Ang Kahangalan ng Pagsamba sa mga Diyus-diyosan at Pagbabalik-loob ng mga Gentil
710 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon makinig ka, Jacob aking lingkod, at Israel, na aking pinili: 2 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang lumikha sa iyo at humubog sa iyo sa sinapupunan at siyang tutulong sa iyo: Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod; at ikaw, Jeshurun, na aking pinili. 3 Dahil aking ibubuhos ang tubig sa uhaw na lupa, sa tuyong lupa dadaloy ang mga batis, at ibubuhos ko sa iyong mga supling ang aking Espiritu, at ang mga anak mo ay pagpapalain. 4 Sila ay sisibol sa gitna ng damo, gaya ng mga puno sa tabi ng mga tubig sa batis. 5 Sasabihin ng isa, 'Ako ay kay Yahweh; ' at ang isa ay ipapangalan kay Jacob; at ang isa pa ay isusulat sa kaniyang kamay 'Pag-aari ni Yahweh' at tatawagin sa pangalan ng Israel.”
6 Ito ang sinasabi ni Yahweh - ang Hari ng Israel at kaniyang Manunubos, Yahweh ng mga hukbo: “Ako ang una, at ako ang huli; walang ibang Diyos kundi ako. 7 Sino ang katulad ko? Hayaan siyang ipahayag ito at ipaliwanag sa akin ang mga nangyari simula nang aking itinatag ang sinaunang bayan, at hayaan silang ipahayag ang mga pangyayaring darating. 8 Huwag matakot o mangamba. Hindi ba ipinahayag ko sa iyo nang unang panahon, at ipinaalam ito? Kayo ang aking mga saksi: May ibang Diyos ba maliban sa akin? Walang ibang Bato; wala akong ibang kilala.” 9 Silang nagbibigay anyo sa diyus-diyosan ay walang halaga; at ang mga bagay na kanilang kinatutuwaan ay walang saysay; ang kanilang mga saksi ay hindi nakakikita o nakakaalam ng anumang bagay, at sila ay malalagay sa kahihiyan. 10 Sino ang huhulma ng isang diyos o maghuhugis ng diyus-diyosan na walang halaga? 11 Masdan mo, ang lahat ng kaniyang mga kasama ay ilalagay sa kahihiyan; ang mga mang-uukit ay tao lamang. Hayaan mo silang magsama-sama sa kanilang paninindigan; sila ay yuyukod at malalagay sa kahihiyan. 12 Ang panday ay gumagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kagamitan, naghuhulma ito, gumagawa sa init ng nagbabagang bato. Gamit ang maso at kaniyang malalakas na bisig hinubog niya ito. Siya ay nagugutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya ay hindi umiinom ng tubig at nanghihina. 13 Sinusukat ng karpintero ang kahoy ng isang pisi at tinatandaan ng pantanda. Nagkakahugis ito sa pamamagitan ng kaniyang mga kagamitan at tinatandaan ito gamit ang mga kompas. Kaniyang hinuhubog ito sa anyo ng isang tao gaya ng isang kaakit-akit na tao, para ito ay ilagay sa isang altar. 14 Pumuputol siya ng mga cedar, o pumipili siya ng puno ng sipres o isang puno ng ensena. Siya ay kumukuha ng mga puno sa kagubatan para sa kaniyang sarili. Siya ay nagtatanim ng puno ng pir at pinalalaki ito ng ulan. 15 Pagkatapos ginagamit ito ng tao bilang pangsiga kung saan siya nagpapainit. Oo, pinaliliyab niya ang isang apoy at pinangluluto ng tinapay. Pagkatapos ginagawa niya mula dito ang isang diyos at sasambahin ito. 16 Kaniyang iginagatong ang ilang bahagi ng kahoy sa apoy, iniihaw ang kaniyang karne dito. kumain siya at nabubusog. Kaniyang nadarama ang init at sinasabi, “Ah, ako ay naiinitan, aking nakita ang apoy.” 17 Siya ay gumagawa ng diyos sa pamamagitan ng tirang kahoy, kaniyang inukit na imahe; at kaniyang niluluhuran ito at ginagalang ito, at nananalangin dito at sinasabing, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking diyos.” 18 Hindi nila nalalaman, ni naiintindihan, dahil ang kanilang mga mata ay bulag at hindi nakakakita, at ang kanilang mga puso ay hindi nakakaunawa. 19 Walang sinumang nakaka-isip, ni nakakaunawa at sinasabi, “Aking iginatong ang bahagi ng kahoy sa apoy; oo, ako ay nagluto rin ng tinapay sa mga baga nito; ako ay nag-ihaw ng karne sa baga nito at kumain. Ngayon gagawin ko ba ang ibang bahagi ng kahoy sa isang bagay na kasuklam-suklam para sambahin? Dapat ba akong lumuhod sa isang piraso ng kahoy?” 20 Para bang siyang kumakain ng abo; ang kaniyang nadayang puso ay niligaw siya. Hindi niya mailigtas ang kaniyang sarili, ni masabi, “Ang bagay na ito sa aking kanang kamay ay isang bulaang diyos.”
