Inihula ang Pagdating ni Cristo
Isang hula tungkol sa pagdating ni Cristo at sa pagpapanumbalik ng mga Judio.
710 hanggang 699 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Masdan, aking lingkod, na aking itinataas; ang aking pinili, sa kaniya ako ay nagagalak. Ang aking Espiritu ay nasa kaniya; siya ang magdudulot ng katarungan sa mga bansa. 2 Hindi siya iiyak o hihiyaw o magtataas ng boses sa lansangan. 3 Ang napitpit na tambo ay hindi niya mababali, at hindi niya maaapula ang mahinang apoy ng mitsa: siya ay matapat na magsasagawa ng katarungan. 4 Siya ay hindi manglulupaypay o mapanghihinaan ng loob hanggang matatag niya ang katarungan sa mundo; at ang mga nakatira sa babayin ay maghihintay sa kaniyang batas. 5 Ito ang sinabi ni Yahweh ating Diyos, na siyang lumikha ng kalangitan at naglatag sa kanila; siyang naglatag ng mundo at binigyang buhay ito; siyang nagbigay ng hininga sa mga tao doon, at buhay sa mga namumuhay doon: 6 “Ako, si Yahweh, ang tumawag sa iyo sa katuwiran at hahawak sa iyong kamay. Iingatan kita at itatakda kita bilang tipan para sa mga tao, bilang isang liwanag para sa mga dayuhan, 7 para buksan ang mga mata ng bulag, para palayain ang mga bilanggo mula sa piitan, at mula sa tahanan ng pagkakulong silang mga nakaupo sa kadiliman. 8 Ako si Yahweh, iyon ang aking pangalan; at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibabahagi sa iba ni ang aking papuri sa mga inukit na mga diyus-diyusan. 9 Tingnan mo, ang mga nakaraang mga bagay ay nangyari na, ngayon ay ipapahayag ko ang mga bagong kaganapan. Bago sila magsimulang mangyari sasabihin ko sa iyo ang tungkol sa kanila.”
10 Umawit kay Yahweh ng bagong awitin, at ang kaniyang kapurihan mula sa dulo ng mundo; ikaw na bumaba sa dagat, at ang lahat ng nakapaloob dito, ang mga baybayin at silang naninirahan doon. 11 Hayaan ang disyerto at ang mga lungsod na tumawag, ang mga nayon kung saan na namumuhay ang Cedar, sumigaw ng may kagalakan! Hayaang umawit ang mga nakatira sa Sela; hayaan silang sumigaw mula sa tuktok ng mga bundok. 12 Hayaan silang magbigay kaluwalhatian kay Yahweh at magpahayag ng kaniyang papuri sa mga baybayin. 13 Si Yahweh ay lalabas bilang isang mandirigma; siya ay magpapatuloy bilang isang lalaking pangdigmaan. Kaniyang ipupukaw ang kasigasigan. Siya ay sisigaw, oo, siya ay hihiyaw ng kaniyang hiyaw na pandigmaan; ipapakita niya sa kaniyang mga kaaway ang kaniyang kapangyarihan. 14 Nanahimik ako ng mahabang panahon; ako ay hindi kumibo at nagpigil sa sarili; ngayon iiyak ako gaya ng isang babaeng nanganganak; ako ay maghahabol ng hininga at hihingalin. 15 Aking wawasakin ang mga bundok at mga burol at patutuyuin ko ang lahat ng kanilang pananim; at ang mga ilog ay gagawin kong mga isla at patutuyuin ko ang mga sapa. 16 Dadalhin ko ang bulag sa daan na hindi nila alam; dadalhin ko sila sa mga landas na hindi nila alam na dadalhin ko sila. Ang kadiliman ay gagawin kong liwanag sa harap nila at itutuwid ang baluktot na mga lugar. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko sila pababayaan. 17 Sila ay tatalikuran, at sila ay ganap na mailalagay sa kahihiyan, silang nagtitiwala sa mga inukit na mga diyos-diyusan, na nagsasabi sa mga hinulmang bakal na mga diyus-diyosan, “kayo ang aming mga diyos.”
18 Makinig kayo, kayong mga bingi; at tumingin, kayong bulag, para kayo ay makakita. 19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? O bingi gaya ng mensaherong aking pinadala? Sino ang kasing bulag gaya ng aking tipan ng kasunduan, o bulag gaya ng lingkod ni Yahweh? 20 Maraming kang nakikitang mga bagay, pero hindi nauunawaan; ang mga tainga nila ay nakabukas, pero walang nakaririnig. 21 Nagpapalugod kay Yahweh ang mapapurihan ang kaniyang katarungan at maluwalhati ang kaniyang mga kautusan. 22 Pero ito ang mga taong nanakawan at nasamsaman; silang lahat ay nakulong sa mga hukay, nabihag sa mga bilangguan; sila ay naging isang inagaw na walang sinumang makakasagip sa kanila at walang makakapagsabi, “ibalik sila!” 23 Sino sa inyo ang makikinig nito? Sino ang makikinig at pakikinggan ang hinaharap? 24 Sino ang nagbigay kay Jacob sa mga magnanakaw, at ang Israel sa mga mandarambong? Hindi ba si Yahweh, laban sa kaniya na nagawan natin ng kasalanan, kaninong daan tayo nakagawa ng kasalanan, kaninong mga daan tayo tumangging lumakad, at kaninong batas tayo tumangging sumunod? 25 Kaya ibinuhos niya ang kaniyang mabangis na galit laban sa kanila, kasama ang pagkawasak ng digmaan. Ito ay nagliyab sa kanilang kapaligiran, pero hindi nila ito maunawaan; tinupok sila nito, pero hindi nila ito isinapuso.
