Ang Kaluwalhatian at Tagumpay ng Iglesya sa Hinaharap (continued)
710 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Para sa kapakanan ng Sion ako ay hindi mananahimik, at para sa kapakanan ng Jerusalem ako ay hindi tatahimik, hanggang tuloy-tuloy nang magliwanag ang kaniyang katuwiran, at ang kaniyang kaligtasan tulad ng isang nag-aapoy na sulo. 2 Makikita ng mga bansa ang inyong katuwiran, at ang inyong kaluwalhatian ng lahat ng mga hari. Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan na si Yahweh ang pipili. 3 Kayo rin ay magiging isang korona ng kagandahan sa kamay ni Yahweh, at isang turban ng pagkahari sa kamay ng inyong Diyos. 4 Hindi ka na kailanman tatawaging, “Pinabayaan”; ni ang inyong lupain ay kailanman tatawaging, “Malungkot.” Sa katunayan, kayo ay tatawaging “Ang aking kaluguran ay nasa kaniya,” at ang iyong lupain “May asawa,” dahil si Yahweh ay nasisiyahan sa inyo, at ang inyong lupain ay ikakasal. 5 Tulad ng isang lalake na ikinakasal sa isang babae, sa gayon kayo ay pakakasalan ng inyong mga anak na lalaki. Tulad ng isang lalaking ikakasal na nagagalak sa babaeng kaniyang pakakasalan, ang inyong Diyos ay magagalak sa inyo. 6 Ako ay naglagay ng mga bantay sa inyong mga pader, Jerusalem; sila ay hindi nananahimik araw at gabi. Ikaw na patuloy na nagpapaalala kay Yahweh, huwag tumigil sandali. 7 Huwag mo siyang papayagang magpahinga hanggang maitatag niya muli ang Jerusalem at gawin itong isang papuri sa daigdig. 8 Si Yahweh ay nangako sa pamamagitan ng kaniyang kanang kamay at sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang bisig, “Siguradong hindi ko na kailanman ibibigay ang inyong butil bilang pagkain para sa inyong mga kaaway. Ang mga dayuhan ay hindi iinom ng inyong bagong alak, na inyong pinagtrabahuhan. 9 Dahil ang mga umaani ng butil ang kakain nito at magpupuri kay Yahweh, at ang mga pumipitas ng mga ubas ay iinom ng alak sa mga patyo ng aking banal na santuwaryo.” 10 Lumabas kayo, lumabas kayo sa mga tarangkahan! Ihanda ang daan para sa bayan! Itayo ito, itayo ang daanang-bayan! Alisin ang mga bato! Magtaas ng isang hudyat na bandera para sa mga bansa! 11 Pagmasdan ninyo, si Yahweh ay nagpapahayag sa dulo ng daigdig, “Sabihin sa anak na babae ng Sion: Pagmasdan mo, dumarating ang inyong Manunubos! Tingnan ninyo, dala niya ang kaniyang gantimpala,” at ang kaniyang pabuya ay mauuna sa kaniya. 12 Kayo ay tatawagin nilang, “Ang bayang banal; ang tinubos ni Yahweh,” at tatawagin kayong “Tanyag; isang lungsod na hindi pinabayaan.”
63:1 Sino itong dumarating mula sa Bozra, nasa Edom, na nakadamit na pula? Sino siyang naka maharlikang kasuotan, nagmamartsa nang may katiyakan dahil sa kanyang dakilang kalakasan? Ako ito na nagsasalita ng katuwiran at may makapangyarihang kakayanan magligtas. 2 Bakit pula ang suot mo na mukhang nagpipisa ka ng mga ubas sa pigaan nito? 3 Mag-isa kong tinapakan ang mga ubas sa pigaan, at walang sinuman mula sa mga bansa ang sumama sa akin. Tinapakan ko sila sa aking poot at dinurog ko sila sa aking matinding galit. Tumilamsik ang kanilang dugo at minantsahan ang lahat ng aking kasuotan. 4 Dahil inaasam-asam ko ang araw ng paghihiganti, at dumating na ang taon para sa aking pagtubos. 5 Naghanap ako pero walang sinuman ang makakatulong. Nagtaka ako na walang makakatulong, pero ang aking sariling bisig ang nagdala sa akin sa katagumpayan at pinalakas ako ng aking matinding galit. 6 Sa aking galit dinurog ko ang mga mamamayan at sa aking poot nilasing ko sila, at isinaboy ko ang kanilang dugo sa lupa.
