Bahagi 7: Ang Kasalanan ni Solomon (continued)

980 hanggang 975 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ang Mangangaral 10–12

1 Katulad ng mga patay na langaw na nagpapabaho ng pabango, ganoon din ang munting kamangmangan ay kayang mahigitan ang karunungan at karangalan. 2 Ang puso ng matalinong tao ay papunta sa kanan, ngunit ang puso ng mangmang ay papunta sa kaliwa. 3 Kapag naglalakad ang mangmang sa lansangan, kulang ang kaniyang pag-iisip, pinatutunayan sa lahat na siya ay mangmang. 4 Kapag ang mga damdamin ng pinuno ay sumiklab laban sa iyo, huwag mong iwan ang gawain mo. Kayang patahimikin ng kahinahunan ang labis na galit. 5 May nakita akong kasamaan sa ilalim ng araw, isang uri ng pagkakamali na nanggagaling sa isang pinuno: 6 Ang mga mangmang ay binibigyan ng posisyon sa pagkapinuno, habang ang mga taong matagumpay ay binibigyan ng mababang posisyon. 7 Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ang mga taong matagumpay ay naglalakad na parang mga alipin sa lupa. 8 Sinuman ang nagbubungkal ng hukay ay maaaring mahulog dito, at kapag mayroong sumisira sa pader, maaari siyang kagatin ng ahas. 9 Sinuman ang nagtatapyas ng bato ay masasaktan nito, at ang taong nagpuputol ng kahoy ay nanganganib dito. 10 Kung ang talim ng bakal ay mapurol, at hindi ito hinahasa ng isang tao, kailangan niyang gumamit nang mas maraming lakas, ngunit nagbibigay ng kalamangan ang karunungan para sa katagumpayan. 11 Kung ang ahas ay nanuklaw bago pa ito mapaamo, walang kalamangan para sa nang-aamo. 12 Magiliw ang mga salita ng bibig ng matalinong tao, ngunit nilululon ang mangmang ng kaniyang sariling mga labi. 13 Sa pag-agos ng mga salita mula sa bibig ng mangmang, ang kamangmangan ay lumalabas, at sa huli umaagos sa bibig niya ang masamang kahibangan. 14 Pinaparami ng mangmang ang mga salita, ngunit walang nakakaalam kung ano ang paparating. Sino ang nakaaalam kung ano ang parating pagkatapos niya? 15 Pinapagod ng mga mabibigat na gawain ang mga mangmang, kaya hindi man lang nila alam ang daan papuntang bayan. 16 Mayroong gulo sa inyong lupain kapag bata pa ang inyong hari, at ang mga pinuno ninyo ay magdiriwang sa umaga! 17 Ngunit masaya ang lupain kapag ang hari ay anak ng mga maharlika, at kumakain ang mga pinuno ninyo kapag oras na ng kainan at ginagawa nila iyon para lumakas, hindi para sa paglalasing! 18 Dahil sa katamaran nalalaglag ang bubong, at dahil sa mga tamad na kamay may tagas ang bahay. 19 Naghahanda ang mga tao ng pagkain para sa pagtawa, nagbibigay ng kasiyahan sa buhay ang alak, at pinupuno ng pera ang pangangailangan sa lahat ng bagay. 20 Huwag mong sumpain ang hari, kahit sa iyong isipan, at huwag mong sumpain ang mayayaman sa iyong silid-tulugan. Sapagkat maaaring dalhin ng ibon sa himpapawid ang mga salita mo; maaaring ikalat ng anumang may pakpak ang bagay na iyon.

