Binati ng Hari ng Babilonia si Hezekias
Binati ng hari ng Babilonia si Hezekias sa kanyang paggaling.
713 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
12 Sa panahon na iyon si Berodac Baladan na anak ni Baladan hari ng Babilonia ay nagpadala ng mga liham at isang kaloob kay Hezekias, dahil narinig niya na nagkaroon ng karamdaman si Hezekias. 13 Nakinig si Hezekias sa mga liham na iyon, at pinakita niya sa mga mensahero ang buong palasyo at ang kaniyang mahahalagang mga gamit, ang pilak, ang ginto, ang mga sangkap at mahalagang langis, at ang imbakan ng kaniyang mga sandata, at lahat ng matatagpuan sa kaniyang mga imbakan. Walang natira sa kaniyang bahay, ni sa lahat ng kaniyang kaharian, ang hindi pinakita ni Hezekias sa kanila.
14 Pumunta si propeta Isaias kay Haring Hezekias at tinanong siya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito sa iyo? Saan sila nagmula?” Sinabi ni Hezekias, “Nagmula sila sa malayong bansa ng Babilonia.”
15 Tinanong ni Isaias, “Ano ang nakita nila sa bahay mo?” Sumagot si Hezekias, “Nakita nila lahat ng bagay sa aking bahay. Wala sa mga mahahalaga kong mga gamit ang hindi ko ipinakita sa kanila.”
16 Kaya sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Makinig sa mensahe ni Yahweh: 17 'Tingnan mo, paparating na ang araw nang lahat ng nasa iyong palasyo, ang mga bagay na inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia. Walang matitira, sabi ni Yahweh. 18 At ang mga anak na lalaki na nanggaling sa iyo, na ikaw mismo ang nag-alaga—dadalhin nila palayo, at sila ay magiging mga eunoko sa palasyo ng hari ng Babilonia.'”
19 Pagkatapos sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang mensahe ni Yahweh na iyong sinabi.” Dahil inisip niya, “Hindi ba magkakaroon ng kapayapaan at katatagan sa aking panahon?”
Ang Ikalawang Pagsalakay ni Sinaquerib sa Maikling Salaysay 710 B.C.
Isang panimula sa ikalawang pagsalakay ni Sinaquerib, o isang pinaikling salaysay nito.
9 Pagkatapos nito, si Sinaquerib, na hari ng Asiria ay nagpadala ng kaniyang mga lingkod sa Jerusalem (ngayon siya ay nasa harap na ng Laquis at ang lahat ng kaniyang mga kawal ay kasama niya), para kay Ezequias, na hari ng Juda, at sa lahat ng taga-Juda na nasa Jerusalem. Sinabi niya, 10 “Ito ang sinabi ni Sinaquerib, na hari ng Asiria: 'Sa ano kayo umaaasa upang mapagtiisan ninyo ang isang nakaambang paglusob sa Jerusalem? 11 Hindi ba nililinlang kayo ni Ezequias, upang mamatay kayo sa pamamagitan ng pagkagutom at pagka-uhaw, nang sinabi niya sa inyo, “Ililigtas tayo ni Yahweh mula sa kamay ng hari ng Asiria?” 12 Hindi ba ito rin ang Ezequias na nag-alis sa kaniyang mga dambana at sa kaniyang mga altar, at inutusan ang Juda at Jerusalem, “sa isang altar kayo sasamba at dito ninyo susunugin ang inyong mga alay?”
13 Hindi ba ninyo alam kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga lahi ng ibang mga lupain? Nailigtas ba ng mga diyos ng mga ibang mga lahi sa anumang paraan ang kanilang lupain mula sa aking kapangyarihan? 14 Sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubusang sinira ng aking mga ninuno, mayroon bang diyos na may kakayahang iligatas ang kaniyang bayan mula sa aking mga kamay? Bakit kayo maililigtas ng inyong Diyos mula sa aking kapangyarihan?
15 Ngayon huwag ninyong hayaan na linlangin o hikayatin kayo ni Ezequias sa paraang ito. Huwag kayong maniwala sa kaniya, sapagkat wala diyos ng anumang bansa o kaharian ang nakapagligtas ng kaniyang bayan mula sa aking mga kamay, o mula sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya kayo ililigtas ng ang inyong Diyos mula ssa aking kamay?”
16 Nagsalita pa ang mga alipin ni Sinaquerib ng mas marami laban kay Yahweh na Diyos at sa lingkod niyang si Ezequias. 17 Sumulat din si Sinaquerib ng liham upang kutyain si Yahweh, ang Diyos ng Israel, at upang magsalita ng laban sa kaniya. Sinabi niya, “Gaya ng mga diyos ng mga tao sa mga lupain na hindi nailigtas ang kanilang mga tao sa aking mga kamay, gayundin ang Diyos ni Ezequias na hindi kayang iligtas ang kaniyang mga tao sa aking mga kamay.”
18 Sumigaw sila nang malakas gamit ang salita ng mga Judio sa mga taga-Jerusalem na nasa pader, upang takutin at guluhin sila, nang sa gayon, masakop nila ang lungsod. 19 Nagsalita sila sa Diyos ng Jerusalem gaya ng pagsasalita nila sa diyos ng ibang mga tao sa lupa, na gawa lamang ng kamay ng tao.
20 Si haring Ezequias, at si propetang Isaias na anak ni Amos ay nanalangin dahil sa mga pangyayaring ito at nagmakaawa sa langit. 21 Nagsugo si Yahweh ng isang anghel, na pumatay sa mga mandirigma, sa mga pinuno ng kawal, at sa mga pinuno ng hari sa kampo. Kaya kahiya-hiyang bumalik si haring Senaquerib sa kaniyang sariling lupain. Nang pumunta siya sa tahanan ng kaniyang diyos, pinatay siya ng ilan sa kaniyang sariling anak gamit ang espada.
22 Sa ganitong paraan, iniligtas ni Yahweh si Ezequias at ang mga naninirahan sa Jerusalem mula sa kamay ni Sinaquerib, ang hari ng Asiria, at mula sa lahat ng kamay ng iba, at pinatnubayan sila sa lahat ng paraan. 23 Maraming nagdala ng kaloob kay Yahweh sa Jerusalem, at mga mahahalagang bagay kay Ezequias, ang hari ng Judah, kaya naging tanyag siya sa paningin ng lahat ng bansa mula sa panahong iyon at sa sumunod pang mga panahon.