kayong mga pari! Humagulhol kayo, kayong mga lingkod ng altar. Halikayo, humiga nang buong gabi na nakasuot ng telang magaspang, kayong mga lingkod ng aking Diyos. Sapagkat itinigil ang butil na handog at inuming handog sa tahanan ng inyong Diyos. 14 Magpatawag kayo para sa isang banal na pag-aayuno at magpatawag kayo para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo sa tahanan ni Yahweh, na inyong Diyos, ang mga nakatatanda at lahat ng naninirahan sa lupain at umiyak kay Yahweh. 15 Oh sa araw na iyon! Sapagkat ang araw ni Yahweh ay malapit na. Kasama nitong darating ang pagkawasak na mula sa Makapangyarihan. 16 Hindi ba't nawala sa ating mga paningin ang pagkain, kagalakan at kasayahan mula sa tahanan ng ating Diyos? 17 Nabulok ang mga buto sa ilalim ng tumpok ng lupa, pinabayaan ang mga kamalig at giniba ang mga kamalig sapagkat nalanta ang butil. 18 Ganoon na lamang ang atungal ng mga hayop! Nagdurusa ang mga kawan ng baka dahil wala silang pastulan. Ganoon din, ang mga kawan ng tupa ay nagdurusa. 19 Yahweh, dumadaing ako sa iyo. Sapagkat nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at sinunog ng apoy ang lahat ng puno sa parang. 20 Kahit ang mga hayop sa parang ay nagsisihingal sa iyo, sapagkat natuyo ang tubig sa batis, at nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang.