Pinangakuan ng Kaaliwan ang Bayan ng Diyos

Isang pangako ng kaaliwan sa bayan ng Diyos. Inihula ang pangwakas na pagpapanumbalik ng mga Judio.

710 hanggang 699 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 40–41

1 “Aliwin, aliwin mo ang aking bayan,” sabi ng inyong Diyos. 2 “Kausapin mo nang may pagmamahal ang Jerusalem; at ihayag sa kaniya na ang kaniyang pakikipagdigmaan ay tapos na, pinatawad na ang kaniyang mabigat na pagkakasala, na doble ang kaniyang natanggap na mula sa kamay ni Yahweh dahil sa lahat ng kaniyang mga kasalanan.”

3 May isang tinig na sumisigaw, “ihanda ang daan ni Yahweh sa ilang; sa Araba, lumikha ng tuwid na daanan para sa ating Diyos.” 4 Ang bawat lambak ay itataas, at bawat bundok at burol ay papatagin; at ang baku-bakong lupa ay gagawing patag, at papantayin ang mabatong mga lugar; 5 at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay maihahayag, at magkakasama itong makikita ng lahat; dahil ang bibig ni Yahweh ang nagsabi nito.

6 Sinabi ng tinig, “umiyak”. Sumagot ang isa “Ano ang dapat kong iiyak?” “Ang lahat ng laman ay damo, at lahat ng kanilang katapatan sa tipan ay tulad ng bulaklak sa bukid. 7 Ang damo ay natutuyot at ang bulaklak ay nalalanta kapag ang hininga ni Yahweh ay umihip dito; totoo ang sangkatauhan ay damo. 8 Ang damo ay natutuyot, ang bulaklak ay nalalanta, ngunit ang salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”

9 Umakyat ka sa mataas na bundok Sion, tagapagdala ng mabuting balita; buong lakas mong itaas ang iyong tinig, ipahayag mo sa Jerusalem ang mga mabuting balita. Sumigaw ka nang malakas; huwag kang matakot. Sasabihin mo sa mga lungsod ng Juda, “Narito ang inyong Diyos!” 10 Masdan niyo, ang Panginoon na si Yahweh ay dumadating bilang matagumpay na mandirigma, at ang kaniyang malakas na bisig ang namumuno para sa kaniya. Tingnan mo, ang kaniyang gantimpala ay nasa kaniya, at ang kaniyang gantimpala ay nauuna sa kaniya. 11 Papakainin niya ang kaniyang kawan tulad ng isang pastol, titipunin niya ang mga tupa sa kaniyang bisig, at dadalhin sila ng malapit sa kaniyang puso, at dahan-dahang pangungunahan ang mga babaing tupa na inaalagaan ang kanilang anak. 12 Sino ang sumukat ng katubigan sa guwang ng kaniyang palad, sinukat ang lapad ng himpapawid, hinawakan ng alikabok ng mundo sa isang sisidlan, timbangin ang mga kabundukan o ang mga burol sa timbangan? 13 Sino ang nakakaunawa ng isipan ni Yahweh, o nagturo sa kaniya bilang kaniyang tagapayo? 14 Mula kanino siya kailanman nakatanggap ng tagubilin? Sino ang nagturo sa kaniya ng tamang paraan para gawin ang mga bagay, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, o nagpakita sa kaniya ng daan sa kaunawaan? 15 Masdan, ang mga bansa ay tulad ng isang patak sa isang sisidlan, at itinuturing na tulad ng alikabok sa timbangan; tingnan, kaniyang tinimbang ang maliliit na mga isla na gaya ng isang puwing 16 Ang Lebanon ay hindi sapat na panggatong, ni ang mga mababangis na hayop ay sapat para sa isang susunuging handog. 17 Ang lahat ng mga bansa ay hindi sapat sa harap niya; ito ay itinuturing niyang walang halaga. 18 Kanino mo ihahambing ang Diyos? Sa anong diyus-diyusan mo siya itutulad? 19 Isang diyus-diyusan! Isang mahusay na manggagawa ay hinubog ito: ang panday-ginto ay pinapatungan ito ng ginto at dinikitan ito ng pilak na kuwintas. 20 Sa paggawa ng alay ang isa ay mamimili ng kahoy na hindi mabubulok; siya ay naghahanap ng dalubhasang sanay sa paggawa ng diyus-diyusan na hindi babagsak. 21 Hindi niyo ba nalaman? Hindi niyo ba narinig? Hindi ba nasabi sa inyo ito mula simula? Hindi niyo ba nauunawaan mula sa mga pundasyon ng mundo? 22 Siya ang nakaupo sa itaas ng kapatagan ng lupa; at ang mga naniniraha'y tulad ng tipaklong sa harap niya. Kaniyang nilatag ang kalangitan tulad ng isang kurtina at inuunat ito tulad ng isang tolda para matirhan. 23 Binabawasan niya ang mga pinuno at ginagawang walang halaga ang mga pinuno sa mundo. 24 Tingnan, sila ay bahagyang nakatanim; tingnan, sila ay bahagyang inani; tingnan, sila ay bahagyang nagkaugat sa mundo, bago niya sila hipan, at sila ay nalalanta, at ang hangin ay hihipan sila tulad ng dayami. 25 “Kung ganoon, kanino niyo ako ihahambing, sino ang katulad ko?” sinabi ng Banal. 26 Tumingala ka sa himpapawid! Sino ang lumikha ng lahat ng mga bituin? Pinangungunahan niya ang kanilang mga pagkakaayos at tinatawag silang lahat sa pangalan. Sa kadakilaan ng kaniyang lakas at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan, walang isang mawawala. 27 Bakit mo sinasabi, Jacob at pinapahayag, Israel, “ang aking paraan ay nakatago mula kay Yahweh, at ang aking Diyos ay hindi nababahala tungkol sa aking pagtatanggol? 28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.

