Inihula ang Pagpapakababa at Pagkadakila ni Cristo
Inihula ang pagpapakababa, mga pagdurusa, at pagkadakila ni Cristo.
710 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
13 Masdan, ang aking lingkod ay makikipagkasundo ng may karunungan at katagumpayan: siya ay itataas at dadakilain; siya ay magiging kapuri-puri. 14 Gaya nang maraming nasisindak sa iyo—ang kanyang anyo ay pinapangit, kaya ang kanyang hitsura ay malayo sa anumang anyo ng tao— 15 kaya gugulatin niya ang maraming bansa; ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya. Na kung saan sila hindi nasabihan, makikita nila, na kung saan sila hindi narinig, ay mauunawaan nila.
53:1 Sino ang maniniwala sa aming narinig? At ang bisig ni Yahweh, kanino ito ipinahayag? 2 Dahil lumaki siya sa harapan ni Yahweh gaya ng isang supling, at gaya ng isang usbong sa tigang na lupa; wala siyang taglay na kapansin-pansin na hitsura o kaningningan; noong makita namin siya, walang kagandahan para kami ay maakit. 3 Siya ay hinamak at itinakwil ng mga tao; isang taong maraming kalungkutan, at siyang pamilyar sa sakit. Kagaya ng isang pinagtataguan ng mga tao ng kanilang mga mukha, siya ay hinamak; Itinuring namin siyang hindi mahalaga. 4 Pero tiyak na pinasan niya ang ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan; gayon man ay inakala natin na pinarusahan siya ng Diyos, pinalo siya ng Diyos, at pinahirapan. 5 Pero sinaksak siya dahil sa ating mga ginawang paghihimagsik; nadurog siya dahil sa ating mga kasalanan. Ang kaparusahan para sa ating kapayapaan ay nasa kanya, at pinagaling niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 6 Tayong lahat ay gaya ng mga tupang ligaw; ang bawat isa ay nagkanya-kanyang daan, at ipinataw sa kanya ni Yahweh ang kasamaan nating lahat. 7 Siya ay pinahirapan; gayun man nang nagpakumbaba siya, hindi niya ibinuka ang kanyang bibig, gaya ng isang kordero na dinadala sa katayan, at gaya ng tupa na bago ito gupitan ay tahimik, kaya hindi niya ibinuka ang kanyang bibig. 8 Sa pamamagitan ng pamimilit at paghuhusga siya ay hinatulan; sino mula sa henerasyon iyon ang nakaalala pa sa kanya? Pero siya ay nahiwalay mula sa lupain ng mga buhay; dahil sa mga kasalanan ng aking bayan ay ipinataw sa kanya ang parusa.
9 Sinadya nilang gumawa ng libingan para sa kanya kasama ang mga pumapatay, kasama ang isang mayaman sa kanyang kamatayan, kahit na hindi siya nakagawa ng anumang karahasan, ni nagkaroon ng anumang pandaraya sa kanyang bibig. 10 Ito ay kalooban ni Yahweh para durugin siya at gawin siyang masama; at kung ginagawa niyang handog ang kanyang buhay para sa kasalanan, makikita niya ang kanyang mga anak, pahahabain niya ang kanyang mga araw, at ang kalooban ni Yahweh ay matutupad sa pamamagitan niya. 11 Pagkatapos niyang magdusa, makikita niya at masisiyahan sa pamamagitan ng kaalaman kung ano ang kanyang nagawa. Ang aking matuwid na lingkod ay ipawawalang-sala ang marami; dadalhin niya ang kanilang kasamaan. 12 Kaya ibibigay ko sa kanya ang kanyang kabahagi sa gitna ng maraming tao, at hahatiin niya ang mga nasamsam sa karamihan, dahil inilantad niya ang kanyang sarili sa kamatayan at ibinilang siyang kasama ng mga makasalanan. Dinala niya ang kasalanan ng marami at namagitan siya para sa mga makasalanan.