7 Sasabihin ko ang mga gawa ng katapatan sa tipan ni Yahweh, ang mga kapuri-puring mga ginawa niya para sa atin at ang kanyang dakilang kabutihan sa bayan ng Israel. Ang kahabagang ito ay naipakita niya sa atin dahil sa kanyang awa at sa maraming mga gawa ng katapatan sa tipan. 8 Dahil sinabi niya, “Tiyak na sila ang aking bayan, mga anak na hindi taksil.” Siya ay kanilang naging Tagapagligtas. 9 Nagdusa rin siya sa lahat ng kanilang pagdurusa at ang anghel mula sa kanyang presensya ang nagligtas sa kanila. Sa kanyang pag-ibig at habag sila ay kanyang iniligtas, sila ay kanyang itinaas at iningatan sa buong sinaunang panahon. 10 Pero sila ay nagrebelde at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu. Kaya siya ay naging kaaway nila at nakipaglaban sa kanila. 11 Naalala ng kanyang bayan ang tungkol sa sinaunang panahon ni Moises. Sinabi nila, “Nasaan ang Diyos, na naglabas sa kanila sa dagat kasama ang mga pastol ng kanyang kawan? Nasaan ang Diyos na naglagay sa kanila ng kanyang Banal na Espiritu? 12 Nasaan ang Diyos, na naglagay ng kanyang dakilang kapangyarihan sa kanang kamay ni Moises, at hinawi ang tubig ng dagat sa kanilang harapan para gumawa ng walang hanggang pangalan para sa kanyang sarili? 13 Nasaan ang Diyos na pinangunahan sila sa pagtawid sa malalim na dagat? Tulad ng isang kabayo na tumatakbo sa patag na lupa, sila ay hindi nadapa. 14 Gaya ng baka na bumababa papunta sa lambak, ganun din sila binigyan ng kapahingahan ng Espiritu ni Yahweh. Kaya ginabayan mo ang iyong bayan para sa kapurihan ng iyong sariling pangalan.
15 Tumingin ka mula sa langit at magbigay pansin mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan. Nasaan ang iyong kasigasigan at makapangyarihang mga gawa? Ipinagkait sa amin ang iyong awa at habag. 16 Dahil ikaw ay aming ama, kahit hindi kami kilala ni Abraham at hindi kinikilala ng Israel, ikaw, Yahweh, ang aming ama. 'Aming Manunubos' ang naging pangalan mo mula pa noong sinaunang panahon. 17 Yahweh, bakit mo kami hinayaang maligaw mula sa iyong mga landas at tumigas ang aming mga puso kaya hindi ka na namin sinusunod? Bumalik ka para sa kapakanan ng iyong mga lingkod, ang mga lipi ng iyong pamana. 18 Ang bayan mo ang nagmay-ari ng iyong banal na lugar sa maiksing panahon, pero pagkatapos niyurakan ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay naging tulad ng mga hindi mo kailanman pinamahalaan at tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.”
64:1 O Yahweh, kung binuksan mo ang kalangitan at ikaw ay bumaba! Nayanig sana ang mga bundok sa iyong presensya, 2 tulad nang pagningas ng apoy sa kasukalan, o ng apoy na nagpapakulo ng tubig. O, na malalaman ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan, na manginginig ang mga bansa sa iyong presensya! 3 Noon, nang gumawa ka ng mga kamangha-manghang mga bagay na hindi namin inaasahan, bumaba ka, at ang mga bundok ay nayanig sa iyong presensya. 4 Mula noong sinaunang panahon wala pang sinuman ang nakarinig o nakakilala, ni nakakita ng anumang Diyos maliban sa iyo, na gumagawa ng mga bagay para sa sinumang umaasa sa kanya. 5 Dumarating ka para tulungan ang mga nagagalak na gumawa kung ano ang tama, sila na nakakaalala ng iyong mga paraan at sumusunod sa mga ito. Nagalit ka ng kami ay nagkasala. Sa iyong mga paraan lagi kaming maliligtas. 6 Dahil kaming lahat ay naging tulad ng isang taong marumi, at lahat ng aming matutuwid na gawa ay parang pasador. Kaming lahat ay nalanta na parang dahon; ang aming mga kasamaan, tulad ng hangin, ay naglayo sa amin. 7 Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo ang nagsikap na humawak sa iyo, dahil itinago mo sa amin ang iyong mukha at pinaubaya kami sa aming mga kasalanan. 8 Gayun pa man, Yahweh, ikaw ang aming ama, kami ang putik. Ikaw ang nagbigay hugis sa amin, at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. 9 Yahweh, huwag kang magalit nang labis sa amin, ni laging alalahanin ang aming mga kasalanan. Pakiusap masdan mo kaming lahat, ang iyong bayan. 10 Ang iyong mga banal na lungsod at ang Sion ay naging isang ilang, ang Jerusalam isang kalungkutan. 11 Ang aming banal at magandang templo, kung saan ang aming mga ninuno ay nagpuri sa iyo, ay nawasak ng apoy, at lahat ng mga mamahalin ay wasak na. 12 Paano ka pa nakakapagpigil, Yahweh? Paano mo nagagawang manatiling tahimik at nakapagpapatuloy na hiyain kami?”