21 Iyong alalahanin tungkol sa mga bagay na ito, O Jacob, at Israel, dahil kayo ay aking lingkod: kayo ay aking nilikha; ikaw ang aking lingkod: Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan. 22 Isinantabi ko, tulad ng makapal na ulap, ang iyong mga mapanghimagsik na mga gawain; at gaya ng isang ulap, ang iyong mga kasalanan; manumbalik ka sa akin, sapagkat tinubos kita. 23 Umawit kayo, kayong mga kalangitan, dahil si Yahweh ay kumilos; sumigaw kayo, kayong mga nasa kailaliman ng lupa; magsimula kayong umawit, kayong mga bundok, at kayo, mga gubat, sa bawat puno; dahil tinubos ni Yahweh si Jacob, at ipapakita ang kaniyang kaluwalhatian sa Israel.
24 Ito ang sinasabi ni Yahweh, iyong Manunubos, na siyang humubog sa iyo mula sa sinapupunan: Ako si Yahweh, na gumawa ng lahat ng bagay, na nag-iisang naglatag ng kalangitan, na nagiisang naghugis ng kalupaan. 25 Ako na humahadlang sa mga hula ng mga sinungaling at silang mga bumabasa ng mga hula; Binabaliktad ko ang karunungan ng mga pantas at ginagawang kamangmangan ang kanilang payo. 26 Ako si, Yahweh! - ang nagpapatupad ng mga pahayag ng kaniyang lingkod at isinasagawa ang payo ng kaniyang mga mensahero, na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, 'Siya ay pananahanan' at ang mga lungsod ng Juda, sila ay muling itatatag, at ibabangon ko ang kanilang mga wasak na lugar' 27 na sinasabi sa malalim na karagatan, ' matuyo ka, at aking tutuyuin ang iyong mga agos— 28 na siyang nagsasabi tungkol kay Ciro, 'Siya ang aking pastol, gagawin niya ang lahat ng naisin ko' - kaniyang ipag-uutos tungkol sa Jerusalem, 'Hayaan siyang muling maitatag,' at ang tungkol sa templo, 'Hayaan na ang pundasyon mo ay mailatag.”
45:1 Ito ang sinasabi ni Yahweh, sa kaniyang hinirang, kay Ciro na ang kanang kamay ay aking hawak, para lupigin ang mga bansa sa harap niya, para tanggalan ng sandata ang mga hari, at para buksan ang mga pintuan sa kaniyang harapan, kaya ang mga tarangkahan ay mananatiling nakabukas: 2 Ako ay mauuna sa iyo at ang mga bundok ay aking papatagin; aking wawasakin ang mga pintuang tanso at puputol-putulin ang kanilang bakal na rehas, 3 at ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman at ang mga natatagong kayamanan, para inyong malaman na ako ito, si Yahweh, na tumatawag sa iyong pangalan, ako, ang Diyos ng Israel. 4 Para sa kapakanan ni Jacob na aking lingkod, at sa Israel na aking pinili, tinawag kita sa iyong pangalan: bibigyan ka ng isang pangalan na may karangalan, kahit hindi mo ako kinilala. 5 Ako si Yahweh, at walang iba; walang ibang Diyos maliban sa akin. Bibigyan kita ng sandata para sa digmaan, kahit hindi mo ako kinilala; 6 Para malaman ng mga tao mula sa pagsikat ng araw, at mula sa kanluran, na walang ibang diyos maliban sa akin: ako si Yahweh, at wala ng iba. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at dilim; Ako ang nagbibigay ng kapayapaan at lumilikha ng kapahamakan; Ako si Yahweh, na gumagawa ng lahat ng bagay na ito. 8 Kayong mga langit, ibagsak ninyo ang ulan mula sa itaas! Hayaan ang mga himpapawid na umulan ng makatarungang kaligtasan. Hayaan ito ay sipsipin ng lupa, nang kaligtasan ay sumibol, at kasama nito tutubo ang katwiran. Ako, si Yahweh, ang lumikha sa kanilang dalawa. 