Inihula ang Paglago at Tagumpay ng Iglesya
1 “Umawit ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak; ikaw ay biglang umawit nang may galak at umiyak nang malakas, kayong mga hindi pa kailanman nakaranas manganak. Dahil ang mga anak ng naulila ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaeng may asawa,” ang sinasabi ni Yahweh. 2 Gawin ninyong mas malaki ang inyong tolda at ilatag ang inyong mga kurtina ng tolda nang mas malawak; nang walang panghihinayang, pahabain ang inyong mga lubid at patibayin ang inyong mga tulos. 3 Dahil lalaganap kayo sa kanang kamay at sa kaliwa, at lulupigin ng inyong mga kaapu-apuhan ang mga bansa at muling maninirahan sa pinabayaang mga lungsod. 4 Huwag kayong matakot dahil hindi kayo mapapahiya, ni panghinaan ng loob dahil hindi kayo dudulutan ng kahihiyan; makakalimutan ninyo ang kahihiyan ng inyong kabataan at ang kahihiyan ng inyong pagpapabaya. 5 Dahil ang inyong Manlilikha ay ang inyong asawa; Yahweh ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At Ang Banal ng Israel ay ang inyong Manunubos; Tinatawag siyang Diyos ng buong daigdig. 6 Dahil tinatawag kayo muli ni Yahweh bilang asawa napabayaan at nagdadalamhati sa espiritu, gaya ng isang babaeng maagang nag-asawa at itinakwil, Ang sabi ng iyong Diyos. 7 Sa maikling sandali ay pinabayaan ko kayo, pero sa matinding kahabagan ay titipunin ko kayo. 8 Sa pagbaha ng aking galit ay pansamantala kong itinago ang aking mukha sa inyo; pero sa pamamagitan ng walang hanggang katapatan sa tipan ay maaawa ako sa inyo—sinasabi ni Yahweh, ang siyang nagliligtas sa inyo. 9 Katulad ito ng mga tubig sa panahon ni Noe sa akin: kagaya ng pagsumpa ko sa mga tubig noong panahon ni Noe na hindi na muli babahain ang ibabaw ng mundo, kaya isinumpa kong hindi na ako magagalit sa inyo o sawayin kayo. 10 Kahit na ang mga bundok ay maaring bumagsak at yayanigin ang mga burol, gayon man ang aking katapatan sa tipan ay hindi hihiwalay mula sa inyo, ni ang aking tipan ng kapayapaan ay mayayanig—sinasabi ni Yahweh, siyang naaawa sa inyo. 11 Kayo na sinugatan, kayo na tinangay ng bagyo at walang kaaliwan, masdan ninyo, ilalatag ko ang inyong daanan sa turkesa at lalatagan ko ng mga safiro ang inyong mga pundasyon. 12 Gagawin kong mga rubi ang inyong mga tore at ang inyong mga tarangkahan ng mga nagniningning na bato, at magagandang bato sa labas ng inyong pader. 13 At tuturuan ni Yahweh ang lahat ng inyong mga anak; at ang kapayapaan ng inyong mga anak ay magiging dakila. 14 Sa katuwiran ay itatatag ko kayo muli. Hindi na kayo makakaranas ng pag-uusig, dahil hindi kayo matatakot, walang anumang nakakatakot ang makakalapit sa inyo. 15 Masdan, kung sinuman ang mag-uumpisa ng kaguluhan, hindi ito magmumula sa akin; ang sinumang mag-uumpisa ng kaguluhan sa inyo ay babagsak sa pagkatalo. 16 Masdan, nilikha ko ang panday na siyang umiihip sa mga nagbabagang uling at nagpapanday ng mga sandata bilang kanyang hanapbuhay, nilikha ko ang manlilipol para lumipol. 17 Walang sandata na ginawa laban sa inyo ang magtatagumpay; at isusumpa ninyo ang lahat nang nagpaparatang sa inyo. Ito ang pamana ng mga lingkod ni Yahweh, at kanilang pagbibigay-matuwid mula sa akin—ito ang pahayag ni Yahweh.