41:1 Sa aking harapan ay makinig kayo nang tahimik, kayong mga nakatira sa baybayin; hayaan niyong bumalik ang lakas ng mga bansa; hayaan silang lumapit at magsalita; hayaan tayong magkasamang lumapit para pag-usapan ang hindi pagkakaunawaan. 2 Sinong nagbuyo ng isang ito sa silangan? Sino ang tumatawag sa kaniya sa mabuting kaayusan sa kaniyang paglilingkod? Siya ang nagbigay ng mga bansa sa kaniya at ginawa siyang may kakayahan na pasukuin ang mga hari; sila ay ginawang tulad ng alikabok sa kaniyang espada, parang hinipang pinaggapasan gamit ang palaso. 3 Hinabol niya sila at ligtas na nakalagpas, sa isang matuling paglalakbay na ang daan na ang kaniyang paa ay madaling matapakan. 4 Sino ang nakagawa at nagtupad ng mga gawang ito? Sino ang nagpatawag ng mga henerasyon mula sa simula? Ako, si Yahweh, ang una, at kasama ang mga nahuli, ako ay siya. 5 Nakita ng mga maliit na pulo at sila'y natakot; ang mga dulo ng mundo ay nayanig; sila ay dumating. 6 Ang lahat ay tumulong sa kaniyang kapit-bahay, at ang bawat isa ay nagsabi sa isa't isa, 'lakasan mo ang loob mo'. 7 Kaya sinikap ng karpintero ang pagpapanday ng ginto, at ang siyang nagtatrabaho gamit ang martilyo ay hinikayat ang siyang nagtatrabaho gamit ang maso, na sinasabi ng nanghihinang, 'ito ay maganda' Ito ay kanilang ikinabit gamit ang mga pako para hindi ito bumaliktad. 8 Pero kayo, Israel, na aking lingkod, Jacob na siyang aking pinili, ang anak ni Abraham na aking kaibigan, 9 ikaw na ibabalik ko mula sa dulo ng mundo, at siyang tinawag ko mula sa malalayong mga lugar, at sa aking sinabihan, “Ikaw ang aking lingkod;” pinili kita at hindi tinanggihan. 10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay. 11 Tingnan mo, sila ay mahihiya at manliliit, lahat nang nagagalit sa iyo; sila ay papanaw at maglalaho, silang kumakalaban sa iyo. 12 Hahanapin mo at hindi matatagpuan silang mga nakipaglaban sa iyo; silang nakipagdigma laban sa iyo ay papanaw, ganap nang mawawala. 13 Sapagkat ako, si Yahweh na iyong Diyos, ay hahawakan ang iyong kanang kamay, sasabihin sa iyo, 'Huwag kang matakot; tutulungan kita.' 14 Huwag matakot, Jacob ikaw na uod, at kayong mga Israelita; tutulungan ko kayo” — ito ang pahayag ni Yahweh, ang iyong tagapagligtas, ang Banal ng Israel. 15 Tingnan, ginagawa ko kayong katulad ng isang matalas na karetang panggiik; bago at dalawang talim; inyong gigiikin ang mga kabundukan at dudurugin sila; ang mga burol ay gagawin mong tulad ng ipa. 16 Tatahipan mo at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng hangin. Ikaw ay magagalak kay Yahweh, ikaw ay magagalak sa Banal ng Israel. 17 Naghahanap ng tubig ang mga api at nangangailangan, pero doon ay wala, at ang kanilang mga dila ay tigang sa uhaw; Ako, si Yahweh, ang tutugon sa kanilang panalangin; Ako, ang Diyos ng Israel, ay hindi sila pababayaan. 18 Gagawa ako ng batis na aagos sa mga hilig ng lupa, at mga bukal sa kalagitnaan ng mga lambak; ang disyerto ay gagawin kong lawa ng tubig, at ang tuyong lupain sa bukal ng batis. 19 Sa ilang, ang sedro, ang akasya, at ang mertel, at ang puno ng oliba ay lalago; ako ang magsasanhi para lumago sa disyerto ang puno ng igos, puno ng pino, at ng saypres. 20 Gagawin ko ito para makita ng mga tao, kilalanin at maunawaan ng lahat, na ang kamay ni Yahweh ang gumawa nito, na ang Banal ng Israel ang lumikha nito.

