Ang Kaluwalhatian at Tagumpay ng Iglesya sa Hinaharap
710 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
16 Nakita niya na wala ng tao, at nagtaka na walang isa man para mamagitan. Kaya ang kaniyang sariling bisig ang nagdala ng kaligtasan para sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay pinalakas siya. 17 Isinuot niya ang katuwiran bilang isang baluti sa dibdib at isang helmet ng kaligtasan sa kaniyang ulo. Dinamitan niya ang kaniyang sarili ng mga kasuotan ng paghihiganti at nagsuot ng kasigasigan bilang isang balabal.
18 Sila ay kaniyang pinagbayad sa kanilang ginawa, galit na paghatol sa kaniyang mga kaaway, paghihiganti para sa kaniyang mga kalaban, sa mga isla ng kaparusahan bilang gantimpala nila. 19 Kaya sila ay matatakot sa pangalan ni Yahweh mula sa kanluran, at ang kaniyang kaluwalhatian mula sa pagsikat ng araw; dahil siya ay darating tulad ng isang batis na mabilis na umaagos, pinadadaloy sa pamamagitan ng paghinga ni Yahweh. 20 Isang manunubos ay darating sa Sion at sa mga tumalikod mula sa kanilang pagrerebeldeng mga gawain kay Jacob—Ito ang kapahayagan ni Yahweh.
21 At para sa akin, ito ang aking tipan sa kanila—sinasabi ni Yahweh—ang aking espiritu na nasa inyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa inyong bibig, ay hindi mawawala sa inyong bibig, o mawawala sa bibig ng inyong mga anak, o mawawala sa bibig ng mga anak ng inyong mga anak—sinabi ni Yahweh—mula sa panahon na ito at magpakailanman.”
60:1 Bumangon kayo, magliwanag kayo; dahil ang inyong liwanag ay dumating na, at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay sumikat na sa inyo. 2 Kahit na ang kadiliman ay magtatakip sa mundo, at makapal na kadiliman sa mga bansa; gayon man si Yahweh ay magliliwanag sa inyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa inyo. 3 Ang mga bansa ay lalapit sa inyong liwanag, at ang mga hari sa inyong maliwanag na ilaw na sumisikat. 4 Pagmasdan ninyo ang buong paligid at tingnan. Tinipon nilang lahat ang kanilang mga sarili at lumalapit sa iyo. Ang inyong mga anak na lalaki ay darating mula sa malayo, at ang inyong mga anak na babae ay bubuhatin sa kanilang mga bisig. 5 Pagkatapos pagmamasdan mo at magiging makinang, at ang inyong puso ay magagalak at mag-uumapaw, dahil ang kasaganaan ng dagat ay ibubuhos sa inyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa inyo. 6 Ang mga karawan ng kamelyo ay magtatakip sa inyo, ang mga dromedario ng Midian at Efa; lahat sila ay darating mula sa Seba; sila ay magdadala ng ginto at kamanyang, at aawit ng mga papuri ni Yahweh. 7 Lahat ng mga kawan ng Kedar ay sama-samang titipunin para sa inyo, paglilingkuran kayo sa inyong mga pangangailangan ng mga lalaking tupa ng Nebaioth, sila ay magiging katanggap-tanggap na mga handog sa aking altar; at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay. 8 Sino ang mga ito na lumilipad katulad ng isang ulap, at katulad ng mga kalapati patungo sa kanilang mga silungan? 9 Ang mga baybaying-lugar ay maghahanap sa akin, at nangunguna ang mga barko sa Tarsis, para dalhin ang inyong mga anak na lalaki mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na dala nila, para sa pangalan ni Yahweh na inyong Diyos, at para sa Banal ng Israel, dahil kayo ay pinarangalan niya. 10 Ang mga anak ng mga dayuhan ay muling magtatayo ng inyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa inyo; kahit sa aking matinding galit kayo ay pinarusahan ko, gayon pa man sa aking pabor kinahahabagan ko kayo. 11 Ang inyong mga tarangkahan din ay mananatiling bukas palagi; ang mga ito ay hindi isasara araw o gabi, sa gayon ang kayaman ng mga bansa ay maaaring dalhin, kasama ang kanilang mga hari na pinangungunahan. 12 Sa katunayan, ang mga bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa inyo ay maglalaho; ang mga bansang iyon ay ganap na mawawasak. 13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa inyo, ang punong sipres, ang pir, at puno ng pino na magkakasama, para pagandahin ang aking santuwaryo; at luluwalhatiin ko ang lugar ng aking mga paa. 14 Sila ay lalapit sa inyo para yumuko, ang mga anak na lalaki na humamak sa inyo; sila ay yuyuko sa inyong mga paanan; kayo ay tatawagin nilang, Ang Lungsod ni Yahweh, Sion ang Banal ng Israel. 