Inihula ang Pagtanggi kay Cristo

Isang hula tungkol sa pagtanggi kay Cristo at sa pangwakas na pagdakila sa kanyang iglesya.

710 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 50:1–52:12

1 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Nasaan ang katibayan ng paghihiwalay na ginamit ko para hiwalayan ang inyong ina? At kanino sa mga tagapagbili ko kayo pinagbili? Tingnan ninyo, pinagbili kayo dahil sa inyong mga kasalanan, at dahil sa inyong paghihimagsik, pinatapon ang inyong ina. 2 Bakit nagpunta ako pero walang naroroon? Bakit tumawag ako pero walang sumagot? Masyado bang maiksi ang kamay ko para tubusin kayo? Wala ba akong kapangyarihan para iligtas kayo? Tingnan ninyo, sa aking pagsasaway natutuyo ko ang dagat; ginagawa kong disyerto ang mga ilog; namamatay ang mga isda nito dahil sa kakulangan ng tubig at nabubulok. 3 Dinadamitan ko ang himpapawid ng kadiliman; tinatakpan ko ito ng sako.”

4 Binigyan ako ng Panginoong si Yahweh ng dila na katulad ng mga marunong, kaya nagsasabi ako ng nakakatulong na salita sa napapagod; ginigising niya ako bawat umaga; ginigising niya ang tainga ko para makarinig tulad ng mga marunong. 5 Binuksan ng Panginoong si Yahweh ang aking tainga, at hindi ako mapaghimagsik, maging ang tumalikod. 6 Binigay ko ang aking likod sa mga bumubugbog sa akin, at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng aking balbas; hindi ko tinago ang aking mukha mula sa pamamahiya at panunura. 7 Dahil tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh; kaya hindi ako napahiya; kaya ginawa kong matigas na bato ang mukha ko, dahil alam kong hindi ako malalagay sa kahihiyan. 8 Siya na magpapawalang-sala sa akin ay malapit lang. Sino ang sasalungat sa akin? Tumayo tayo at harapin ang bawat isa. Sino ang nag-aakusa sa akin? Hayaan ninyo siyang lumapit sa akin. 9 Tingnan ninyo, tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh. Sino ang magpapahayag na makasalanan ako? Tingnan ninyo, masisira sila tulad ng damit; kakainin sila ng gamu-gamo. 10 Sino sa inyo ang natatakot kay Yahweh? Sino ang sumusunod sa boses ng kaniyang lingkod? Sino ang naglalakad sa malalim na kadiliman nang walang liwanag? Dapat siyang magtiwala sa pangalan ni Yahweh at sumandal sa kaniyang Diyos. 11 Tingnan ninyo, lahat kayong nagsisindi ng apoy, kayong nagdadala ng mga sulo: maglakad kayo sa liwanag ng inyong apoy at sa alab na sinindihan ninyo. Ito ang natanggap ninyo mula sa akin: hihimlay kayo sa lugar ng kirot.

51:1 Makinig kayo sa akin, kayong mga naghahabol ng katuwiran, kayong naghahanap kay Yahweh: tingnan ninyo ang bato kung saan kayo tinapyas at sa tibagan ng bato kung saan kayo tinibag. 2 Tingnan ninyo si Abraham, ang inyong ama, at si Sara, na nagpanganak sa inyo; dahil nang siya ay mag-isa, tinawag ko siya. Pinagpala ko siya at pinarami. 3 Oo, aaliwin ni Yahweh ang Sion; aaliwin niya ang kaniyang mga napabayaang lugar; ang kaniyang ilang ay ginawa niyang parang Eden, at ang kaniyang mga disyerto sa tabi ng lambak ng Ilog Jordan na parang hardin ni Yahweh; kagalakan at kaligayahan ay matatagpuan sa kaniya, pasasalamat, at ang tunog ng pag-awit. 4 Pansinin ninyo ako, aking bayan; at makinig kayo sa akin, aking bayan! Dahil maglalabas ako ng kautusan, at gagawin kong ilaw ang aking katarungan para sa mga bansa. 5 Ang aking katuwiran ay malapit na; lalabas ang aking kaligtasan, at hahatulan ng aking bisig ang mga bansa; hihintayin ako ng mga baybayin; sabik nilang hihintayin ang aking bisig. 6 Itaas ninyo ang inyong mga mata sa himpapawid, at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba, dahil maglalaho ang kalangitan tulad ng usok, masisira ang mundo tulad ng damit, at mamamatay ang mga naninirahan dito na parang mga langaw. Pero ang aking kaligtasan ay magpapatuloy magpakailanman, at ang aking katuwiran ay hindi titigil na kumilos. 7 Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng tama, kayong mga taong may batas ko sa inyong puso: Huwag ninyong katakutan ang mga insulto ng mga tao, maging ang mapanghinaan ng loob dahil sa kanilang abuso. 8 Dahil kakainin sila ng gamu-gamo tulad ng damit, at kakainin sila ng bulate tulad ng lana; pero ang aking katuwiran ay magpakailanman, at ang aking kaligtasan sa lahat ng salinlahi.” 9 Gumising ka, gumising ka, damitan mo ng kalakasan ang iyong sarili, bisig ni Yahweh. Gumising ka tulad nung nakaraan, ang mga salinlahi ng mga sinaunang panahon. Hindi ba ikaw ang dumurog sa halimaw ng dagat, ikaw na sumaksak sa dragon? 10 Hindi ba ikaw ang nagpatuyo ng dagat, ang tubig ng kailaliman, at ginawang daanan ang kailaliman ng dagat para makadaan ang mga iniligtas? 11 Babalik ang mga tinubos ni Yahweh at pupunta sa Sion nang may mga sigaw ng kagalakan at may kaligayahan magpakailanman sa kanilang mga ulo; at kaligayahan at kagalakan ang mananaig sa kanila, at lalayo ang kalungkutan at pagluluksa. 12 “Ako, Ako, ang siyang umaaliw sa inyo. Bakit kayo natatakot sa mga tao, na mamamatay, ang mga anak ng tao, na ginawa tulad ng damo? 13 Bakit ninyo nakalimutan si Yahweh na inyong Manlilikha, na umunat ng kalangitan at naglatag ng mga pundasyon ng mundo? Kayo ay nasa patuloy na pangamba araw-araw dahil sa nag-aalab na galit ng mang-aapi kapag nagpasya siyang magwasak. Nasaan ang galit ng mang-aapi? 14 Ang isang nakayuko, magmamadali si Yahweh na pakawalan; hindi siya mamamatay at pupunta sa hukay, maging ang mawalan ng tinapay. 15 Dahil ako si Yahweh na inyong Diyos, na ginagambala ang dagat, para dumagundong ang mga alon—Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan. 16 Nilagay ko ang aking mga salita sa inyong bibig, at tinakpan ko kayo ng anino ng aking kamay, para matanim ko ang kalangitan, mailatag ang mga pundasyon ng mundo, at sabihin sa Sion, 'Kayo ang aking bayan.'”