11:1 Magtapon ka ng tinapay sa katubigan, at makikita mo ulit ito pagkatapos ng ilang araw. 2 Ibahagi ito sa pito, maging sa walong tao, dahil hindi mo alam kung anong mga sakuna ang darating sa mundo. 3 Kung puno ng ulan ang mga ulap, ipinapatak ito sa lupa, at kung natumba ang puno sa dakong timog o hilaga, saan man ito natumba, doon ito mananatili. 4 Sinuman ang pinanonood ang hangin ay maaaring hindi makapagtanim, at sinuman ang pinanonood ang ulap ay maaaring hindi makapag-ani. 5 Kung paanong hindi mo alam kung saan manggagaling ang hangin, maging kung paano lumalaki ang mga buto ng sanggol sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din hindi mo rin mauunawaan ang gawa ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat. 6 Sa umaga, itanim mo ang binhi; hanggang sa gabi, magtrabaho ka gamit ang iyong mga kamay ayon sa pangangailangan, dahil hindi mo alam kung alin ang sasagana, umaga man o gabi, o ito o iyan, o pareho man silang magiging mabuti.

7 Tunay nga na matamis ang liwanag, at kaaya-ayang makita ng mga mata ang araw. 8 Kung may taong mabubuhay ng maraming mga taon, hayaan mo siyang sumaya sa lahat ng iyon, ngunit hayaan mo siyang isipin ang paparating na mga araw ng kadiliman, dahil marami sila. Lahat ng darating ay naglalahong usok. 9 Magalak ka, batang lalaki, sa iyong kabataan, at hayaang magalak ang iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan. Ipagpatuloy ang mga mabubuting hangarin ng iyong puso at anumang nakikita ng iyong mga mata. Gayunpaman, isipin mo na hahatulan ka ng Diyos para sa lahat ng mga bagay na ito. 10 Palayasin mo ang galit mula sa iyong puso, at huwag mong pansinin ang anumang sakit ng iyong katawan, dahil ang kabataan at ang lakas nito ay usok.

12:1 Alalahanin mo rin ang iyong Manlilikha sa araw ng iyong kabataan, bago dumating ang araw ng paghihirap, at bago dumating ang mga taon na sasabihin mong, “Hindi ako nasisiyahan sa kanila,” 2 bago dumilim ang liwanag ng araw at buwan at mga bituin, at bumalik ang mga maiitim na ulap pagkatapos ng ulan. 3 Iyon ang panahon na manginginig ang mga tagapagbantay ng palasyo, at yuyuko ang mga malalakas na tao, at ang mga babaeng nagdidikdik ay titigil dahil kaunti sila, at ang mga tumatanaw sa mga bintana ay hindi na makakakita nang malinaw. 4 Iyon ang panahon na isasara ang mga pinto sa lansangan, at titigil ang tunog ng pagdidikdik, kapag nasisindak ang mga lalaki sa tinig ng ibon, at kapag lumilipas na ang mga kanta ng mga babae. 5 Iyon ang panahon na matatakot ang mga lalaki sa mga matataas na lugar at sa mga kapahamakan sa lansangan, kapag sumagana ang puno ng pili, at kapag hinahatak ng mga tipaklong ang mga sarili nila, at kapag naglaho ang mga likas na pagnanasa. Pagkatapos, pupunta ang tao sa kaniyang walang hanggang tahanan at ang mga nagdadalamhati ay tutungo sa mga lansangan. 6 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha bago maputol ang pilak na tali, o madurog ang gintong mangkok, o mabasag sa batis ang lalagyan ng tubig, o masira ang gulong ng tubig sa balon, 7 bago bumalik ang alabok sa lupa kung saan ito nanggaling, at bumalik sa Diyos ang espiritu na siyang nagbigay nito. 8 “Usok,” ang sabi ng Mangangaral, “ang lahat ay naglalahong usok.”

9 Ang Mangangaral ay matalino, at tinuruan niya ang mga tao nang kaalaman. Inaral, inisip at iniayos niya ang maraming kawikaan. 10 Hinangad ng Mangangaral na magsulat ng mga malinaw at tuwid na mga salita nang katotohanan.

11 Ang mga salita ng mga matatalinong tao ay parang mga panusok. Gaya ng mga pako na ibinaon nang malalim ang mga salita ng mga dalubhasa sa maraming mga kawikaan na itinuro ng isang pastol. 12 Aking anak, maging maingat ka sa mas higit na mga bagay: ang paggawa ng maraming libro, na walang katapusan. Ang matinding pag-aaral ay nagbibigay pagod sa katawan.

13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan. 14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.