9 Kaawa-awa ang sinumang nakikipagtalo sa lumalang sa kanya! Isang basag na palayok sa kalagitnaan ng lahat ng basag na palayok sa lupa! Dapat bang sabihin ng putik sa manlililok,' 'Ano ang iyong ginagawa? o, Ano ang iyong nililikha— wala ka bang mga kamay noong likhain mo ito? 10 Kaawa-awa ang nagsasabi sa isang ama, Para saan pa ang iyong pagiging ama? o sa isang babae, 'para saan at ikaw ay manganganak pa?' 11 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Banal ng Israel, kaniyang Manlilikha: tungkol sa mga bagay na darating, tinatanong ninyo ba ako tungkol sa aking mga anak? Sasabihin niyo ba sa akin kung ano ang gagawin ko sa gawa ng aking mga kamay?' 12 Aking nilikha ang lupa at nilalang ang tao mula rito. Itong aking mga kamay ang naglatag ng kalangitan, at aking inutos sa lahat ng mga bituin na lumitaw. 13 Pinakilos ko si Ciro sa katuwiran, at tutuwirin ang lahat ng kaniyang mga landas. Itatayo niya ang aking lungsod; pauuwiin niya ang aking bayang ipinatapon, nang walang kapalit na bayad o suhol, “sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo.
14 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Ang yaman ng Ehipto, at pangangalakal ng Ethiopia sa mga Sabeo, mga taong matataas ang kalagayan, ay dadalhin sa iyo. Sila ay magiging inyo. Sila ay magsisisunod sa inyo, magsisidating na may mga tanikala. Sila ay magpapatirapa sa iyo, at sila ay makikiusap sa iyo na sinasabing, Tunay na ang Diyos ay nasa iyo, at walang iba liban sa kanya. 15 Tunay nga na ikaw ay isang Diyos na kinukubli ang iyong sarili, Diyos ng Israel, na Tagapagligtas. 16 Mapapahiya at kahiya-hiya silang lahat; silang mga gumagawa ng diyus-diyosan ay lalakad sa kahihiyan. 17 Pero ang Israel ay ililigtas ni Yahweh nang walang hanggang kaligtasan; kayo ay hindi na muli mapapahiya. 18 Ito ang sinasabi ni Yahweh, na lumikha ng kalangitan, ang tunay na Diyos na gumawa ng lupa at lumikha nito, na siyang nagtatag nito. Kaniyang nilikha ito, hindi para masayang, para panahanan: “Ako si Yahweh, at wala akong kapantay. 19 Ako ay hindi nagsalita ng palihim, sa mga tagong lugar; hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob, 'Hanapin ninyo ko ng walang katuturan!' Ako si Yahweh, ay nagsasalita ng totoo; inihahayag ko ang mga bagay na matuwid. 20 Tipunin ang inyong mga sarili at lumapit! Magsama-sama kayong mga nakasumpong ng kanlungan mula sa mga bansa! Sila ay walang nalalaman, sila na nagdadala ng larawang inukit at nanalangin sa mga diyos na hindi nakapagliligtas. 21 Magsilapit at ipahayag ito sa akin, magdala ng katibayan! Hayaan silang magsisabwatan. Sino ang nagpakita nito mula nang unang panahon? Sinong nagpahayag nito? Hindi ba ako, na si Yahweh? At walang ibang Diyos maliban sa akin, ang makatarungang Diyos at ang Tagapagligtas; walang iba maliban sa akin. 22 Bumalik kayo sa akin at maligtas, lahat ng nasa sulok ng mundo; dahil ako ang Diyos, at walang ibang diyos. 23 Ako ay sumusumpa sa aking sarili, sinasabi ang aking makatarungang atas, at hindi ito babalik: Sa akin ang bawat tuhod ay luluhod, bawat dila ay susumpa, 24 na nagsasabing, “Kay Yahweh lamang ang kaligtasan at kalakasan. Ang lahat ng nagagalit sa kaniya ay manliliit sa kahihiyan sa kaniyang harapan. 25 Kay Yahweh, ang lahat ng kaapu-apuhan ng Israel ay mapapawalang sala; ipagmamalaki nila siya.