Ang Pagkakasakit ni Ezequias (continued)

Ang pagkakasakit ni Ezequias: ang panimula.

713 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 34–35

1 Lumapit kayo, kayong mga bansa, at makinig; bigyang-pansin, kayong bayan! Ang lupa at lahat ng pumupuno rito ay dapat makinig, ang mundo, at lahat ng mga bagay na nanggagaling mula rito. 2 Dahil si Yahweh ay galit sa lahat ng mga bansa, at galit na galit laban sa lahat ng kanilang mga hukbo; sila ay lubos niyang winasak, ibinigay niya sila para katayin. 3 Ang mga pinatay nila ay maiiwang hindi nakalibing; ang masangsang na amoy ng kanilang mga bangkay ay nasa lahat ng dako, at ang mga bundok ay mabababad ng kanilang dugo. 4 Lahat ng bituin sa kalawakan ay maglalaho, at ang kalawakan ay ibabalumbon gaya ng isang balumbon ng kasulatan; at lahat ng kanilang mga bituin ay maglalaho, gaya ng dahon na nalalagas mula sa patay na puno ng ubas, at gaya ng labis na hinog ng mga igos mula sa puno ng igos.

5 Sa oras na mabusog ang aking espada sa langit mula sa pag-inom; pagmasadan ninyo, bababa ito sa Edom, sa bayan na ibinukod ko para wasakin. 6 Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at nababalutan ng taba, may tumutulong dugo ng mga batang tupa at mga kambing, nababalutan ng taba ang mga lamang-loob ng mga lalaking tupa. Dahil si Yahweh ay may isang handog sa Bosra at may isang malaking katayan sa lupain ng Edom. 7 Ang mababangis na baka ay kakatayin kasama nila, at ang mga batang toro na kasama ang mas nakatatanda. Ang kanilang lupain ay magiging lango sa dugo, at ang kanilang alikabok ay pinataba ng katabaan. 8 Dahil ito ay magiging araw ng paghihiganti para kay Yahweh at taon kung saan maghihiganti siya laban sa kanila para sa kapakanan ng Sion. 9 Ang mga batis ng Edom ay mapapalitan ng alkitran, ang kaniyang alikabok ay asupre, at kaniyang lupain ay magiging sunog na alkitran. 10 Masusunog ito sa gabi at araw; ang usok nito ay tataas magpakailanman; mula sa bawat salinlahi ito ay magiging isang tambakan ng basura; walang sinuman ang makararaan dito magpakailanman pa man. 11 Pero ang mga mailap na ibon at hayop ay maninirahan doon; ang kuwago at ang uwak ay gagawa ng kanilang pugad dito. Iuunat niya sa ibabaw nito ang hangganan ng pagkawasak at ang panukat ng pagkasira. 12 Ang kaniyang mga maharlika ay mawawalan ng matatawag na kaharian, at ang lahat ng kaniyang mga prinsipe ay mababalewala. 13 Ang mga tinik ay lubos na lalaki sa kaniyang mga palasyo, kulitis at mga dawag sa kaniyang tanggulan. Magiging tahanan ito ng mga asong-gala, ang lugar para sa mga ostrich. 14 Ang mga mabangis na hayop at ang mga asong-gubat ay magtatagpo doon, at ang mabangis na mga kambing ay nagsigawan sa isat-isa. Ang mga panggabing hayop ay mamamalagi doon at maghahanap para sa kanila ng isang lugar na mapapahingahan. 15 Ang mga kuwago ay gagawa ng mga pugad, mangingitlog at pipisain ang kanilang mga itlog, pipisain at pangangalagaan ang kanilang inakay. Oo, magtitipon doon ang mga lawin, bawat isa ay may kapareha.

16 Maghanap kayo mula sa balumbon ng kasulatan ni Yahweh; wala isa man sa mga ito ang mawawala. Walang magkukulang ng kapareha; dahil inutos ito ng kaniyang bibig, at sila ay tinipon ng kaniyang espiritu. 17 Nagpalabunutan siya para sa kanilang nasasakupan, at sinukat ito ng kaniyang kamay para sa kanila sa pamamagitan ng isang tali. Aangkinin nila ito magpakailanman, mula sa bawat salinlahi sila ay maninirahan doon.

