Inihula ang mga Kalamidad Dahil sa Pagsamba ng Judea sa mga Diyus-diyosan

Isang hula tungkol sa mga kalamidad na darating sa Judea dahil sa pagsamba nito sa mga diyus-diyosan at pagpapaimbabaw.

710 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 56:9–59:15

9 Lahat kayong mga ligaw na hayop sa parang, magsiparito kayo at lumamon, lahat kayong mga hayop sa kagubatan! 10 Lahat ng kanilang mga bantay ay mga bulag; hindi sila nakakaunawa; silang lahat ay mga asong pipi; sila ay hindi makatahol; nananaginip, nakahiga at mahilig matulog. 11 Ang mga aso ay matatakaw; hindi kailanman sila mabubusog; sila ay mga pastol na walang mabuting pasya; silang lahat ay bumaling sa kanilang sariling pamamaraan, bawat isa ay mapag-imbot sa hindi makatarungang pakinabang. 12 Halikayo, “sabi nila, uminom tayo ng alak at matapang na alak; bukas ay magiging tulad ng araw na ito, isang dakilang araw na hindi kayang sukatin.”

57:1 Ang mga matutuwid ay pupuksain, pero hindi isinasaalang-alang ito ng sinuman, at ang mga tao ng katapatan sa tipan ay titipuning palayo, pero walang nakaka-unawa na ang mga matuwid ay ilalayo mula sa kasamaan. 2 Siya ay pumapasok sa kapayapaan; magpapahinga sila sa kanilang mga higaan, silang mga lumalakad sa kanilang katapatan.

3 Ngunit magsilapit kayo, kayong mga anak na lalaki ng babaeng mangkukulam, mga anak ng mapakiapid at ang masamang babae na ipinagbili ang kanyang sarili. 4 Para kanino ang masaya ninyong panunukso? Laban kanino ang pagbuka ng inyong bibig at ang inyong pandidila? Hindi ba kayo mga anak ng paghihimagsik, mga anak ng pandaraya? 5 Pinapainit ninyo ang inyong mga sarili na magkasamang nagsisiping sa ilalim ng mga puno ng ensena? sa ilalim ng bawat luntiang puno, kayong mga pumapatay ng inyong mga anak sa mga tuyong ilog, sa ilalim ng mga mabatong bangin. 6 Sa gitna ng mga makikinis na bagay sa ilog ng lambak ay ang mga bagay na itinalaga sa inyo. Sila ang pinagtutuunan ng inyong debosyon. Ibinubuhos ninyo ang inyong inuming handog sa kanila at nagtataas ng handog na butil. Dapat ba akong masiyahan sa mga bagay na ito? 7 Inihanda ninyo ang inyong higaan sa isang mataas ng bundok; umakyat din kayo doon para maghandog ng mga alay. 8 Sa likod ng pinto at mga haligi ay inilagay ninyo ang iyong mga simbolo; iniwanan ninyo ako at hinubaran ninyo ang inyong mga sarili, at kayo ay umakyat; pinalawak ninyo ang inyong higaan. Gumawa kayo ng tipan sa kanila; nagustuhan ninyo ang kanilang mga higaan; nakita ninyo ang kanilang mga maseselang bahagi. 9 Kayo ay pumunta sa hari na may langis; pinarami ninyo ang inyong mga pabango. Ipinadala ninyo sa malayo ang inyong mga kinatawan; kayo ay bumaba sa sheol. 10 Kayo ay napagod mula sa inyong mahabang paglalakbay, pero hindi ninyo kailanman sinabi “Ito ay walang pag-asa.” Natagpuan ninyo ang buhay sa inyong mga kamay; kaya hindi kayo nanghina. 11 Kanino ba kayo nag-aalala? Kanino ba kayo labis na natatakot na siyang nagdudulot para kumilos kayo nang may panlilinlang, kaya halos hindi ninyo maala-ala o maisip ang tungkol sa akin? Dahil nanahimik ako nang napakatagal, hindi na kayo natatakot sa akin. 12 Ipapahayag ko ang inyong mga matuwid na gawain at sabihin ang lahat ng inyong mga nagawa, pero hindi nila kayo tutulungan. 13 Kapag kayo ay umiiyak, hayaan ninyong sagipin kayo ng mga inipon ninyong mga diyus-diyosan. Sa halip ay tatangayin silang lahat ng hangin palayo, ang isang hininga ang tatangay sa kanila palayo. Ngunit ang nagkukubli sa akin ay magmamana ng lupain at magmamay-ari ng aking banal na bundok.

