Tumalikod si Joas at Namatay

840 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 12:17–18

17 Sa panahong iyon, nilusob at nilabanan ni Hazael hari ng Aram ang Gat, at sinakop ito. Pagkatapos tinangkang lusubin ni Hazael ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Joas hari ng Juda ang lahat ng kasangkapan na itinalaga nina Jehosafat at Joram at Ahazias, ang kaniyang mga ninuno, mga hari ng Juda, para kay Yahweh, ang kaniyang sariling mga banal na kasangkapan, at lahat ng ginto na makikita sa mga imbakan sa tahanan ni Yahweh at ng hari; ipinadala niya ang mga ito kay Hazael ang hari ng Aram. Pagkatapos umalis na si Hazael mula sa Jerusalem.

2 Mga Cronica 24:15–26

15 Tumanda si Joiada at napuspos ng mga araw, at siya ay namatay. Siya ay 130 taong gulang nang siya mamatay.

16 Siya ay inilibing nila sa lungsod ni David kasama ng mga hari, dahil mabuti ang ginawa niya sa Israel, sa Diyos, at sa tahanan ng Diyos.

17 Ngayon pagkatapos ng kamatayan ni Joiada, nagpunta ang mga pinuno ng Juda at pinarangalan ang hari. At nakinig sa kanila ang hari. 18 Pinabayaan nila ang tahanan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at sinamba ang mga diyos na Ashera at ang mga diyus-diyosan. Dumating ang galit ng Diyos sa Juda at Jerusalem dahil sa kanilang maling gawain. 19 Gayunman, nagpadala siya ng mga propeta sa kanila upang muli silang ibalik sa kaniya, kay Yahweh. Nagpatotoo ang mga propeta laban sa mga tao, ngunit ayaw nilang makinig.

20 Dumating ang Espiritu ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo si Zacarias sa itaas ng mga tao at sinabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Diyos, 'Bakit ninyo nilalabag ang mga kautusan ni Yahweh, nang sa gayon hindi kayo sumagana? Yamang tinalikuran na ninyo si Yahweh, tinalikuran rin niya kayo.'”

21 Ngunit nagsabuwatan sila laban sa kaniya at sa utos ng hari, siya ay binato nila ng mga bato sa patyo ng tahanan ni Yahweh.

22 Sa paraang ito, pinagsawalang-bahala ni haring Joas ang kabaitan na ginawa sa kaniya ni Joiada, ang ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya ang anak ni Joiada. Nang si Zacarias ay naghihingalo, kaniyang sinabi, “Makita nawa ito ni Yahweh at papanagutin ka.”

23 At nangyari, sa katapusan ng taon na ang hukbo ng Aram ay dumating laban kay Joas. Pumunta sila sa Juda at Jerusalem, pinatay nila lahat ng mga pinuno ng mga tao at ipinadala ang lahat ng kanilang ninakaw sa hari ng Damasco. 24 Pumunta ang hukbo ng mga Arameo na may munting bilang, ngunit ibinigay sa kanila ni Yahweh ang katagumpayan laban sa isang nakapalaking hukbo dahil tinalikuran ng taga-Juda si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa paraang ito, ang mga Arameo ang nagdala ng hatol kay Joas.

25 Nang nakaalis na ang mga Arameo, malubhang nasugatan si Joas. Nagsabuwatan ang kaniyang sariling mga lingkod laban sa kaniya dahil sa pagpatay sa mga anak ng paring si Joiada. Siya ay pinatay nila sa kaniyang higaan, at namatay siya. Siya ay inilibing nila sa lungsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari. 26 Ito ang mga taong nagsabuwatan laban sa kaniya, si Sabad na anak ni Simeat na Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na Maobita.

2 Mga Hari 12:20–21

20 Nag-alsa at sama-samang nagplano ang kaniyang mga lingkod; nilusob nila si Joas sa tahanan sa Millo, sa daan papunta ng Sila. 21 Si Josacar, anak ni Semiat, at Jehozabad anak ni Somer, na kaniyang lingkod, ay sinalakay siya at siya ay namatay. Inilibing nila si Joas kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David, at si Amasias, na kaniyang anak, ang naging hari kapalit niya.

2 Mga Cronica 24:27

27 Ngayon ang kasaysayan tungkol sa kaniyang mga anak, ang mahalagang mga propesiya na sinabi tungkol sa kaniya, at ang muling pagtatayo ng tahanan ng Diyos, tingnan, nakasulat ang mga ito sa Ang Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. At si Amazias na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.

2 Mga Hari 12:19

19 Ang iba pang bagay tungkol kay Joas, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?

2 Mga Cronica 24:1–2

1 Pitong taong gulang si Joas nang magsimulang maghari; naghari siya ng apatnapung taon sa Jerusalem. Sibias ang pangalan ng kaniyang ina na taga-Beer-seba. 2 Ginawa ni Joas kung ano ang matuwid sa mata ni Yahweh sa lahat ng araw ni Joiada na pari.

2 Mga Hari 11:17–20

17 Kaya gumawa ng tipan si Jehoaida para kay Yahweh, kay Haring Joas at sa mga mamamayan, na sila ay dapat maging bayan ni Yahweh, at gumawa rin siya ng tipan sa pagitan ng hari at ng mga mamamayan.

18 Kaya lahat ng mamamayan sa lupain ay pumunta sa tahanan ni Baal at winasak ito. Pinagpira-piraso nila ang altar ni Baal at ang kaniyang imahe, at pinatay nila si Matan, ang pari ni Baal, sa harap ng mga altar na iyon. Pagkatapos nagtalaga ng mga tagapagbantay ang pari sa templo ni Yahweh. 19 Isinama ni Jehoiada ang mga pinuno ng daan-daan, ang mga Karito, ang tagapagbantay, at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Ibinaba nila ang hari mula sa tahanan ni Yahweh at dumaan sa tarangkahan ng tagapagbantay patungo sa palasyo ng hari. 20 Kaya si Joas ay umupo sa trono. Lahat ng tao sa lupain ay nagdiwang, at ang lungsod ay tahimik. Tungkol naman kay Atalia, siya ay pinatay nila gamit ang espada sa palasyo ng hari.