Nawasak ang Hukbo ni Senaquerib

710 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 19:8–19

8 Pagkatapos bumalik ang punong tagapag-utos at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigmaan laban sa Libna, dahil narinig niyang umalis ang hari mula sa Lacis.

9 Pagkatapos narinig ni Senaquerib na kumilos si Tirhaka ang hari ng Etiopia at ang Ehipto para kalabanin siya, kaya muli siyang nagpadala ng mensahero kay Hezekias na may mensaheng: 10 “Sabihin mo kay Hezekias hari ng Juda, 'Huwag mong hayaang linlangin ka ng Diyos na siyang pinagkakatiwalaan mo, na sinasabing, “Hindi mapapasakamay ng hari ng Asiria ang Jerusalem. 11 Tingnan mo, narinig mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng mga lupain sa pamamagitan ng ganap na pagwawasak sa kanila. Kaya masasagip ka ba? 12 Niligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ama: Gozan, Haran, Rezef, at ang mga mamamayan ng Eden sa Telasar? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng mga lungsod ng Sefarvaim, ng Hena, at Iva?”

14 Natanggap ni Hezekias ang liham na ito mula sa mga mensahero at binasa ito. Umakyat siya sa tahanan ni Yahweh at nilatag ito sa kaniyang harapan. 15 Pagkatapos nanalangin si Hezekias sa harapan ni Yahweh at sinabing, “Yahweh ng mga hukbo, Diyos ng Israel, ikaw na nakaluklok sa ibabaw ng kerubim, ikaw lang ang Diyos sa lahat ng mga kaharian sa buong mundo. Nilikha mo ang langit at ang lupa. 16 Ibaling mo ang iyong tainga, Yahweh, at makinig. Buksan mo ang iyong mga mata, Yahweh, at tingnan, at pakinggan ang mga salita ni Senaquerib, na kaniyang pinadala para kutyain ang buhay na Diyos.

17 Tunay nga, Yahweh, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain. 18 Nilagay nila ang kanilang mga diyos sa apoy, dahil hindi sila mga diyos pero gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy lamang at bato. Kaya winasak sila ng mga taga-Asiria.

19 Kaya ngayon, Yahweh aming Diyos, iligtas mo kami, nagmamakaawa ako, mula sa kaniyang kapangyarihan, para malaman ng lahat ng mga kaharian sa mundo na ikaw, Yahweh, ang nag-iisang Diyos.”

Mga Awit 73

1 Sadyang mabuti ang Diyos sa Israel sa mga may dalisay na puso. 2 Pero para sa akin, halos dumulas ang aking mga paa; halos dumulas ang aking mga paa sa aking paghakbang 3 dahil nainggit ako sa arogante nang makita ko ang kasaganaan ng masasama. 4 Dahil wala silang sakit hanggang sa kanilang kamatayan, kundi sila ay malakas at nakakakain nang mabuti. 5 Malaya sila mula sa mga pasanin tulad ng ibang mga tao; hindi sila nahihirapan katulad ng ibang mga tao. 6 Ang pagmamalaki ay nagpapaganda sa kanila na tulad ng kwintas na nakapalibot sa kanilang leeg; dinadamitan sila ng karahasan tulad ng balabal. 7 Mula sa ganoong pagkabulag nagmumula ang kasalanan; ang masamang mga kaisipan ay tumatagos sa kanilang mga puso. 8 Nangungutya silang nagsasabi ng mga masasamang bagay; nagmamalaki silang nagbabanta ng karahasan. 9 Nagsasalita sila laban sa kalangitan, at ang kanilang mga dila ay gumagala sa daigdig. 10 Kaya, ang bayan ng Diyos ay nakikinig sa kanila at ninanamnam ang kanilang mga salita. 11 Sinasabi nila, “Paano nalalaman ng Diyos? Alam ba ng Diyos kung ano ang nangyayari?” 12 Pansinin ninyo: ang mga taong ito ay masama; wala silang inaalala, lalo pa silang nagiging mayaman. 13 Sadyang walang kabuluhan na bantayan ko ang aking puso at hugasan ang aking mga kamay sa kawalang-kasalanan. 14 Dahil buong araw akong pinahirapan at dinisiplina bawat umaga. 15 Kung aking sinabi, “Sasabihin ko ang mga bagay na ito,” parang pinagtaksilan ko ang salinlahi ng inyong mga anak. 16 Kahit na sinubukan kong unawain ang mga bagay na ito, napakahirap nito para sa akin. 17 Pagkatapos pumasok ako sa santuwaryo ng Diyos at naunawaan ang kanilang kapalaran. 18 Sadyang inilalagay mo sila sa madudulas na mga lugar; dinadala mo sila sa pagkawasak. 19 Paano sila naging disyerto sa isang iglap! Sumapit sila sa kanilang wakas at natapos sa kahindik-hindik na takot. 20 Katulad sila ng panaginip matapos magising; Panginoon, kapag ikaw ay tumindig, wala kang iisiping ganoong mga panaginip. 21 Dahil nagdalamhati ang aking puso, at ako ay labis na nasugatan. 22 Ako ay mangmang at kulang sa pananaw; ako ay katulad ng walang alam na hayop sa harapan mo. 23 Gayumpaman, ako ay palaging kasama mo; hawak mo ang aking kanang kamay. 24 Gagabayan mo ako ng iyong payo at pagkatapos tanggapin mo ako sa kaluwalhatian. 25 Sino ang hahanapin ko sa langit bukod sa iyo? Walang sinuman na nasa daigdig ang aking ninanais kundi ikaw. 26 Humina man ang aking katawan at ang aking puso, pero ang Diyos ang lakas ng aking puso magpakailanman. 27 Ang mga malayo sa iyo ay mamamatay; wawasakin mo ang lahat ng mga taksil sa iyo. 28 Pero para sa akin, ang kailangan ko lang gawin ay lumapit sa Diyos. Ginawa kong kublihan si Yahweh na aking Panginoon. Ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga gawa.