35:1 Ang ilang at ang Araba ay magagalak; at ang ilang ay magsasaya at mamumulaklak gaya ng rosas. 2 Ito ay mamumulaklak ng masagana at magsasaya na may kagalakan at awitan; ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay dito, ang karangyaan ng Carmelo at Sharon; makikita nila ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang karangyaan ng ating Diyos. 3 Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog. 4 Sabihin ninyo sa mga taong natatakot na puso, “Maging matapang kayo, huwag matakot! Pagmasdan ninyo, ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti, kasama ang paniningil ng Diyos. Darating siya at ililigtas kayo.” 5 Pagkatapos ang mga mata ng bulag ay makakakita, at ang mga tainga ng bingi ay makakarinig. 6 Pagkatapos ang taong pilay ay lulukso tulad ng isang usa, at ang piping dila ay aawit, dahil magkakatubig sa bukal mula sa Araba, at magkakabatis sa ilang. 7 Ang nasusunog na buhangin ay magiging isang lawa, at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal na tubig, sa tinitirahan ng mga asong-gubat, kung saan sila ay minsang humihiga, ay magiging damo na may mga tambo at mga talahib. 8 Isang malawak na daanan ang naroroon at tinawag iyon na Ang Banal na Daan. Hindi makapaglalakbay dito ang marumi. Pero ito ay magiging sa kaniya na maglalakad dito. Walang hangal ang makapupunta dito. 9 Hindi magkakaroon ng leon at mabangis na hayop doon; hindi sila matatagpuan doon, pero ang tinubos ay lalakad doon. 10 Ang tinubos ni Yahweh ay babalik at darating na may pag-aawitan sa Sion, at magkakaroon ng walang hanggang kagalakan sa kanilang mga ulo; kasiyahan at kagalakan ang pupuno sa kanila; kalungkutan at pagbuntong-hininga ay mawawala.

Isaias 38:9–20

9 Ito ang nakasulat na panalangin ni Hezekias hari ng Juda, noong siya ay nagkasakit at gumaling: 10 sinabi ko na sa kalahati ng aking buhay na mapupunta ako sa tarangkahan ng sheol; mananatili ako doon sa nalalabing mga taon ko. 11 Sinabi kong hindi ko na makikita pa si Yahweh, nasa lupain ng mga buhay si Yahweh; hindi ko na makikita pa ang sangkatauhan o ang mga naninirahan sa mundo. 12 Inalis at tinangay ang aking buhay mula sa akin tulad ng isang tolda ng pastol; binalumbon ko ang aking buhay tulad ng isang manghahabi; tinatabas mo ako mula sa habihan; araw at sa gabi, winawakasan mo ang aking buhay. 13 Lumuluha ako hanggang umaga; tulad ng isang leon na binabali lahat ng aking mga buto; sa araw at sa gabi winawakasan mo ang buhay ko. 14 Tulad ng isang layang-layang ako ay sumisiyap; tulad ng isang kalapati ako ay humuhuni; aking mata ay napagod sa kakatingala. Panginoon, inapi ako: tulungan mo ako. 15 Ano ang dapat kong sabihin? Parehong siyang nagpahayag sa akin at tinupad ito; dahan-dahan kong lalakarin ang laaht ng aking taon dahil binabalot mo ako ng kalungkutan. 16 Panginoon, ang mga pagdurusang mula sa iyo ay mabuti sa akin; nawa ay ibalik mo sa akin ang aking buhay; naibalik mo ang aking buhay at kalusugan. 17 Ito ay sa kabutihan ko na naranasan ko ang ganoong kalungkutan. Niligtas mo ako sa hukay ng pagkawasak; dahil tinapon mo lahat ng aking kasalanan sa iyong likuran. 18 Dahil hindi nagpapasalamat sa iyo ang sheol; hindi ka pinupuri ng kamatayan; silang nananaog sa hukay ay hindi umaasa sa iyong pagkamapagkakatiwalaan. 19 Ang taong nabubuhay, ang taong nabubuhay, siya ay ang isang magbibigay pasasalamat sa iyo, tulad ng ginagawa ko sa araw na ito; ipinaaalam ng isang ama sa mga anak ang iyong pagkamapagkakatiwalaan. 20 Malapit na akong iligtas ni Yahweh, at magdiriwang kami na may kantahan sa araw ng ating mga buhay sa bahay ni Yahweh.””