15 Sa halip na kayo ang nananatiling napabayaan at kinapopootan, na walang sinuman ang pumapansin sa inyo, gagawin ko kayong isang bagay na ipagmamalaki magpakailanman, isang kagalakan mula sa bawat salinlahi. 16 Iinumin din ninyo ang gatas ng mga bansa, at sususo sa dibdib ng mga hari; malalaman ninyo na Akong, si Yahweh, ako ang inyong Tagapagligtas at inyong Manunubos, ang Tanging Kalakasan ni Jacob. 17 Sa halip na tanso, ako ay magdadala ng ginto, sa halip na bakal ako ay magdadala ng pilak; sa halip na kahoy, tanso, at sa halip na mga bato, bakal. Maghihirang ako ng kapayapaan bilang inyong mga gobernador, at katarungan sa inyong mga namumuno. 18 Ang karahasan ay hindi na kailanman maririnig sa inyong lupain, o ang pagkawasak, ni paninira sa loob ng inyong mga nasasakupan; pero tatawagin ninyong Kaligtasan ang inyong mga pader, at Papuri ang inyong mga tarangkahan. 19 Ang araw ay hindi mo na kailanman magiging liwanag sa maghapon, ni ang liwanag ng buwan ay magliliwanag sa inyo; pero si Yahweh ang inyong magiging walang hanggang liwanag, at ang inyong Diyos ang inyong kaluwalhatian. 20 Ang inyong araw ay hindi na kailanman lulubog, ni ang inyong buwan ay lulubog at mawawala; dahil si Yahweh ang inyong magiging walang hanggang liwanag, at ang mga araw ng inyong pagluluksa ay matatapos na. 21 Lahat ng inyong mamamayan ay magiging matuwid; sila ang magmamay-ari ng lupain sa lahat ng panahon, ang sanga ng aking pagtatanim, ang gawa ng aking mga kamay, para ako ay maaaring luwalhatiin. 22 Ang isang kakaunti ay magiging isang libo, at ang isang maliit, isang malakas na bansa; akong si Yahweh, agad na tutuparin ang mga bagay na ito kapag dumating ang panahon.
61:1 Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. 2 Pinadala niya ako para ipahayag ang taon ng pabor ni Yahweh, ang araw ng paghihiganti ng aming Diyos, at para aliwin ang lahat ng nagluluksa— 3 para ilagay sa lugar ang mga tumatangis sa Sion—para bigyan sila ng isang turban sa halip na mga abo, langis ng kagalakan sa halip na pagtatangis, isang balabal ng papuri kapalit ng isang espiritu ng kalungkutan, para tawagin silang mga puno ng katuwiran, ang pagtatanim ni Yahweh, para siya ay maaaring luwalhatiin. 4 Muli nilang itatayo ang mga sinaunang lugar na gumuho; papanumbalikin nila ang mga dating pinabayaan. Panunumbalikin nila ang mga gumuhong lungsod, ang mga kasiraan mula sa maraming naunang salinlahi. 5 Ang mga dayuhan ay tatayo at magpapakain ng inyong mga kawan, at ang mga anak ng mga dayuhan ay magtatrabaho sa inyong mga bukid at mga ubasan. 6 Kayo ay tatawaging mga pari ni Yahweh; kayo ay tatawagin nilang mga lingkod ng aming Diyos. Kakainin ninyo ang kayamanan ng mga bansa, at ipagmamalaki ninyo ang kanilang mga yaman. 7 Sa halip ng inyong kahihiyan magkakaroon kayo ng kasaganaan; at sa halip ng kasiraang-puri sila ay magagalak sa kanilang bahagi. Kaya sila ay magkakaroon ng isang dobleng bahagi ng kanilang lupa; walang-hanggang kagalakan ay mapapasakanila. 8 Dahil Ako, si Yahweh, ay maibigin sa katarungan, at kinasusuklaman ko ang pagnanakaw at marahas na kawalan ng katarungan. Tapat akong gaganti sa kanila, at aking puputulin ang walang hanggang tipan sa kanila. 9 Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay makikilala sa kalagitnaan ng mga bansa, at ang kanilang mga anak sa kalagitnaan ng mga tao. Lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila, silang bayan na pinagpala ni Yahweh. 10 Ako ay lubos na magagalak kay Yahweh; sa aking Diyos ako ay labis na magsasaya. Dahil ako ay binihisan niya ng mga kasuotan ng kaligtasan; binihisan niya ako ng may balabal ng katuwiran, tulad ng isang lalaking ikakasal na ginagayakan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang turban, at tulad ng isang babaeng ikakasal na nagpapaganda sa kaniyang sarili ng kaniyang mga hiyas. 11 Kung paanong pinagsisibol ng lupa ang mga halaman nito, at tulad sa hardin na pinalalago ang itinanim na halaman dito, gayon din ang Panginoong Yahweh ay idudulot na ang katuwiran at papuri ay sumibol sa harapan ng lahat ng mga bansa.