2 Mga Hari 19:20–35

20 Pagkatapos nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Hezekias, sinasabing, “Sinasabi ni Yahweh ang Diyos ng Israel, 'Dahil nanalangin ka sa akin tungkol kay Senaquerib ang hari ng Asiria, narinig kita. 21 Ito ang mensahe na sinabi ni Yahweh tungkol sa kaniya: “Kinamumuhian ka ng birheng anak na babae ng Sion at pinagtatawanan ka para hamakin ka. Iniiling ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo. 22 Sino ang iyong sinuway at kinutya? At sino ang iyong pinagtaasan ng boses at itinaas ang iyong mata nang may pagmamataas? Laban sa Banal ng Israel! 23 Nilabanan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga mensahero, at sinabing, “Kasama ng daan-daang kong mga karwahe ay umakyat ako sa kataasan ng mga kabundukan, sa pinakamataas na tuktok ng Lebanon. Puputulin ko ang matatayog na sedar at mainam na mga puno ng igos doon. At papasukin ko ang pinaka malalayong bahagi nito, ang pinaka masagana nitong gubat. 24 Humukay ako ng mga balon at uminom ng mga tubig mula sa mga ibang bansa. Tinuyot ko ang lahat ng mga ilog ng Ehipto sa ilalim ng aking talampakan.' 25 Hindi mo pa ba naririnig kung paano ko ito itinakda noon pa man, at ginawa ito noong sinaunang panahon? Ngayon ay tinutupad ko na ito. Narito ka para tibagin ang matitibay na lungsod at maging tumpok ng mga durog na bato. 26 Ang kanilang mga mamamayan, na kaunti ang lakas, ay nawasak at napahiya. Sila ay mga halaman sa bukirin, luntiang mga damo, ang damo sa bubungan o sa bukirin, na sinunog bago pa man ito lumaki. 27 Pero alam ko ang iyong pag-upo, paglabas, pagdating, at ang iyong matinding galit laban sa akin. 28 Dahil sa matinding galit mo sa akin, at dahil umabot sa aking pandinig ang iyong kayabangan, ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong, at ang aking lubid sa iyong bibig; ibabalik kita sa paraan kung paano ka dumating.”

29 Ito ang magiging tanda para sa iyo: Sa taon na ito ay kakainin mo ang mga ligaw na halaman, at sa pangalawang taon ang tutubo mula roon. Pero sa pangatlong taon ay dapat kang magtanim at umani, magtanim ng ubasan at kainin ang kanilang bunga. 30 Ang mga natira sa angkan ni Juda na mabubuhay ay muling uugat at mamumunga. 31 Dahil mula sa Jerusalem ay may lalabas na nalabi, mula sa Bundok Sion ay darating ang mga naligtas. Gagawin ito ng kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo.

