Ang Pagkakasakit ni Ezequias
Ang pagkakasakit ni Ezequias: ang panimula.
713 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
24 Sa mga panahong iyon nagkasakit si Ezequias na halos malapit na niyang ikamatay. Kaya nanalangin siya kay Yahweh, na nagsalita sa kaniya na nagbigay ng tanda sa kaniya na siya ay gagaling. 25 Ngunit hindi tumanaw ng utang na loob si Ezequias kay Yahweh sa tulong na ibinigay sa kaniya, sapagkat nagmalaki ang kaniyang puso. Kaya dumating ang galit sa kaniya, sa Judah at sa Jerusalem.
26 Gayunman, sa bandang huli nagpakumbaba siya sa pagmamataas ng kaniyang puso, siya at kasama ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya hindi dumating ang galit ni Yahweh sa kanila sa panahon ng paghahari ni Ezequias.
1 Sa mga panahon na iyon ay may sakit si Hezekias na maaari niyang ikamatay. Kaya pinuntahan siya ni Isaias ang anak ni Amoz, at sinabi sa kaniya, “Sinasabi ni Yahweh, 'Ihanda mo ang iyong sambahayan; dahil mamamatay ka na, at hindi na mabubuhay.'”
2 Pagkatapos humarap si Hezekias sa pader at nanalangin kay Yahweh, na sinasabing, 3 “Pakiusap, Yahweh, alalahanin mo kung paano ako buong pusong lumakad ng tapat sa iyong harapan, at kung paano ko ginawa ang tama sa iyong paningin.” At tumangis ng malakas si Hezekais.
4 Bago lumabas si Isaias sa gitnang patyo, dumating sa kaniya ang mensahe ni Yahweh, na sinasabing, 5 “Bumalik ka, at sabihin kay Hezekias, ang pinuno ng aking bayan, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ni David na inyong ninuno: “Narinig ko ang iyong panalangin, at nakita ko ang iyong mga luha. Pagagalingin na kita sa ikatlong araw, at aakyat ka sa tahanan ni Yahweh. 6 Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay, at ililigtas kita at ang lungsod na ito mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lungsod na ito para sa sarili kong kapakanan at para sa kapakanan ng aking lingkod na si David.'”
7 Kaya sinabi ni Isaias, “Kumuha kayo ng tumpok ng mga igos.” Ginawa nila ito at pinatong sa kaniyang pigsa, at gumaling siya.
8 Sabi ni Hezekias kay Isaias, “Ano ang magiging tanda na pagagalingin ako ni Yahweh, at dapat akong umakyat sa templo ni Yahweh sa ikatlong araw?”
9 Sumagot si Isaias, “Ito ang magiging tanda para sa iyo mula kay Yahweh, na gagawin ni Yahweh ang bagay na kaniyang sinabi. Dapat bang humakbang ang anino ng sampung hakbang pasulong, o sampung hakbang pabalik?”
10 Sumagot si Hezekias, “Madali lang para sa anino na humakbang ng sampung beses pasulong. Hindi, hayaang humakbang ang anino ng sampung hakbang pabalik.”
11 Kaya tumawag si Isaias kay Yahweh, at dinulot niya ang anino na humakbang ng sampung beses pabalik, mula sa pinanggalingan nito sa hagdan ni Ahaz.