43:1 Pero ngayon ito ang sinasabi ni Yahweh, ang siyang lumikha sa iyo, Jacob, at siyang humubog sa iyo, Israel: “huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. 2 Kapag ikaw ay dumaraan sa mga tubigan, ako ay kasama mo; at sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog, ni sa apoy ay hindi ka masasaktan. 3 Dahil ako si Yahweh ang iyong Diyos, ang Banal ng Israel, iyong Tagapagligtas. Ibinigay ko na pang tubos sa iyo ang Ehipto, Etiopia at ang Seba kapalit mo. 4 Dahil ikaw ay mahalaga at natatangi sa aking paningin, mahal kita; kaya magbibigay ako ng mga tao kapalit mo, at ibang mga tao sa iyong buhay. 5 Huwag kang matakot, dahil ako ay kasama mo; aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan, at titipunin kayo mula sa kanluran; 6 Aking sasabihin sa hilaga, 'ibalik sila;' at sa timog, 'huwag silang pigilan' Dalhin ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at aking mga anak na babae mula sa malayong mga lugar ng mundo, 7 ang lahat ng tumatawag sa aking pangalan, na aking nilikha para sa aking kaluwalhatian, na aking hinubog, oo, na aking ginawa. 8 Ilabas ang mga bulag na may mga mata, at ang bingi, kahit siya ay may mga tainga. 9 Ang lahat ng bansa ay sama-samang magtitipon, at magpupulong ang mga bayan. Sino sa kanilang ang maaaring makapagsasabi nito at makapagpapahayag ng mga unang kaganapan? Hayaan silang dalhin ang kanilang saksi para patuyan na sila ay tama, hayaan silang makinig at pagtibayin, 'ito ay katotohanan,' 10 Kayo ang aking mga saksi, “ipinapahayag ni Yahweh, “at aking lingkod na aking pinili, para malaman ninyo at maniwala kayo sa akin, at inyong mauunawaan na Ako ay siya nga. Walang nilikhang ibang diyos sa aking harapan, at walang makasusunod sa akin. 11 Ako, Ako ay si Yahweh, at wala nang ibang tagapagligtas maliban sa akin. 12 Nagsalita ako, nagligtas, at nagpahayag na walang ibang diyos sa gitna ninyo. Kayo ang aking mga saksi,” Ipinapahayag ni Yahweh, “Ako ang Diyos. 13 Mula sa araw na ito Ako ay siya, at walang makakasagip sa sinuman mula sa aking kamay. Ako ang gagawa, at sinong ang makakabalik nito?”
14 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang inyong Manunubos, ang Banal ng Israel: “ Dahil sa inyong kapakanan nagsugo ako sa Babilonia at pinangunahan ang pagbagsak nila gaya ng mga pugante, ginawang mga awit ng panaghoy ang kapahayagan ng kasiyahan ng Babilonia. 15 Ako si Yahweh, ang Banal, ang lumikha ng Israel, ang inyong Hari.” 16 Ito ang sinasabi ni Yaweh ( na siyang nagbukas ng isang daan sa dagat, at isang landas sa malawak na katubigan, 17 na siyang naglabas ng mga karwahe at kabayo, ang kawal at ang makapangyarihang hukbo. Sila ay magkakasamang nahulog sa baba; sila ay hindi na babangon muli; sila ay malilipol, pinatay tulad ng isang nag-aapoy na mitsa.) 18 Huwag ninyong isipin ang mga dating pangyayari, ni alalahanin ang mga bagay na nangyari noong unang panahon. 19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ngayon ito ay magsisimulang mangyari; hindi mo ba ito naunawaan? Gagawa ako ng isang daanan sa disyerto at batis ng tubig sa ilang. 20 Pararangalan ako ng mga mababangis na hayop sa bukid, ang mga asong-gubat at mga ostrich, dahil ako ay magbibigay ng tubig sa ilang, at ng mga ilog sa disyerto, para painumin ang aking bayan na pinili, 21 Ang bayang ito na aking hinubog para sa aking sarili, para isalaysay nila ang aking kapurihan.
22 Pero hindi ka tumawag sa akin, Jacob; Ikaw ay nagsawa na sa akin, O Israel. 23 Hindi mo dinala sa akin ang alinman sa iyong mga tupa bilang handog na susunugin; ni pinarangalan mo ako ng iyong mga alay. Hindi ko kayo pinahirapan sa mga handog na butil, ni pinagod kayo sa mga handog na insenso. 24 Hindi mo ako binilihan ng mabangong tubo gamit ang pera, o binigyan man ng taba ng iyong mga alay; pero binigyan mo ako ng pabigat dahil sa ginawa mong mga kasalanan, pinagod mo ako sa iyong mga masasamang gawain. 25 Ako, oo, ako, ang siyang nag-aalis ng iyong mga kasalanan para sa aking kapakanan; at hindi ko na tatandaan pa ang iyong mga kasalanan kahit kailan. 26 Ipaalaala mo sa akin kung ano ang nangyari. Magkasama tayong pagusapan ito; Ihain mo ang iyong hangarin, para mapatunayang ikaw ay walang kasalanan. 27 Nagkasala ang iyong unang ama, at ang iyong mga pinuno ay lumabag laban sa akin. 28 Kaya aking dudungisan ang mga banal na pamunuan; ibibigay ko sa ganap na pagkawasak si Jacob at sa labis na kahihiyan ang Israel.”