32 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya papasok sa lungsod na ito ni papana ng palaso rito. Hindi siya makakalapit dito ng may kalasag ni magtatayo ng tungtungang panglusob dito. 33 Ang daan na kaniyang tinahak para makarating ang magiging parehong daanan sa kaniyang pag-alis; hindi siya papasok sa lungsod na ito. Ito ang kapahayagan ni Yahweh.” 34 Dahil ipagtatanggol ko ang lungsod na ito at sasagipin ito, para sa sarili kong kapakanan at para sa kapakanan ng lingkod kong si David.”

35 Nang gabing iyon lumabas ang anghel ng Diyos at nilusob ang kampo ng mga taga-Asiria, pinatay ang 185, 000 na mga sundalo. Nang bumangon ang mga lalaki ng madaling araw, nagkalat ang mga bangkay sa paligid.

Mga Awit 75–76

1 O Diyos, kami ay magbibigay ng pasasalamat sa iyo; nagpapasalamat kami sa iyo dahil ipinakita mo ang iyong presensya; sinasabi ng mga tao ang iyong kahanga-hangang mga gawa. 2 Sa takdang panahon, hahatol ako ng patas. 3 Kahit na ang mundo at lahat ng mga naninirahan ay nanginginig sa takot, papanatagin ko ang mga haligi ng daigdig. Selah 4 Sinabi ko sa mga arogante, “Huwag kayong maging mayabang,” at sa masasama, “Huwag kayong magtiwala sa tagumpay. 5 Huwag magpakasiguro na magtatagumpay kayo; huwag kayong taas-noong magsalita. 6 Hindi dumarating ang tagumpay mula sa silangan, mula sa kanluran, o mula sa ilang. 7 Pero ang Diyos ang hukom; binababa niya ang isa at itinataas ang iba. 8 Dahil hawak ni Yahweh ang kopa na may bumubulang alak sa kaniyang kamay, na may halong mga pampalasa, at ibinubuhos ito. Tunay nga, ang lahat ng masasama sa daigdig ay iinumin ito hanggang sa huling patak. 9 Pero patuloy kong sasabihin kung ano ang iyong nagawa; aawit ako ng papuri sa Diyos ni Jacob. 10 Sinasabi niya, “Aking puputulin ang lahat ng mga sungay ng masasama, pero ang mga sungay ng matutuwid ay itataas.”

76:1 Ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili sa Juda; ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel. 2 Ang kaniyang tolda ay nasa Salem; ang kaniyang pinananahanan ay nasa Sion. 3 Doon, sinira ang mga palaso ng pana, ang kalasag, ang espada, at ang ibang mga sandata sa labanan. Selah 4 Kumikinang ka at ipinakita mo ang inyong kaluwalhatian, habang bumababa ka mula sa mga bundok, kung saan pinatay mo ang iyong mga biktima. 5 Ang mga matatapang ay nanakawan; nakatulog sila. Lahat ng mga mandirigma ay walang nagawa. 6 Sa iyong pagsaway, Diyos ni Jacob, parehong nakatulog ang kabayo at ang sakay nito. 7 Totoong ikaw nga ay dapat katakutan; sino ang makakatagal sa iyong paningin kapag ikaw ay nagalit? 8 Ang iyong paghatol ay nagmula sa langit; ang mundo ay takot at tahimik. 9 Ikaw, O Diyos, ay tumindig para isagawa ang paghatol at para iligtas ang lahat ng naapi sa mundo. Selah 10 Tunay nga, na ang iyong galit na paghatol sa mga taong iyon ay magdadala sa iyo ng papuri. Ganap mong ipinakita ang iyong galit. 11 Gumawa kayo ng mga pangako kay Yahweh na iyong Diyos at tuparin ang mga ito. Nawa lahat ng nakapaligid sa kaniya ay magdala ng kaloob, na siyang dapat katakutan. 12 Ibinababa niya ang lakas ng loob ng mga prinsipe; siya ay kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

2 Mga Hari 19:36–37

36 Kaya umalis si Senaquerib na hari ng Asiria sa Israel at umuwi at nanatili sa Ninive.

37 Kinalaunan, habang sumasamba siya sa tahanan ni Nisroc ang kaniyang diyos, pinatay siya ng kaniyang mga anak na sina Adramelec at Sarezer gamit ang espada. Pagkatapos tumakas sila sa lupain ng Ararat. Pagkatapos ang kaniyang anak na si Esarhadon ang pumalit sa kaniya bilang hari.