1 Pagmasdan mo, isang hari ang maghahari sa katuwiran, at mga prinsipe ang mamumuno sa katarungan. 2 Bawat isa ay magiging tulad ng isang kanlungan sa hangin at isang kublihan sa bagyo, tulad ng tubig sa batis sa isang tuyong lugar, tulad ng lilim ng isang malaking bato sa isang lupain ng kapaguran. 3 Pagkatapos ang mga mata ng nakakikita ay hindi lalabo, at ang mga tainga ng mga nakaririnig ay makakarinig ng mabuti. 4 Ang walang pag-iingat ay mag-iisip ng mabuti na may pagkaunawa, at ang nauutal ay magsasalita ng malinaw at madali. 5 Hindi magtatagal ang hangal ay tatawaging marangal, ni ang mandaraya ay tatawaging may prinsipyo. 6 Dahil nagsasalita ang hangal ng kahangalan, at ang kaniyang puso ay nagpaplano ng masama at hindi maka-diyos na gawain, at nagsasalita siya ng mali laban kay Yahweh. Ginugutom niya ang gutom, at inuuhaw niya ang mga uhaw. 7 Ang mga paraan ng mandaraya ay masama. Mag-iisip siya ng mga masamang balak nang may kasinungalingan para wasakin ang mahirap, kahit na sinasabi ng dukha kung ano ang tama. 8 Pero ang taong marangal ay gumagawa ng mga marangal na plano; at dahil sa kaniyang mga marangal na kilos siya ay mananatili.
9 Bumangon kayo, kayong mga babaeng kampante, at makinig sa aking tinig; kayong mga anak na babae na walang inaalala, makinig kayo sa akin. 10 Dahil pagkalipas ng isang taon ang iyong kumpiyansa ay masisira, kayong mga babae na walang inaalala, dahil ang aning ubas ay magkukulang, ang pagtitipon ay hindi darating. 11 Manginig kayo, kayong mga babaeng kampante; maging maligalig, kayong mga panatag; hubarin ninyo ang inyong magagandang kasuotan at ilantad ninyo ang inyong kahubaran; magsuot kayo ng sako sa inyong mga baywang. 12 Mananangis kayo para sa mga bukid na kaaya-aya, para sa mabungang puno ng mga ubas. 13 Ang lupain ng aking bayan ay labis na tutubuan ng mga tinik at mga dawag, kahit ang lahat na minsang may kagalakan ng mga bahay sa lungsod ng katuwaan. 14 Dahil ang palasyo ay iiwan, ang matataong lungsod ay pababayaan; ang burol at ang bantayang tore ay magiging mga kweba habang-buhay, isang kagalakan para sa mga ligaw na asno, isang pastulan ng mga kawan; 15 hanggang ibuhos sa atin ang Espiritu mula sa kaitaasan, at ang ilang ay magiging isang bukid na mabunga, at ang bukid na mabunga ay ituturing na isang gubat. 16 Pagkatapos ang katarungan ay maninirahan sa ilang; at ang katuwiran ay maninirahan sa mabungang bukid. 17 Ang gawa ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran, katahimikan at pagtitiwala magpakailanman. 18 Ang bayan ko ay maninirahan sa isang mapayapang tirahan, sa mga ligtas na tahanan, at sa matahimik na mga lugar ng kapahingahan. 19 Pero kahit kung umulan ng mga yelo at ang gubat ay mawasak, at ang lungsod ay ganap na nalipol, 20 kayong naghahasik sa tabi ng lahat ng mga batis ay magiging mapalad, kayong nagpapalabas ng inyong baka at asno para manginain.