17 Gumising ka, gumising ka, bumangon ka, Jerusalem, ikaw na ininom ang mangkok ng galit ni Yahweh mula sa kaniyang kamay; ikaw na ininom ang mangkok, ang mangkok ng pagsuray, at inubos mo ito. 18 Wala sa lahat ng mga anak niya ang gagabay sa kaniya; wala sa lahat ng mga anak niyang pinalaki ang kukuha sa kaniyang kamay. 19 Nangyari sa iyo ang dalawang kaguluhan na ito—sino ang makikidalamhati sa iyo? —pangungulila at pagkawasak, at ang taggutom at ang espada. Sino ang aaliw sa iyo? 20 Nahimatay ang mga anak mo; nakahiga sila sa bawat sulok ng lansangan, tulad ng antilope sa lambat; puno sila ng galit ni Yahweh, ang pagsaway ng iyong Diyos. 21 Pero ngayon pakinggan mo ito, ikaw na inapi at lasing, pero hindi lasing sa alak: 22 Ang iyong Panginoong si Yahweh, na iyong Diyos, na nakikiusap para sa kapakanan ng kaniyang bayan, ay sinasabi ito, “Tingnan mo, kinuha ko ang kopa ng pagsuray mula sa iyong kamay—ang kopa ng tasa ng aking galit—para hindi mo na ito iinumin muli. 23 Ilalagay ko ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo, silang sinabi sa iyo, 'Mahiga ka, para malakaran ka namin'; ginawa mong tulad ng lupa ang likod mo at tulad ng lansangan para malakaran nila.”

52:1 Gumising ka, gumising ka, Sion; isuot mo ang iyong kalakasan, Isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, Jerusalem, banal na lungsod; dahil hindi na muling makakapasok sa iyo ang mga hindi tuli o ang mga marurumi. 2 Pagpagin mo ang mga alikabok mula sa iyong sarili; bumangon ka at umupo, Jerusalem; tanggalin mo ang kadena mula sa iyong leeg, bihag, na anak na babae ng Sion.

3 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, “Kayo ay ipinagbili ng walang bayad, at kayo ay tutubusin ng walang salapi.”

4 Dahil ito ang sinasabi ng Panginoon na si Yahweh, “Sa panimula ang bayan ko ay bumaba sa Ehipto para mamuhay doon pansamantala; kamakalailan lamang ay inapi sila ng Asiria. 5 Ngayon, ano ang mayroon ako dito—ito ang pahayag ni Yahweh— nakikita ko ang aking bayan na inilalayo ng walang dahilan? Humahagulgol ang mga namumuno sa kanila—ito ang pahayag ni Yahweh—ang aking pangalan ay patuloy na sinisiraan buong araw. 6 Kaya makikilala ng aking bayan ang pangalan ko; malalaman nila sa araw na iyon na ako nga ang siyang nagsabi nito. Oo, ako nga ito!” 7 Kay ganda sa mga kabundukan ang mga paa ng mensahero na nagdadala ng mabuting balita, na siyang nagpapahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mga mabuting balita, na nagpapahayag ng kaligtasan, na sinasabi sa Sion, “Ang Diyos ninyo ay naghahari!” 8 Makinig kayo, ang inyong mga bantay ay nilalakasan ang kanilang mga tinig, sabay sabay silang sumisigaw sa kagalakan, dahil makikita nila, sa kanilang bawat mata ang pagbabalik ni Yahweh sa Sion. 9 Magsimula kayong umawit ng sabay-sabay ng may kagalakan; kayong mga guho ng Jerusalem, dahil inaliw ni Yahweh ang kanyang bayan: tinubos niya ang Jerusalem. 10 Inilantad ni Yahweh ang kanyang makapangyarihang kamay sa paningin ng lahat ng mga bansa; makikita ng buong daigdig ang pagliligtas ng ating Diyos. 11 Umalis kayo, umalis kayo, lumabas kayo roon; huwag kayong humipo ng kahit anong maruruming bagay; umalis kayo sa kaniyang kalagitnaan; dalisayin ninyo ang inyong mga sarili, kayong mga nagdadala ng mga sisidlan ni Yahweh. 12 Dahil hindi kayo magmamadaling lumabas, ni aalis kayo nang may pagkatakot; dahil si Yahweh ang mangunguna sa inyo; at ang Diyos ng Israel ang magiging bantay sa inyong likuran.