14 Sasabihin niya, “Magtayo kayo, magtayo kayo! Linisin ninyo ang daan! Alisin lahat ang mga hadlang sa landas ng aking bayan!”” 15 Dahil ito ang sinasabi ng Nag-iisang mataas at matayog, na nabubuhay magpakailanman, na ang pangalan ay banal.” Namumuhay ako sa dakila at banal na lugar, kasama rin niya ang durog at mapagpakumbabang espiritu, para muling buhayin ang espiritu ng mga mabababang loob at muling buhayin ang puso ng mga nagsisisi. 16 Dahil hindi ako magpaparatang magpakailanman; ni magagalit nang walang katapusan, dahil pagkatapos ang espiritu ng tao ay manlulupaypay sa harapan ko, ang mga buhay na aking ginawa. 17 Dahil sa kasalanan ng kanyang marahas na pakinabang, ako ay nagalit, at pinarusahan ko siya; itinago ko ang aking mukha at ako ay nagalit, pero siya ay nanumbalik sa pamamaraan ng kanyang puso. 18 Nakita ko ang kanilang mga pamamaraan, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at pagiginhawain at aaliwin ang mga nagdadalamhati para sa kaniya, 19 at nilikha ko ang bunga ng mga labi. Kapayapaan, kapayapaan, sa mga malalayo at sa mga malalapit—sinasabi ni Yahweh—pagagalingin ko sila. 20 Pero ang mga masasama ay gaya nang maalon na dagat, kung saan hindi nagpapahinga, at ang tubig nito ay umaalimbukay ng burak at putik. 21 Walang kapayapaan para sa isang masama—sinasabi ng Diyos.”

58:1 “Umiyak ka ng malakas, huwag mong pigilin, lakasan mo ang iyong tinig katulad ng isang trumpeta, harapin mo ang aking bayan sa kanilang pagrerebelde, at ang angkan ni Jacob kasama ng kanilang mga kasalanan. 2 Gayun pa man ako ay sinisiyasat nila araw-araw at nasisiyahan sa kaalaman ng aking mga paraan, katulad ng isang bansa na isinasabuhay ang katuwiran at hindi tinalikuran ang batas ng kanilang Diyos. Sila ay humingi sa akin ng makatuwirang mga paghatol; sila ay nasisiyahan na lumalapit sa Diyos. 3 Bakit tayo nag-ayuno; sinabi nila, “pero hindi ninyo nakikita ito? Bakit tayo nagpakumbaba, pero hindi ninyo napapansin?” Pagmasdan ninyo, sa araw ng inyong pag-aayuno ang sarili ninyong kasiyahan ang inyong hinahanap at pinapahirapan ang lahat ng inyong mga manggagawa. 4 Pagmasdan ninyo, kayo ay nag-aayuno para makipag-away at makipag-laban, at para sumuntok sa pamamagitan ng inyong kamaong makasalanan; hindi kayo nag-aayuno ngayon para marinig ang inyong tinig sa kaitaasan. 5 Ito ba talaga ang uri ng pag-aayuno na ninanais ko: Isang araw para sinuman ang magpakumbaba, para iyuko niya ang kaniyang ulo tulad ng isang tambo, at para ilatag ang magaspang na tela at mga abo sa ilalim niya? Ito ba talaga ang tinatawag mong isang pag-aayuno, isang araw na nakalulugod kay Yahweh? 6 Hindi ba ito ang pag-aayuno na pinili ko: na palayain ang mga masamang pagkakagapos, na kalagin ang mga lubid ng pamatok, na palayain ang mga dinurog, at baliin ang bawat pamatok? 7 Hindi ba ito para ipamahagi ang inyong tinapay sa nagugutom at dalhin ang dukha at walang tahanan sa inyong bahay?” Kapag nakakita kayo ng isang taong nakahubad, dapat ninyo siyang bihisan; at hindi ninyo dapat itago ang inyong sarili mula sa sarili ninyong mga kamag-anak. 8 Pagkatapos ang inyong liwanag ay magbubukas tulad ng pagsikat ng araw, at mabilis na manunumbalik ang inyong kagalingan; pangungunahan kayo ng inyong katuwiran, at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay maaari ninyong maging bantay sa inyong likuran. 9 Pagkatapos kayo ay tatawag, at si Yahweh ay sasagot; kayo ay tatangis para tulungan, at kaniyang sasabihin, “Naririto ako.” Kung aalisin ninyo mula sa inyong mga sarili ang pamatok, ang nagpaparatang na daliri, at ang pananalita ng kasamaan, 10 kung kayo mismo ay nagbibigay para sa nagugutom at tumutugon sa pangangailangan ng nagdurusa; sa gayon ang inyong liwanag ay sisikat sa kadiliman, at ang inyong kadiliman ay magiging katulad sa katanghalian. 11 Kung ganoon patuloy kayong pagungunahan ni Yahweh at bibigyan kayo ng kasiyahan sa mga rehiyon kung saan walang tubig, at palalakasin niya ang inyong mga buto. Kayo ay magiging katulad ng isang nadiligang hardin, at katulad ng isang bukal ng tubig, na hindi natutuyuan ng tubig kailanman. 12 Ang ilan sa inyo ay muling magtatayo ng mga sinaunang gusali na gumuho; itatayo ninyo ang mga gumuhong lungsod ng maraming mga salinlahi; tatawagin kayong “Ang tagakumpuni ng pader,” “Ang tagapanumbalik ng mga lansangan para matirahan.” 13 Ipagpalagay ninyo na tumalikod kayo mula sa paglalakbay sa Araw ng Pamamahinga, at mula sa ginagawa ninyong sariling kasiyahan sa aking banal na araw. Ipagpalagay ninyo na ang Pamamahinga ay tinatawag ninyong isang kasiyahan, at tinatawag ninyo na banal at pinarangalan ang mga bagay ni Yahweh. Ipagpalagay ninyo na pinararangalan ninyo ang Araw ng Pamamahinga sa pamamagitan ng pag-iwan ng inyong sariling negosyo, at sa pamamagitan ng hindi paghahanap ng sarili ninyong kasiyahan at sa pamamagitan ng hindi pagsasalita ng sarili ninyong mga salita. 14 Kung ganoon makatatagpo kayo ng kasiyahan kay Yahweh; at pasasakayin ko kayo sa mga matataas na lugar ng daigdig; pakakainin ko kayo mula sa minana ni Jacob na inyong ama— dahil ang bibig ni Yahweh ang nagsalita.”