33:1 Kayo ay kaawa-awa, kayong mga tagawasak na hindi pa nawawasak! Kaawa-awa kayong mga taksil na hindi pinagtaksilan! Kapag itinigil ninyo ang pangwawasak, kayo ay mawawasak. Kapag itinigil ninyo ang pagtataksil, sila ay magtataksil sa inyo. 2 Yahweh, maging maawain ka sa amin; maghihintay kami para sa iyo; maging aming bisig tuwing umaga, aming kaligtasan sa panahon ng kaguluhan. 3 Sa lakas ng ingay tumatakas ang mga tao; kapag bumangon ka, ang mga bansa ay nagkakawatak-watak. 4 Ang iyong nasamsam ay tinitipon gaya ng mga balang na nagtitipon; gaya ng paglukso ng mga balang, ang mga tao ay lumulukso dito. 5 Si Yahweh ay itinaas. Siya ay naninirahan sa isang mataas na lugar. Pupunuin niya ang Sion ng katarungan at katuwiran. 6 Siya ay magiging katatagan sa mga panahon ninyo, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan, at kaalaman; ang pagkatakot kay Yahweh ay ang kaniyang kayamanan. 7 Pagmasdan mo, umiyak ang kanilang mga sugo sa mga lansangan; kinatawang umaasa para sa kapayapaan ay nanangis nang may kalungkutan. 8 Ang mga malawak na daanan ay napabayaan; wala ng mga manlalakbay. Ang mga kasunduan ay nasira, ang mga saksi ay hinamak, at ang mga lungsod ay hindi iginalang. 9 Ang lupain ay nagdadalamhati at natutuyot; ang Lebanon ay nalalanta at natutuyot; ang Sharon ay tulad ng isang patag na disyerto; at ang Bashan at Carmelo ay nagpapagpag ng kanilang mga dahon. 10 “Ngayon babangon ako,” sabi ni Yahweh; “Ngayon maitataas ako; ngayon ako ay itataas. 11 Nagbuntis kayo ng ipa, at ipanganganak ninyo ay dayami; ang inyong hininga ay isang apoy na tutupok sa inyo. 12 Ang bayan ay masusunog sa apog, gaya ng mga mayabong na halamang tinik na pinuputol at sinusunog. 13 Kayo na nasa malayo, pakinggan ninyo kung ano ang aking nagawa; at, kayo na nasa malapit, kilalanin ninyo ang aking kakayahan.” 14 Ang mga makasalanan sa Sion ay natatakot; panginginig ang lumukob sa mga hindi maka-diyos. Sino sa atin ang kayang manirahan ng ilang araw sa lumalagablab na apoy? Sino sa atin ang kayang manirahan sa walang hanggang pagkakasunog? 15 Siya na lumalakad nang matuwid at nagsasalita nang matapat; siyang namumuhi sa pakinabang sa pang-aapi, na tumatanggi para tumanggap ng suhol, na hindi nagbabalak ng marahas na krimen, at hindi tumitingin sa masama. 16 Siya ay gagawa ng kaniyang tahanan sa kaitaasan; ang lugar ng kaniyang kuta ay magiging mga batong tanggulan; ang kaniyang pagkain at tubig ay magpapatuloy na dadaloy. 17 Makikita ng inyong mga mata ang hari sa kaniyang kagandahan; sila ay tatanaw ng isang malawak na lupain. 18 Magugunita ng inyong puso ang kilabot; nasaan ang eskriba, nasaan siya na nagtimbang ng pera? Nasaan siya na bumilang ng mga tore? 19 Hindi na ninyo makikita ang bayan na suwail, isang bayan na may isang kakaibang wika, na hindi ninyo mauunawaan. 20 Pagmasdan ang Sion, ang lungsod ng aming mga pista; makikita ng inyong mga mata ang Jerusalem bilang isang tahimik na matitirahan, isang tolda na hindi maaalis, na ang mga tulos ay hindi mahihila ni anuman sa mga tali nito ang masisira. 21 Sa halip, ang kadakilaan ni Yahweh ay mapapasaatin, sa isang lugar na malawak na mga ilog at batis. Walang bapor na pandigma na may mga sagwan ang maglalakbay dito, at walang mga malalaking barko ang maglalayag dito. 22 Dahil si Yahweh ay ating hukom, si Yahweh ay ating tagapagbigay ng batas, si Yahweh ay ating hari; ililigtas niya tayo. 23 Ang inyong mga palubid at palayag ay maluwag; hindi nila mapipigilan ang poste ng bapor sa lugar; hindi nila mailaladlad ang layag; kapag ang malaking samsam ay nahati, kahit ang pilay ay hihilahin ang nasamsam. 24 Hindi sasabihin ng mga naninirahan, “Ako ay may sakit;” ang bayan na naninirahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan.