Ang Kaluwalhatian at Tagumpay ng Iglesya sa Hinaharap (continued)

710 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 65–66

1 Nakahanda akong tanggapin ng sinumang hindi humihingi; handa na akong matagpuan ng sinumang hindi naghahanap. Sinabi ko, 'Narito ako! Narito ako! sa isang bansa na hindi tumatawag sa aking pangalan. 2 Buong maghapong nakaunat ang aking mga kamay sa isang bayang matigas ang ulo, na lumalakad sa masamang daan, na sumunod sa sarili nilang mga kaisipan at mga plano. 3 Sila ang mga taong patuloy na sinasaktan ang damdamin ko, nag-aalay ng mga handog sa mga hardin at nagsusunog ng insenso sa mga tisang bato. 4 Umuupo sila sa mga libingan at nananatiling nakabantay buong gabi, at kumakain ng baboy na may sabaw ng napakaruming karne sa kanilang mga pinggan. 5 Sinasabi nila, 'Lumayo kayo, huwag kayong lalapit sa akin dahil ako ay mas banal kaysa sa inyo.' Ang mga bagay na ito ay parang usok sa aking ilong, isang apoy na nagniningas buong maghapon. 6 Masdan ninyo, nakasulat sa aking harapan: hindi ako mananatiling tahimik, dahil gagantihan ko sila, paparusahan ko sila ng sukdulan 7 sa kanilang mga kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno,” sinabi ni Yahweh. “Gagantihan ko sila sa pagsusunog ng insenso sa mga kabundukan at sa pangungutya sa akin sa mga kaburulan. Kaya susukatin ko ang nakalipas nilang mga gawa sa kanilang kandungan.

8 Ito ang sinabi ni Yahweh, “Tulad nang katas na makukuha mula sa isang kumpol ng ubas, kapag sinabi ng sinuman, “Huwag itong sirain, dahil may mabuti rito, ganun din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod, hindi ko sila lahat wawasakin. 9 Dadalhin ko ang mga kaapu-apuhan mula kay Jacob, at mula kay Juda ang mga magmamay-ari ng aking mga kabundukan. Ang aking mga pinili ay magmamay-ari ng lupain at doon maninirahan ang aking mga lingkod. 10 Ang Sharon ay magiging isang pastulan para sa mga kawan at ang lambak ng Achor isang pahingahang lugar para sa mga kawan, para sa aking bayan na naghahanap sa akin. 11 Pero kayo na tumalikod kay Yahweh, na lumimot ng aking banal na bundok at naghanda ng isang mesa para sa diyos ng Suwerte, at nagpupuno ng hinalong alak sa mga baso para sa diyos na tinawag na Kapalaran- 12 itatakda ko kayo para sa espada, at lahat kayo ay yuyukod sa magkakatay, dahil nang tumawag ako, hindi kayo sumagot; nang nagsalita ako, hindi kayo nakinig, sa halip, ginawa ninyo kung ano ang masama sa aking harapan, at piniling gawin yung mga hindi nakalulugod sa akin.

13 Ito ang sinabi ng Panginoon na si Yahweh, “Masdan ninyo, ang aking mga lingkod ay magsisikain at magsisiinom, pero kayo ay magugutom at mauuhaw; sila ay magsasaya, pero kayo ay malalagay sa kahihiyan. 14 Masdan ninyo, ang aking mga lingkod ay sisigaw sa tuwa dahil sa kasayahan ng puso, pero kayo ay iiyak dahil sa sama ng loob, at mananaghoy dahil sa pagkadurog ng espiritu. 15 Iiwanan ninyo ang inyong pangalan para maging isang sumpa para sa aking mga pinili; ako, ang Panginoon na si Yahweh, ang papatay sa inyo; tatawagin ko ng ibang pangalan ang aking mga lingkod. 16 Sinumang nasa lupa ang magpahayag ng isang pagpapala ay pagpapalain ko, ang Diyos ng katotohanan. Sinumang nasa lupa ang mangako ay nangangako sa akin, ang Diyos ng katotohanan, dahil malilimutan na ang nakaraang kaguluhan, dahil ang mga ito ay matatago na sa aking paningin.