59:1 Pagmasdan ninyo, Ang kamay ni Yahweh ay hindi napakaigsi para hindi ito makapagligtas; ni ang kaniyang pandinig ay napakahina, para hindi ito makarinig. 2 Ang inyong makasalanang mga kilos, gayunman, ay naghiwalay sa inyo mula sa inyong Diyos, at dahil sa inyong mga kasalanan ay nagawa niyang maitago ang kaniyang mukha mula sa inyo at mula sa pakikinig sa inyo. 3 Dahil ang inyong mga kamay ay narumihan ng dugo at ang inyong mga daliri ng kasalanan. Ang inyong mga labi ay nagsasalita ng mga kasinungalingan at ang inyong dila ay nagsasalita ng may malisya. 4 Walang isa man ang tumatawag sa katuwiran, at walang nagsusumamo ng kaniyang kalagayan nang totoo. Sila ay nagtitiwala sa walang kabuluhang mga salita, at nagsasabi ng mga kasinungalingan; sila ay nagbabalak ng kaguluhan at nagbubunga ng kasalan. 5 Sila ay nagpipisa ng mga itlog ng isang makamandag na ahas at naghahabi ng sapot ng gagamba. Sinuman ang kumakain ng kanilang mga itlog ay namamatay, at kung ang isang itlog ay mapisa, ito ay napipisa para maging isang makamandag na ahas. 6 Ang kanilang mga sapot ay hindi maaaring magamit para sa mga kasuotan, ni maaaring takpan nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang mga gawain. Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasalanan, at ang mga gawain ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay. 7 Ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila ay tumatakbo para magbuhos ng dugo ng walang kasalanan. Ang kanilang mga kaisipan ay mga kaisipan ng kasalanan; karahasan at kasiraan ay kanilang mga daan. 8 Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman, at walang katarungan sa kanilang mga landas. Sila ay gumawa ng mga likong mga landas; ang sinumang naglalakbay sa mga landas na ito ay hindi nalalaman ang kapayapaan. 9 Kaya ang katarungan ay malayo mula sa amin, ni ang katuwiran ay nakararating sa amin. Kami ay naghihintay sa liwanag, pero kadiliman ang nakikita, naghahanap kami ng kaningningan, pero naglalakad kami sa kadiliman. 10 Kinakapa namin ang pader katulad ng bulag, katulad ng mga hindi nakakikita. Kami ay natitisod sa katanghalian na parang sa takip-silim; sa kalagitnaan ng malakas kami ay katulad ng mga patay. 11 Kami ay umuungal katulad ng mga oso at dumadaing katulad ng mga kalapati; kami ay naghihintay ng katarungan, pero wala; para masagip, pero ito ay malayo mula sa amin. 12 Dahil ang aming maraming paglabag sa iyong kautusan ay nasa harapan mo, at ang aming mga kasalanan ay magpapatotoo laban sa amin; dahil ang aming mga pagkakasala ay nasa amin, at nalalaman namin ang aming mga kasalanan. 13 Kami ay nagrebelde, itinatanggi si Yahweh at tumatalikod mula sa pagsunod sa aming Diyos. Kami ay nagsalita ng paniniil at sa paglihis, nag-isip ng reklamo mula sa puso at mga salita ng kasinungalingan. 14 Ang katarungan ay ipinagkait, at ang katuwiran ay nananatiling malayo; dahil ang katotohanan ay nakatitisod sa liwasang-bayan, at ang matuwid ay hindi makararating. 15 Ang mapagkakatiwalaan ay naglaho ng tuluyan, at siya na tumalikod mula sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kaniyang sarili. Nakita ito ni Yahweh at nagalit siya na wala ng katarungan.