Ang Masaganang mga Pagpapala ng Ebanghelyo
Ang kapuspusan at kahusayan ng mga pagpapala ng ebanghelyo.
1 Lumapit kayo, ang bawat isang nauuhaw, magsiparito kayo sa tubig! At kayo na walang salapi, bumili kayo at kumain! Halikayo, bumili kayo ng alak at gatas na walang pera at walang bayad. 2 Bakit ninyo tinitimbang ang pilak na hindi naman tinapay? At gumagawa ng hindi naman nakasisiya? Makinig mabuti sa akin at kainin kung ano ang mabuti, at malugod kayo sa taba. 3 Ikiling ang inyong mga tainga at lumapit sa akin! Makinig, upang kayo ay mabuhay! Tiyak na gagawa ako ng walang hanggang tipan sa inyo, ang mga gawa ng katapatan sa tipan na ibinigay kay David. 4 Masdan, itinalaga ko siyang saksi sa mga bansa, bilang pinuno at tagapag-utos ng mga bansa. 5 Masdan, tatawag kayo sa bansa na hindi ninyo nakikilala; at ang isang bansa na hindi ninyo kilala ay pupunta sa inyo dahil si Yahweh ang inyong Diyos, Ang Banal ng Israel, na siyang dumakila sa inyo.” 6 Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala. 12 Dahil lalabas kayo ng may kagalakan at magpapatuloy ng may kapayapaan; ang mga bundok at mga burol ay mag-uumpisang sumigaw nang may kagalakan sa inyong harapan at lahat ng mga puno sa mga bukirin ay ipapalakpak ang kanilang mga kamay. Sa halip na mga matitinik na halaman, tutubo ang mga luntiang halaman; 13 Sa halip na dawag, tutubo ang puno ng mirtel, at magiging para kay Yahweh, para sa kaniyang pangalan, bilang isang walang hanggang tanda na hindi mapuputol.
56:1 Ito ang sinasabi ni Yahweh. “Sundin kung ano ang tama, gawin kung ano ang makatarungan; dahil malapit na ang aking pagliligtas, at ang aking katuwiran ay ibubunyag na. 2 Mapalad ang taong gumagawa nito, at sa sinumang mahigpit na humahawak dito. Sumusunod siya sa Araw ng Pamamahinga, hindi niya ito dinudungisan, at iniingatan ang kanyang kamay mula sa paggawa ng anumang kasamaan.” 3 Huwag ninyong hayaan ang sinumang dayuhan na naging tagasunod ni Yahweh ang magsabi na, “Tiyak na ihihiwalay ako ni Yahweh mula sa kanyang bayan. “Huwag sasabihin ng isang eunuko na, “Tingnan mo, ako ay isang tuyot na puno.”
4 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, “Sa mga eunuko na sumusunod sa aking mga Araw ng Pamamahinga at pumipili kung ano ang nakalulugod sa akin at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan— 5 Itatatag ko sa kanila sa loob aking tahanan at sa loob ng aking mga pader ang isang bantayog na mas mabuti kaysa pagkakaroon ng mga anak na lalaki at mga babae; bibigyan ko sila ng walang hanggang bantayog na hindi mapuputol. 6 Gayon din ang mga dayuhan na umanib kay Yahweh, para maglingkod sa kanya, at nagmamahal sa pangalan ni Yahweh, para sambahin siya, lahat na tumutupad sa Araw ng Pamamahinga at mga nag-iingat na dungisan ito, at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan, 7 dadalhin ko ang mga ito sa aking banal na bundok at gagawin ko silang maligaya sa aking bahay-dalanginan; ang kanilang mga handog na susunugin at kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking altar. Dahil ang aking tahanan ay tatawagin na bahay dalanginan para sa lahat ng mga bansa, 8 ito ang pahayag ng Panginoon na si Yahweh, na siyang nagtitipon sa mga taong pinabayaan sa Israel— titipunin ko pa rin ang iba para idagdag sa kanila.”