17 Kaya masdan ninyo, malapit na akong lumikha ng bagong langit at bagong lupa, at ang nakaraang mga bagay ay hindi na maaalala o maiisip. 18 Pero kayo ay magagalak at magsasaya nang walang hanggan sa aking lilikhain. Masdan ninyo, malapit ko nang likhain ang Jerusalem bilang isang kaligayahan, at ang kanyang mamamayan bilang isang kagalakan. 19 Ako ay magsasaya sa Jerusalam at magagalak sa aking bayan; ang pag-iyak at pananangis sa pagdurusa ay hindi na maririnig sa kaniya. 20 Hindi na muling mabubuhay doon ang isang sanggol ng ilang araw lamang; ni ang isang matandang lalaki ay mamamatay bago ang kaniyang takdang oras. Sinumang mamamatay ng isang daang taong gulang ay ituturing na isang kabataan. Ang isang makasalanan na namatay ng isang daang taong gulang ay ituturing na isinumpa. 21 Magtatayo sila ng mga bahay at titirahan ang mga ito, magtatanim sila sa mga ubasan at kakainin ang mga bunga nito. 22 Hindi na sila magtatayo ng isang bahay at titirahan ng iba, hindi na sila magtatanim at iba ang kakain, dahil magiging kasing haba ng buhay ng mga puno ang magiging buhay ng aking bayan. Ganap na mabubuhay ang aking mga pinili higit pa sa gawa ng kanilang mga kamay. 23 Hindi mawawalan ng kabuluhan ang kanilang pagtatrabaho, ni maghihirap ang kanilang mga anak. Dahil sila ay mga anak ng mga pinagpala ni Yahweh, kasama ang kanilang mga kaapu-apuhan. 24 Bago pa sila manalangin, tutugunin ko na; at habang nagsasalita pa lang sila, diringgin ko na. 25 Ang asong-gubat at ang tupa ay magkasamang manginginain, at ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka; pero alikabok ang magiging pagkain ng ahas. Hindi na sila makakapanakit ni makakapinsala sa lahat ng aking banal na bundok,” sinabi ni Yahweh.

66:1 Ito ang sinabi ni Yahweh, “Ang langit ay aking trono, at ang daigdig ay aking tuntungan. Nasaan na ang bahay na itatayo ninyo para sa akin? Nasaan ang lugar na maari kong pagpahingahan? 2 Ang kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito; ganoon nilikha ang lahat ng mga ito — ito ang pahayag ni Yahweh. Ang taong sinasang-ayunan ko ay ang mga nagpapakumbaba at nagsisipagsisi, at nanginginig sa aking salita. 3 Sinumang pumapatay ng baka ay pumapatay din ng isang tao; ang siyang nag-aalay ng isang tupa ay bumabali rin ng leeg ng isang aso; ang siyang naghahandog ng isang butil ay naghahandog din ng dugo ng baboy; ang siyang naghahandog ng isang pang-alaala na insenso ay nagpapala rin ng kasamaan. Pinili nila ang kanilang sariling mga paraan, at natutuwa sila sa kanilang kalapastanganan. 4 Sa ganun ding paraan ko pipiliin ang kanilang sariling kaparusahan; ipaparanas ko sa kanila kung ano ang kanilang kinatatakutan, dahil ng ako ay tumawag, walang tumugon kahit isa; nang ako ay nagsalita, walang sinumang nakinig. Ginawa nila kung ano ang masama sa aking paningin, at piniling gawin kung ano ang hindi nakalulugod sa akin.” 5 Pakinggan ang salita ni Yahweh, kayong mga nanginginig sa kanyang salita. “Ang mga kababayan ninyo na napopoot at nagpapalayas sa inyo ng dahil sa aking pangalan ay nagsabi, “Maluwalhati nawa si Yahweh, para makita namin ang inyong kagalakan,' pero sila ay malalagay sa kahihiyan. 6 Isang tunog ng kaguluhan sa labanan ay dumarating mula sa lungsod, isang tunog mula sa templo, ang tunog ng paghihiganti ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.

