Ang Ikalawang Pagsalakay ni Senaquerib sa Buong Salaysay
710 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
17 Pero pinakilos ng hari ng Asiria ang kaniyang dakilang hukbo, pinadala si Tartan at Rabsaris at ang punong tagapag-utos mula sa Lacis kay Haring Hezekias sa Jerusalem. Naglakbay sila sa kalsada at dumating sa labas ng Jerusalem. Nilapitan nila ang padaluyan ng tubig sa itaas na tubigan, sa malawak na daanan ng mga naglalaba, at tumayo dito. 18 Nang nanawagan sila kay Haring Hezekias, sina Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala ng sambahayan, at Sebna ang eskriba, at Joas anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay lumabas para katagpuin sila.
19 Kaya sinabi sa kanila ng punong tagapag-utos na sabihin kay Hezekias kung ano ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: “Ano ang pinanggagalingan ng iyong kapanatagan? 20 Nagsasalita ka lang ng mga walang kabuluhang mga salita, sinasabi mong may mga alyansa at lakas para sa digmaan. Ngayon sino ang iyong pinagkakatiwalaan? Sino ang nagbigay sa iyo ng tapang na maghimagsik laban sa akin?
21 Tingnan mo, nagtitiwala ka sa tungkod na panglakad ng bugbog na tambo ng Ehipto, pero kapag sinandalan ito ng isang tao tutusok ito sa kaniyang kamay at bubutasin ito. Iyon ang Paraon hari ng Ehipto sa sinumang nagtitiwala sa kaniya. 22 Pero kapag sinabi mo sa akin, 'Nagtitiwala kami kay Yahweh aming Diyos', hindi ba't siya ang tinaggalan ni Hezekias ng mga dambana at mga altar, at sinabi sa Juda at sa Jerusalem, 'Dapat kayong magsamba sa altar na ito sa Jerusalem'?
23 Kaya ngayon, nais kong gumawa ka ng magandang alok mula sa aking panginoon ang hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakahanap ka ng mga sasakay sa kanila. 24 Paano mo malalabanan kahit ang isang kapitan ng mahihina sa mga lingkod ng aking panginoon? Pinagkatiwalaan mo ang Ehipto para sa mga karwahe at mangangabayo! 25 Naglakbay ba ako dito nang wala si Yahweh para labanan at wasakin ang lugar na ito? Sinabi sa akin ni Yahweh, 'Lusubin mo ang lupain at wasakin ito.'”
26 Pagkatapos sinabi nila Eliakim na anak ni Hilkias, ni Sebna, at ni Joas sa punong tagapag-utos, “Pakiusap, kausapin mo ang iyong mga lingkod sa wikang Aramaic, dahil naiintindihan namin ito. Huwag mo kaming kausapin sa wika ng Juda sa tainga ng mga mamamayang nasa pader.”
27 Pero sinabi ng punong tagapag-utos sa kanila, “Pinadala ba ako ng aking panginoon para sabihin sa inyong panginoon at sa inyo ang mga salitang ito? Hindi ba niya ako pinadala para sa mga taong nakaupo sa pader, ang kakain ng kanilang sariling mga dumi at iinumin ang kanilang mga ihi kasama ninyo?”
28 Pagkatapos tumayo ang punong tagapag-utos at sumigaw nang may malakas na tinig sa wikang Judio, “Makinig sa salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria. 29 Sinasabi ng hari, “Huwag ninyong hayaang linlangin kayo ni Hezekias, dahil hindi niya kayo maliligtas mula sa aking kapangyarihan. 30 Huwag ninyong hayaang pilitin kayo ni Hezekias na pagkatiwalaan si Yahweh, na sinasabing, “Siguradong ililigtas tayo ni Yahweh; hindi mapapasakamay ang lungsod na ito sa hari ng Asiria.'”
31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil ito ang sinasabi ng hari ng Asiria: 'Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo at pumunta sa akin. Pagkatapos ang bawat isa sa inyo ay kakain sa sarili niyang ubasan at mula sa sarili niyang puno ng igos, at iinom ng tubig mula sa sarili niyang balon. 32 Gagawin ninyo ito hanggang sa dumating ako at dalhin kayo sa lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at ubasan, isang lupain ng mga puno ng olibo at pulot, para mabuhay kayo at hindi mamatay.' Huwag kayong makinig kay Hezekias kapag sinubukan niya kayong pilitin, na sinasabing, 'Sasagipin tayo ni Yahweh.'
33 Mayroon ba sa mga diyos ng mga tao ang sumagip sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? 34 Nasaan na ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan na ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena, at Iva? Sinagip ba nila ang Samaria mula sa aking kamay? 35 Sa lahat ng mga diyos sa lupain, mayroon bang diyos na nakapagsagip ng kaniyang lupain mula sa aking kapangyarihan? Paano ililigtas ni Yahweh ang Jerusalem mula sa aking kapangyarihan?”
36 Pero nanatiling tahimik ang mga mamamayan at hindi sumagot, dahil sinabi sa kanila ng hari, “Huwag ninyo siyang sasagutin.”
37 Pagkatapos sina Eliakim na anak ni Hilkias, ang pinuno ng sambahayan; si Sebna ang eskriba; at Joas ang anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pinuntahan si Hezekias nang may mga punit na damit, at inulat sa kaniya ang mga sinabi ng punong tagapag-utos.