21 “Ihain mo ang iyong kaso”, sabi ni Yahweh, “sabihin mo ang iyong pinakamagagaling na katuwiran para sa iyong mga diyus-diyusan', sabi ng Hari ni Jacob. 22 Hayaan mong dalhin nila sa atin ang kanilang sariling mga argumento, hayaan mo silang lumapit sa atin at ipahayag sa atin ang mangyayari, para malaman nating mabuti ang mga bagay na ito. Hayaan mong sabihin nila sa atin ang mga bagay na noo'y ipinahayag na mangyayari, para ang mga ito ay mapag-isipan namin at para malaman kung paano ito natupad. 23 Magsabi kayo ng mga bagay tungkol sa hinaharap, para malaman natin kung kayo ay mga diyos; gumawa kayo ng mabuti o masama, para kami ay matakot at mapabilib. 24 Tingnan mo, ang inyong diyus-diyusan ay walang kwenta, at ang inyong mga gawa ay walang kabuluhan, sinumang pumili sa inyo ay kasuklam-suklam. 25 Ako ay may isang itinalaga mula sa hilaga, at siya ay dumating na; mula sa pagsikat ng araw tinawag ko siyang tumatawag sa aking pangalan, at kaniyang yuyurakan ang mga pinuno gaya ng putik, gaya ng manggagawa ng palayok na nakatungtong sa luad. 26 Sino ang naghayag nito mula nung umpisa, para maaari nating malaman? At bago ang panahon maaari nating sabihin, “Siya ay tama”? Tunay nga na wala nag-utos nito, oo, walang nakarinig na nagsabi ka ng kahit ano. 27 Una kong sinabi kay Sion, “masdan ninyo, nandito na sila;” nagpadala ako ng tagapagbalita sa Jerusalem. 28 Walang sinuman ang nandoon nang ako ay tumingin, walang ni isa sakanila ang makapagbibigay ng mabuting payo, sino, kapag ako ay nagtanong, ang makakasagot. 29 Masdan na, lahat sila ay walang kabuluhan, at ang kanilang mga gawa ay walang kahulugan; ang kanilang mga diyus-diyusan ay hangin at walang alam.