7 Bago humilab ang kanyang tiyan, siya ay manganganak; bago siya lukuban ng sakit, siya ay nagsilang ng isang lalaki. 8 Sino ang nakarinig at nakakita na ng ganung bagay? Maaari bang isilang ang isang lupain sa isang araw? Maaari bang maitatag ang isang bansa sa isang sandali? Gayunman sa sandaling humilab ang tiyan ng Sion, nagsilang siya sa kanyang mga anak. 9 Dadalhin ko ba ang isang sanggol sa may labasan ng panganganak at hindi pahihintulutan ang pagluwal nito? — tinatanong ni Yahweh. O dadalhin ko ba ang isang bata sa panahong dapat nang iluwal at pagkatapos pipigilan ang pagsilang nito? — tinatanong ng inyong Diyos. 10 Makisaya sa Jerusalam at magalak para sa kanya, lahat kayong nagmamahal sa kanya, kayo'y makisaya sa kanya, lahat kayong nagdalamhati para sa kanya! 11 Dahil kayo ay pasususuhin at masisiyahan; sa kanyang dibdib kayo ay magiginhawahan, dahil makakainom kayo ng lubos at masisiyahan kayo sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian.

12 Ito ay kung anong sinabi ni Yahweh, “Palalaganapin ko na ang kasaganaan sa kanya tulad ng isang ilog, at ang kayamanan ng mga bansa tulad ng umaapaw na batis. Ikaw ay pasususuhin sa kanyang tabi, bubuhatin sa kanyang mga bisig, at ihehele sa kanyang kandungan. 13 Gaya ng pag-aaliw ng isang ina sa kanyang anak, gayun din aaliwin ko kayo, at kayo ay aaliwin sa Jerusalem. 14 Makikita ninyo ito at masisiyahan ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay uusbong gaya ng murang damo. Mahahayag ang kamay ni Yahweh sa kaniyang mga lingkod, pero magagalit siya sa kaniyang mga kaaway.

15 Kaya masdan ninyo, darating si Yahweh na may apoy, at ang kaniyang mga karwahe ay darating tulad ng malakas na bagyo para dalhin ang sidhi ng kaniyang galit at ang kaniyang pagsaway na may lagablab ng apoy. 16 Dahil pinapatupad ni Yahweh ang paghahatol sa sangkatauhan sa pamamagitan ng apoy at kaniyang espada. Marami ang mapapatay ni Yahweh.

17 Itinatalaga at ginagawa nilang dalisay ang kanilang mga sarili kay Yahweh para makapasok sila sa mga hardin, kasunod ng mga kumakain ng laman ng baboy at kasuklam-suklam na mga bagay gaya ng mga daga. “Darating sila sa pagwawakas— ito ang pahayag ni Yahweh.

18 Dahil nalalaman ko ang kanilang mga ginagawa at iniisip. Darating ang panahon na titipunin ko lahat ng mga bansa at mga wika. Darating sila at makikita nila ang aking kaluwalhatian.

19 Maglalagay ako ng isang makapangyarihang tanda sa kanila. Pagkatapos ipapadala ko ang mga nakaligtas mula sa kanila sa mga bansa: Sa Tarsis, Put, at Lud, mga mamamana na gumagamit ng kanilang mga palaso, sa Tubal, Javan at sa mga malalayong baybayin kung saan sila ay hindi pa nakarinig ng tungkol sa akin ni nakakita ng aking kaluwalhatian. Ipapahayag nila ang aking kaluwalhatian sa mga bansa. 20 Bilang isang handog kay Yahweh, ibabalik nila ang lahat ng inyong mga kababayan sa lahat ng mga bansa. Sila ay darating na sakay ng mga kabayo, at mga nasa karwahe, sa bagon, sa mga asno, at mga kamelyo patungo sa aking banal na bundok sa Jerusalem— sinabi ni Yahweh. Dahil ang bayan ng Israel ay magdadala ng handog na butil na nasa malinis na sisidlan patungo sa tahanan ni Yahweh.

21 Ang iba sa mga ito ay pipiliin ko bilang mga pari at mga Levita— sinabi ni Yahweh. 22 Ito ang pahayag ni Yahweh— kung gaano katagal mananatili sa harapan ko ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin, ganoon din katagal mananatili ang inyong kaapu-apuhan, at ang inyong pangalan ay mananatili. 23 Sinabi ni Yahweh— Mula sa isang buwan hanggang sa mga susunod, at mula sa isang Araw ng Pamamahinga hanggang sa mga susunod, lahat ng mga tao ay darating para yumukod sa akin. 24 Lalabas sila at makikita nila ang mga bangkay ng mga taong nagrebelde laban sa akin, dahil ang mga uod na kakain sa kanila ay hindi mamamatay, at ang apoy na lalamon sa kanila ay hindi maaapula; at ito ay magiging nakakadiri sa buong sangkatauhan.”