19:1 Nangyari nga nang malaman ni Haring Hezekias ang ulat, pinunit niya ang kaniyang damit, binalutan ang kaniyang sarili ng magaspang na tela, at nagpunta sa tahanan ni Yahweh. 2 Pinadala niya si Eliakim, na tagapamahala ng sambahayan, at Sebna ang eskriba, at ang mga nakatatanda sa mga pari, na binabalutan ng magaspang na tela, kay Isaias ang anak ni Amoz, ang propeta. 3 Sinabi nila sa kaniya, “Sinasabi ni Hezekias, 'Ang araw na ito ay araw ng kabalisaan, pagsaway, at kahihiyan, dahil dumating na ang panahon ng pagpapanganak sa mga sanggol, pero walang lakas para isilang sila. 4 Maaaring pakikinggan ni Yahweh ang inyong Diyos ang lahat ng mga sinabi ng punong tagapag-utos, na pinadala ng hari ng Asiria na kaniyang panginoon para labanan ang buhay na Diyos, at sasawayin ang mga salitang narinig ni Yahweh na inyong Diyos. Ngayon ay itaas ninyo ang inyong mga panalangin para sa mga nalalabing naririto pa.”
5 Kaya pumunta ang mga lingkod ni Haring Hezekias kay Isaias, 6 at sinabi sa kanila ni Isaias, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon: 'Sinasabi ni Yahweh, “Huwag kang matakot sa mga salitang narinig mo, kung saan kinutya ako ng mga lingkod ng hari ng Asiria. 7 Tingnan mo, maglalagay ako sa kaniya ng espiritu, at makaririnig siya ng isang ulat at babalik siya sa sarili niyang lupain. Dudulutin ko siyang malaglag sa espada sa sarili niyang lupain.”
1 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos, ang sinabi ng aming mga ninuno sa amin tungkol sa ginawa mo sa kanilang mga araw, noong unang panahon. 2 Pinalayas mo ang mga bansa gamit ang iyong kamay, pero itinanim mo ang aming bayan; pinahirapan mo ang mga tao, pero ikinalat mo ang aming bayan sa buong lupain. 3 Dahil hindi nila nakuha ang lupain para maging ari-arian nila sa pamamagitan ng sarili nilang espada; ni ang kanilang sandata ang nagligtas sa kanila; kundi ang iyong kanang kamay, ang iyong bisig at ang ningning ng iyong mukha, dahil sinang-ayunan mo sila. 4 O Diyos, ikaw ang aking hari; pamahalaan mo ang tagumpay para kay Jacob. 5 Sa pamamagitan mo, ibabagsak namin ang aming mga kalaban; sa pamamagitan ng iyong pangalan, tatapakan namin silang mga tumitindig laban sa amin. 6 Dahil hindi ako nagtitiwala sa aking pana, ni sa aking espada na ililigtas ako. 7 Pero iniligtas mo kami mula sa aming mga kalaban at inilagay sa kahihiyan ang mga napopoot sa amin. 8 Ang Diyos ang aming ipinagmamalaki buong araw, at magpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailanman. Selah 9 Pero ngayon, kami ay iyong itinapon, at dinala kami sa kahihiyan, at hindi mo na sinasamahan ang aming mga hukbo. 10 Pinaatras mo kami mula sa aming kalaban; at ang mga napopoot sa amin ay kinamkam ang yaman para sa kanilang mga sarili. 11 Ginawa mo kaming tulad ng tupa na nakalaan para kainin at ikinalat kami sa mga bansa. 12 Ipinagbili mo ang iyong bayan para sa wala; hindi mo napalago ang iyong kayamanan sa paggawa nito. 13 Ginagawa mo kaming katawa-tawa sa aming mga kapwa, hinamak at kinutya kami ng mga taong nakapaligid sa amin. 14 Ginagawa mo kaming isang panlalait sa kalagitnaan ng mga bansa, isang pag-iiling sa kalagitnaan ng mga tao. 15 Buong araw nasa harapan ko ang aking kasiraan, at nabalot ng kahihiyan ang aking mukha 16 dahil sa tinig niyang nanlalait at nanghahamak, dahil sa kaaway at naghihiganti. 17 Lahat ng ito ay dumating sa amin, pero hindi ka namin kinalimutan o pinakitunguhan ng mali ang iyong tipan. 18 Hindi tumalikod ang aming mga puso; hindi lumayo ang aming mga hakbang mula sa iyong daan. 19 Pero lubha mo pa rin kaming pinahirapan sa lugar ng mga aso at binalot kami ng anino ng kamatayan. 20 Kung nakalimot kami sa pangalan ng aming Diyos o nag-unat ng aming mga kamay sa hindi kilalang diyos, 21 hindi kaya ito sisiyasatin ng Diyos? Dahil nalalaman niya ang mga lihim ng puso. 22 Sa katunayan, para sa iyong kapakanan, kami ay pinapatay buong araw; itinuring kaming mga tupa para katayin. 23 Gumising ka, bakit ka natutulog, Panginoon? 24 Tumindig ka, huwag mo kaming ilayo ng tuluyan. Bakit mo tinatago ang iyong mukha at kinakalimutan ang aming paghihirap at kaapihan? 25 Dahil natunaw kami sa alabok; ang aming mga katawan ay kumakapit sa lupa. 26 Bumangon ka para sa aming tulong at tubusin kami alang-alang sa iyong katapatan sa tipan.